Batas Republika Blg. 9155

*Salin ng Official Gazette sa layuning maghatid ng impormasyon. Hindi ito ang opisyal na salin ng naturang batas.

[Read in English]

Batas Republika ng Pilipinas
Kongreso ng Pilipinas
Ikatlong Sesyong Regular

Batas Republika Blg. 9155

ISANG BATAS NA NAGPAPALOOB NG ISANG BALANGKAS NG PAMAMAHALA PARA SA BATAYANG EDUKASYON, NAGTATATAG NG AWTORIDAD AT PANANAGUTAN, NAGPAPALIT NG PANGALAN NG KAGAWARAN NG EDUKASYON, KULTURA, AT PALAKASAN BILANG KAGAWARAN NG EDUKASYON, AT PARA SA IBA PANG LAYUNIN

Ginagawang batas ng Senado at Mababang Kapulungan ng Pilipinas na natitípon sa Kongreso:

SEKSIYON 1. Maikling Pamagat. – Makikilala ang Batas na ito bílang “Batas Pamamahala sa Batayang Edukasyon ng 2001.”

SEK. 2. Pagpapahayag ng Polisiya. – Ipinahahayag dito ang polisiya ng Estado upang pangalagaan at itaguyod ang karapatan ng lahat ng mamamayan para sa pagkakaroon ng batayang edukasyon na may kalidad at upang gawing bukás para sa lahat ang naturang edukasyon sa pamamagitan ng pagkakaloob sa lahat ng batang Filipino ng isang edukasyong libre at kinakailangan sa antas elementarya at libreng edukasyon sa antas sekundarya. Kasama sa naturang edukasyon ang mga sistema ng pagkatutong alternatibo para sa mga kabataang wala-sa-paaralan at matatandang mag-aaral. Magiging layunin ng batayang edukasyon na pagkalooban sila ng mga kasanayan, kaalaman, at halagahan na kinakailangan nila upang sila’y maging mga mamamayang mapangalaga, nakapagsasarili, produktibo, at makabayan.

Ang paaralan ang magiging puso ng pormal na sistema ng edukasyon. Dito natututo ang mga bata. Magkakaroon ng isang layunin ang mga paaralan na magkaloob ng pinakamabuting maaaring batayang edukasyon para sa lahat ng mag-aaral.

Magsisimula ang pamamahala sa batayang edukasyon sa antas pambansa. Sa mga rehiyon, dibisyon, paaralan, at sentro ng pagkatuto—na tatawagin dito bílang mga tanggapan sa larang—kung saan isasalin ang mga polisiya at prinsipyo para sa pamamahala ng batayang edukasyon bilang mga programa, proyekto, at serbisyong binubuo, hinahalaw, at iniaalok upang tumugma sa mga pangangailangang lokal.

Hihikayatin ng Estado ang mga inisyatibang lokal para sa pagpapabuti ng kalidad ng batayang edukasyon. Titiyakin ng Estado na ang mga halagahan, pangangailangan, at aspirasyon ng isang pamayanang pampaaralan ay sinasalamin sa programa ng edukasyon para sa mga bata, mga kabataang wala-sa-paaralan, at matatandang mag-aaral. Palalakasin ang mga paaralan at mga sentro ng pagkatuto upang gumawa ng mga desisyon sa kung ano ang pinakamabuti para sa mga mag-aaral na pinaglilingkuran nila.

