Read in English

(without-clickhere)bnr-1st-republic-2013

Noong Enero 23, 2013, ginunita ang ika-114 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas. Ito ay isang tanda sa ating kasaysayan: ang pagpapasinaya ng Unang Republika sa Malolos, Bulacan na siya ring kasabay ng pagiging Pangulo ni Emilio Aguinaldo, ang unang Pangulo ng bansa. Bunga ang Republika ng Malolos ng Rebolusyon—mula sa pagkakabuo ng Katipunan hanggang sa paglikha ng Unang Konstitusyon at Republikang Pamahalaan ng Asya. Bilang pag-alala, idineklara ni Pangulong Benigno S. Aquino ang Enero 23 ng bawat taon na “Araw ng Republikang Filipino, 1899” sa bisa ng Proklamasyon Blg. 533, s. 2013.

Maiuugat ang Unang Republika mula pa sa Himagsikan ng 1896—isang rebolusyong pinasimulan ng Katipunan, ang lihim na kilusang kahalintulad ng organisasyon ng Freemasonry. Pinamunuan ito ng Pangulo ng Kataas-taasang Kapulungan (Supreme Council) na si Andres Bonifacio para sa layuning makamit ang kasarinlan ng Pilipinas mula sa mga mananakop na Español.

kkk nmanb seal
Caption 1: Ang selyo ng Katipunan. Nangangahulugan ang mga titik ng: Kataastaasang Kagalanggalangang (Kataas-taasang Kagalang-galangang) Katipunan Ng Mga Anak Ng Bayan.

Sa kabila ng iisang layunin ng Katipunan, nagkaroon pa rin ng mga di pagkakaunawaang personal at politikal sa pagitan ng mga kasapi nitong taga-Maynila at mga tagalalawigan. Umusbong ang mga alitan at pagkakawatak-watak sa loob ng Katipunan. Sa pagtatangkang pagkaisahin muli ang organisasyon, idinaos ang Pulong sa Tejeros (Tejeros Convention) noong Marso 22, 1897.

Ginawa ang Pulong sa Tejeros upang pagkasunduin ang mga magsalungat na pangkat ng Katipunan. Dalawa ang lumabas na grupong nagkaalitan: ang Magdalo (itinuring na pinuno si Emilio Aguinaldo y Famy) at ang Magdiwang (kinilalang lider si Bonifacio). Napagkasunduan sa Tejeros na oras nang mapalitan ang Katipunan ng isang rebolusyonaryong pamahalaan.

panguluhang digma
Caption 2: Ang selyo ng Magdalo.

Ginawa ang Pulong sa Tejeros upang pagkasunduin ang mga magsalungat na pangkat ng Katipunan. Dalawa ang lumabas na grupong nagkaalitan: ang Magdalo (itinuring na pinuno si Emilio Aguinaldo y Famy) at ang Magdiwang (kinilalang lider si Bonifacio). Napagkasunduan sa Tejeros na oras nang mapalitan ang Katipunan ng isang rebolusyonaryong pamahalaan.

Sa botohan ng mga opisyal ng bagong tatag na gobyerno, nanalo si Aguinaldo bilang Pangulo habang ang dating pinuno ng Katipunan na si Bonifacio ay inihalal bilang Kalihim Panloob (Director of the Interior). Noong umpisa, tinanggap ni Bonifacio ang pagiging kalihim sa kabila ng pagbaba ng kaniyang posisyon. Subalit nang binalewala ni Daniel Tirona ang pagkapanalo ni Bonifacio, lubha siyang nainsulto. Naging dahilan ito upang ideklara niyang walang bisa ang mga itinatag sa Pulong sa Tejeros—kabilang dito ang bagong gobyerno at ang paghalal sa mga bagong opisyal. Para sa iba, itinuring nilang pagtataksil ang pagtanggi ni Bonifacio na kilalanin ang bagong Rebolusyonaryong Pamahalaan. Dinakip siya at pinatawan ng parusang kamatayan sa Maragondon, Cavite.

Nagpatuloy ang pagkilos ng Rebolusyonaryong Pamahalaan sa ilalim ni Aguinaldo. Sa puntong ito, naramdaman ng mga Español na humihina na ang himagsikan kaya ibinuhos nila ang kanilang panahon sa pagtugis kay Aguinaldo at sa kaniyang mga kasamahan. Sa huling bahagi ng taong 1897, napaatras din ng mga puwersang Español si Aguinaldo sa kabundukan ng Biak-na-Bato.

Noong Nobyembre 1, 1897, nagpatawag si Aguinado, kasama ng ibang mga rebolusyonaryo, ng pagtitipon ng mga mamamayan upang maibanghay ang isang pansamantalang konstitusyon. Kinilala ito bilang Konstitusyon ng Biak-na-Bato.

republika de filipinas presendencia
Caption 3: Selyo ng Republika ng Biak-na-Bato.

