President Aquino’s speech in commemoration of Araw ng Kagitingan 2012

VIDEO:

[youtube]http://www.youtube.com/watch?v=fndIsdoEVpY&feature=plcp[/youtube]

TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paggunita sa Araw ng Kagitingan

[Inihayag sa Dambana ng Kagitingan, Mt. Samat, Pilar, Bataan, noong ika-9 ng Abril 2012]

Former President Fidel Ramos; Secretary Albert del Rosario; His Excellency Toshinao Urabe; Excellency Ms. Leslie Basset; excellencies of the Diplomatic Corps; Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Leila de Lima; Secretary Armin Luistro; Congressman Abet Garcia; Congresswoman Herminia Roman; Vice Governor Efren Pasual; Mayor Carlos Pizarro; mayors of the province of Bataan; Dr. Maria Serena Diokno; Lieutenant General Ernesto Carolina, Administrator, Philippine Veterans Affairs Office; Chief of Staff, General Jessie Dellosa; Police Director General Nicanor Bartolome; Vice Admiral Alexander Pama; Lieutenant General Emmanuel Bautista, Commanding General of the Philippine Army; Lieutenant Lauro Catalino dela Cruz, Commanding General of the Philippine Air Force; veterans of World War II; members of World War II Veterans Organizations; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong mga kababayan:

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Sa atin pong kasaysayan, minsan sinabi po ni Pangulong Quezon kay Heneral MacArthur sa isang liham, and I quote: “I am greatly concerned as well regarding all the soldiers I have called to the colors and who are now manning the firing line. I want to decide in my own mind whether there is justification in allowing all these men to be killed, when for the final outcome of the war the shedding of their blood may be wholly unnecessary.”

Hindi po biro ang hawakan ang buhay ng libu-libong kababayan, o milyon-milyong kababayan; marahil po si Pangulong Quezon mismo ay napatanong: para saan ang lahat ng ito? May silbi ba, sulit ba ang sakripisyo?

Wala pong pinuno ang magnanais na humarap sa ganitong klaseng sangandaan, lalo pa’t kalayaan ang nakataya. Hahawak ba ng armas para makidigma, gayong mukhang naitakda na ang kahahantungan nito? O ititiklop ba ang bandila, upang tumigil na ang pagdanak ng dugo?

Hindi po natin ninanais na maulit ito. Iyan po ang ugat ng paninindigan nating patibayin ang ating Sandatahang Lakas.

Sa araw pong ito, ipinagdiriwang natin ang kolektibong kagitingan ng ating lahi. Kagitingan ng ating mga beteranong sumagupa sa kalaban upang ipagtanggol ang bayan nilang sinilangan. Kagitingan ng mga sibilyan na hinarap ang baril at bayoneta sa ngalan ng malasakit.

Batid po natin: sa panahon ng digmaan, bawat indibidwal ay haharap sa mga hamong susukat sa kanilang kagitingan. Yuyukod ba ako o taas-noong haharap sa dumadaang sundalo ng kalaban? Iaabot ko ba itong isang basong tubig sa nauuhaw na kababayan, bagama’t may peligrong ako mismo ay maparusahan?

Ngunit para po sa ating mga beterano, simple lang ang usapan. “Ito ang lupaing bukal ng aking buhay; nakatindig pa rin ang bandilang sagisag ng aking karangalan. Kailangan ko itong ipaglaban.” Ang mga tanong—para saan pa ang lahat ng ito? May silbi ba ang aking sakripisyo?—ang mga ito, kung mayroon man, ay nanatiling kipkip sa kanilang isipan, habang ang katawan naman ay buong-tapang nilang iniharap sa kalaban. At ang mga pagpapasya ay ipinaubaya sa mga pinuno; sa panahon ng digmaan, ang atas ay atas at kailangan itong sundin.

Kaya nga po marapat ding gunitain ang isa pang uri ng kagitingan. Ito po ang kagitingan ng mga pinuno: silang hindi yumukod sa pasan ng mga napakabigat na pasya, na siyang humubog sa kapalaran ng kapwa Pilipino.

Puspusan po ang pagtratrabaho ng ating gobyerno upang maihatid sa ating mga kawal ang mga serbisyong karapat-dapat lamang nilang matanggap. Ang gusto natin, sakaling humantong sa labanan, ay kakayanin nating pumalag. Naglalayag na po ang BRP Gregorio del Pilar, ang ating unang Hamilton Class Cutter; taas-noo po siyang nagbabantay ng ating teritoryo. Paparating na rin po ang kapatid ng barkong ito sa Mayo, upang mas lalo pa nating mabantayan ang ating mga dagat at baybayin. Noong isang buwan lamang po, apat sa walong Combat Utility Helicopter ang naiturn-over na sa ating Sandatahang Lakas; nito rin pong susunod na Nobyembre ay darating naman ang natitira pang apat. Mayroon na rin pong isandaan at tatlumpu’t walong proyektong nakapila sa ating Defense Acquisition System—ipapatupad po natin iyan sa susunod na limang taon.

