President Aquino meets with the local leaders and community in Pampanga

Talumpati

ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa kanyang pakikipagpulong sa mga lokal na pinuno at pamayanan ng Pampanga

[Inihayag sa Fontana Convention Center, Clark, Pampanga, noong ika-25 ng Abril 2016]

Tutal mga barangay officials po ang kaharap natin, puwede bang magkuwento lang  ako sa inyong konti nung ako’y unang tumatakbo. So isang beses po, sa Tarlac City, mayroon po kaming pinuntahang lugar, eh tanghaling tapat na kami umabot nung house-to-house, halos wala ho kaming dinatnan sa mga bahay, maliban dito sa iisang bahay na ang daming tao. Ang sabi po sa akin ng aking nagga-guide o ng aking head ng Barangay Affairs, sabi niya “Boss ko, makarakal tamo, parang makarami tayo, pasukan ko.” Pinasukan ko po. Totoo hong nangyari ho ito ha, baka akalain niyo hindi eh. [Tawanan]

So sabi sa akin, pagkarating na pagkarating ko, hinarap sa akin itong isang ale na nakaupo. Sabi sa akin ng ale, “Lumuhod ka.” Bakit kaya ako pinapaluhod nito? Ngayon, ang paniniwala po ng mga kasamahan dun, sinasaniban daw siya ng Sto. Niño. So kinausap ako ngayon, binigyan ako ng supot na may kendi. Sabi niya, “Kendi, kainin mo yan malalayo ka sa kapahamakan at sa sakit.” O di anong sasabihin ko? Eh di “Salamat po.” Nakaluhod na ako dun eh. Lahat ng andun, panatikong deboto niya. “Yang supot ng plastik, plastik lang yan. Ilagay mo sa wallet mo, parating magkakalaman yang wallet mo.” Anong sasabihin ko eh siyempre, “Salamat po.” O di pagkatapos, saka niya “Sige, lumakad ka na. Panalo ka na.” Eh di siyempre, thank you rin ulit, tayo na po ako.

Nung paglabas, tinanong ko yung mga nandun. Kako, “Ano po bang barangay natin?” Sagot sa akin, “Taga-Nueva Ecija ho kami.” Tumatakbo ho akong Congressman ng Tarlac, lahat ng kaharap ko pala ay taga-Nueva Ecija. [Palakpakan] Yun ho ang tinatawag na maagang pangangampanya. Kasi tumakbo naman akong senador later on, mga 9 years later, mayroon na akong nakuhang mga botante sa Nueva Ecija. [Tawanan]

Isa pang kuwento: Naalala ko rin—babalikan ko kung bakit ko to kinukuwento sa inyo ngayon—sa Tarlac po, pareho naman ang problema sa ibang lugar ng Pilipinas. Kunwari tubig. So humingi ho sa akin ng jetmatic pump. Sinabi na rin, baka puwede kayo na rin bahala dun sa hukay. Baka puwede isemento ng paglalagyan nito, kayo na rin maglagay. Okay. Basta madaling salita ho, kinumpleto natin yung jetmatic pump nila.

Noong susunod na kampanya, bumalik po ako dun sa Barangay na yun. May isa akong nakausap na  kabataan, sabi niya, “Ito po yung pinagawa niyong jetmatic pump eh.” “Ah ganun ba. O kamusta naman siya?” “Sira na nga ho, baka gusto niyong ipaayos.” Sabi ko “Ah sige.” Akala ko naman, di ba, parang maghuhukay ulit, baka maubos na dun, ganyan. “Ano ho bang problema?” “Sira yung sapatilya.” [Tawanan]

Natawa ho kayo ah. Gaano karami ang taong nakikinabang dun sa pump na yan? Magkano ho ba ang sapatilya ngayon? Aabot kayang P100? Wala? O hindi nga kaya. Eh, anong sasabihin ko, “O sige po, puwede na rin yan.”

