Speech of President Arroyo during the Commemoration of the Centennial Celebration of the end of the Philippine-American War

Speech
of
Her Excellency Gloria Macapagal-Arroyo
President of the Philippines
During the Commemoration of the Centennial Celebration of the end of the Philippine-American War

[Delivered at the Laurel Park, Batangas Provincial Capitol, Batangas City, Batangas, April 16, 2002]

Maraming salamat sa anak ng Batangas City, na isa sa aking mga napakaraming na-appoint na bilang kasapi ng aking gabinete, Secretary Nani Perez.

Sino pa ang inappoint sa aking Cabinet? Binanggit kanina ni Joe Villegas si Secretary Ed Ermita at pati nga ‘yung chief ng ating Philippine National Police ay anak din ng Batangas province, si Larry Mendoza. Meron akong nawalang Cabinet member galing sa Batangas si Secretary Renato Corona. Kaya lang ngayon naman siya ay Justice ng Supreme Court, anak din ng Batangas.

Batiin ko muna ‘yung ating iba’t-ibang mga officials ng lalawigan ng Batangas na narito ngayon: unang-una ang ama ng Batangas, si Governor Dodo Mandanas; at ang ating host dito sa lungsod ng Batangas City, si Mayor Eddie Dimacuha; si Vice Governor Peter Laurel; at ‘yung Congresswoman ng pinanggalingan ni General Malvar, si Congresswoman Vicky Reyes.

Batiin ko rin ‘yung mga kasapi ng Malvar family na napakarami sa kanila ay hindi lamang anak at apo ng isang bayani kung hindi para sa aking personal ay marami sa kanila ay naging bahagi na rin ng aking buhay at buhay ng aking pamilya. Una sa lahat, nandiyan si Dra. Isabel Malvar-Villegas, ang naiiwang anak ni General Malvar. Noong ho ako ay nag-aaral sa Assumption, siya po ang dentista ng aming eskwelahan kaya taun-taon, semester-semester ie-examine niya ako. Salamat Dra. Villegas na buo pa rin ang aking mga ngipin. Pero nung ako ay gradeschool, alam ho n’yo — ay, siguro ‘yung aking mga Cabinet members at ‘yung ibang mga officials nagugulat sila kung bakit gustong-gusto kong magbiyahe sa buong Pilipinas at kung bakit kilalang-kilala ko kung nasaan ang lahat ng mga lugar ng Pilipinas. In other words kung bakit ako napakagaling sa Geography — nung ako ay grade five ‘yung aking geography teacher ay si Ms. Malvar, si Aurora Malvar. At noong ako ay naging college na ‘yung aking teacher sa Logic ay si Ms. Aurora Malvar na naging Sister Anunciata, kaya siya ay malaking bahagi din sa aking buhay. Kaya hanggang ngayon, Sister, mahal ko pa rin ang geography at maraming nagsasabi ay very logical ako, salamat sa iyong tinuro sa akin.

Noon namang ako ay nagtrabaho sa administration ni President Cory Aquino, doon ko naman nakilala ‘yung asawa nung namamahala ng Hacienda Luisita at nagulat ako na siya pala ay apo rin ni General Malvar, eto ay si Naty Malvar-Mendoza. At pagkatapos ‘yung kanyang anak ay ngayon kasalukuyang punong-lunsod ng Tarlac City, si Mayor Aro Mendoza. Saan si mayor? At noong ang tatay ko naman po ay pangulo at kahit na natapos na siya ng pagka-pangulo, nung naging presidente ng Constitutional Convention at kahit pagkatapos noon nung lumalaban ang aking tatay kasama ng iba’t-ibang mga bagong bayani naman ng ating bansa nung panahon ng martial law, isa sa kanyang mga matatalik na gabay ay walang iba kung hindi ang ating nagsalita kanina, si Joe Malvar-Villegas. Nung ako naman ay naging ekonomista at nagturo ng economics sa ating mga kabataan, tinuturo ko sa kanila ‘yung mga libro ni Dr. Bernie Villegas. At nung ako naman ay naging isang politician nakilala ko dito sa Batangas si Board member Mike Malvar. Kaya ang dami-daming mga Malvar na naging bahagi ng aking buhay, bahagi ng buhay ng tatay ko, ganun na rin buhay ng Batangas at ng ating bansa.

