President Aquino meets with the local leaders and community in Cebu City

Talumpati

ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa kanyang pakikipagpulong sa mga lokal na pinuno at pamayanan ng Cebu

[Inihayag sa Cebu Provincial Capitol grounds, Lungsod Cebu, noong ika-27 ng Abril 2016]

Mga kasama, yung mga nagtataas ng kamay ba eh single? [Tawanan] Yung double ho, huwag na tayong magtaas ng kamay ha? [Tawanan] Alam niyo, patapos na yung termino natin, 64 days na lang po natitira. Tapos po nun, retirado na ako sa buhay-pulitika. At parang nabalikan ko na rin ho yung buhay na dinaanan ko. Alam niyo, Martial Law nung prinoklama, tatay ko unang-unang inaresto, 12 years old po ako. Nung pinaslang siya nung 1983, ang unang-unang pinuntahan kong lugar sa buong Pilipinas para magsalita, dito po sa Cebu. August siya pinatay, September nandito na po ako.

Kuwento ko ho sa inyo paano sitwasyon noon. Alam naman niyo, tatay ko, lulan ng eroplano, binaba ng hagdanan, hindi na nakatuntong sa lupa ng Pilipinas, pinaslang. Ako ho, pagkarating sa Cebu, lulan ng PAL, binuksan yung dati ho sa baba, sa likod yung binababang hagdanan. So sa baba ho, nandun yung mga miyembro ng AVSECOM, hindi ba maraming nasentensyahan, nakulong dahil sa involvement nila sa pagpaslang sa aking ama. So yung crew ho ng PAL, tumingin sa baba, tapos sinabi nila ngayon, nakita yung mga AVSECOM. Sabi sa akin, “Sir, goodluck po sa inyo ah.” [Tawanan]

At sa totoo lang ho, nung umuwi ho ako, di ba siyempre, kailangan kong asikasuhin ang tatay ko, dapat nandun tayo sa pagdadasal para sa kanya para ilibing. At bilang kaisa-isang anak na lalaki, di niyo maalis sa akin talagang mapusok ang kalooban ko. Sobra yung ginawa nila sa tatay ko at talaga sa puso ko, gusto kong maghiganti. Pero nakita natin lahat ng dumamay, nakiramay sa amin at nakita kong mukhang may posibilidad pa yung mapayapang pagbabagong inasam-asam po niya.

So ito nga ho, dun nakita ko, pagdating ko dito sa Cebu, unang-unang beses ako nagsalita, alam niyo ang damang-dama ko ho sa Cebu, para bang wala nang Martial Law nung panahon na yun. Para bang nakalaya na ang Cebu at naging senyas na talagang patungo na tayo sa kalayaan. Ulitin ko po, yung sa init ng pagsalubong niyo sa atin noon, sa pakikisama niyo nung panahon na pinaslang ang aking ama, hanggang sa araw na to, nandiyan pa rin kayo, kaya dapat naman talaga ho: maraming-maraming salamat sa inyong lahat. [Palakpakan]

Yung sa lahat ho ng pinupuntahan nating lugar, nagpapaalam na po ako, nagbabalik-tanaw tayo. Ano bang napala natin sa Tuwid na Daan? At nasabi ko na ho dito sa Cebu ilang beses kung ano napala natin. Pero hayaan niyo akong magbigay ng ilang sample lang. Nung ako po kongresista, ang pinaghahatian—pag-upo ho natin 2010—ang kayang suportahan ng budget para sa school room, yung classroom: 8,000 paghahatian ng buong Pilipinas. Ulitin ko po: 8,000—maghahati ang buong Pilipinas. Kaya kung congressman ka, makakauwi ka ng walong classroom, maganda-ganda na yun. Makauwi ka ng sampu, aba, magaling ka. Pag makauwi ka ng isang dosena, talagang ang galing mo.  Ngayon, ang problema nga ho, distrito ko: 159 na barangay, hindi namin kayang magdala ng isang eskwela kada barangay matapos na yung aking termino. Natapos na yung 9 na taon na naging congressman po ako, 72 lang po yung classroom, wala pa sa kalahati.

