Read in English

Noong ika-15 ng Nobyembre 1935, isinagawa ng mga Filipino ang isa sa mga huling hakbang tungo sa kalayaan sa pagpapasinaya ng Komonwelt ng Pilipinas. Dalawang buwan bago nito, noong Setyembre 16, isang milyong Filipino ang dumagsa sa nga botohan para ihalal ang kanilang dalawang pinakamataas na opisyal–ang Pangulo at Pangalawang Pangulo. Ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan ng bansa na isang Filipino ang, sa wakas, uupo bilang Punong Tagapagpaganap (Chief Executive) at maninilbihan sa loob ng Palasyo ng Malacañan. {1}

Inihalal sina Pangulo ng Senado Manuel L. Quezon at ang katambal niya sa pagtakbo na si Pangulo ng Senado pro tempore Sergio Osmeña bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa. Ang mga botante naman ay naghalal ng mga kinatawan para sa bagong unikameral na Pambansang Kapulungan (National Assembly) at para sa mga lokal na posisyon.

Pagpapasinaya ng Komonwelt ng Pilipinas
Pagpapasinaya ng Komonwelt ng Pilipinas

Ang Komonwelt ang nagsilbing pangwakas na pagsisikap upang matiyak ang panahon para sa pagbawi ng pamamahala ng Pilipinas mula sa mga Amerikano.

Sa simula pa lamang ng pananatili ng mga Amerikano, nagtaguyod na ang Estados Unidos ng mga lokal na pamahalaang pinamumunuan ng mga halal na opisyal pambaryo at panlalawigan. Pagkatapos noon, unti-unti na ang paglawak ng representasyon sa pambansang lehislatura, simula sa Kapulungan ng Pilipinas (o Lower House) noong 1907. {2}

Noon lamang naipasa ang Batas Jones ng 1916 nabuo ang pangako ng kasarinlan–sa oras na handa ang mga Filipinong pamahalaan ang sarili. Naging daan ang Batas Jones sa paglikha ng lehislaturang kinabibilangan ng pawang mga Filipino, at binubuo ng Senado ng Pilipinas at Kamara de Representantes (House of Representatives). Gayumpaman, ang posisyon ng Punong Tagapagpaganap–ang Gobernador-Heneral–at ang itinuturing na pinakamahalagang posisyon sa gabinete–Pampublikong Pagtuturo (ang ninuno ng Kagawaran ng Edukasyon)–ay nakalaan lamang para sa mga Amerikanong opisyal na itinatalaga ng Pangulo ng Estados Unidos. Kalahati ng Korte Suprema ay nakalaan din para sa mga Amerikano.

Ang mga Misyong Pangkasarinlan (Independence Missions) mula 1919 at pagkatapos ay pana-panahong ipinapadala sa Kongreso ng Estados Unidos at sa White House upang manghimok at makipagnegosasyon para sa kasarinlan. Noong 1931, matagumpay na nahimok ng Misyong OsRox (nangangahulugang “Osmeña” at “Roxas”) ang pagpapatupad ng Hare-Hawes-Cutting Act, na naipasa sa pamamagitan ng beto (veto) ng Pangulong Herbert Hoover noong 1932. Sa kabila noon, pinasubalian ito ng Lehislatura ng Pilipinas. Noong 1934, isang bagong misyon (ang Misyong QuAquAl, binubuo nina Quezon, Benigno Aquino Sr., at Rafael Alunan) ang nakipagnegosasyon para sa Tydings-McDuffie o Philippine Independence Act, na nagtakda ng sampung taong panahon ng transisyon na kikilalaning Komonwelt ng Pilipinas, na susundan ng pagkilala ng Estados Unidos sa kasarinlan ng Pilipinas.

Nagtakda ang Tydings-McDuffie Act ng mga parametro para sa panahon ng paghahanda. Inilaan para sa Estados Unidos ang ilang kapangyarihan ukol sa pamamahala, pati na ang diplomasyang pandaigdigan at salapi. Sa lahat na ng ibang aspekto, nagsasarili na sa pamamahala ang Pilipinas.

Kabilang sa mga probisyon ay ang paghahalal noong 1934 ng isang Kumbensiyong Konstitusyonal (Constitutional Convention) na bubuo sa konstitusyon ng paparating na Pamahalaang Komonwelt. Pinamunuan ito si Claro M. Recto kasama ang 202 halal na delegadong Filipino, na ang isusulat na konstitusyon ay hindi lamang sasaklawin ang transisyonal na Komonwelt, subalit magkakabisa mapahanggang sa Republika. Natapos ng kumbensiyon ang trabaho noong Pebrero 8, 1935, at ipinasa ito sa Pangulo ng Estados Unidos para pagtibayin na nakaayon sa Philippine Independence Act ang mga probisyon nito. Pinagtibay ito noong Marso 25, 1935, at kasunod din itong niratipika ng mamamayang Filipino sa isang plebisito noong Mayo 14, 1935.