Ayon sa Konstitusyon ng Biak-na-Bato, pamumunuan ang gobyernong ito ng isang Kataas-taasang Kapulungan na bubuin ng Pangulo, Ikalawang Pangulo, at apat na kalihim na may kapangyarihang mangasiwa. Subalit, hindi naisakatuparan ang planong ito sapagkat noong panahong iyon, nakagawa na ng kasunduan si Aguinaldo sa Pamahalaang Kastila.

Sa pakikipagkasundo ni Aguinaldo sa mga mananakop, nakasaad na ipatatapon ang mga rebolusyonaryo sa Hong Kong. Isusuko nila ang kanilang mga armas para sa salapi at sa pangakong pagpapawalang-sala sa kanilang pag-aalsa. Ito ang tinawag na Kasunduan sa Biak-na-Bato na nilagdaan noong Disyembre 15, 1897.

Lumisan tungong Hong Kong sina Aguinaldo noong ika-24 ng Disyembre 1897 kung saan nagtatag sila ng Junta, isang pagpapatuloy ng kanilang rebolusyon at pagkilos para sa kalayaan mula sa mga Español.

Sa pagputok ng Digmaang Español-Amerikano, bumalik ang grupo ni Aguinaldo (ang Hong Kong Junta) sa Pilipinas. Kalagitnaan ng 1898 nang pinili nilang ipagpatuloy ang rebolusyon. Mayo 28, 1898 nang unang iwagayway ang bandila ng Pilipinas sa labanan sa Alapan. Pormal na inihayag ang kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 nang iwagayway ni Aguinaldo ang bandila sa Kawit, Cavite. Doon din unang pinatugtog ang Pambansang Awit ng Pilipinas.

Anim na araw pagkatapos ng proklamasyon ng kasarinlan ng Pilipinas, pormal na inihayag ni Aguinaldo ang paglikha ng isang pamahalaang diktatoryal na siyang magsisiyasat sa mga pangangailangan ng bansa. Limang araw lamang ang itinagal ng diktadura ni Aguinaldo. Bilang pagsunod sa payo ni Apolinario Mabini, naglabas din agad ng proklamasyon si Aguinaldo na pinawawalang-bisa ang pamahalaang diktatoryal. Ipinalit dito ang isang rebolusyonaryong pamahalaan. Mula sa pagiging Diktador, napalitan ang titulo ni Aguinaldo: Pangulo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo at Kapitan Heneral ng hukbo nito. Ipinayo ito ni Mabini upang maiwasang maghinala ang ibang mga probinsiya sa awtoridad ni Aguinaldo bilang diktador. Alinsunod din sa proklamasyon ay ang paglikha ng Kongresong Rebolusyonaryo na siyang maghahain ng konstitusyon para sa pamahalaan. Noong Agosto 1, 1898, pinagtibay ng kinatawan mula sa mga probinsiya ang proklamasyon ng kasarinlan upang maging lehitimo ang Pamahalaang Rebolusyonaryo.

gobno dicttorial filipinas
Caption 4: Selyo ng Pamahalaang Diktatoryal.

Noong Setyembre 15, 1898, tinipon ang Kongresong Rebolusyonaryo sa Malolos, Bulacan kung saan sila ay inatasang buuin ang konstitusyon ng bansa. Binuo ang Kongresong ito ng mga itinalagang opisyal at mga inihalal na kinatawan mula sa lahat ng probinsiya ng Pilipinas. Isa sa mga unang ginawa ng Kongreso ay ang pag-apruba sa June 12, 1898 Proclamation of Independence.

gobyerno revolucionario
Caption 5: Selyo ng Pamahalaang Rebolusyonaryo.

Sinang-ayunan ng Kongreso ng Malolos ang unang bersiyon ng Konstitusyon noong Nobyembre 29, 1898. Ibinalik ito ni Pangulong Aguinaldo noong Disyembre 1, 1898 para sa ilang mga pagbabago—na tinanggihang sundin ng Kongreso. Ika-23 ng Disyembre, 1898 nang sa wakas, inaprubahan ng Pangulong Aguinaldo ang burador ng Konstitusyon. Pinagtibay ito ng Kongreso ng Malolos noong Enero 20, 1899 at pormal naman itong ipinahayag ni Pangulong Emilio Aguinaldo noong Enero 21, 1899.

masonic sun face with black outlines revised
Caption 6: Selyo ng Unang Republika.

Ayon sa Konstitusyong nilikha ng Kongreso ng Malolos, mayroong tatlong sangay ang pamahalaan: Ehekutibo, pinamumunuan ng Pangulo at ng mga kalihim ng bawat kagawaran; Lehislatura, sa ilalim ng isang Punong Ministro at binubuo ng mga kinatawan mula sa mga probinsiya (Kongreso); at ang Hudikatura, isang pangulo ng Korte Suprema ang namumuno rito kasama ang iba pang mga Hukom.

Ang Kongreso ang naghalal kay Aguinaldo bilang Pangulo ng Pilipinas. Hinirang siya noong Enero 23, 1899—ang parehong petsa kung kailan pormal na itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas na kumpleto sa mga katangian ng estado: tatlong sangay ng pamahalaan, isang konstitusyon, at teritoryong napapasailalim ng gobyernong may hukbong sandatahan.

 

Read in English