Sa Tuwid na Daan naman po, dahil binigyan niyo ako, tayo ng mandato at hindi niyo tayo iniwanan, sa lalawigan pa lang ng Cebu: 7,900 classrooms na po ang napagawa natin—napagawa at kasalukuyang ginagawa. Kabilang lang po yan sa matatapos pong 185,000 classrooms sa buong Pilipinas. [Palakpakan]

Sa mga kalsada ho: Ang Cebu, hindi rin napabayaan. Hayaan lang niyong tingnan ko itong ating konting notes. Nung 2005 hanggang 2010, ang ipinagkaloob ng National Government na pondo para sa infrastructure ng Cebu: P12.6 billion.  Sa Tuwid na Daan po, 2011 hanggang 2016: P34.8 billion, halos tatlong ulit ang laki ng idinala natin dito. [Palakpakan] Kayo na ho testigo dun sa PPP projects tulad ng Cebu-Mactan na airport, na hindi lang natin makukuha yung mas maayos na airport pero binayaran pa tayo, binigyan tayo ng premium na P14.4 billion para ibigay sa atin yung imprastrukturang kailangan natin. Siyempre, meron na rin po yung sa Bantayan, may budget na rin pong P10 billion to, under procurement and construction ng bagong passenger terminal.

Yung unang-unang Bus Rapid Transit System sa buong Pilipinas, dito gagawin sa Cebu. [Palakpakan] Naalala ko tuloy, alam niyo po, ang bentahan raw ng kotse sabi sa akin ng DTI, taon-taon for the past 2 or 3 years na po, lumalaki ng 26 percent so parang nahihigitan ng dagdag na 26 porsyento kada taon. So sa 2014 at 2015 lang po, lampas 600,000 yung car sales, puwera pa dun yung 1.2 million na motorsiklong nabebenta kada taon. Yun po ang pumupuno, nagbibigay sa ating trapik sa maraming lugar sa Pilipinas.

Dito lang ho sa Cebu naalala ko, merong usapin, may budget na nakalaan, puwede nating ipinagawa yung isang flyover dun sa intersection na magulo, kung naalala niyo, di ba? Kasi intersection normally ho, parang X eh, di ba? Dito ho, yung intersection niyo, parang tatlo yung sanga-sanga eh. So may flyover ka, yung didiretso, hindi na kailangang makipaglabanan dun sa intersection. Medyo nag-away ho yung mayor at saka yung kongresista, pinakiusapan ko ho yung dalawa.  Nagpunta sa Malacañang, sabi ko, maiibsan ang traffic na to, bakit di natin gawin? Awa ng Diyos ho, klaro naman sa inyo wala yung flyover, hindi ko ho nakuhang pagkasunduin yung dalawang yan. Ngayon po, eleksyon, bahala na kayo kung sinong tama sa kanila. [Palakpakan]

Dagdagan pa natin ho, yung mga kalsadang ginawa ho dito: itong Mactan na Circumferential Road at iba pa, bahagi lamang yan ng 18,000 kilometers of paved roads sa buong Pilipinas. At ang haba ho ng listahang dala-dala ko eh, pero pag sinabi ko naman sa inyo lahat yan, baka naman sabihin niyo, “Teka muna, interesado kami dun sa nangyari, pero paano naman yung kinabukasan?” At dun tayo mag-usap ngayon, yung kinabukasan. [Palakpakan]

Ano ba dinatnan nating sitwasyon? Banggitin ko sa inyo yung probinsya ng Apayao. Yung Apayao, kokonti ang botante, higit-kumulang ho yata, higit 100,000. Ngayon, ang problema nun, pag may pulitiko, saan ba natin dadalhin ang resources o yung kaban ng bayan? Kung dati na may PDAF ang legislator, katulad ng senador, saan ba tayo makakakuha ng maraming boto? Dahil konti ang boto nila, parati silang nakakalimutan.  Pag nakalimutan naman ang bayan tulad ng Apayao, ang probinsya tulad ng Apayao, yung tao dun, walang nakikitang asenso sa buhay. Nagiging madaling makumbinsi ng mga NPA at iba pang grupo na “Walang mangyayari sa inyo dito, sumama na kayo sa amin”.

Ang magandang balita po sa Apayao ngayon, sabi sa akin ni Secretary Babes Singson ng Department of Public Works and Highways, dun sa infrastructure needs nila, naabot na natin yung tinatawag na physical limitation. Ano po ibig sabihin nun? Kuwento sa atin ng isang nakausap natin nung tayo’y umattend ng isang rally dun, sa bayan po nila, pag may nagkasakit, kailangan dumaan sa isang kagubatan para makaabot sa ospital. Pagdaan nila dun sa kagubatan na yun, walang kalsada, so maglalakad dala-dala yung pasyenteng malubha. Tuloy, maraming hindi na nakakaabot sa ospital, namamatay dun sa gubat, kaya yung gubat ho, gubat siya at saka sementeryo na rin raw. Ngayon po, may kalsada na sila, minuto na lang raw ho yung biyahe papunta dun.