SEK. 3. Mga Layunin at Obhetibo. – Mga layunin at obhetibo ng Batas na ito ang:

(a) Magkaloob ng balangkas para sa pamamahala ng batayang edukasyon na magtatakda ng mga pangkalahatang direksiyon para sa mga polisiya at pamantayang pang-edukasyon, at magtatag ng awtoridad, pananagutan, at responsabilidad para sa pagkakamit ng mas mataas na tunguhin sa pagkatuto;

(b) Magpakahulugan sa mga gawain at pananagutan ng, at magkaloob ng mga kagamitan sa, mga tanggapan sa larangan na magpapatupad ng mga pang-edukasyong programa, proyekto, at serbisyo sa mga pamayanang pinaglilingkuran nila;

(c) Gawing pinakamahalagang lunsaran ang mga paaralan at mga sentro ng pagkatuto para sa pagtuturo at pagkatuto ng mga halagahang pambansa at para sa paghubog sa mga mag-aaral na Filipino ng pagmamahal sa bayan at dangal sa mayaman nitong pamana;

(d) Tiyaking natatanggap ng mga paaralan at sentro ng pagkatuto ang nakatuong atensiyon na karapat-dapat sa kanila, at na naisasaalang-alang ng mga pang-edukasyong programa, proyekto, at serbisyo ang interes ng lahat ng kasapi ng pamayanan;

(e) Matulungan ang mga paaralan at sentro ng pagkatuto na salaminin ang mga halagahan ng pamayanan sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga guro/tagapagpadaloy ng pagkatuto at iba pang katuwang na mas maging malaya sa mga pamamaraan upang paglingkuran ang mga pangangailangan ng lahat ng mag-aaral;

(f) Hikayatin ang mga inisyatibang lokal para sa pagpapabuti sa mga paaralan at mga sentro ng pagkatuto, at pagkalooban sila ng mga pamamaaraan upang makamit at mapanatili ang mga pagpapabuting ito; at

(g) Magtatag ng mga paaralan at mga sentro ng pagkatuto bilang mga pasilidad kung saan makapag-aaral ang mga bata sa paaralan ng saklaw ng mga ubod na kasanayang hinihingi para sa mga programang pang-edukasyon sa elementarya at hayskul, o kung saan pinagkakalooban ang mga kabataang wala-sa-paaralan at matatandang mag-aaral ng mga programa para sa pagkatutong alternatibo at nang makatanggap ng akreditasyon para man lamang sa katumbas ng isang edukasyon sa hayskul.

Sek. 4. Kahulugan ng mga Termino. – Para sa mga layunin ng Batas na ito, ang mga ginagamit na termino o parirala ay mangangahulugan o uunawain sang-ayon sa mga sumusunod:

(a) Sistema ng Pagkatutong Alternatibo – isang kapantay na sistema ng pagkatuto na magkakaloob ng maaaring alternatibo sa kasalukuyang pagtuturo ng pormal na edukasyon. Binubuo ito ng parehong di-pormal at impormal na bukal ng kaalaman at kasanayan;

(b) Batayang Edukasyon – ang edukasyong layuning tugunan ang mga batayang pangangailangan sa pagkatuto na naglalatag ng mga pundasyon na siyang pagbabatayan ng mga kasunod na pagkatuto. Binubuo ito ng maagang yugto ng pagkabata, edukasyon sa elementarya at hayskul, gayundin ng mga sistema para sa mga kabataang wala-sa-paaralan at matatandang mag-aaral, at nagsasangkot ng edukasyon para sa mga may espesyal na pangangailangan;

(c) Klaster ng mga Paaralan – isang pangkat ng mga paaralan na pinaglapit-lapit ng heograpiya at pinagsama-sama upang mapabuti ang mga tunguhin ng pagkatuto;

(d) Edukasyong Pormal – ang sistematiko at sinadyang proseso ng pagkatutong may pagkakasunod-sunod at antas ang balangkas na sang-ayon sa pangkalahatang konsepto ng antas ng pag-aaral sa elementarya at sekundarya. Sa dulo ng bawat antas, kinakailangan ng mag-aaral ng isang katibayan upang makapasok o makasulong sa kasunod na antas;

(e) Edukasyong Impormal – isang habambuhay na proseso ng pagkatuto kung saan ay nakakukuha at nakapag-iimpok ang isang tao ng kaalaman, kasanayan, mga pag-uugali at kabatiran mula sa mga pang-araw-araw na karanasan sa tahanan, sa trabaho, sa paglilibang, at mula sa mismong búhay;

