Speech of President Aquino at GOCC Dividends Day

Talumpati 

ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa 2016 GOCC Dividends Day

[Inihayag sa Bulwagang Rizal, Palasyo ng Malacañan, noong ika-23 ng Mayo 2016]

Ang panata ko po sa ating mga Boss: Iwan ang ating bansa na talagang napakalayo ang sitwasyon kaysa ating dinatnan. At ang pagtitipon nga po natin tuwing GOCC Dividends Day ang isa sa mga patunay nito, at talaga naman pong nagpapangiti sa atin.

Para malaman na talagang tumotoo tayo sa ating panata, hayaan po ninyong magbalik-tanaw tayo sa ating pinanggalingan.

Sa atin pong unang SONA, tinukoy natin ang mga korporasyong imbes na maglingkod sa taumbayan, ay una pang binibigyan ang sarili ng sari-saring mga allowance at bonus. Noon, kapag nakapasok ka ng GOCC, para bang binigyan ka na rin ng pribilehiyong magsamantala sa puwesto.

Isa nga po sa nabanggit nating halimbawa noon ay isang GOCC: Bukod sa mga regular na pasahod at umento, nakatanggap din sila ng mid-year bonus, productivity bonus, anniversary bonus, year-end bonus, grocery incentive, at financial assistance. At pagdating po ng Pasko, may Christmas bonus na, may additional Christmas package pa. Sa lagay pong yan, lugi pa ang kanilang kompanya, ganon karami ang bonus. Malamang ho, nire-reward natin nong panahon na iyon ang poor performance. Ganito nga po ang dinatnan nating imahe ng ating GOCC: Kumbaga sa kalabaw, ginatasan na, gusto pang karnehin.

Hindi naman po natin hinayaan na magpatuloy ang ganitong kalakaran sa ilalim ng ating panunungkulan. Sa pangunguna ni Secretary Cesar Purisima at ng Department of Finance, tinukoy natin kung ano ang mga mali, at inayos natin ang sistema. Nagbunsod nga po ito sa pagkakaroon ng isang batas sa Kongreso na magsusulong ng propesyunalismo sa ating mga GOCC. Sa tulong ng noo’y Congressman Jun Abaya at ni Senador Frank Drilon, naisabatas ang GOCC Governance Act of 2011. Sa pamamagitan nito, itinatag natin ang Governance Commission for GOCCs (GCG), na siyang nangangasiwa sa pagbabantay at pagpapabuti sa serbisyo ng ating mga korporasyon.

Masuwerte nga po tayo, naitalaga natin sina Chairman Cesar Villanueva, ang mga Commissioner Angela Ignacio at Rainier Butalid. Sa kanilang mahusay na pamumuno, itinutok at ibinalik po natin ang GOCC sa tunay nitong mandato: ang arugain at paglingkuran ang ating mga Boss, ang taumbayan. Ang tanong nga po: Ano po ba ang ating napala?

Kanina nga po, nasaksihan natin ang paghahatid ng dibidendo ng ating GOCCs sa gobyerno. Ang halagang nai-remit ng ating mga GOCC sa kaban ng bayan ngayong taon: P27.28 billion. Bukod pa po diyan ang karagdagang P12.92 billion na iba pang remittance ng ating mga korporasyon.

Sumatotal po, sa halos anim na taon ng ating pamamahala, P164.33 billion na ang nairemit na dibidendo ng ating GOCCs. Halos dobleng pag-angat kung ikukumpara sa naabot ng nakaraang administrasyon na P84.18 billion mula 2001 hanggang 2010. Idiin ko lang po: Siyam at kalahating taong nasa poder ang ating sinundan.

Kita naman kung gaano na kalayo ang ating narating sa serbisyo ng ating mga GOCC. Isa pong matingkad na halimbawa ng malaking pagbabago sa ating mga korporasyon ang APO Production Unit. Sa pamamagitan ng mga reporma gaya ng computerization system at pagpapaunlad sa kakayahan ng mga empleyado nito, nabaliktad ang imahe ng APO bilang korporasyong laging nalulugi, tungo sa kumikita nang tanggapan. Sa katunayan, ang sales nito umabot lang ng P329.14 million noong 2010, pumalo ng P1.21 billion pagdating ng 2015. Di ho ba ang laking diperensya, di po ba? Ngayong taon nga po, nakapagremit ang APO ng P5 million na dibidendo.

Nariyan din po ang transpormasyon ng Philippine Reclamation Authority o PRA. Kung isusuma ang dibidendong naibigay ng PRA mula nang itatag ito noong 1977 hanggang bago tayo umupo sa puwesto noong 2010, wala pa pong P1 bilyon. Tatlumpu’t tatlong taon po yan. Sa atin naman pong pamamahala, mula Hulyo 2010 hanggang Mayo 2016, ang nairemit ng PRA: P5.77 bilyon o mahigit limang beses na pag-angat. Ngayong taon, kabilang ang PRA sa mga korporasyong nakapagremit ng P1 bilyon sa gobyerno.