Ngayon ho, ang problema natin, umabot sa physical limitation, may lugar walang kalsada, binuksan. Pag binuksan mo, una muna, walang pavement yan, kailangan kasi mapasiksik yung lupa bago mo patungan ng aspalto o kongkreto. Ang kailangan nun, dalawang tag-ulan ang dadaan para talagang yung ma-compress o ma-compact yung lupa. Lahat ng puwedeng lagyan ng pavement, nalagyan na natin pero may naiwan pang parte na kakabukas lang, kaya hindi pa puwedeng lagyan ng aspalto o semento.

Ngayon ho, ang tanong, pag yung pumalit sa atin, babalik na naman sa istilo, na “Konti lang boto diyan, wala akong pakialam sa kanila.” So yung ginawa nating kalsadang umpisa ng iba, dadaan yung mga ulan, imbes na patungan na natin ng pavement na aspaltong kongkreto, di ba, dadaan, dadaan, walang magme-maintain, walang mag-iimprove, sandali lang, magiging gubat na naman yun. Balik na naman yung mga taga-Apayao, “Paano kami? Di ba kami anak ng Diyos?”

Pumunta naman tayong Mindanao: Maraming kaguluhan sa ARMM, sa Lanao del Sur, may dalawang bayan po dun, yung governor, kung dadalawin niyo itong mga bayan na to, ang biyahe raw po niya: walong oras. Bakit walong oras? Dadaan pa siya ng Bukidnon, Cagayan de Oro City, at marami pang ibang lugar. Umiikot siya ng mga ibang lugar para makarating dun sa bayan na kanyang saklaw dahil dati walang kalsada.  

Yung dating walong oras na biyahe, may kalsada na sila ngayon, isang oras kalahati na lang raw ho ang biyahe at magiging isa na lang pag nakongkreto na yung ibang parteng tinatapos. [Palakpakan] Ano hong maganda dun? Yung gobyerno, nadadama ng ating mga kababayan na, hindi di ba, kung kayo yung governor ng probinsya ng Lanao del Sur, walong oras ang biyahe, walong oras rin yung pabalik, labing-anim na oras na yun. Kung natutulog ka nang walong oras sa isang gabi, isang araw na yun. Madaling salita ho, pag dinalaw mo yung bayan na to, talagang manigurado ka na yung buong araw na yun, wala ka nang ibang gagawin. So hindi natin maaasahan na madalas makapunta yung gobernador nila para makita pangangailangan. Pag napabayaan naman yung mga taong yun, ito na yung mga ano, tinatawag na threat group, yung BIFF, yung di ba, MNLF, baka yung Abu Sayyaf.  “Sumama na kayo sa amin, di naman kayo iniintindi ng gobyerno.”

Pero ulitin ko, ngayon ho, yung walong oras na biyahe, isang oras at kalahati na lang biyahe. Pag hindi dinalaw ng gobernador, may problema yung gobernador na yun, mukhang tamad siya. Pero yung governor po nila sa kasalukuyan, masipag kaya naasikaso na. [Palakpakan]

Sa tinagal-tagal na panahon na sa bayan ho sila, hindi inasikaso yun, magtataka ba tayo kung bakit sila’y walang pakialam sa atin, kung ganon ang pakiramdam nila, hindi rin sila—di ba walang nagmamahal sa kanila at walang may pakialam sa kanila.

Sa ika-9 po ng Mayo, magdedesisyon tayo. At para sa akin ho, nagpapasalamat ako sa lahat ng kalaban ni Mar Roxas. Sasabihin niyo, “Bakit?” Sa ginawa niyong napakaliwanag eh, napakadali nitong halalan na to. Bakit ko ho nasabi yan? Dito ho kasi, sinisigaw ni Mar, ni Leni, at yung mga kasamahan: Ituloy ang Tuwid na Daan. [Palakpakan] So sa Mayo 9, yun ang parang referendum na ginawa natin sa loob ng anim na taon. Tama ba na nakagawa tayo ng 185,000 na classroom na dati’y 8,000 a year lang? 8,000 a year, 6 na taon—48,000 lang. Tama ba na yung dating 47 hanggang 51 million raw na miyembro ng PhilHealth, ginawa na natin ngayon: 93 million na. [Palakpakan] Tama ba na yung BPO industry dito lang ho sa Cebu, dati $300 million ang tinutulong sa Cebu.  ngayon, lampas $900 million na po ang tinutulong sa Cebu at marami pa hong ibang nagawa natin. Alam naman po niyo yan. Ulitin ko ha, hindi ginawa ni Noynoy Aquino to, ginawa natin. [Palakpakan]

