President Aquino at the launch of Listong Pamayanan and Listong Pamilyang Pilipino

FeaturedImage_PBSAIII_160426_0917

Talumpati

ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa paglulunsad ng Listong Pamayanan at Listong Pamilyang Pilipino

[Inihayag sa Royce Hotel and Casino, Pampanga, noong ika-25 ng Abril 2016]

Ang panata natin sa Daang Matuwid: Iwan ang isang Pilipinas na mas maganda kaysa sa ating pong dinatnan. Bahagi po nito ang siguruhing walang maiiwan sa pag-unlad. Sa ating termino, ibinalik natin ang isang gobyernong nagmamalasakit at nakatutok sa taumbayan. Naging posible lamang ito dahil pinagkalooban ninyo kami ng mandato, at nakiambag tayo sa tunay na pagbabago. Sa inyong lahat po: Maraming-maraming salamat po. [Palakpakan]

Patunay ang araw na ito sa layo ng kaya nating marating sa paghakbang natin sa iisang direksyon. Alam naman natin: Nasa 20 bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon. Sa paghagupit ng bagyo at matinding pagbaha, marami ang nasasalanta at napipinsalang kabuhayan.

Malaking bagay ang magagawa kung handa ang taumbayan. Kaya naman po, inilunsad natin ang programang Oplan Listo noong 2014, sa pamumuno ng dating hepe ng DILG na si Mar Roxas, [palakpakan] ilang buwan po matapos natin maranasan ang Bagyong Yolanda—ang pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan. Alam po ninyo, bago ang Yolanda, talagang ang konsepto natin, meron tayong mga Local Government Units na unang magreresponde kung anumang sakuna ang mangyari, dahil nandoon naman po sila sa lugar. Ito pong Oplan Listo, lalo pa nating palalalimin ang tulungan ng national government at LGU, pero sa dulo po, ang taumbayan, lalo na po ang mga miyembro ng 4Ps na organisadong-organisado na, na talagang magiging matinding kaagapay tuwing tayo’y tumutugon sa kung anuman hong pagdating ng mga peligrosong pangyayari tulad ng bagyo.

Bahagi ng programang ito ang pamimigay ng Disaster Preparedness Manuals—nandoon po sa loob ng mga balde—na nagbibigay ng gabay sa mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng isang sakuna, pati na ang pagbuo ng Listo Teams sa bawat lungsod at munisipalidad. Sa pagpapatupad natin ng Oplan Listo, naging mas handa ang ating mga lokal na pamahalaan, gaya nang nanalasa si Bagyong Chedeng noong 2015, kung saan nagkaroon tayo ng zero casualty sa mga apektadong lugar sa Region 2 at Region 3, kasama na ang Pampanga, sa kabila ng pagtaas natin ng storm signals sa mga lalawigan dito. Ulitin ko po: Zero casualty dahil nga sa magandang pagtutulungan sa pamamagitan ng Oplan Listo. [Palakpakan]

Ngayong araw, sa pamumuno naman ni Secretary Mel Sarmiento, inilulunsad natin ang dalawang bagong components ng Oplan Listo: ang Listong Pamayanan at Listong Pamilyang Pilipino. Layon naman nitong gawing aktibong katuwang ang ating mga komunidad at mga pamilya sa paghahanda para sa anumang sakuna.

Sa Listong Pamayanan, nagsasagawa tayo ng mga diyalogo kasama ang iba’t ibang stakeholders, at community simulation drills para sa tsunami at storm surge. Nandiyan rin ang Community-Based Disaster Risk Reduction and Management, na nakatutok sa ating mga barangay, para alam nila kung paano at ano ang gagawin tuwing may kalamidad.

Sa Listong Pamilyang Pilipino naman, katuwang natin ang DSWD sa pamamahagi ng mga “Gabay at Mapa”, na nagsasaad ng mga dapat gawin sa panahon ng unos. Kanina nga po, nasaksihan natin ang pagbabahagi ng mga E-Balde, o Emergency Balde. Itong mga E-Balde ay naglalaman ng mga ready-to-eat food, tatlong galon ng tubig, gamot, first aid at hygiene kit, at damit, pati na flashlight at radyo. Sa ilalim pa rin ng Listong Pamilyang Pilipino, ginagabayan ang mga pamilya sa pagbuo ng isang household plan, na tutukoy sa mga ligtas na lugar sakaling kailanganin ang agarang paglikas.