At gusto kong batiin lahat ng mga taga-Batangas na nagbibigay-galang ngayon sa pagtapos ng Philippine-American War at sa kabayanihan ni General Malvar, ‘yung iba’t-ibang mga mayors. At gusto kong batiin yung ating magaling na mag-tagalog, ‘yung Son-in-Law ng Pilipinas, ‘yung Labor Attache ng United States, si Ginoong Rick Nelson, kaya Tagalog ang aking pagbati sa’yo. Sa inyong lahat, mga kababayan:

Magandang hapon sa inyo. At ako ay nasisiyahan na kasama kayo, mga kababayan, lalung-lalo na ang mga Batangueno, sa makasaysayang araw na ito.

Malaking karangalan para sa akin na nandito sa Centennial ng pagtapos ng Philippine-American War, kagaya ng sabi ni Joe Villegas, ay 100 years ago ‘yung tatay ko, si Diosdado Macapagal, bilang Pangulo ay nagdalo din sa Centenary ni General Miguel Malvar.

Gaya ng nakita natin sa napakagandang eksenang pinakita ng mga estudyante, sabi ko nga kay Governor Mandanas, “ang galing-galing ng ating eksena dito. Ang ganda ng script, napakalalim, at parang poeta yung tagalog.” Tinatanong ko, “eto ba ay minanang script o may nagkaroon ng paligsahan at sinulat rin ng mga bata, kabataan dito?” At ‘yung kanilang pag-emote malinaw na malinaw. Kaya ang dami nating natuto dito sa tinuro sa atin nitong mga anak natin ng Batangas — itong mga tiga-Sto. Nino Formation and Science High School Theater Art Organization. Nilarawan nila sa atin na dito sa inyong lalawigan isandaang taon nang nakaraan, pormal na nagwakas ang Filipino-American War kung saan, gaya nang nakita natin, sumikat si Heneral Miguel Malvar.

Matatandaan natin na idineklara ni Heneral Emilio Aguinaldo ang ating kalayaan noong Hunyo 12, 1898, at tinatag naman ang unang Rrepublika ng Pilipinas Enero 23, 1899. Dalawang linggo matapos ang inagurasyon ng ating Republika sa Malolos, Bulacan kung saan — bago noon sa Tejeros Convention ay hinalal si Aguinaldo bilang Pangulo ng Pilipinas — ay sumiklab ang Filipino-American War noong Pebrero 4 ng 1899.

Ang pagkakadakip kay Heneral Aguinaldo sa Ppalanan, Isabela ay naganap naman noong March 23rd 1901, at noong nangyari ‘yon ang naghudyat ng katapusan ng unang Republika ng Pilipinas daw, ngunit mayroon din namang ilan pang mga heneral na ipinagpatuloy ang pakikipaglaban.

At simula noon, sumunod na Hulyo 13, 1901, si Heneral Malvar na ang namuno sa kanila, sa mga heneral na nagpatuloy ng laban. Si Heneral Mmalvar ang humawak ng political at military control ng ating Republika. At sa loob ng mahigit na isang taon, ang Batanguenong heneral ay magiting na nakipaglaban sa Mt. Makiling at mga bundok ng Batangas. Sa bandang huli, sa headquarters ni General Franklin J. Bell sa lipa noong April 16, 1902, nagtapos ang Filipino-American War.

Ngayon, sabi nga ni Joe, sana ma-deklara kong Second President si General Miguel Malvar. Tinanong ko kay Nani Perez, ang aking Secretary of Justice, “nasa kapangyarihan ko ba yon?” Sabi ni Nani, “gusto mo, kahit na gaano mo kagusto gawin ‘yon, ang pangulo ay hindi makaka-deklara ng isa bilang pangulo. ‘Yon ay kailangan matupad muna sa batas.” Kaya kailangan siguro sa Kongreso natin ilagay ang ating pag-asa na mangyari yuon.