Ngayon ho, bakit ako nagpapasalamat sa kalaban? Yung mga iba nangangako ng trabaho, di ba? “Pag ako nakaupo, milyon-milyong trabaho taon-taon.” Si Mar Roxas, ginawa na. [Palakpakan] Bakit ko nasabi yan? Balikan natin yung BPO. Kailangan maghanap tayo ng angkop sa Pilipinas. Inumpisahan niya—iha, kumusta ka? Lahat ng pinag-uusapan dito, para sayo. Ako ho kasi retiring na, siya papunta pa lang sa kinabukasan niya.

Ulit natin: BPO, nahanap ni Mar, mukhang maganda, mukhang angkop tong BPO na to. This year ho, ang diretsuhang empleyado sa BPO Industry sa Pilipinas: 1.3 million na katao. Yun po yung million na pinag-uusapan. Ang itutulong sa ekonomiya ng Pilipinas:  $25 billion dollars. okey, yung mga nangangako ng—yayayain lang kung sino-sino, nayaya na ni Mar yung nasa BPO at palaki nang palaki yan. [Palakpakan]

Ano pa potential natin dun? May nakausap po ako, kakaumpisa kong maupo bilang Pangulo niyo, mga empleyado nila higit-kumulang yata, mga 15,000—10,000 to 15,000 nung unang nag-uumpisa tayo. So sabi ko sa kanya, nakiusap ako, “Alam mo pinakaimportante sa amin, makalikha ng trabaho eh. Tulungan mo naman kami. Baka puwedeng gawin mong 30,000 bago ako maupo, yung bago ako bumaba sa puwesto.”  Sabi niya, “Pipilitin po natin.” Last time ko po nakausap, itong hinihingan ko ng 30,000 na trabahador, 60,000 na pala empleyado nila. [Palakpakan] Pero ang pinakamabigat dun sa sinabi niya sa akin, sa totoo lang ho, nasa Maynila po to eh, bigyan niyo ako ng building anywhere on EDSA, pupunuin ko yan. Yung dating 30,000, di siya sigurado; ngayon, may 60,000 na siya. Kaya pa niyang pumuno ng maski bagong building dahil kulang na kulang sila sa espasyo. [Palakpakan]

So dagdagan ko pa ho, sabi ng iba diyan, ayusin nila yung peace and order. Si Mar ho, nag-isip ng mga programa ng DILG saka ng PNP tulad ng One Time, Big Time. Ano ba yung One Time, Big Time?  Parang lotto ang dating eh, noh? Hindi ho ganun yun. One Time, Big Time: Lahat ng hinahanap sa isang lugar na talagang matitinding mga kriminal, mga most wanted, pag sinubukang arestuhin ng kapulisan, one time. Lahat sabay-sabay ise-serve yung search warrant. Ano bang ibig sabihin nun?  Wala nang panahon yung iba na matuklasan, “Uy, mainit ang pulis sa atin. Magtago tayo.” Bago nila mabalitaan na hina-hunting silang lahat, nandun na yung mga huma-hunting sa kanila. Resulta: Mga lampas 2,000 na po dun sa pinaka-most wanted ang rehistrado. At dahil nawala yung mga mastermind, yung mga galamay hindi na alam kumilos kaya ang laki ng ibinaba sa ating crime rate sa buong bayan. Ginawa na ni Mar, at hindi pinapangako. [Palakpakan]

Ngayon ho lahat ng nagawa natin, lahat ng nauna sa akin, puwede namang ginawa eh. Yung pag-angat ng ekonomiya natin na 6.2 percent on average, for every year ha, last time natin na nagkaroon ng ganitong klaseng paglaki ng ekonomiya: 1970s po eh. At saka nun, medyo may pagkadaya pa yung numero, Martial Law pa nun eh. Ito ho ang pinakamalaking growth spurt natin.

