Speech of President Aquino at the 77th founding anniversary of the Armed Forces of the Philippines, December 21, 2012

VIDEO:

[youtube]http://www.youtube.com/watch?v=V6BAuuSijz8[/youtube]

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-77 anibersaryo ng pagkatatag ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas

[Inihayag sa Camp Aguinaldo, Lungsod ng Quezon, noong ika-21 ng Disyembre]

President Fidel Valdez Ramos; Secretary Voltaire Gazmin; General Jessie Dellosa; excellencies of the Diplomatic Corps; honorable members of the Armed Forces Attaches; Lt. Gen. Noel Caballes; Representative Mel Senen Sarmiento; Commissioner Ricardo David; Lt. Gen. Emmanuel Bautista; Lt. Gen. Lauro Catalino dela Cruz; Vice Admiral Jose Luis Alano; Police Dep. Dir. General Alan Purisima; Rear Admiral Rodolfo Isorena; other generals and flag officers present; former chiefs of staff of the Armed Forces of the Philippines; officers, men, and women of the Armed Forces of the Philippines; fellow workers on government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po sa inyong lahat.

Ilang araw na lang po’t Pasko na, at malapit na ring sumapit ang Bagong Taon. Kaya naman ngayon pa lang, binabati ko na po kayo at ang inyong mga pamilya ng isang maligayang pagdiriwang. Batid natin ang tunay na diwa ng Kapaskuhan: ang paggunita sa araw ng pagsilang ng dakilang tagapagligtas na si Hesukristo, na Siyang bukal ng pagmamahal at pagmamalasakit sa ating kapwa. Ang mga prinsipyo nga pong ito ang isinasabuhay ng ating mga kawal sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa kalakhang lipunan. Sa ngalan ng sambayanan, taos-puso po akong nagpapasalamat sa ating Sandatahang Lakas; sa inyong dedikasyon at paninindigan, posible ang mapayapang pagdiriwang ng Kapaskuhan at nasisiguro nating talaga namang mas maganda at masagana ang Bagong Taon nating lahat.

Mahigit tatlong henerasyon na nga po ang nakalipas mula nang maitatag ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Isinilang ito mula sa kolektibong pangangailangan ng mga Pilipino, hindi lamang para labanan ang mga banyagang kumikitil sa ating mga karapatan. Binuo din ito bilang tanda ng kahandaan nating magsarili’t manindigan para sa ating kasarinlan, habang kinikilala ang kapangyarihan ng taumbayan bilang bukal ng lakas at siyang dapat na paglingkuran.

Sa loob ng pitumpu’t pitong taon, naging sandigan ng taumbayan ang pambansang tanggulan na binubuo ng mga kalalakihan at kababaihang walang-alinlangang nagtataya ng dugo’t pawis bilang puhunan ng isang maaliwalas at makabuluhang kinabukasan. Sa ating mga opisyal na nagtimon sa AFP: kina Secretary Voltaire Gazmin at General Jessie Dellosa, at siyempre sa buong kasundaluhan lalo na sa mga kawal na pinarangalan natin ngayong umaga: nagpupugay ang taumbayan sa inyong walang-patid na kabayanihan. Maraming salamat sa pangangalaga sa seguridad at kapayapaan ng bawat kalupaan, kalangitan, at karagatang sakop ng ating bayan.

Hayaan po ninyong pangunahan ko ang pagbabalik-tanaw at pagpupugay sa ilang mga tagumpay na nakamit natin dahil sa mga positibo’t makabuluhang pagkilos ng ating kasundaluhan. Batid nating may masasamang elemento pa ring patuloy na pinagbabantaan ang kaligtasan at payapang pamumuhay ng ilang pamayanan sa bansa. Subalit dahil sa halos dalawandaang tactical operations na isinagawa ng AFP sa mga pook na naiipit sa karahasan, may isandaan at labinlimang indibidwal tayong nahuli, bukod pa sa pagsuko ng halos dalawandaan at dalawampung rebelde. Nasabat din natin ang mahigit isandaan at pitumpu’t limang mga armas at napalaya ang apatnapu’t anim na barangay mula sa masasamang elemento. Kung ikukumpara sa nakaraang taon, dalawampu’t tatlong porsyento po ang ibinaba ng insidente ng karahasang dulot ng CPP-NPA-NDF. At hindi po tayo makukuntento hangga’t may mga pamilya pa ring naiipit sa mga walang katuturang bakbakan. Kumpiyansa at inaasahan po nating sa pag-iral ng IPSP Bayanihan, napipinto na ang paglaganap ng malawakang kapayapaan sa mga lugar na dati’y pugad ng armadong hidwaan.

Matapos ang makasaysayang kasunduang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front at sa pagtataguyod ng Bangsamoro, inaasahan po nating matutuldukan na rin ang deka-dekadang alitan sa katimugang bahagi ng bansa at magsimula nang mapitas ng ating mga kapatid na Muslim at Lumad ang pangako ng kanilang lupang tinubuan. Ang kapayapaang magsisimulang umusbong sa Mindanao ay inaalay po natin, hindi lamang sa mga kawal at mandirigmang nagbuwis ng buhay, kundi lalo na sa mga inosenteng sibilyang naipit sa hidwaang sa wakas ay matatapos na. Mulat tayo sa malaking papel na gagampanan ng AFP para sa maayos na transisyon ng inisyatibang pangkapayapaan na ito. Kaya naman po nananalig akong magpapatuloy pa ang inyong malasakit at pagkalinga sa ating mga kababayan.