Ngunit habang hinihintay natin ‘yon, sa pagninilay natin tungkol sa Philippine-American War, nakikita natin na ang ating mga bayani at iba pang magigiting na Pilipino ay nagpakita ng pagmamahal sa kanilang bansa sa iba’t-ibang paraan maging sa panahon ng digmaan o kapayapaan. Sa pagninilay rin natin tungkol sa naturang giyera, nakikita natin ang pagkabayani ni Heneral Miguel Malvar, na matatawag natin na “Man of Action.” At sa nakita natin kanina, si General Malvar ay ipinanganak sa isang masasabing de Buena Pamilya. Siya ay napanganak sa Sto. Tomas, Batangas noong September 27, 1865. Nani, ‘di ba birthday mo rin ‘yon? Kaya pala ginagawa nang holiday ‘yung birthday ni Nani birthday pala ni General Malvar. Anyway, pinili ni Heneral Malvar na iwan ang maginhawang pamumuhay upang ipaglaban ang bagong Republika ng Pilipinas.

Maliwanag ang mensaheng pinaabot ng ating pagdiriwang sa araw na ito. Ibig sabihin nito ay hindi tayo dapat maging mahina ang loob sa pagharap ng ating mga problema. Kung tayo man ay mabigo sa una, hindi tayo dapat kaagad sumuko, bagkus, alamin natin kung saan tayo nagkamali at lalong magsumikap upang makamit ang tagumpay.

Ang kabanata ng ating kasaysayang ginugunita ngayon ay tinubos ng buhay at dugo ng ating mga ninuno. Dapat ay magsilbing inspirasyon ito sa atin sa pagtubos sa ating mga kababayan mula sa kahirapan. Magiging madali ito sapagka’t hindi na tayong kinakailangang magbuwis ng buhay at dugo. Ang kailangan lamang ay tayo ay magkaisa, magtulungan at magsikap ng husto upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang sambayanang Pilipino.

Magandang lugar ang Batangas kung sasabihin ‘yon kasi hindi lamang ang Batangas ay siyang naglikas, naglikha kay General Malvar, Batangas din, gaya ng sabi ni Governor Mandanas, ay number one ngayon sa investments sa buong bansa.

Tulad ni Heneral Malvar, inaasahan kong hindi susuko ang mga Batangueno ngayon sa laban kontra sa kahirapan lalo na nanalo kayo. Mabuti pa nga kayo hambing sa ibang bahagi ng Pilipinas. Inaasahan kong magsisilbing magandang halimbawa ang inyong magandang samahan, malasakit at kadakilaan upang maging matagumpay ang ating paglaban sa kahirapan.

Patuloy tayong nagpapatupad ng mga proyekto sa Batangas na nagpapaangat ng buhay sa mga taga-Batangas, mga taga-Calabarzon, at buong sambayanan. Isa na rito na tinalakay sa ating Cabinet meeting kanina ay ang Batangas International Port na inaasahan nating magbigay ng mas maraming trabaho sa mga dakilang manggagawa ng Batangas, maging sa mga dakilang manggagawa ng ibang bahagi ng Calabarzon. Itong Batangas Port kung magbibilang tayo ng limang pinaka-importanteng proyekto ng Macapagal-Arroyo administrasyon, ang Batangas Port ay isa na dito sa pinakamahalagang proyekto natin. Itong pantalang ito ay siyang flagship project ng Calabarzon na sinimulan ng Department of Trade and Industry noong ako ay undersecretary ng naturang department. Kanina nga, noong ako ay pumapasok diyan sa provincial capitol tinanong ni Governor Mandanas sa akin, “ito ba ang first time n’yo pumasok sa provincial capitol?” Sabi ko, “first time bilang pangulo.” Ngunit noong ako’y undersecretary ay parati ako ay narito dahil nga ‘yung Calabarzon project at dahil flagship ng Calabarzon ay yung Batangas Port noong pa ako ay undersecretary.

Alam niyo, itong Calabarzon ang isang pinamagandang halimbawa kung bakit maganda ‘yung CORD system (Cabinet Official for Regional Development) na ginawa ni President Cory Aquino, dahil ang kinuha niyang CORD para sa Region IV ay ‘yung Secretary of Trade and Industry na si Secretary Joe Concepcion. At nanggaling sa pagka-CORD ng DTI doon nanggaling ‘yung Calabarzon, at ako bilang Undersecretary for Planning, ako ang naging namamahala sa mga planning ng Calabarzon, kaya parati akong narito.