(f) Mga Paaralang Integrated – isang paaralang nag-aalok ng isang kompletong batayang edukasyon sa isang lunang pampaaralan at mayroong nagkakaisang mga programang panturo;

(g) Mag-aaral – sinumang indibidwal na naghahangad ng batayang kasanayang panliterasi at magagamit na kasanayan sa buhay o mga serbisyong pantulong para sa pagpapabuti ng kalidad ng kaniyang buhay;

(h) Sentro ng Pagkatuto – isang pisikal na espasyong tahanan ng mga gamit at pasilidad sa pagkatuto ng isang programa sa pagkatuto para sa mga kabataang wala-sa-paaralan at matatanda. Lunan ito para sa harapang gawain sa pagkatuto at iba pang pagkakataon para matuto para sa pagbubuo ng pamayanan at pagpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga mamamayan;

(i) Tagapagpadaloy ng Pagkatuto – ang táong pantulong na susi sa pagkatuto na may pananagutan sa pagbabantay/pagpapadaloy sa proseso ng pagkatuto at mga gawain ng mag-aaral;

(j) Edukasyong Di-Pormal – anumang gawaing pang-edukasyon na organisado at sistematiko na isinasagawa sa labas ng balangkas ng isang sistemang pormal upang magkaloob ng mga pilîng uri ng pagkatuto sa isang bahagi ng populasyon;

(k) Edukasyong May-Kalidad – ang pagiging angkop, may kaugnayan, at kahusayan ng edukasyong ibinibigay upang tumugma sa mga pangangailangan at mga hinahangad ng isang indibidwal at ng lipunan;

(l) Paaralan – isang institusyong pang-edukasyon, pribado at pampubliko, na nagsasagawa ng operasyong pang-edukasyon sa isang tiyak na pangkat-edad ng mga mag-aaral o estudyanteng nagsusulong ng tiyak na pag-aaral sa tiyak na antas, nakatatanggap ng pagtuturo mula sa mga guro, karaniwang nakalunan sa isang gusalo o isang pangkat ng mga gusali sa isang partikular na lunang pisikal o cyber; at

(m) Pinuno ng Paaralan – isang taong may pananagutan para sa administratibo at instruksiyonal na pangangasiwa ng paaralan o klaster ng mga paaralan.

KABANATA 1

Pamamahala ng Batayang Edukasyon

Sek. 5. Mga Prinsipyo ng Pamamahalang Pinagsasaluhan. – (a) Ang pamamahalang pinagsasaluhan ay isang prinsipyo na kumikilalang ang bawat yunit sa burukrasyang pang-edukasyon ay may partikular na papel, gawain, at pananagutang nakapaloob sa tanggapan kung kaya ito pangunahing may pananagutan sa mga kahihinatnan;

(b) Susundin ang proseso ng pagsangguning demokratiko sa proseso ng pagpapasya sa mga angkop na antas. Itatatag ang mga mekanismo ng feedback upang tiyakin ang koordinasyon at bukás na komunikasyon ng tanggapang sentral sa mga antas na panrehiyon, pandibisyon, at pampaaralan;

(c) Isasagawa ang mga prinsipyo ng pananagot at pagiging bukás sa paggawa ng mga tungkulin at pananagutan sa lahat ng antas; at

(d) Palalakasin ang mga daluyan ng komunikasyon ng mga tanggapan sa larangan upang pangasiwaan ang pagpapadaloy ng impormasyon at mapalawak ang mga kawing sa ibang mga ahensiya ng pamahalaan, mga yunit ng pamahalaang lolal, at mga samahang di-pampamahalaan upang maging mabisa ang pamamahala.

