Read in English

Bilang pinakabagong adisyon sa Hukbong Pandagat ng Pilipinas (Philippine Navy), ang BRP Gregorio del Pilar, isang dating 378 talampakan na Hamilton High Endurance Cutter (WHEC) ng United States Coast Guard, ay dumaong na sa Pier 13 ng South Harbor ng Maynila at personal na siniyasat ni Pangulong Benigno S. Aquino III. Tumagal nang tatlong linggo ang paglalayag nito mula Estados Unidos tungong Alameda Island, San Francisco, California.

Ito na ngayon ang pinakamalaking sasakyang-pandagat ng Philippine Navy. Unang ginamit ang BRP Gregorio del Pilar noong 1967 bilang Hamilton, ang kauna-unahan sa klase ng mga 378 talampakang high endurance na barko, Secretary Class (ipinangalan sa dating Secretaries ng U.S. Treasury) na barko. Pangunahin itong ginawa bilang isang barkong pampatrolya para sa mga operasyong pangmalayuan at panggitnang karagatan. Sa loob ng ilang dekada, ang mga uring ito ang pinakamalalaking barko sa imbentaryo ng USCG hanggang sa nalikha ang mga barkong Polar Class.

Mayroong paliparan ang mga barkong ito na maaaring paglapagan ng helicopter at isang garaheng pang-eroplano na retractable o nailalabas-tago. Ipinakilala ang mga barkong ito sa imbentaryo ng U.S. Coast Guard noong 1960s. Sa pamamagitan ng programang Fleet Rehabilitation and Modernization (FRAM) na sinimulan noong 1980s at nagwakas noong 1992, isinailalim sa modernisasyon ang mga sasakyan, kung saan pinalitan ang kanilang orihinal na 5 pulgadang (127 mm) baril ng higit na modernong 3 pulgadang (76 mm) armas.

Pormal na binili ng Pilipinas ang barko noong Mayo 13 at ito ang pinakaunang barkong-militar na binili ng administrasyong Aquino gamit ang programang Excess Defense Article (EDA) ng Estados Unidos. Ang BRP Gregorio del Pilar ay ire-renovate at muling pipinturahan ng kulay abo, ang kulay ng Philippine Navy. Inaasahan ng Navy na tuluyan nang magamit ang barko pagkatapos ng isang buwan.

Dahil sa Foreign Assistance Act of 1961 at sa Arms Export Control Act of 1976, pinahihintulutan ng EDA ang mga kagamitang militar na idineklarang “sobra o excess” ng Military Department ng United States na ihandog sa mga kakamping bansa nito upang tumulong sa kanilang modernisasyon. Sa pamamagitan ng EDA, nagawa ng Philippine Navy na makuha ang Hamilton cutter at magbayad ng P450 milyon para sa pagpapadala nito mula imbentaryo  ng U.S. patungo sa imbentaryo ng Pilipinas.

Ayon sa nabalita sa pahayagang Good News from Government Agencies (Vol. 1, issue 14), ginamit ng Department of Energy (Kagawaran ng Enerhiya) ang royalties o kita nito mula sa mga operasyon ng Malampaya para pondohan ang pagbili ng barko. Gagamitin ang barkong ito bilang upgrade ng tanggulang pambansa ng Pilipinas, na bahagi ng programang modernisasyon ng AFP. May kakayahan ang BRP Gregorio del Pilar na manatili sa gitna ng karagatan sa loob ng tatlumpung araw bago ito maubusan ng enerhiya. Dagdag pa, kaya rin nitong sumagupa sa mga hamon ng kalikasan at magsagawa ng mga rescue operation sakaling magkaaksidente sa mga lugar ng eksplorasyon.

Ipinangalan ang barko sa pinakabatang Pilipinong heneral noong Himagsikang Filipino laban sa mga Español, na naging bantog dahil sa pag-aalay ng kanyang buhay noong Labanan sa Tirad Pas, habang pinoprotektahan ang papaatras na pangkat ni Pangulong Emilio Aguinaldo.

Kaugnay na mga artikulo:

 

Read in English