Ang sa atin po: Hindi natin kontrolado ang panahon. Pero hindi naman po ibig sabihin nito, wala na tayong gagawin para mailayo ang ating mga kababayan mula sa mga panganib na dulot ng anumang sakuna. Nagsisimula ang kaligtasan sa tamang kaalaman at kahandaan, at ito nga po ang ginagawa natin sa ilalim ng ating programa.  

Batid po natin ang posibleng pinsala ng pagbaha: Dito lang sa inyo sa Pampanga, halimbawa, agrikultura ang pangunahin ninyong industriya; kaya pag dumating ang malakas na pag-ulan, apektado ang inyong mga ani at ang inyong kabuhayan. Kaya naman, mula 2011 hanggang 2016, naglaan na tayo ng halos P6 bilyon para sa high-impact flood projects sa inyong lalawigan. Hangad natin: Hindi lang agarang lingap, kundi maibsan din ang pinsala ng pagbaha at mailayo sa peligro ang ating mga Boss.

Bahagi lang ang Oplan Listo sa mga programa natin para tugunan ang problema na dulot ng mga matitinding sakuna. Nandiyan rin ang Project NOAH at ang mas pinalakas nating PAGASA, upang talagang mapaghandaan natin ang mga paparating na bagyo.

Alam po niyo, noong kakaumpisa po natin ng termino, may dumayo hong isang bagyo sa atin. Noong panahong iyon, nakatira pa tayo sa Times, di pa tayo nalilipat sa Malacañang. At nagtataka ako, dahil ang sabi ng PAGASA sa amin noon, sa Aurora daw po pupunta ang bagyong ito. E yung bahay po natin sa Times ay nasa Quezon City. Sa Quezon City, talagang pumipito yung hangin sa lakas. Sabi ko, “Ang lawak naman ng bagyong ito. Mula Aurora hanggang Quezon City.”

Kinalabasan po, nagkamali ang PAGASA. Yung bagyo ay tumahak ng Southern Tagalog, Metro Manila, at malayo sa Aurora. Sa Aurora po, napakaaraw noong araw na iyon. Tayo’y nagtanong sa PAGASA, paanong nangyari at bakit napakalayo ng itinuro nila. Anyway po, malabo yung sagot, nagpaalam na yung dating namamahala, nasa ibang bansa na siya, di na tayo kayang perwisyuhin. Maganda na ang PAGASA ngayon, siguruhin nating lalo pang humusay ang PAGASA. [Palakpakan] Sabi nga ho, “Ngayon ay may pag-asa na tayo sa PAGASA.”

Bumuo tayo ng mga mapang tumutukoy sa mga lugar na madalas bahain o gumuguho ang lupa. Ngayon rin po, dahil sa pinaunlad nang teknolohiya at kagamitan ng PAGASA, sa ilalim ng Project NOAH ay nakakapagbigay na tayo ng babala sa komunidad, dapat po hindi bababa sa anim na oras ang babalang ibibigay ng PAGASA tuwing may darating na bagyo.

Kasalukuyan na rin nating pinapatupad ang Pre-Disaster Risk Assessment na pinaigting ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya, para mas mabilis at epektibo ang pagtugon ng kabuuang gobyerno sa mga apektadong lugar. Patuloy rin nating ipinapatupad ang Flood Management Master Plan para sa Metro Manila, Rizal, Laguna, at Bulacan, na natukoy natin bilang mga highly urbanized at flood-prone areas sa bansa. Siyempre po, lahat ng iba pang sinasalanta ng baha ay inaasikaso na rin po natin ang pangmatagalang solusyon.

Sa pagiging handa, nakakaiwas tayo sa peligro, sa halip na gugulin ang oras at pondo sa paglutas sa perhuwisyong dulot ng sakuna. Bakit hihintaying magdusa pa bago kumilos, kung puwede naman itong iwasan?

Napakalayo na nga po ng ating narating. Kayo na po mismo ang saksi sa positibong bunga ng pagtahak natin sa Daang Matuwid. Mula sa paglago ng ekonomiya, pag-unlad ng imprastraktura, hanggang sa mga serbisyong panlipunan, tinututukan natin ang mga nangangailangang sektor. Ang tanong nga po: Mayroon bang nakapag-isip noon na kaya nating maabot ang lahat ng ito?

Alam din natin: Sa kabila ng ating mga tagumpay, marami pa rin tayong dapat tugunan. At ito pong ating mga pinaghihirapan, may panganib pong maglaho, lalo na kung mali ang pamamalakad ng susunod sa atin.