Lahat po iyan ay nag-uugat sa mabuting pamamahala; sa pagkilala na ang integridad at karangalan ay manganganak ng mga programang pakikinabangan ng taumbayan. Alam ko pong mataas ang morale ng ating kasundaluhan sa ngayon, hindi lamang dahil sa pabahay o combat allowance na kanilang natatanggap, kundi dahil alam nilang natatanggal na ang kultura ng katiwalian sa kanilang pamunuan.

Karangalan po ang magsilbi sa bayan bilang sundalo; at mas malalim na karangalan ang dumaan sa pasakit para ipagtanggol ang kalayaan. Ipinagpupugay po ng estado ang ating mga beterano, at naniniwala akong kailangang suklian ng pag-aaruga ang kanilang mga naging sakripisyo. Kung hindi pa po ninyo nababalitaan, hayaan po ninyong ako na ang maghatid ng good news para sa inyo: Nito pong ika-tatlumpu’t isa ng Marso, mas madali nang makakatanggap ng benepisyong pang-kalusugan ang ating mga beterano. Limandaan, siyamnapu’t siyam na ospital po sa buong bansa ang na-accredit ng Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC) bilang regional o provincial extension. [Applause] Lumawak na rin po ang mga serbisyong maaaring i-subsidize ng VMMC—pati po operasyon sa katarata, coronary angiogram, at cardiac bypass ay kasali na.

Dahil rin po sa ipinapatupad na Direct Remittance Pension Servicing System, mas mabilis at mas wasto nang matatanggap ng mga beterano ang kanilang pensyon. Nilinis na rin po ang mga talaan ng mga pensyonado nating kababayan, upang masigurong ang pera ay nakakarating sa dapat nitong hantungan. [Applause]

Iyan po ang ilan sa mga paraan upang kilalanin natin ang kagitingan ng ating mga beterano, na ginugunita natin sa araw na ito. Mahabang panahon na rin po ang lumipas; at marami na rin ang nagbago.

Ang bansang dating kalaban ay isa nang kaibigan. Lalo ring tumibay ang alyansa natin sa mga Amerikanong naging kasangga natin sa digmaan. Ngayon, nabubuhay na tayo nang mapayapa, at natutuhan ang aral ng kasaysayan: walang naidudulot ang karahasan; hindi matatamo ang kaunlaran kung hindi makikipag-ugnayan sa mga karatig-bansa; nasa interes ng lahat ang pakikipagtulungan.

Matagal nang natuyo ang dugong dumanak sa ating mga lupain; tinangay na ng hangin ang amoy ng pulbura; at naibsan na ang hapdi sa pagbabalik-tanaw. Kung itanong ulit natin sa sarili: Para saan ang lumipas na digmaan? May pinatunguhan ba ang lahat ng sakripisyo?

Pitumpung taon na po ang lumipas, ngunit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang pagtugon natin sa mga tanong na iyan. Ngunit ang natitiyak ko po: utang ng loob natin sa mga beterano na siguruhing hindi masayang ang kanilang sakripisyo. Dahil tayo ang tumatamasa ng kalayaan, utang ng loob natin sa kanila ang pag-abot sa pinangarap na kaunlaran; ang pagsiguro na walang Pilipinong maiiwan; ang pagpapatupad ng tunay na katarungan. Lahat po ng isinasagawa natin ngayon upang maglatag ng reporma, palaguin ang ekonomiya, at iangat ang kapwa mula sa kahirapan, ay nag-uugat sa isang kaisipan: Utang ng loob natin sa mga naunang nagsakripisyo ang siguruhing sulit, sulit na sulit pa rin, ang mabuhay nang malaya sa bansang Pilipinas.

Sa araw pong ito, ginugunita natin ang simula ng Death March: Matapos ang apat na buwan ng paninindigan, nahulog ang Bataan sa mga kamay ng kalaban. Pumatak ang dugo ng Pilipino at Amerikano sa isandaang kilometro mula Mariveles hanggang San Fernando, bago sila isakay sa tren upang ikulong sa Capas.

Iyan po ang ating ginugunita, ngunit hindi iyan ang ating ipinagdiriwang. Ipinagdiriwang natin ang tibay ng loob ng Pilipinong humarap sa kalaban taglay ang tapang, karangalan, at pagmamahal sa bayan bilang pinakamatalas na sandata. Ipinagdiriwang natin ang lakas na nagbukal sa kanilang puso—lakas na taglay rin ng bawat Pilipino, at maaaring magbigkis sa atin sa araw-araw nating pagtahak sa tuwid na landas. Ipinagdiriwang natin ang Araw ng Kagitingan.

Mabuhay ang atin pong mga beterano. Mabuhay ang malayang Pilipinas. Mabuhay ang sambayanang Pilipino. Maraming salamat po.

Read this in English