Maliban sa ratipikasyon ng Pangulo ng Estados Unidos ng burador ng konstitusyon para sa Komonwelt ng Pilipinas, nagreserba rin ang pamahalaan ng Estados Unidos ng ilang mga kapangyarihan para sa kanila: Ang mga batas para sa salapi, pagbabarya, pag-aangkat, pag-eeksport, at imigrasyon ay mangangailangan ng pag-aproba ng Pangulo ng Estados Unidos. Maaari ding makialam sa mga proseso ng Komonwelt ng Pilipinas ang Estados Unidos sa pamamagitan ng Proklamasyon ng Pangulo ng Estados Unidos. Lahat din ng mga pasya ng korte ng Pilipinas ay maaaring desisyunang muli ng Korte Suprema ng Estados Unidos. Gayumpaman, napakadalang ng naging paggamit sa mga kapangyarihang ito. 

Nagbigay-daan ang Konstitusyon ng Komonwelt ng Pilipinas para sa pampanguluhang sistema ng gobyerno na may lehislaturang unikameral. May kapangyarihan itong magpatupad ng mga batas para sa Pilipinas, kilala bilang mga Batas Komonwelt, sa pamamagitan ng Pambansang Kapulungan.

Ginawa ang Komonwelt upang ilatag ang mga pundasyon para sa isang nagsasarili, at epektibong estado. Makikita ang mga prayoridad nito sa unang mga batas na ipinatupad ng bagong Pambansang Kapulungan: Batas Komonwelt Blg. 1, itinatag ang Philippine Army at isang patakaran para sa pambansang tanggulan; Batas Komonwelt Blg. 2, itinatag ang National Economic Council; Batas Komonwelt Blg. 3, binuo ang Court of Appeals. Inamyendahan ang 1935 Konstitusyon upang pahintulutan ang muling paghahalal sa pangulo at pangalawang pangulo, ibalik ang Senado at ang sistemang bikameral ng Lehislatura, at magtatag ng isang ahensiya para sa halalang pambansa, ang Commission on Elections. Pinagtibay ang mga mungkahing amyenda sa isang plebisitong isinagawa noong Hunyo 18, 1940. {3}

Si Pangulong Quezon at ang Pacific War Council ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Si Pangulong Quezon at ang Pacific War Council ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Sa nagbabadyang pandaigdigang digmaan, kasunod ng pananakop ng mga Aleman sa Europa at Hapones sa Manchuria, ginawaran Pambansang Kapulungan ng kapangyarihang pangkagipitan (emergency powers) ang pamahalaan. Isinailalim ang Philippine Army sa pamamahala ng United States Armed Forces Far East (USAFFE), pinamumunuan ni Field Marshal Douglas MacArthur, na pinabalik sa serbisyo matapos maglingkod bilang tagapayong pangmilitar noong Komonwelt mula 1935.

 Muling inihalal ng mga Filipino sina Quezon, Osmeña, at mga mambabatas upang punuan ang mga posisyon sa bagong taguyod na kongresong bikameral noong ika-11 ng Nobyembre 1941. Sumiklab ang digmaan sa Asya noong ika-8 ng Disyembre 1941 kasunod ng pambobomba ng mga Hapones sa Pearl Harbor, ang moog pandagat ng mga Amerikano sa Hawaii, at sumugod na ang militar ng Axis sa kabuuan ng Timog-Silangang Asya.

 Napigilan ng USAFFE ang makinaryang pandigma ng Hapon, na pinaatras ang mga pamahalaang kolonyal ng mga Pranses, Ingles, at Olandes sa rehiyon. Subalit hinadlangan din ito kalaunan ng karamdaman, kakulangan ng dagdag na lakas, at walang silbing mga armas bunga ng “Europe First Policy” ng Pangulong Franklin Roosevelt.

 Noong 24 ng Disyembre 1941, lumikas sina Pangulong Quezon at ang kaniyang Gabineteng Pandigma patungo sa isla ng Corregidor sa Manila Bay, at pagkalipas ng dalawang buwan ay lumikas papuntang Australia, bilang ruta patungo sa Estados Unidos. Doon, nagpatuloy sa pagganap ng tungkulin ang lumikas na Pamahalaang Komonwelt. Nagtamo ito ng pagkilala mula sa pandaigdigang komunidad bilang kasapi ng United Nations. Ipinagpatuloy ni Pangulong Quezon ang pagkatawan sa Komonwelt ng Pilipinas sa Washington, D. C. Maninilbihan siya nang may parehong kapasidad ng sa Pilipinas, na may pinahabang termino noong 1943 sa bisa ng Joint Resolution No. 25 ng Kongreso ng Estados Unidos, hanggang sa kaniyang kamatayan noong ika-1 ng Agosto 1944, na nagbigay-daan sa pag-akyat ni Osmeña sa pagkapangulo. Binigkas ni Osmeña ang kaniyang talumpati ng pagkakatalaga sa Washington, D.C. Siya ang tanging pangulo ng bansa na nagbigay ng talumpati ng pagkakatalaga sa labas ng Pilipinas.

