[Naunang nalathala ang sanaysay na ito sa website na ito upang alalahanin ang ika-27 anibersaryo ng EDSA noong Pebrero 25, 2013.]
Ngayong taon ang ika-27 anibersaryo ng Himagsikang People Power ng 1986. Sa loob ng mahalagang apat na araw na ito ng Pebrero, nagpakita ng natatanging tapang ang mga Filipino at nanindigan laban sa isang diktador. Bilang pagdangal sa mahalagang yugto na ito sa kasaysayan ng ating bansa, inihaharap ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) ang mahirap makita’t personal na kuha ng Himagsikang 1986 sa pamamagitan ng mga lente ng iginagalang na Filipinong direktor ng pelikula, si Kidlat Tahimik. Sa kaniyang pahintulot, itinatampok namin ang bahagi ng kaniyang likhang Why Is Yellow the Middle of the Rainbow? [Bakit Nasa Gitna ng Bahaghari ang Dilaw?] (1994).
[youtube]http://www.youtube.com/watch?v=2fLOIJcTwl0[/youtube]
Naisadokumento at naitala ng footage na ito ang mga pagninilay ng isang ama at anak samantalang pinagdadaanan nila ang mga araw na nakababagabag ng Pebrero 1986. Bawat tagapagsalaysay ay nakilahok sa pagbabahagi ng isang kuwento na lubhang personal at sadyang mahalaga sa kasaysayan ng bansang ito.
Noong Pebrero 7, 1986, ginanap ang pambansang snap election para sa pagkapangulo at sa kababalik lang noong posisyon bilang pangalawang pangulo. Naglaban ang tambalang Ferdinand E. Marcos at Arturo M. Tolentino ng KBL, at Cory Aquino, balo ng pinaslang na senador Benigno Aquino Jr., at Salvador H. Laurel ng UNIDO. Sa pelikula, inatake ng hika ang batang Kidlat sa pag-aabang sa eleksiyon. Nangako ang ama niya, ang matandang Kidlat, na isasama siya nito sa pagboto. Dumating sila sa maliit na presinto sa Lungsod Baguio, at sinenyasan ng ama ang anak na lumayo sa likuran niya. Bumoto ang matanda at saka sinabi sa anak na “ang lihim ng balota ang tumitiyak na naipagkakaloob ang kagustuhan ng mga tao. Ang lihim ang nagbibigay-proteksiyon sa mga botante.”
Sa malayong rehiyon ng Benguet sa Mountain Province, nagaganap ang halalan tulad ng sa ibang panig ng bansa. Sapagkat nabigla na pinagkalooban sila ng ganitong pagkakataon ng isang pangulo na namuno nang halos dalawang dekada, bumoto ang mga tao nang itinataya ang kanilang buhay at kaligtasan. Nagkaloob ng pag-asa sa mga tao ang integridad ng balota na maaaring ang kahihinatnan nito’y maglayo sa kanila sa gapos ng isang diktador. Subalit ipinakita ng mga bilang ng Comelec na sina Marcos at Tolentino ang nagwagi, isang resultang ginawang opisyal ng Batasan Pambansa na pinaghaharian ng KBL. Samantalang inihahanda na ng pamahalaan ang daan patungo sa tagumpay nito, isang serye ng mga kamangha-manghang pangyayari ang tumawag ng pansin sa mundo: nag-walkout ang mga operator ng computer na nagbibilang sa boto ng COMELEC; naglabas ng liham pastoral ang mga obispo ng Simbahang Katoliko na nagsasabing hindi lehitimo ang pamahalaang nandaya; nanawagan si Cory Aquino ng kampanya para sa civil disobedience [di pagsunod ng mga mamamayan] at pag-boycott sa mga korporasyong pagmamay-ari ng mga crony, hanggang sa kilalanin ang pagwawagi ng oposisyon. Sa loob ng dalawang linggo ng snap election noong Pebrero 7, laksa-laksang demonstrador ang pumuno sa malawak na Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) na nananawagan para sa mapayapang pagpapatalsik sa isang diktador.
Bagaman mukhang paspasan ang mga pangyayari ng Pebrero 1986, hindi nagaganap nang magdamagan ang mga himagsikan. Nagsupling ng kawalang-kapanatagan ang mga taon ni Marcos, na kinakatawan ng ehersisyo ng pagpapanatili ng kapangyarihan sang-ayon kay Machiavelli. Lumikha nang mas malawak na agwat sa pagitan ng pinakamayayaman at pinakamahihirap ang mga sakdal ng graft at korupsiyon laban sa administrasyon at sa mga crony nito. Nag-riot ang mga sibilyan na siyang nagtulak sa pagnanasa ng administrasyong dumepensa at lalong magsagawa ng agresyon laban sa kanila. Nangahulugan ang pinatinding kontrol na ito ng pagpipigil sa mga kalayaang sibil, at hindi nagtagal, hinarap ni Pangulong Ferdinand Marcos ang publiko, pinapangatwiranan ang pangangailangang igawad sa kaniya lamang mga kamay ang lubos na kapangyarihan. Naitanim ng deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 23, 1972 ang mga binhi ng di-pagsang-ayon na ginawang pangangailangan ang himagsikan, at napakahalaga sa pagpapanumbalik ng demokrasya.
