The President’s arrival statement after visiting California for the ASEAN-US Summit

As the President's plane returns from what could be his last trip abroad as head of state, two newly acquired F-50 fighter jets escort the Commander-in-Chief back to Manila—the Philippine Airforce has not had the honor of doing this since retiring its old jets in 2005.
As the President’s plane returns from what could be his last trip abroad as head of state, two newly acquired F-50 fighter jets escort the Commander-in-Chief back to Manila—the Philippine Airforce has not had the honor of doing this since retiring its old fighters in 2005.

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
sa kanyang pagdating mula sa pagbisita sa California para sa ASEAN-US Special Leaders Summit

[Inihayag ngayong ika-19 ng Pebrero 2016]

Nakauwi na po tayo mula sa isang matagumpay na pagbisita sa California, para sa US-ASEAN Special Leaders Summit sa Sunnylands, at sa ating working visit po sa lungsod Los Angeles.

Dumalo po tayo sa Special Leaders Summit sa imbitasyon ng Kagalang-galang na Presidente Barack Obama. Naging malaman po ang diskusyon, partikular na sa usapin ng inobasyon at digitization; malalim ang mga kaisipang inihain ukol sa malaking pakinabang nito sa mga ekonomiya, pati na rin sa mga dala nitong potensyal na panganib. Sa larangan ng global pandemics at climate change, nagbahagi tayo ng ating karanasan, at idiniin natin ang kahandaang tumulong upang mapalawak ang kaalaman ng ating mga karatig-bansa.

Ang maganda nga rin po: Sa usapin ng maritime concerns ay naging malinaw ang suporta ng ating mga nakapanayam. Kung dati nga po ay iilan lang ang nagbabanggit ng isyung ito, ngayon, maliwanag sa inilabas na joint statement ng kapulungan ang paninindigan ng ASEAN at ng Estados Unidos: Dapat panatilihin ang seguridad, estabilidad, at kalayaang maglakbay sa West Philippine Sea at South China Sea; at dapat idaan sa mapayapang proseso ang pagresolba ng anumang alitan, alinsunod sa international law.

Pagkatapos naman po ng summit, tumungo tayo sa Los Angeles. Doon, nakapulong natin ang mga pinuno ng ilang mga kumpanya sa larangan ng creative services, high technology manufacturing, at imprastruktura. Kinilala po nila ang talento ng Pilipino sa mga larangang ito, na tumataas sa tinatawag na value chain. Bilang sagisag ng interes ng mga kumpanya, nakaplano pong bumisita sa Pilipinas ang chairman ng Walt Disney ngayong taon, at nagpahayag din po sila ng kagustuhang tumulong sa lalo pang pagpapalakas ng ating creative industry. Nagpahayag din po ng intensyong magpalawak ng operasyon sa bansa ang kumpanyang Western Digital. Kinapanayam din po natin ang AECOM, na inaasahan nating magiging katuwang sa capacity-building ng ating mga kababayan pagdating sa imprastruktura.

Humarap din po tayo sa Los Angeles World Affairs Council, kung saan minsan na ring pinaunlakang magsalita ang akin pong ama. Ibinida po natin sa kanila ang mga tagumpay na naabot natin sa Daang Matuwid. Ginawaran din po tayo ng isang Honorary Degree in Humane Letters ng Loyola Marymount University; karangalan po ito, hindi lang para sa akin, kundi para sa aking mga Boss, na kasama natin sa pagsugpo sa katiwalian at pagtaguyod ng malawakang kaunlaran sa atin pong bansa.

At bilang huling aktibidad sa LA, nakipagkita po tayo sa Filipino community doon. Ibinalita natin sa kanila ang good news na nangyayari dito sa bansa, at hiningi natin ang kanilang tulong para masiguro ang pagpapatuloy ng napakaganda nating nasimulan. Batid po natin: Malayo man sila ay napakahalaga ng kanilang pakikiisa upang makamtan ang kolektibong hangarin ng bawat Pilipino.

Maaaring ito na po ang huli nating pagbiyahe bilang Pangulo. Napakalaking karangalan nga pong maging kinatawan ng Pilipinas sa iba’t ibang pagpupulong—at ang idiin sa ating mga kausap ang panibagong sigla ng ating bansa, at ang kahandaan nating makiambag sa paghubog ng isang mundong payapa, mapagmalasakit, at tumatamasa ng malawakang kaunlaran. Sa taas-noo nating pagharap sa kanila, damang-dama po natin ang respeto nila sa positibong transpormasyong naabot natin sa pagtahak sa Daang Matuwid. Tunay nga po: Napakasarap maging Pilipino sa panahong ito.

Magandang umaga po. Maraming salamat sa inyong lahat.