Yung pagtugon sa kalsada sa Apayao, yung pagtugon sa kalsada sa Lanao, yung lahat ng pinaggagawa natin sa Pilipinas, ulitin ko ho, puwedeng nagawa bago pa tayo. Unang-unang patakaran, aba’y huwag mong nanakawin yung kaban ng bayan. Tama po ba? [Palakpakan] Pasalamat tayo sa katunggali ni Mar Roxas, para maliwanag ang pinagkaiba.  Isa ho dun, 2014 sinabing may mga katiwalian ka, nasa 2016 na po tayo eh, di ba? 12 days to go na lang, boboto na tayo. At tulad ko ho siguro, kayo rin hinihintay niyo yung sagot: Talaga bang nagnakaw ka o hindi? Hindi na puwede yung parati na, “Pulitika lang yan.” Nasampahan na ng kaso, two years puwede niyang sagutin sa atin lahat, at hindi pa nasasagot hanggang ngayon. Last 12 days to go, malamang pag naupo yun, pag-upo niya lalo na nating di natin malalaman yung sagot dun sa tanong natin, di ho ba? [Palakpakan]

okey, dagdagan ko pa po. Anniversary po ngayon eh, ng EDSA Revolution. 30 years ago, nagkaroon tayo ng EDSA Revolution. Sabi natin, ititigil na natin yang pagnanakaw. Ititigil na natin yung diktador, tama ho ba? Kaya kung minsan, napapag-isip ako, tama kaya yung mga survey? Kung kailan pa 30th Anniversary ng EDSA, yung dating lumalamang raw na Vice President, ang nagsabing wala silang—di ba, handa siyang humingi ng patawad kung alam lang niya kung ano ang dapat niyang hingan ng tawad, di ba? Ibig sabihin ho nun, wala kaming ginawang mali. At kung wala kaming ginawang mali, eh di tama yun. At kung tama yun, itutuloy niya. Tama kaya yung survey na nangunguna siya?

Yung isa naman ho, at papasensiyahan na niyo, pero ako’y nagtatanong lang. Yung isa naman pong kalaban ni Mar Roxas, talagang pag napapakinggan natin, napapanood natin pag nagsasalita, talagang nakakagulat. Tama ho ba? Ewan ko, baka naman yun lang nakikita ko sa media, parang kada bukas ng bibig, may inaaway na bago. [Tawanan] Tama ho ba? Meron ho ba ditong nakipag-away na may napalang maganda? Tapos ito hong—alam niyo pag tinatanong, “Kumusta ba kalusugan mo?” Siyempre, yung botante, “Tutulungan kita pero baka mawala ka naman sa eksena. Sayang naman yung tulong ko.” May karapatan kang malaman. At pag naging Pangulo ho, nasa Saligang Batas natin yun, kailangan alam ng gabinete kung ano iyong kalusugan ng Presidente. Dahil nung Martial Law, huwag nating kalimutan, nilihim sa atin na malala ang kalagayan ng kalusugan ni Ginoong Marcos. Tama ho ba? Kaya nasa Saligang Batas eh.

O ngayon, kakaumpisa ng kampanya, diretso sa ospital, “Anong nangyari?”  “Bakit ko sasabihin sa inyo.” Tama ho kaya yun? Ulitin ko lang ho, di ba parang nung umpisa, sabi sa atin, bigyan niyo ako ng tatlo hanggang anim na buwan, tatapusin ko problema ng kriminalidad. Hindi! Nagbago ho eh, nakikinig naman pala. Hindi na ho tatlo hanggang anim na buwan ngayon, isu-suppress na lang niya. [Tawanan] Hindi okey rin yun.

Pero alam niyo, ako po naniniwala, di bale sana kung meron kang ipinapangako na bago eh. Sa akin lang hong pag-iisip, ginawa na natin yan eh, di ba? 1972 hanggang 1986, ganon ang sistemang pinairal sa Pilipinas. At dito sa Cebu, lumabas kayo at sinabi, “Tama na, sobra na, palitan na.” Sa Maynila ganun rin, sa Davao ginawa rin yun—come to think of it, sa Davao sinabi rin yun. Tapos ngayon, sa ika-30 anibersaryo ng EDSA, ang lumalamang raw sa survey, yung mga tila magbabalik ng ganung istilo. Ako masusunod, pananaw ko lang ang tama, lahat ng hindi sumunod sa akin, humanda kayo. [Palakpakan]