‘Yung sa planning ng Calabarzon siyempre may industriya kailangan naman ng pantalan — alangan naman doon pa sa Manila dadalhin ‘yung mga produkto ng Batangas. Maraming kandidatong International Port sa masterplan ng Calabarzon, ngunit dahil si Nani Perez ang Secretary of Transportation noong panahong ‘yon, nanalo ang Batangas Port Project, kaya Batangas Port ang naging port ng Calabarzon. Kaya lang noong naging presidente ako, nagulat ako na hindi pa pala nagsisimula ang construction ng international port mismo. Biro niyo, Undersecretary of Trade and Industry pa ako noong nagsimula ang proyektong ito — 1989. Pagkatapos naging Senador ako, dalawang beses, pagkatapos naging Bise-Presidente, pagkatapos naging Presidente hindi pa pala nagsisimula ang construction ng international port. Kaya kung gaano kalapit ang malvar sa pamilya Macapagal, kung gaano kalapit ang mga Batangueno sa administrasyon sa daming Batangueno sa ating gabinete, pinilit ko na hanapin lahat ng mga bottleneck, at pinilit na maasikaso sila. At sa wakas, noong unang Anibersaryo ng Edsa 2, noong January 16 ay nagsimula ang construction. At malaking karangalan para sa akin na ako ang nag-groundbreaking sa proyektong napakaimportante sa buhay ko at sa ating administrasyon.

Ang Batangas port ay isa sa ating mga pangunahing paraan kung papano natin masasagot ang mga hamon ng bagong siglo.

Kanina pinaliwanag na ni Governor Mandanas sa ating Cabinet meeting ‘yung iba’t-iba pang mga importanteng proyekto ng Batangas at Calabarzon para umiral na nga nang tuluyan itong rehiyon na ito lalung-lalo na sa pagpasok sa 21st century.

Kung tutuusin, malaki na ang ipinagbago ng ating mundo sa loob ng nakaraang isandaang taon mula nung natapos ‘yung Philippine-American War. Noon dati nating kaaway ay ngayon naman malapit nating kakampi.

Bagama’t ang amerikano ang ating kalaban noong isang siglo na nakaraan, naging kakampi naman natin sila sa Second World War. ‘Yung kalaban naman natin nung Second World War, yung mga hapon, silang kalaban natin noong Second World War, sila naman ang nagbibigay sa atin ngayon ng pinakamalaking official development assistance upang mapagpatuloy natin ang mga proyektong pang-kaunlaran. In fact, iyang construction ng Batangas port, ang pera diyan ay nanggagaling sa Japanese government.

Kaya iba ang kalaban pero iba rin ang mukha ng kaaway at pandirigma ngayon. Hindi na mga bansa ang ating kalaban kundi mga teroristang naghahasik ng lagim, kagaya sa katimugang bahagi mismo ng ating bansa, lalo na sa Basilan.

Ang mga Amerikano ngayon ay ating kaakibat sa paglaban sa terorismo sa ating lupain. Sa pamamagitan ng ginagawa nating Balikatan exercises, ang mga sundalong Pilipino at Amerikano ngayon ay nagsasanay upang sugpuin ang mga terorista.

Sa halip na magpamalas na kung sinong mas magaling, ang lahat ng kasali dito sa Balikatan ay may matututunan mula sa isa’t-isa. Ang pakikipagtulungan ng mga Amerikano ay hindi ibig sabihin na minamaliit natin ang husay at tapang ng sundalong Pilipino. Napakita na ng ating mga sundalo at pinuno, tulad ni Heneral Malvar, ang katapangan nito noong digmaang Pilipino-Amerikano. Hanggang ngayon matapang pa rin sila. Ngayon naman ay sinusubukan natin kung papaano ang pinagsamang katapangan ng Pilipino at kagamitan ng mga Amerikano ay magagamit ng wasto upang wakasan ang karahasan ng mga terorista sa katimugan ng ating bansa.

Ang kambal na pagdirigma sa terorismo at kahirapan ang pinakamabigat na hamon sa atin ngayon. Ang pakikipaglaban sa terorismo ay pakikipaglaban din sa kahirapan. Kaya tamang-tama, ‘yung apo ni Heneral Malvar na si Dr. Villegas ay isa sa pinakamagaling na ekonomista ng ating bansa dahil ngayon hindi Amerikano ang kalaban natin kungdi ang kahirapan. Kaya tungkulin nating lahat na makidigma sa kahirapan upang tuluy-tuloy nating matamasa ang kalayaang ipinaglaban ng ating mga rebolusyonaryo noon.