Sek. 6. Pamamahala. Mula rito ay tatawaging Kagawaran ng Edukasyon ang Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, at Palakasan. Pagkakalooban ito ng kapangyarihan, pananagutan, at responsabilidad upang tiyakin ang akses, pagtataguyod ng pagkakapantay sa, at pagpapabut ng kalidad ng batayang edukasyon. Ang mga sining, kultura, at palakasan ay sang-ayon sa itatalaga sa mga Seksiyon 8 at 9 mula rito.

Sek. 7. Mga Kapangyarihan, Tungkulin, at Gawain. – Ang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon ang magkakaroon ng pangkahalahatang kapangyarihan at pamamahala sa mga operasyon ng Kagawaran.

A. Pambansang Antas

Bilang karagdagan sa kaniyang mga kapangyarihan sa ilalim ng mga kasalukuyang batas, ang Kalihim ng Edukasyon ay magkakaroon ng kapangyarihan, pananagutan, at responsabilidad para sa mga sumusunod:

(1) Pagbubuo ng mga pambansang polisiyang pang-edukasyon;

(2) Pagbubuo ng isang pambansang planong pambatayang edukasyon;

(3) Pagpapatibay ng mga mga pambansang pamantayang pang-edukasyon;

(4) Pagbabantay at pagtatasa sa mga pambansang bunga ng pagkatuto;

(5) Pagsasagawa ng mga pambansang pananaliksik at pag-aaral na pang-edukasyon;

(6) Pagpapabuti ng estadong pang-empleo, kakayahang propesyonal, kapakanan at kondisyon sa paggawa ng lahat ng kawanin ng Kagawaran; at

(7) Pagpapabuti sa kabuuang pag-unlad ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga lokal at pambansang programa at/o proyekto.

Tutulungan ang Kalihim ng Edukasyon ng hindi hihigit sa apat na undersecretary at hindi hihigit sa apat (4) na mga kawaksing kalihim na ang mga gawain, tungkulin, at pananagutan ay sang-ayon sa batas. Magkakaroon ng isa man lamang undersecretary at isang kawaksing kalihim na magiging mga career executive service officer na pinili mula sa mga kawani ng Kagawaran.

B. Antas Panrehiyon

Maaaring magkaroon ng kahit ilang tanggapang rehiyonal nang naaayon sa batas. Bawat tanggapang rehiyonal ay magkakaroon ng isang direktor, isang katulong na direktor, at isang kawanihang pantanggapan para sa pagpapalaganap at pagtataguyod ng mga programa, pagpaplano, at mga serbisyong administratibo at piskal.

Sang-ayon sa mga pambansang polisiyang pang-edukasyon, mga plano at mga pamantayan, magkakaroon ang panrehiyong direktor ng kapangyarihan, pananagutan, at responsabilidad sa mga sumusunod:

(1) Pagpapakahulugan sa isang panrehiyong balangkas ng polisiyang pang-edukasyon na sumasalamin sa mga halagahan, pangangailangan, at inaasahan ng mga pamayanang pinaglilingkuran nila;

(2) Pagbubuo ng isang panrehiyong plano para sa batayang edukasyon;

(3) Pagbubuo ng panrehiyong pamantayang pang-edukasyon na patungo sa pagtatakda ng mga kahingian para makasabay sa pamantayang pandaigdig;

(4) Pagmomonitor, ebalwasyon, at pagtatasa sa mga panrehiyong kinalabasan ng pagkatuto;

(5) Pagsasagawa ng mga proyektong pampananaliksik at pagbubuo at pangangasiwa ng mga proyektong para sa buong rehiyon na maaaring pondohan sa pamamagitan ng mga opisyal na tulong pangkaunlaran at/o iba pang ahensiyang nagpopondo;

(6) Pagtiyak sa mahigpit na pagsunod sa itinalagang pambansang kahingian para sa pagkuha, pagpili, at pagsasanay sa lahat ng kawani sa rehiyon at mga dibisyon;