Ito palang mga kapitan natin, kasama ko kayong naglalakad nun eh. Naalala niyo yun? Ngayon ho, bakit ko kinuwento yan? Nanggaling po ako kanina, mga 4Ps na beneficiary. Tapos meron ho sa Cebu. Sa Cebu, kasama ko kapatid kong si Kris, tapos tinanong niya, sabi niya, nakikinig daw ako sa talumpati, yung sa lahat ng sinasabi, baka may gustong iparating sa akin. Ang sabi po nitong medyo may edad na rin pong kababaihan, tinanong ano bang gustong iparating sa akin? Ang sagot niya, “Sana po ituloy ang 4Ps.”

Ngayon, bakit ko kinukuwento sa inyo ito? Yung 4Ps ho, hindi dole out, di ba? Hindi may binibigay na lang na may bigas ka ngayong araw na ito, bahala ka na bukas. Hindi. Konsepto po to na kung tutuusin, investment ng lipunan. Tulungan natin bawat pamilya na manatili yung anak sa eskwela o paaralan. Panahon pa ng nanay ko ho, nag-umpisa na yung free na grade school at high school para alam po natin marami ang kapos na hindi man makapasok—sa grade school man lang, kulang ng pamasahe, di ba. Kulang ng pagkain, pabaon.

So yung 4Ps, siguraduhin natin na tulungan natin sila na manatili anak sa eskwelahan pag nakatapos ng high school. Mayroon na pong pag-aaral na nagsasabi na 40 porsyento ang laki ng puwedeng kitain ng isang nag-graduate ng high school kaysa grade school. Kaya 2014 po, pati high school, saklaw na natin diyan sa 4Ps na yan.

So balikan ko po, yung mga taong tinutulungan natin, hindi naghahanap ng abot. Sila ho nagiging partner natin para masiguradong maganda ang kinabukasan nila. Bigyan ko kayo ng example: Dito po sa Pampanga, may nanay, narinig namin, sabi niya, “Pito ang anak ko. Iniwanan pa ako ng mister ko. Bahala na ako sa anak ko.” Sabi ko, tinanong ko siya, “Ano ba hanapbuhay mo?” “Patinda-tinda.” Sa nakakaintidi po ng Tagalog, sa Tagalog pag “patinda-tinda,”  di ba hindi tiyak na parati siyang nakakatinda, paminsan-minsan nakakatinda. So kailangan mong palakihin yung pitong anak mo at wala kang tiyak na pagkakakitaan, paano mo tutustusan?

So dahil sa 4Ps, ang sabi po niya sa atin, tatlo doon sa pitong anak niya, nakatapos na raw po ng high school at kasalukuyan, may permanenteng trabaho na. Ano bang pakinabang ng buong lipunan diyan? Aba, yung taong yun, may trabaho, nagbabayad ng buwis, nakikiambag sa puwede nating itulong sa iba. Pangalawa, may kapupuntahan na yung buhay, hindi na matutuksong puro drugs, puro krimen ang pasukan. May kinabukasang puwedeng patunguhan.

Ang gusto ko lang ipagdiinan dito: 4.6 million na pong kabahayan ang tinutulungan natin sa buong Pilipinas na ganyan po ang nangyayaring sitwasyon, na nagkakaroon ng liwanag sa kanilang buhay. Yung tinulungan nating high school, mga higit-kumulang between 13 to 14,000 po of the 300,000 plus na first batch ng high school na tinulungan, honor student po sila. Yung tagapagsalita ng buong grupo na dati hindi tiyak makakapag-aral, natanggap na po sa University of the Philippines, College of Engineering. Yung College of Engineering po, hindi madaling pasukan, quota course, limitado ang puwede pumasok. Itong dalawang walang kakayahan makapag-aral, ngayon nasa UP na. Bigyan natin ng apat na taon pa, mga engineer nang pinapakinabangan ng ating lipunan.