Dahil sa inyong mga sakripisyo, makakaasa pa rin kayo na sa patuloy na suporta ng pamahalaan at sambayanan. Sa sobra nga pong pag-aalaga natin sa ating mga kawal, hindi po ako magtataka kung sa susunod na taon ay pagbibintangan na tayong “spoiled” sa tuwid na daan ang AFP. Mantakin po ninyo: Mahigit dalawampu’t walong bilyong piso ang agad nating inilaan para sa AFP Modernization Program sa loob lamang ng isang taon at pitong buwan. Mula sa pagiging kawawang cowboy, itinulak natin ang AFP bilang mas moderno’t mas maaasahang tanggulan. Dumaong na ang BRP del Pilar, at paparating na rin ang BRP Alcaraz, ang ating mga Hamilton class cutters. Nagkaroon rin tayo ng BRP Tagbanua, ang kauna-unahang landing craft utility na gawang Pinoy. Nariyan din ang 21,800 na bahay na itinayo para sa mga pulis at kasundaluhan, at ang karagdagang 31,200 na kabahayan pa na inaasahan nating makumpleto sa Agosto 2013, hindi lang para sa mga pulis at sundalo, kundi pati na sa mga bumbero at kawani ng BJMP.

Gusto ko lang hong pagdiinan, ‘yang proyekto pong ‘yan ay nagmula sa kunsultasyon sa inyong hanay nang kami’y nagtanong, “Paano bang mapapadama sa inyo ‘yung pag-aaruga at pagmamahal, pagkalinga ng sambayan?” Iyan po ang naging resulta ng proyekto.

At lalo lamang mas nagiging makahulugan ang ikapitumpu’t pitong taon ng ating Sandatahang Lakas dahil sa paglagda natin ng New AFP Modernization Act kamakailan. Ito ang susi tungo sa mas moderno, mas matatag, at mas mapagkakatiwalaang kabanata sa kasaysayan ng ating kasundaluhan. Wala pong ibang paglalaanan ng pitumpu’t limang bilyong pisong pondo sa susunod na limang taon kundi para sa mga bagong kagamitan at kinakailangang kasanayan ng Sandatahang Lakas. Ibig sabihin, tapos na po ang yugto kung saan—sabi nga po ng iba—puro “Air” at walang “Force” ang Hukbong Himpapawid: Ihanda na ang tarmac para sa mga bagong eroplanong babagwis sa ating papawirin. Tapos na rin po ang araw kung kailan mas pinangangambahan po ng Hukbong Dagat ang tetanus mula sa mga kinakalawang na barko kaysa sa mga banyagang umaangkin sa ating teritoryo; ihanda na po ang mga daungan para sa mga moderno’t dekalidad na barko ng Navy na magtatanggol sa ating mga baybayin. Panahon na rin para magretiro ang mga antigong trak ng Hukbong Katihan; hindi magtatagal, mas mabibilis at mas makabagong mga tangke, trak, at ambulansya ang inyong sasakyan, ‘yong iba po ay nandiyan sa gilid natin. [Applause] Siyempre mas de-kalibreng armas at force protection equipment ang gagamitin ninyo upang ilayo sa panganib ang mga Pilipino. Ituring po ninyong maagang aguinaldo ang mga itong nagmula, hindi lamang sa akin, kundi lalong lalo na, sa sambayanang Pilipinong nag-uumapaw pa rin ang tiwala’t kumpiyansa at pagpapasalamat sa inyong lahat.

Unti-unti na rin pong bumabangon ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao na sinalanta ng bagyong Pablo. Habang tumatanaw tayo ng malaking utang ng loob sa bawat kawal na nakibalikat sa panahon ng sakuna, huwag sana nating limitahin ang kaya pa nating magawa. Huwag sana tayong makuntento sa kung ano ang kaya nating iambag pagkatapos lamang ng sakuna; sa halip, tumutok tayo sa kung ano ang kaya nating gawin bago pa man ito sumalanta. Ibig sabihin, bago pa man madapa ang ating mga kababayan, dapat ay nakahanda na tayong pigilan ang kanilang pagbagsak at isinagad natin ang lahat ng ating makakaya para maiwasan ito. Sumadsad man siya, nakaposisyon na dapat tayo para mabatid niyang hindi po siya nag-iisa; na katuwang niya ang buong kasundaluhan para gamutin ang tinamo niyang sugat; na handa tayong maging saklay para sa kaniyang pagbangon; na handa tayong manatili sa kaniyang tabi hanggang mula sa paghilom ng kanyang mga sugat; hanggang sa kaya na niyang tumayo sa sarili niyang mga paa.

Sa pagsalubong natin sa bagong taon, sinasalubong din natin ang mga bagong pinuno’t opisyal; mga kawal na umangat ang ranggo, hindi dahil sa palakasan o padrino, kundi dahil sa disiplina, dedikasyon sa katungkulan, at katapatan sa bandila. Sumasalamin rin ito sa paninindigan nating magtalaga ng mga sundalong patuloy na tutupad sa mandato ng AFP: ang ipagtanggol ang bansa at ang paglingkuran lamang ang kaisa-isa nating mga Boss—ang taumbayan; wala na pong iba. Sa lahat ng kawal na Pilipino: Pangalagaan ninyo ang mahabang tradisyon ng karangalan, katapatan, at malasakit ng Sandatahang Lakas. Huwag kayong lilihis sa tuwid na daan; manatili kayong kakampi’t takbuhan ng nangangailangan; manatili kayong bayani’t tagapagligtas ng taumbayan.

Ulitin ko lang po, Merry Christmas, Happy New Year po sa inyo at sa inyong mga pamilya. Nawa’y maging mapayapa ang ating Kapaskuhan.

Magandang araw po. Maraming salamat sa lahat.