(7) Pagsasaayos ng badyet, sa pakikipagtulungan sa mga panrehiyong lupong pangkaunlaran, upang tulungan ang mga panrehiyong planong pang-edukasyon na magsasaalang-alang sa mga planong pang-edukasyon ng mga dibisyon at mga distrito;

(8) Pagtiyak sa mga bumubuo sa organisasyon ng mga dibisyon at mga distrito at pagtanggap sa mga mungkahing padrong pangkawanihan ng lahat ng mga kawani sa mga dibisyon at mga distrito;

(9) Pagtanggap sa trabaho, paglalagay sa puwesto, at ebalwasyon ng lahat ng mga kawani sa panrehiyong tanggapan, maliban sa posisyon ng katulong na direktor;

(10) Ebalwasyon ng lahat ng mga superintendente at katulong na superintendente ng mga pampaaralang dibisyon sa rehiyon;

(11) Pagpaplano at pangangasiwa sa epektibo at mabisang paggamit sa mga kawani, sa mga yamang pisikal at pampiskalya ng panrehiyong tanggapan, kasama na ang pagpapaunlad sa kawanihang propesyonal;

(12) Pangangasiwa sa database at management information system ng rehiyon;

(13) Pagtanggap sa pagtatatag ng mga pampubliko at pribadong paaralang pang-elementarya at panghayskul at mga sentro ng pagkatuto; at

(14) Paggawa ng iba pang tungkulin na maaaring iatas ng angkop na awtoridad.

C. Antas Pandibisyon

Bubuuin ang isang dibisyon ng isang lalawigan o isang lungsod na magkakaroon ng isang superintendente ng pampaaralang dibisyon, hindi bababa sa isang katulong na superintendente ng pampaaralang dibisyon, at isang kawanihang pantanggapan para pagpapalaganap ng mga programa, pagpaplano, at mga serbisyong administratibo, piskal, legal, pansuhay at iba pang pansuporta.

Sang-ayon sa mga pambansang polisiyang pang-edukasyon, mga plano at mga pamantayan, magkakaroon ang superintendente ng pampaaralang dibisyon ng kapangyarihan, pananagutan, at responsabilidad sa mga sumusunod:

(1) Pagbubuo at pagpapatupad ng isang pandibisyong plano para sa pagpapaunlad ng edukasyon;

(2) Pagpaplano at pangangasiwa sa epektibo at mabisang paggamit sa mga kawani, sa mga yamang pisikal at pampiskalya ng dibisyon, kasama na ang pagpapaunlad sa kawanihang propesyonal;

(3) Pagtanggap sa trabaho, paglalagay sa puwesto, at ebalwasyon ng lahat ng mga superbisor ng dibisyon at superbisor ng mga pampaaralang distrito, gayundin ng lahat ng mga kawani sa dibisyon, kapwa sa mga nagtuturo at di-nagtuturong kawani, kasama na ang mga pinuno ng paaralan, maliban sa katulong na superintendente ng dibisyon;

(4) Pagbabantay sa paggamit ng mga pondong ipinagkaloob ng pambansang pamahalaan at mga yunit ng lokal na pamahalaan sa mga paaralan at sentro ng pagkatuto.

(5) Pagtiyak sa pagsunod sa kalidad ng mga pamantayan para sa mga programa ng batayang edukasyon at para sa layuning ito, pagpapalakas sa gampanin ng mga superbisor ng mga dibisyon bilang mga espesyalista sa mga saklaw na aralin;

(6) Pagpapalaganap ng kamalayan sa at pagsunod ng lahat ng mga paaralan at mga sentro ng pagkatuto sang-ayon sa mga pamantayan ng akreditasyong itinalaga ng Kalihim ng Edukasyon;

(7) Superbisyon ng mga operasyon ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralang pang-elementarya, pansekundarya, at integrated, at mga sentro ng pagkatuto; at

(8) Paggawa ng iba pang tungkulin na maaaring iatas ng angkop na awtoridad.