O ngayon ho, idagdag ko lang ha, idadagdag ko. Alam niyo ang daming nagsasabi sa akin, “Nakakatakot na ang pag-angat nito, gawan mo naman ng paraan.” Para bang gusto kong isagot sa kanila, alam niyo after 64 days, ordinaryo na po akong mamamayan eh. Baka naman inaasahan niyo ako pag nakalusot to at nang-abuso to, mangunguna na naman ako sa laban? Palagay ko ho, pag nakita akong may nang-abuso, maninindigan ako ulit. Pero tanong, ewan ko kung nakakasigurado tayong nandon pa kaya ako, papormahin pa kaya ako? Puwede niyo bang ipasa sa akin yung responsibilidad na manguna dahil ako palagay ko, pag naisip ng iba, “Ito ang puwedeng pumalag sa atin.” Baka ako unang mawala, tama ho ba?

Babalik ako dun, ako kaya ko—puwede, pagbaba ko sa puwesto, wala na yung PSG, matuloy na lahat ng balak ng kung sinuman, nasa kanya na yun, noh? Pero kaya ba niyong talunin kami? Ako paniwala ko, hindi. Sabi sa akin, sumandal ako sa inyo, turo ng magulang ko, taumbayan ang talagang pinakamatatag na dapat sandalan. [Palakpakan]

Baka may nagpaplano na sa akin. O sige, baka magtagumpay kayo. Okey na rin sa akin yun. Palagay ko naman meron na akong naitulong para mapaganda ang ating lipunan. [Palakpakan] Pero hindi ko ho matatanggap na kakayanin ng buong Pilipinas dahil kung sinumang nag-iisip nun, hibang kayo, nagkakamali kayo, at pag ginalit niyo ang taumbayan, mararamdaman niyo kung ano ang puwersa ng taumbayan. [Palakpakan]

So kanina nga ho, yung batang binati ko dito… Thank you rin po. Alam niyo, sarap sana imbitahin ko kayo lahat sa kasal ko eh. [Tawanan] Kaya lang mahirap pakainin kayong lahat. [Tawanan]

Pero alam niyo, sa totoo lang, siguro ito pinakamadaling paraan para ipaliwanag ko sa inyo kung paano yung kinabukasan eh. Nung nabubuhay po nanay ko, nung panahon na yun, may girlfriend ako at kursunada niya. Dahil kursunada niya, kasi nanay ko hindi nakikialam sa lovelife eh, pero dahil kursunada niya, nagpabili ng tela at siyempre kasalan puti. Hindi ho kami nagkatuluyan. Sabi ngayon ng gagawa ng damit, buti na lang ang kulay namin dilaw, dahil yung dating puti ay naninilaw na raw ngayon. [Palakpakan] Baka puwede pang magamit. Problema nga pati nanay ko, wala na ho, wala na siya dun para—ganun talaga ang buhay.

Ulitin ko lang: Martial Law, 12 years old ako. Pagkatapos ng Martial Law, 26 ako.  Parang 56 years old na ho ako ngayon eh. 44 years ng buhay ko, maski papano, parang nakadamay na sa usapan ng bayan, kaya parang napapag-isip ako, paano kaya ang buhay ko after July 1 na hindi na ho pulitika ng bayan ang aking dapat pag-interesan?

Siyempre ninanais ko naman na pagretiro ko, meron talagang totohanang magpapatuloy ng nangyayari. Ano bang ibig sabihin ng nagpapatuloy?  Lahat ng pulitikong napakinggan natin simula nung panahon ni Mahoma, di ba ang sinasabi, “Iboto niyo ako, pagagandahin kong buhay niyo!” Tama? O ngayon, ano ang pinagkaiba?

Kinuwento ko nung huling beses ko dito sa Cebu, nanggaling ako sa Negros Occidental, landing po ngayon dun, Silay papunta ng Bacolod, dadaan kayo ng Talisay. Sa Talisay po, gabi nang dumating kami, ganda ng kalsada, highway talaga. Kumbaga sa Luzon ho, expressway na yun. Pati ilaw, tama disenyo, tama lakas. Nung umaga, siyempre yun naman ang balik na ruta pabalik sa airport.