Tinipon ng Himagsikang EDSA People Power ng 1986 ang laksa-laksang tao, na pumuno sa pangunahing lansangan ng kabesera. Subalit hindi nanatili lamang sa loob ng mga kalye ng Maynila ang diwa ng kanilang pagkilos. Nakita ang pangkat-pangkat ng di-pagsang-ayon sa buong bansa na lumikha ng pagyanig sa mga pamayanang lokal, na siyang nag-isa sa bansa sa pagnanasa nitong makamit ang kalayaan. Nagtipon ang mga Cebuano at Davaoeño sa mga sarili nilang liwasan, pinupuno ang mga lansangan ng mga slogan at umaawit ng mga himig ng himagsikan. Ginabayan ang lahat ng tinig ng Radyo Veritas—ang tanging estasyon na ang paglilingkod sa ngalan ng katotohanan ay tumulong sa pagpapabagsak sa rehimen. Maraming nagturing sa estasyong ito bilang tagapaghatid ng liwanag. Walang dudang napagliyab ang ningning ng People Power sa ibang panig ng bansa dahil sa pagsasahimpapawid ng Veritas.
Samantalang nabubuo ang mga pangkat ng oposisyon sa labas ng kabesera, marami ring tao lumitaw upang mapabilang. Sa pelikula, nagmaneho ang mga De Guia mulang Baguio patungong Maynila samantalang iniiwan din ng iba pa ang kaligtasan ng kanilang mga tahanan upang mapabilang sa pagkilos na ito. Nagtipon-tipon ang mga taong nagmula sa iba’t ibang antas ng pamumuhay, at maging ang mga pananalig ay hindi naging hadlang upang magkaisa ang mga tao na manindigan laban sa isang diktador.
Sa ika-20 anibersaryo ng Himagsikang EDSA, naglathala ang Philippine Daily
Inquirer ng mga salaysay ng mga lumahok sa himagsikan, at isa sa mga iyon ang madamdaming kuwento ng isang Muslim na naatasang isaayos ang Company D:
“Mahigit sandaang lalaki at babaeng mula sa Maharlika, sa masjid ng Quiapo, at sa mga pamayanang Muslim ng Tandang Sora ang tumugon sa aming panawagan. Tinanggihan namin ang mga babae at binigyang-babala ang 85 lalaki ng Company D na hindi lahat kami’y makababalik nang buhay.”
Paglaon, inilarawan din ng salaysay kung paanong nagbantay rin ang mga tao sa pagkain at tiniyak na hindi makapaghahain ng baboy sa mga kasamang Muslim. Isang beses, dumating ang isang trak na puno ng pagkain at samantalang palapit doon ang mga tao, mabilis na sinabi ng drayber na, “para sa mga Muslim lamang.” Sa umaalala sa salaysay, isang mahalagang sandali ito na nagpatining sa kahulugan ng pagiging Filipino—na nasumpungan ang isang landas ng pagiging kabilang.
Ilan lang ang mga kuwentong ito sa napakarami pang hindi naisasalaysay at hindi natin napapakinggan sapagkat madalas na nalalagom ang EDSA sa isang pagkilos na isinagawa sa kabesera, o ng malalaking tao sa kasaysayan. Malinaw na hindi ito ang kaso.
Nang makarating sa Jaro, Iloilo ang balitang nilisan ni Pangulong Marcos ang Palasyo, gabing-gabi na iyon subalit nagsibukasan ang mga ilaw at nagtungo ang mga residente sa Katedral ng Jaro. Nakatayo nang may pagkamangha sa kaniyang bayan si Ruby A. Dumalaog, na 16 taong gulang na mag-aaral sa mataas na paaralan noon, sa pagliliwanag ng paligid at pagtunog ng mga kampana.
“Natiyak kong anuman ang nangyayari sa EDSA ay nangyayari rin sa Jaro. Nakipagkamay sa mga tao sa lansangan ang mga sundalong nagpapatrolya sa lungsod. Nag-iiyakan at niyayakap ng mga tao ang isa’t isa kahit hindi sila magkakakilala. Nang gabing iyon, natiyak kong kahit magkakalayo ang mga pulo sa Pilipinas, bagaman malayo kami sa EDSA, kahit pa wala kami roon upang harapin ang mga tangke, iisa tayo sa mga puso namin—may iisa tayong pangarap at maaari tayong magkasama-sama.”