D. Antas Pampaaralang Distrito

Sa rekomendasyon ng mga superintendente ng mga pampaaralang dibisyon, maaaring magtatag ang panrehiyong direktor ng mga dagdag na pampaaralang distrito sa loob ng isang pampaaralang dibisyon. Ang mga pampaaralang distrito na nariyan na sa sandali ng pagpapasá ng batas na ito ay pananatiliin. Ang pampaaralang distrito ay magkakaroon ng isang superbisor ng pampaaralang distrito at isang kawanihang pantanggapan para sa pagpapalaganap ng programa.

Ang superbisor ng pampaaralang distrito ay may pananagutan sa:

(1) Pagkakaloob ng mga payong propesyonal at pampagtuturo at pagsuporta sa mga pinuno ng paaralan at mga guro/tagapagpadaloy ng mga paaralan at mga sentro ng pagkatuto sa distrito o klaster nito;

(2) Pagbabantay sa mga kurikulum; at

(3) Paggawa ng iba pang tungkulin na maaaring iatas ng angkop na awtoridad.

E. Antas Pampaaralan

Magkakaroon ng pinuno ng paaralan para sa lahat ng pampublikong paaaralan sa elementarya at hayskul o sa isang klaster nito. Ang pagtatatag ng mga paaralang integrated mula sa mga nariyan nang pampublikong paaralan sa elementarya at hayskul ay hihikayatin.

Ang pinuno ng paaralan, na maaaring tulungan ng isang katulong na pinuno ng paaralan, ay kapwa magiging pinuno sa pagtuturo at tagapangasiwang administratibo. Magbubuo ang pinuno ng paaralan ng isang pangkat kasama ang mga guro sa paaralan/tagapagpadaloy ng pagkatuto para sa paghahatid ng mga may-kalidad na programang pang-edukasyon, mga proyekto, at mga serbisyo. Isang pangkat ng kawanihang di-nagtuturo ang hahawak ng mga serbisyong administratibo, piskal, at iba ng paaralan.

Sang-ayon sa mga pambansang polisiyang pang-edukasyon, mga plano at mga pamantayan, magkakaroon ang pinuno ng paaralan ng kapangyarihan, pananagutan, at responsabilidad sa mga sumusunod:

(1) Pagtatakda ng misyon, bisyon, mga tunguhin, at mga layunin ng paaralan;

(2) Paglikha ng kaligiran sa loob ng paaralan na para sa pagtuturo at pagkatuto;

(3) Pagpapatupad ng kurikulum ng paaralan at pananagot para sa mga kalalabasan ng mas mataas na pagkatuto;

(4) Pagbubuo ng pampaaralang programa sa edukasyon at pampaaralang plano sa lalong pagpapahusay;

(5) Pag-aalok ng mga programang pang-edukasyon, mga proyekto at mga serbisyong nagkakaloob ng pantay na pagkakataon para sa lahat ng mga ibig matuto sa pamayanan;

(6) Pagpapakila ng mga bago at inobatibong moda ng pagtuturo upang magkamit ng mas mataas na kalalabasan ng pagkatuto;

(7) Pangangasiwa at pagsasaayos sa lahat ng kawani, at mga yamang pisikal at piskal ng paaralan;

(8) Pagmumumungkahi ng kawanihang tumutugon sa pangangailangan ng paaralan;

(9) Paghikayat sa pag-unlad ng kawanihan;

(10) Pagtatatag ng mga network na pampaaralan at pangkomunidad at paghikayat ng aktibong pakikilahok ng mga samahang pangguro, mga kawaning di-akademiko ng mga pampublikong paaralan, at mga samahan ng magulang-guro-pamayanan;

(11) Pagtanggap ng mga donasyon, mga regalo, mga kaloob, at mga grant para sa layunin ng pagtataas sa kakayahan ng mga guro/tagapagpadaloy ng pagkatuto, pagpapabuti at pagpapalawak ng mga pasilidad ng paaralan, at pagkakaloob ng mga gamit at kasangkapan sa pagtuturo. Ang mga naturang donasyon o grant ay kinakailangang maiulat sa angkop na superbisor ng distrito at superintendente ng dibisyon; at

(12) Paggawa ng iba pang tungkulin na maaaring iatas ng angkop na awtoridad.