Merong dalawang dinedevelop na mga malalaking lupain: ang Ayala at saka Megaworld. Sabi po ng mayor ng Talisay, sa Talisay po ginagawa to, sa Negros Occidental. Dahil ho sa interes nilang pinakita, yung presyo raw ng lupa sa paligid, nagtaasan. Dahil tumaas yung presyo, tinaasan yung buwis, tumaas yung tinatawag na Real Property Tax collection.  Anong resulta? Ang daming naitulong nila dun sa Special Education Fund. Saan napunta? Bumili sila ng sariling bus nila, binigyan nila ng dagdag na allowance yung mga maestra nilang papunta sa mga liblib na lugar. Pinapakain nila yung mga estudyanteng kindergarten hanggang grade 3 dahil yun ang pinakamadaling mabiktima ng malnutrition. Bumili ng sariling IT equipment, dinagdagan ng mga kagamitan ng mga estudyante at marami pang mga ibang bagay.  

Ulit: Dahil may kalsadang bago, nakitang puwedeng idevelop ng dalawang kumpanya, bakod pa lang ang itinayo, wala pang hinuhukay para sa pundasyon, wala pa yung mga gusali, meron nang pakinabang yung komunidad ng Talisay. Yun yung dating dapa tayo, nakatayo tayo, naglalakad na tayo, susunod naman patakbo na.

Ano yung papatakbo na? Magkakaroon ng mga gusali kaya nila binili yun eh, di ba? Magtatayo ng pabrika, magtatayo ng opisina. Madaling salita, dagdag ang trabaho ng mga kababayan natin dun sa Talisay at mga paligid na lugar na dati’y walang pag-asa. Ngayon po, meron nang pag-asa.

Gobyerno naman, di ba, tumulong na ihanda na mabigyan ng kakayahan lahat ng mga may gustong pagsamantalahan itong oportunidad na to. Hindi tayo nagtayo ng classroom para meron lang may maipakitang monumento, may classroom. Hindi ho. Tinayo natin yung classroom para merong maayos na pagpupuntahan ng mga kabataan para makaaral, masanay sarili nila, tinutulungan natin sa kalusugan, alam naman po niyo yan. Tinutulungan natin pati sa pagkain nila mula dun sa 4Ps. Pag naka-graduate, kinausap na natin yung mga industriya, anong kailangan niyong trabahador para may papasukang trabaho. Yun po yung paarangkada. Tinatanim natin ngayon, tapos pinipitas na natin yung ilang bunga, pero karamihan ng bunga, parating pa lang, kung itutuloy natin yung Tuwid na Daan. [Palakpakan]

Alam ho niyo, wala namang garantiya yun eh. Pag yung namuno sa atin, iba direksiyon, sabi nga baka mag-left turn, right turn, pinakamasaklap, u-turn. [Palakpakan] Alam niyo, u-turn di ba? Dito sa Cebu, testigo naman kayo, yung mga ilaw sa kalsadang may pagkamahal. [Palakpakan] Tama ho ba? Yun ang u-turn. Bakit tayo papayag magkaroon ng pagkakataon magkaroon na naman ng ganun?

Ngayon ho, ulitin ko lang ho: Mag-isip tayo at mas importante, lapitan natin lahat ng wala dito, kausapin natin at itanong lang natin—bakit kuwalipikado yung gusto mong iboto na maging Pangulo ng Pilipinas? Bakit kuwalipikado yung kursunada mo para maging Pangalawang Pangulo ng Pilipinas? Pag wala hong maayos na sagot, baka sabihin natin, “Teka muna, yung kandidato namin kuwalipikado.” Yung hindi nangangako, ginawa na. Yung ginawa na dati, lalo pang gagawing mas mabuti sa kinabukasan. [Palakpakan] At sa akin pong pananaw, ang talagang kuwalipikado lang ay ang tambalang Daang Matuwid, iprisinta ko po sa inyo ngayon: Si Mar Roxas, ang susunod nating Pangulo ng Pilipinas, kasama si Leni Robredo. [Palakpakan]

At ako po’y magpapaalam na sa inyo. Sabi ng nanay ko, “Hindi ka kandidato. Huwag ka masyado mahaba magsalita. Salamat po, salamat sa inyo.” [Palakpakan]

Ulitin ko lang ho, lahat ng nagawa natin—natin—tayo ang gumawa. Thank you rin po. Sa ika-9 ng Mayo ha, isa lang ang boto ko, kailangan ko ng tulong niyo. [Palakpakan]

Ito na po ang susunod nating Pangulo ng Republika ng Pilipinas:  Mar Roxas.