Ngayon ho, kailangan kong konti—huwag ko nang pasukan tong lahat ng mga pinaggagawa natin sa loob ng anim na taon. Kung hindi niyo nadadama yung mga ginawa natin, nagkulang kami. Kung kayo naman ho, nakita niyo yung kalsada, eskwelahan, miyembro ng Pantawid, pinalawak na Philhealth, at marami pang iba, pati na yung pagtugon sa mga panahon na mayroon tayong bagyo o may lindol o iba pang sakuna, kung hindi niyo nakitang ginawa ng gobyernong to, palagay ko malaki ang pagkukulang namin. Kung kayo naman ho nakita niyo, eh di kayo na ang pangunahing testigo kung ano ang pagbabago nangyari sa atin pong bansa.

Ngayon ho, sa totoo lang, gusto nating tumulong dun sa pinakanasa laylayan ng lipunan. Nung umpisang-umpisa ko po pagkaupo, first six months, anong iniwan sa akin ni Ginang Arroyo bilang budget na puwedeng gastusin sa lahat ng kailangang tustusan? Hindi ho umabot ng seven percent ng budget. 93 percent kumbaga, nagastos na. Seven percent, yun ang pantustos natin, unang anim na buwan nung tayo’y nag-umpisang mamuno sa bansang ito.

Ngayon ho, siguro bigyan ko kayo lang ng ibang mga natutunan natin dito sa pag-ikot-ikot. Sinasamantala ko na ho itong pagpapaalam na rin sa inyong lahat eh. Noong araw ho, titingin tayo maski saang lugar, pag may nakita tayong gusali, may construction site, nakalagay “no vacancy.” Tama ho ba? Ngayon ho, “immediate hiring,” “urgent hiring.” Tama ho ba? Sabi sa akin ng ibang mga gobernador, pinoproblema nila ngayon, sa sobrang dami ng mga proyektong ginagawa dun, dati kinukulang daw sila paminsan-minsan, semento, bakal. Ngayon, pati bato at buhangin, kinakapos pero pinakamabigat, wala na raw pong makuhang karpentero, tubero, electrician, dahil sabay-sabay nga itong pagpapatayo nitong lahat.

Bigyan natin ng mas malinaw, ano ba ibig sabihin niyan? Bigyan ko kayo halimbawa ng pinanggalingan ko kamakailan, Negros Occidental—last week ko ho yata napuntahan. Sa airport po na nagse-service sa Bacolod City, nakalagay dun po sa Silay. So yung Silay, dun ka lalanding, tatawid ka ng Talisay, aabot ka ng Bacolod, wag mo nang pag-usapan yung nangyayari sa Bacolod, yun ang kapitolyo ng Negros Occidental, baka sabihin niyo, talagang ganon ang mangyayari. Kuwento ko sa inyo eksperyensya ng Talisay. Pagka-landing namin ng Silay ay tinahak kaming kalsada, akala mo expressway. Naalala ko tuloy, binanggit ko kay Governor Marañon nun, yung nakita kong kalsada, una diyan, medyo magulo kung hindi ka tagadiyan. Maliligaw ka. Ito ho, highway na highway, ang gaganda pa ng ilaw na talagang propesyunal na pang-highway ang dating.

Ano ang nakita natin dun? Meron pong tinatayong development ang Ayala Corporation at saka yung Megaworld. Ang nakatayo pa lang sa kasalukuyan, bakod. Binakuran nila yung nabili nilang mga property. Ngayon ho, dahil namili sila, nagpakita ng interes—yung Talisay ho, pangkaraniwang munisipyo sa buong Pilipinas. Yung lahat ng aktibidades, nandun sa paligid ng munisipyo, tapos puro mga—Negros ho ito eh, tubuhan. Ngayon po, dahil sa itinatayo ng Ayala, itinatayo ng Megaworld doon, nagtaasan na raw po yung halaga ng lupa. Dahil nagtaasan yung halaga ng lupa, tumaas yung Real Property Tax, dahil tumaas yung Real Property Tax, nagkaroon ng dagdag na pondo yung gobyerno po ng Talisay, kung saan ginugol nila sa pagpagawa ng sarili nilang mga school buildings. May dagdag sa mga school supplies ng mga estudyante, dinagdagan yung travel allowance ng mga teacher papunta sa mga liblib na lugar. May bumili ng sariling IT equipment. Bumili rin ng sariling bus. Madaling salita po, isang kalsadang nilagay ng gobyerno, ang laki ng inasenso ng Talisay. Wala pa yung mga itatayo dun sa dinedevelop ng Ayala at saka Megaworld.