Ang Kalihim ng Edukasyon ay magbubuo ng lupon sa promosyon, sa mga angkop na antas, na siyang magbubuo at magpapatupad ng isang sistema ng promosyon para sa mga superbisor ng pampaaralang dibisyon, mga superbisor ng mga pampaaralang distrito, at mga pinuno ng paaralan. Ang promosyon ng mga pinuno ng paaralan ay sang-ayon sa kuwalipikasyong pang-edukasyon, merito, at naisagawa, kaysa sa dami ng mga guro/tagapagpadaloy ng pagkatuto at mga nag-aaral sa paaralan.

Ang mga kuwalipikasyon, grado ng suweldo, estado ng empleo at kapakanan at mga benepisyo ng mga pinuno ng paaralan ay iisa para sa mga pampublikong paaralan sa elementarya, sekundarya, at integrated.

Walang isasagawang pagtatalaga sa mga posisyon ng panrehiyong direktor, katulong ng mga panrehiyong direktor, mga superintendente ng mga pampaaralang dibisyon, at mga katulong ng mga superintendente ng pampaaralang dibisyon maliban kung ang itinatalaga ay isang career executive service officer na mas mainam na umangat ang tungkulin.

KABANATA 2

Paglilipat ng mga Ahensiyang Kultural

Sek. 8. Mga Ahensiyang Kultural. — Ang Komisyon ng Wikang Pilipino, Natinal Historical Institute, Record Management and Archives Office, at Pambansang Aklatan ay administratibong nakakabit na ngayon sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at hindi na sa Kagawaran ng Edukasyon. Mananatiling bahagi ng kurikulum ng paaralan ang programa ng paaralan para sa mga sining at kultura.

KABANATA 3

Paglalansag ng Kawanihan ng Edukasyong Pisikal at Palakasang Pampaaralan

Sek. 9. Paglalansag ng BPESS. Lahat ng mga gawain, programa, at aktibidad ng Kagawaran ng Edukasyon na may kinalaman sa paligsahang pampalakasan ay isasalin sa Komisyon sa Palakasan ng Pilipinas (PSC). Ang programa para sa mga palakasang pampaaralan at pisikal na kakayahan ay mananatiling bahagi ng kurikulum sa batayang edukasyon.

Nilalansag na nito ang Kawanihan ng Edukasyong Pisikal at Palakasang Pampaaralan (BPESS). Ang kawanihan ng BPESS, na kasalukuyang nasa PSC, ay inililipat na sa PSC nang walang naaapektuhang ranggo, maging sa posisyong pamplantilya na inookupa nila. Ang lahat ng iba pang kawanihan ng BPESS ay pananatiliin ng Kagawaran.

KABANATA 4

Suporta at Pagtulong ng Iba Pang Mga Ahensiya

Sek. 10. Ang Kalihim ng Edukasyon at ang Kalihim ng Badyet ay magkasamang magpapatibay, sa loob ng siyamnapung (90) araw mula sa pagtanggap sa Batas na ito, sa mga tuntuntin sa alokasyon, pamamahagi, at paggamit ng mga yamang ipinagkaloob ng pambansang pamahalaan para sa mga tanggapang panlarang, nang isinasaalang-alang ang pagkanatatangi ng mga kondisyon sa paggawa ng paglilingkod sa pagtuturo.