Sa darating na ika-9 ng Mayo, haharap muli tayo sa isang sangandaan. Napakahalaga na ang susunod sa atin, nakatutok sa inyong mga kapakanan at nakahandang unahin ang bayan bago ang sariling interes. Ang hiling ko lang: Suriin natin ang mga nagpepresentang maging pinuno ng bansa. Piliin natin ang may integridad at may tunay na kakayahang mamuno. Ang nakikita ko na totoong magtutuloy ng lahat ng ating nasimulan: Walang iba kundi sina Mar Roxas at Leni Robredo. [Palakpakan]

66 na araw na lang po bago ako bumaba sa puwesto. Hanggang sa huli, ang masasabi ko po: Tumotoo ako sa inyo. Napakalaking karangalan po para sa aking pamunuan ang sambayanang Pilipino. Noon hanggang ngayon, nanatili po: Kayo ang lakas ko; kayo ang Boss ko. Kayo ang gumawa ng lahat ng pagbabago. [Palakpakan] At tiwala ako, kayo rin ang magpapatuloy nito.

Huling bagay na lang po: Alam niyo kanina, napakinggan natin, “Sana ituloy yung 4Ps na programa.” Galing din po tayong Cebu, iyon din po ang sabi ng isa nating nakakatandang kababayan doon. Sanay ako, matagal na rin po akong pulitiko, sanay akong pag ikaw ay lumapit, may pangangailangan kayo. Dati ang uso po sa amin ay folder-folder, “Ay, meron ho.”

Ang nakakatuwa ho: Kanina sinabing 4Ps; sa Cebu, na-interview ng kapatid kong si Kris, “Ano ba ang gusto mong sabihin?” Ano raw ang gustong iparating sa akin. “Ituloy lang ang 4Ps.”

Bakit ko po ipinagdidiinan yan? Noong ako po’y congressman sa amin sa Tarlac, mayroon din pong katulad na problema, walang makunan ng tubig. So nagpa-jetmatic na pump po tayo, nagpahukay, nakakuha ng tubig, Yung susunod na eleksyon, nangampanya na naman tayo, nadaanan ko po itong isa sa mga napagbigyan nating kumuha ng tubig. Sabi sa akin ng kausap ko, “Ito ho yung dinala ninyo dati.” “A, ganun ba? Kamusta naman siya?” “Sira na ho. Baka gusto ninyong i-repair.” [Tawanan] Totoo ho ito. Kami ang nagpahukay, hahanap ng tubig, nilagay yung jetmatic pump, lahat ng kailangan para may pagkukunan yung sitiong iyon. “Sige,” kako, “bakit di natin ipaayos.” Tinanong ko kung magkano yung kailangang ayusin. Kulang-kulang ho yatang P100, dahil yung sapatilya lang yung sira eh. [Tawanan]

Noon ganoon. Pinapakinabangan ninyo ito, para sa inyo ito, tinulungan na kayo sa malaking bahagi, yung maintenance, paniguradong maayos siya, kaya na ninyo yan. Noon yon. Ngayon, kaya na. Ang laking tuwa ko na pati yung pag-iisip na bakit tayo parating naghihintay ng tulong mula kung kanino, kung kaya nating gawin.

Kami ho ang pananaw namin, partners kayo. Magkatulong tayo sa lahat ng puwedeng marating; hindi yung may nag-uutos, may inuutusan. Hindi ho ganon. Kayo ang Boss namin, kung tutuusin nga, kayo ang puwedeng mag-utos sa amin. Kaya sa lahat ng programang hinabol natin, iyon ho ang parating tutok: Paano natin makukuha yung sabay-sabay na paghakbang kung wala tayong tinatawag na concensus—yung pagkakasundo. Ang pagkakasundo, magmumula kung magpartner tayo. Kung meron hepe at merong tauhan, hindi tayo magkakaunawaan diyan.

Ulitin ko lang ho: Dinadasal ko na yung dati, yung parang walang kakayahan, na ngayon ay ang daming kakayahan, na talagang tinatangan na natin ang kinabukasan sa mga kamay natin, sana magpatuloy ho talaga iyan. 66 days ho, wala na ako dito sa eksena, baka naka-retire na tayo. Kayo ho ang magpapatuloy. Ako, ordinaryong mamamayan na po noon. Gagawin ko ang responsibilidad ko. Yung pagbabago ng lipunan, di ko kayang mag-isa.

Maraming salamat po.