Ano pa ho ang ibig sabihin niyan? Isa, may kumpiyansa ang mga negosyante na ang kailangan lang nilang tugunan o ang kailangan lang nilang pag-isipan, paano ba sila makikipaglaban sa mga competitor nila? Hindi na yung, ano kayang pahirap ang gagawin sa atin ng local government? Ano kaya ang pahirap na ipagagawa sa atin ng  national government? Para maramdaman nila na tumutulong ang gobyerno sa kanila, para mo mabigyan ng trabaho ang ating mga kababayan.

Ulitin ko lang po ah: Sakahang isang ektarya, baka kumportable ang isang tao. Pag nag-asawa, hindi na kasingkumportable. Pag nagkaanak, di ba, pahirap nang pahirap yan. Pero dito nga ho, isang ektarya na gagawin natin, kunwari factory, puwede hanggang 500 katao, may trabaho diyan.

So ulitin ko lang ho: Ano ba ang ibig sabihin ng pagtahak ng Daang Matuwid? Kung ang gobyerno ay itinatag, paglingkuran ang taumbayan, kailangan gawin ang lahat ng magagawa ng gobyerno mabigyan ng oportunidad lahat ng kanyang sinasakupan. So, pinakamagandang halimbawa na siguro nga diyan yung 4Ps, may umento tayong binibigay sa kanila para manatili yung anak. Pero baka masama ang kalusugan, o yung kalusugan ho, times three mula nang nag-umpisa tayo ang budget ng DOH. Yung Philhealth po, 93 million na ang saklaw. Dinatnan natin, naglalaro sa 47 hanggang 51 million lang. Yung kino-cover ng Philhealth na karamdaman, pinalawak rin natin uli.

So, alam niyo, sinasabi natin kasi dapang-dapa tayo nung nag-uumpisa, natuto tayong makatindig uli. Naglalakad na tayo, yung nakikita nating pag-asensong unti-unti, paarangkada na tayo. Ngayon ang tanong, yung naigagastos ng gobyerno bawat probinsya ho kasi—puwede ko kayong puntahan, ipapakita ko sa inyo kung ano ang diperensya ng pamamahala natin at sa pinalitan natin.

Bigyan ko lang kayo ng sample: Pampanga. Yung infrastructure po sa Pampanga, P9.41 billion, 2005 to 2010. Sa kalalakad po natin, P16.94 billion na po lahat ng probinsya ang laki ng idinagdag sa budget sa iba’t ibang larangan. Tatanungin natin, paano natin nagawa yan? Hindi naman ako nagtaas ng buwis maliban yung Sin Tax. Hindi naman tayo nag-iimprenta lang ng peso, hindi ba? Gumagawa lang ng pera na wala namang saysay. Yung ekonomiya natin, lumaki ng 6.2 percent average—pinakamataas po na average sa paglago natin for the past 40 years. Ang daming ratings upgrade na nakuha natin. Madaling salita ho, nakita tayo ulit ng mga negosyante’t sabi nila, “Mukhang maayos mamuhunan dito.” Namuhunan sila, nagbabayad ng buwis, lumalakas ang kakayanan ng gobyerno para naman mapondohan lahat ng ating kailangang pondohan, mula imprastraktura hanggang PhilHealth nga ho.

So mga kasama, alam naman niyo yung trabaho ko, talagang maraming kailangang gawin sabay-sabay. Kailangan ko pong mag-attend ng meeting sa Aguinaldo ngayong araw na ito. Kailangan kong lumapag dun ng 12:45pm, kaya mamaya ho palagay ko maganda tanghalian niyo, habang sumusubo kayo, pakialala niyo kaming bawal kumain at puro “memo rice.”