Titiyakin ng Kagawaran ng Edukasyon na ang apropriyasyon ng mga yaman para sa mga tanggapang panlarang ay sapat at na tuwiran ang alokasyon at agarang nailabas ng Kagawaran ng Badyet at Pangangasiwa ang mga yaman para sa mga kawanihang pampaaralan, mga mesa at aklat na pampaaralan, at iba pang gamit sa pagtuturo sa mga naturang tanggapan.

Sek. 11. Ang Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon, sa ilalim ng mga batas at regulasyon ng serbisyo sibil, ay maglalabas ng angkop na mga tuntunin at regulasyon sa polisiyang pangkawanihan na pinakamakatutugon sa mga kahingian ng propesyon ng pagtuturo at nang isinasaalang-alang ang natatangi sa kondisyon ng paggawa sa serbisyo ng pagtuturo.

Sek. 12. Ang Komisyon ng Awdit, sa paglalabas ng mga tuntunin at regulasyon sa awdit na mamamahala sa paggamit ng mga yaman, gayundin sa likwidasyon, pagtatala, at pag-uulat nito, ay magsasaalang-alang sa iba’t iba at natatanging katangian ng mga tanggapang panlarang ng kagawaran, ang kaayusang pang-organisasyon nito, gayundin ang kalikasan ng mga operasyon ng paaralan at mga sentro ng pagkatuto.

KABANATA 5

Mga Probisyong Pangwakas

Sek. 13. Pamamahala sa ARMM. — Ang Panrehiyong Kalihim ng Edukasyon para sa Nakapag-iisang Rehiyon sa Muslim Mindanao (ARMM) ay magpapatupad ng kaparehong kapangyarihan sa pamamahala sa mga dibisyon, distrito, paaralan at mga sentro ng pagkatuto sa rehiyon sang-ayon sa nasa Batas Organiko nang may pagsasaalang-alan sa mga probisyon ng Batas Republika Blg. 9054, na pinamagatang “Isang Batas upang Palakasin at Palawakin ang Batas Organiko para sa Nakapag-iisang Rehiyon sa Muslim Mindanao, Sinususugan para sa Layuning Batas Republika Blg. 6734, na pinamagatang ‘Isang Batas na Nagtatakda para sa Nakapag-iisang Rehiyon sa Muslim Mindanao, sang-ayon sa pagsusog.’”

Sek. 14. Mga Tuntunin at Regulasyon. – Ang Kalihim ng Edukasyon ay magsasabatas ng mga kinakailangang tuntunin at regulasyon para sa pagpapatupad ng Batas na ito nang hindi lalampas sa siyamnapung (90) araw simula sa pagkakabisà ng Batas na ito; Basta at, Na, ang Kalihim ng Edukasyon ay magpapatupad nang buo sa prinsipyo ng pinagsasaluhang pamamahala sa loob ng dalawang (2) taon matapos ang pagtitibay sa Batas na ito.

Sek. 15. Takda sa Kakayahang Mapaghiwalay. – Kapag ang alinman sa mga probisyon ng Batas na ito ay ipinahayag na walang bisa o labag sa konstitusyon, hindi niyon maaapektuhan ang pagiging katanggap-tanggap at bisa ng iba pang mga probisyon dito.

Sek. 16. Takda sa Pagbawi. – Lahat ng mga batas, mga dekreto, at mga kautusang tagapagpatupad at mga tuntunin at mga regulasyon na kasalungat o hindi sang-ayon sa mga tuntunin ng Batas na ito ay binabawi rito o binabago nang naaayon dito.

SEK. 15. Pagkakaroon ng Bisà. – Magkakaroon ng bisà ang Batas na ito nang labinlimang (15) matapos ang pagkakalathalà nito sa hindi bababa sa dalawang (2) pahayagang may malawak na sirkulasyon.

Kusang naisabatas noong 11 Agosto 2001 nang walang lagda ng Pangulo, sang-ayon sa Sek. 27(1), Artikulo VI ng Saligang Batas.

[Read in English]