Special mention naman sa lalo pang nagpakitang-gilas ngayong taon ang Government Service Insurance System, Pag-IBIG Fund, Social Security System, at PhilHealth. Kasabay ng pag-angat ng inyong mga kita, pinalawak din ninyo ang mga ayuda at benepisyo para sa Pilipino.

Sa tulong nga po ng kontribusyon ng ating mga GOCC, mas napopondohan na natin ngayon ang mga programa at proyekto nating nasa ilalim ng unprogrammed funds, gaya ng, o bahagi, ng AFP modernization; socioeconomic programs, partikular sa edukasyon at kalusugan; irigasyon sa agrikultura; pati na ang mga lokal at pambansang imprastraktura gaya ng mga tulay at daungan.

Kaya naman sa ngalan ng sambayanang Pilipino, taos-puso akong nagpapasalamat sa mga bumubuo ng mga korporasyong nagpakitang-gilas, at nagpamalas ng kanilang makabuluhang kontribusyon sa bansa. Maraming salamat sa mga empleyado’t kawani ng bawat opisina, hanggang sa kanilang mga direktor at pinunong namamahala sa ating mga korporasyon. Kung tutuusin, puwede ninyong piliing magtrabaho na lang sa pribadong sektor kung saan puwedeng naging mas tahimik at mas maaliwalas ang inyong buhay. Alam kong sa paglilingkod sa gobyerno, pinili ninyo ang mas maliit na suweldo, at pagpasan ng mas mabigat na hamon para tuparin ang inyong tungkulin. Muli po, maraming-maraming salamat sa inyong lahat.

Ngayon nga pong inaani na natin ang positibong bunga ng ating mga ipinunla, paano natin ito mapapanatili? Siyempre, sa anumang organisasyon, kailangan pa rin nating bantayan ang pagtupad ng ating tungkulin at paunlarin pa ang ating mga serbisyo. Sinimulan na nga po natin ang rationalization and reorganization ng ating mga GOCCs upang matiyak ang epektibo nitong serbisyo. Nito pong Abril, umabot na sa 26 na GOCC ang ating inabolish dahil sa kanilang pagkalugi o nag-uulit na mandato, tatlo naman ang inaprubahan para sa privatization, habang isa ang ime-merge na sa isa pang korporasyon. Bukod dito, ipinapatupad na rin ng GCG ang Performance Evaluation System para maiwasan ang sobra-sobrang pagtanggap ng mga benepisyo ng mga empleyado, at gawin talagang makatwiran. Ang layunin natin: Makatanggap ng makatwirang insentibo sang-ayon sa matibay na pamantayan.

Siyempre hindi naman natin maaatim na kayong mga nagpabuti sa serbisyo ng gobyerno ay makakaligtaan lang. Kaya naman nitong Marso, inaprubahan natin ang Compensation and Position Classification System (CPCS) para sa ating GOCCs. Layunin po nitong mailapit ang sahod ng mga nasa sektor ng GOCC sa natatanggap ng mga nasa pribadong sektor. Hindi man nito masuklian nang buo ang inyong mga sakripisyo, ituring sana ninyo itong pagtanaw ng estado sa makabuluhan ninyong ambag sa ating bansa. Siyempre po, kung magpapatuloy ang magandang performance ninyo, napakadali pong imungkahi na lalo pa hong palapitin ang sahod at benepisyong kinikita ninyo sa pribadong sektor. At sa atin namang PEZA, nabanggit ko na po kay Senator Drilon na irepaso yung batas sa susunod na Kongreso, para namang makita rin at mabigyan ng talagang pagkilala ang maganda ninyong performance. Sila po ay hindi napasama raw dito sa CPCS.   

Sa tulong ng ating GOCSs, pinatunayan din natin: Good governance is good economics. Sa mabuting pamamahala, lumalago ang ekonomiya. Nito nga pong 1st quarter ng 2016, nagtala tayo ng 6.9 percent GDP growth—ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya sa buong Asya. At ito nga pong paglagong ito ang nagbigay sa atin ng higit na kakayahang paglingkuran, hindi lang ang iilan, kundi ang nakakarami.  

Tandaan natin: Lahat ng nakamit nating tagumpay, puwede sanang nagawa na noon pa, pero hindi nangyari. Ngayong inaani na natin ang positibong bunga ng mga pinunla nating reporma, simple lang ang hamon at panawagan sa atin: Huwag tayong tumigil at makuntento lang sa nagawa na; tiwala akong di kayo magsasawa sa masigasig na pagtupad ng inyong mandato. Malayo na ang ating narating; siguruhin nating magiging permanente ang ating mga nasimulan tungo sa pag-abot ng mas matatayog nating pangarap.

Hanggang sa huli, ang masasabi ko po: Napakalaking karangalan sa aking pamunuan ang isang dakilang lahi na itutuloy ang paghubog sa isang mas maunlad at maginhawang bukas para sa bawat Pilipino.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.