Siguro sisimplehan ko na lang mensahe. Nakiusap akong mauna na ako magsalita. Pinagmamalaki natin dito sa Daang Matuwid, lahat ng nangyayari dito, ang gumawa ay ang taumbayan. Unang-una, maniwala kayo sa sinasabi ko. Pangalawa, binigyan niyo ako ng mandato. Pangatlo, hindi niyo ako pinabayaan sa lahat ng hamong hinarap ko itong lampas na anim na taong ito. Palagay ko, wala sa atin na nag-isip na yung pagkatagal-tagal na mga proyekto natapos na at yung mga ginagawa sa ngayon, puwedeng mangyari, so balik na naman tayo.

Sa ika-9 ng Mayo, meron na naman tayong sangandaan, mamimili na naman tayo. Siguro ito lang iiwan ko sa inyong palaisipan: Ako po, unang tanong, siguro maganda gawin nating halimbawa eh. Kunwari ho nag-isip tayo magtayo ng negosyo at ang negosyong itatayo natin ay restaurant. Ang restaurant para maging sikat, para maraming kliyente, kailangan masarap yung pagkain. So pag kailangan ng masarap na pagkain, kailangan magaling ang kusinero. Tama ho ba?

May dumating na aplikante, gusto maging kusinero. Bigla na lang may isang taong ang training niya mekaniko pero magaling magpatawa, magaling magdamit, magaling magbangkaan, yung marami siyang kakayahan hindi na natin natanong kung magaling magluto. Kinuha natin ang mekaniko dahil nadaan tayo sa “Uy, parang okay tong taong to.” Nagluto si mekaniko, siyempre malabo yun. Nalugi yung restaurant dahil walang kumakain. Sino ang may kasalanan? Yung mekanikong kinuha natin o tayong kumuha kay mekaniko?

Simpleng-simple lang naman ho yan eh: Kuwalipikado. Ako, pag sinabi kong si Mar Roxas, kuwalipikadong pumalit sa akin, lahat nangangakong magbibigay ng trabaho. Si Mar Roxas, itinayo yung BPO Industry natin. This year: 1.3 million na po empleyado ng BPO Industry. Ang pinapasok na pondo sa ekonomiya natin: $25 billion. Ulitin ko po, $25 billion. Sinabi nga, pag napasok ka sa BPO, para kang OFW sa suweldo nang hindi umalis sa Pilipinas. Ulit, sila ang nangako ng trabaho, si Mar Roxas ginawa na po yan, pinapakinabangan na natin ngayon yan. [Tawanan]

May magaling raw sa pagsugpo ng krimen, peace and order. Si Mar ho, hindi naman nangangako, ginawa na rin. Simpleng bagay tulad po ng kanilang operations sa PNP “One Time, Big Time.” Ano po yung One Time, Big Time? Pag meron mga warrant, iipunin na lahat, pag hinabol yung lahat ng may mga warrant of arrest, minsanan. Para walang, “Uy nang-raid dun, baka tayo na ang susunod na raid. Tago tayo.” Wala nang binibigay na warning para—gaano karami? 2,400 plus na mga most wanted ang naaresto na dahil dun, dahil sa Lambat Bitag at iba pang mga programa mula nung panahon ng DILG Secretary si Mar, pinagpapatuloy ni Mel.

Ano po ang resulta niyan? Pag nakuha mo yung most wanted, kadalasan yun yung mastermind. Pag wala nang timon, yung sindikato niya, hindi na makakilos. So ang laki ho ng binabagsak ng crime rate pag nahuli natin mga most wanted. Ulit, may nangangako, si Mar Roxas ho ginawa na. [Palakpakan]

Si Leni Robredo naman po. [Palakpakan] Si Leni Robredo, abogado, puwedeng pumunta sa mga kumpanyang malaki ang suweldo. Pero simula nung nakapagtapos siya, nakapasa ng BAR, ang ginawa niya, una, Public Attorney’s Office—tumutulong sa mga walang kakayahang kumuha ng abogado. Dalawang taon dun, tapos 15 taon naman sa isang Non-Government Organization na ganun rin po ang kliyente: magsasaka, mangingisda, puro mga walang kakayahang kumuha ng sarili nilang abogado.