Hanggang sa kanyang kamatayan noong October 13, 1911, hindi nawawaglit sa isip ni Heneral Malvar ang kagalingan at kapakanan ng kanyang mga kababayan. Ang kanyang huling bilin sa kanyang mga anak ay ito, and may I quote. He said, “you should respect and love those who have, but more so, much more the poor,” sabi ni Heneral Malvar.

Sa ating pakikidigma sa karukhaan ngayon, magpakita rin tayo ng tapang at pagmamahal sa bayan na tulad ng ipinakita ni Heneral Malvar at ng kanyang mga kapwa rebolusyonaryo. Ipinagtanggol nila ang ating kalayaan noon, kaya tungkulin naman ng ating henerasyon na alagaan ang kalayaang ito, kasama na ang kalayaan mula sa mapang-aping kahirapan at karahasan ng terorismo.

Kung hindi tayo magkakaisa at magtutulungan ngayon upang magtagumpay sa labang ito, magiging bale-wala ang mga ipinaglaban ng ating mga ninuno. At dahil si Heneral Malvar at ang kanyang mga kapwa Batangueno ang nagpakitang-gilas noon upang ipakita ang tagal at tapang at tibay ng loob ng pilipino, inaasahan kong muling mangunguna kayong mga taga-Batangas upang magapi ang ating problema ng kahirapan. Ito na marahil ang pinakamagandang parangal na mabibigay natin sa mga adhikain ni Heneral Malvar at iba pang mga magigiting na bayaning Pilipino.

Kaya itong araw na ito ako ay nasisiyahan na kung si Heneral Malvar ay pinagpatuloy ang laban kahit na sabi na bumagsak na ang republika nung napreso si Aguinaldo. Kahit na tayo ay nahirapan sa mundo noong nakaraang taon, ang Batangas pa rin ay number one sa investments. Kaya gaya ni General Malvar, tinutuloy ng Batangas ‘yung laban kontra sa kahirapan.

At bilang pagpatuloy ng paggalang at pagwakas, kanina pinakita ni Dr. Villegas, Bernie Villegas, ‘yung mensahe na binigay sa inyo nung aking tatay, nung 100th Birth Anniversary ni General Malvar at sa paumanhin ho ninyo magtatapos ako sa pamamagitan ng babasahin ‘yung mensahe ni Diosdado Macapagal bilang parangal kay Heneral Miguel Malvar. Sabi niya:

“The Philippine revolution spawned a number of courageous generals who led our country in its glorious fight for freedom. Among the bravest and most patriotic was General Miguel Malvar of Batangas. Long after Aguinaldo’s capture General Malvar carried on the fight against the American forces convinced of the justice of the cause for which the revolution stood. But a stout heart alone, he realized could avail him little against the superior force of the enemy. In fact, he had to fight not only against the american forces but also against sickness and starvation which stalked his units. “I am giving up,” he told General Bell to whom he finally surrendered, “Only because my soldiers and my own family who have fought side by side with me all thse months are suffering from hunger and all kinds of hardships.” For his frankness, his dignity, his unusual courage and firmness of character, General Malvar won the admiration of the American General. He lived long enough to know the glory of being proclaimed everywhere he went as one of the greatest Filipinos who ever lived. The first one who offered the strongest armed resistance against the Americans. Truly, General Malvar has become our countries symbol of courageous resistance against foreign domination.”

Kaya ngayon itong araw na ito mga Batangueno, ginagalang natin ang ating alaala tungkol kay Heneral Miguel Malvar. At itong araw na ito sabihin natin sa kanya na nandoon nanunuod sa ating palatuntunan ngayon sa kanyang pangalan lalabanan natin ang bagong kaaway ng ating bansa ang problema ng kahirapan.

Maraming salamat at Happy End of the Philippine-American War sa inyong lahat.

Source: www.op.gov.ph

Macapagal-Arroyo, G. (2002). PGMA’s Speech during the Commemoration of the Centennial Celebration of the End of the Philippine-American War. Retrieved from https://web.archive.org/web/20100412225958/http://www.op.gov.ph/index.php?option=com_content&task=view&id=7644&Itemid=38