 Noong ika-20 ng Oktubre 1944, dumaong sa mga baybayin ng Leyte ang mga puwersang Allied sa pamumuno ni Field Marshal Douglas MacArthur at sinimulan ang kampanya para palayain ang Pilipinas. Sinamahan siya ni Pangulong Osmeña, na sa pagbabalik ay muling itinatag ang Pamahalaang Komonwelt sa lupain ng Pilipinas. Sa pagpapawalang-bisa ng lahat ng batas ng Ikalawang Republika, tinipon ni Pangulong Osmeña ang Kongreso, na inihalal noong ika-11 ng  Nobyembre 1941, noong ika-9 ng Hunyo 1945.

 Noong ika-23 ng Abril 1946, isinagawa ang unang halalan matapos ang digmaan, kung saan inihalal sina Manuel Roxas at Elpidio Quirino bilang Pangulo at Pangalawang Pangulo laban sa muling tumatakbong si Osmeña at katambal na si Eulogio Rodriguez Sr.

Nanumpa sa panunungkulan si Roxas noong ika-28 ng Mayo 1946 bilang ikatlo at huling Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas sa harap ng guho ng Gusaling Lehislatibo sa Maynila. Noong mga sumunod na linggo, bilang pagtalima sa mga probisyon ng Philippine Independence Act, ang Komonwelt ng Pilipinas ay naging Republika ng Pilipinas–ang Ikatlong Republika.

Bumababa ng hagdan ng Palasyo ng Malacañan sina Pangulong Osmeña at bagong halal na Pangulong Roxas. Kasunod nila ang bagong halal na Pangalawang Pangulong Elpidio Quirino, na magiging isa na mga pangulo ng Ikatlong Republika.
Bumababa ng hagdan ng Palasyo ng Malacañan sina Pangulong Osmeña at bagong halal na Pangulong Roxas. Kasunod nila ang bagong halal na Pangalawang Pangulong Elpidio Quirino, na magiging isa na mga pangulo ng Ikatlong Republika.

Kung kaya, noong ika-4 ng Hulyo 1946, muling nanumpa si Roxas bilang Pangulo, ngayon naman bilang Pangulo ng bagong tatag at nagsasariling Republika ng Pilipinas. Ang Kongreso ng Komonwelt ang siyang naging Unang Kongreso ng Republika, at tuluyan nang nakamit ang pagkilala ng daigdig sa pagpasok ng pamahalaan sa mga tratado sa pamamagitan ng bagong republika.

 Marami sa mga institusyon sa kasalukuyang pamahalaan ang maiuugat ang kanilang pinanggalingan sa Komonwelt. Kabilang dito ang:

  • Executive Office (1935)
  • Court of Appeals (1935)
  • Philippine Charity Sweepstakes Office
  • Komisyon ng Wikang Filipino (1936)
  • National Bureau of Investigation (1936)
  • Department of Budget and Management (1936)
  • Government Service Insurance System (1936)
  • Department of National Defense (1939)
  • Department of Health (1940)
  • New Bilibid Prisons (1940)
  • Presidential Communications Operations Office (mula sa Department of Information and Public Relations, 1943)
  • Boy Scouts of the Philippines
  • Girl Scouts of the Philippines
  • National Food Authority
  • National Economic Development Authority (orihinal na National Economic Council, 1936)
  • Bureau of Immigration and Deportation
  • ROTC
  • Bureau of Aeronautics (1936; Civil Aviation Authority of the Philippines ngayon)
  • Philippine Military Academy
  • Philippine Air Force
  • Articles of War (AFP)
  • Comelec
  • Chief of Staff of the Armed Forces of the Philippines

 Mga may kartang lungsod:

  • Cebu (1937)
  • Bacolod (1938)
  • Lungsod Quezon (1939)
  • Davao (1936)
  • Cavite (1940)
  • Iloilo City (1937)
  • San Pablo, Laguna (1940)
  • Zamboanga (1936)

Mga polisiya:

 

_________________________

[1] Basahin ang mga dagdag na kaalaman hinggil dito.

[2] Basahin ang kasaysayan ng Lehislatura ng Pilipinas.

[3] Basahin ang inamyendahang 1935 Konstitusyon.

Read in English