Si Leni ho, asawa ni Jesse pero hindi lang dapat dun sa pagiging asawa ni Jesse.  Alam niyo, parang naalala ko parati  sa kanila nanay at tatay ko eh. Sabi ng nanay ko, sabi ng tatay ko, pag pinag-uusapan yung kanilang kapareha, hindi nila maabot ang naabot nila kung hindi nila naging partner yung isa. At yun nga si Jesse at si Leni, marami nang narating at talaga hong nakikita natin yung damayan ng dalawa at pagiging isa ng pananaw na dapat tahakin.

Palagay ko po, ang laking pagkukulang natin pag hindi natin naiupo sa puwesto si Mar at si Leni at talaga naman po, [palakpakan] malaki ang pag-asa. Nito nga ho, nakatindig na tayo, naglalakad na tayo, patakbo na tayo, biglang may darating na bagong timon. Sasabihin, lahat ng ginawa ko palitan yan. Ano ho ang mangyayari sa atin dun? Imbis na abante, baka left turn, right turn. Pinakamasaklap, u-turn. Alam niyo ho kanina sa diyaryo kasi, binabasa ko eh, sabi raw po ni Ginang Imelda Marcos, Romualdez-Marcos, “My son will make this country great again.” So napag-isip ako, parang narinig ko na yun ah. At pina-research ko po, yun po ang campaign slogan ni Ferdinand Marcos nung unang tumakbo siya, 1965. “I will make this country great again.” Ako naman ho, baka sabihin niyo biased, napapag-isip lang ako, parang pareho pa rin ang slogan nila. Pareho pa rin yata ang gagawin nila. At kung may magagawa ako, hindi mangyayari yan. Ayoko nang ulitin yung dinaanan nating problema lalo na mula 1972 hanggang 1986.

Si Manong Oca ho—nakailang beses nakulong si Oca Rodriguez dahil pinagtatanggol niya ang karapatang pantao ng napakarami nating mga kababayan.

So wala akong pinagmamalaki maliban na unang-unang tumotoo ako sa inyo, na nangako ako sa inyong di hamak na mas maganda ang iiwan ko kaysa dinatnan ko. Kayo na ho ang testigo kung meron talagang nangyari o hindi. At kung merong nangyari, ulitin ko: Kayo ang gumawa nito, kayo ang may kayang magpatuloy nito, at kami ho, nakasandal lang sa inyo. Kayo ang Boss namin, sabihin niyo kung saan tayo pupunta. Makita natin sa ika-9 ng Mayo. [Palakpakan]

Pasensya na po kayo talaga, meron akong obligasyon na naman ng 12:45pm. Kaya ulitin ko lang po: Ako po, pagtapos ng 66 days na lang po, bababa na ako sa puwesto. Siyempre may mga ambisyon rin akong personal ko. Paano kaya yung buhay na tahimik? Paano kaya yung tuloy-tuloy na lahat ng pinagpaguran natin eh hindi sayang dahil naiupo natin yung mga magpapatuloy ng Tuwid na Daan at magpapalawak pa sa Tuwid na Daan.

So pag ganun na ho ang nakikita ko, puwede ko nang intindihin naman yung personal ko. At pag nandun na, makatikim naman ng konting katahimikan dito sa buhay na ito. Ito pong si kapitan kong Rodel eh, may balak yatang pumunta ng—saan ka ba? Stag party? O wedding? O pareho?

Anyway po, ulitin ko lang: Puwedeng mawala lahat ng ginawa natin ngayon. Puwedeng naging bakasyon lang tong anim na taong ito, o puwedeng maging permanente. Nasa sa inyo po yan. Nasa sambayanang Pilipino po yan. Kayo ang Boss, kayo ang magsasabi kung saan tayo pupunta.

Magandang tanghali po at maraming salamat sa inyong lahat.