Speech of President Aquino on the 148th birth anniversary of Apolinario Mabini and the 114th anniversary of the DFA, July 26, 2012

WATCH THE VIDEO.

TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-148 kaarawan ni Apolinario Mabini at ika-114 na anibersaryo ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas

[Inihayag sa Roxas Boulevard, Lungsod Pasay noong ika-26 ng Hulyo 2012]

Salamat po. Maupo ho tayong lahat. Magandang umaga ho sa lahat.

Secretary Albert del Rosario; Mrs. Gretchen del Rosario; Honorable Teofisto Guingona; Undersecretary Erlinda Basilio; Undersecretary Jose Brillantes; Undersecretary Lauro del Rosario; Gawad Mabini Awardees; descendants of Apolinario Mabini; senior officials, ambassadors, consuls generals, chiefs of mission, officers and staff of the Department of Foreign Affairs; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po sa lahat.

Kanina ho habang pinapakinggan ko ho ‘yung inyong choir, ako’y talagang impress na impress, at sabi ko, “Angkop na angkop itong choir sa kanila pong pag-awit ng Lupang Hinirang—angkop sa Pilipinong taas-noong humaharap sa buong mundo.” Congratulations. [Applause]

Huwag ho kayo mag-alala, hindi ho kasinghaba ng SONA ‘tong ating talumpati. [Laughter]

Noong nakaraang Hunyo, ipinagdiwang natin ang ika-114 na taon ng proklamasyon ng ating kalayaan sa Simbahan ng Barasoain—ang duyan ng ating Saligang Batas–na nagsilbing gabay at pananda ng bansa tungo sa pagsasarili at pamumuhay nang malaya.

Ngayong araw, ginugunita natin ang ika-148 anibersaryo ng kaarawan ni Apolinario Mabini na nagsilbing arkitekto ng Unang Republika. Bilang punong tagapayo ni Pangulong Aguinaldo, hindi niya idinaan sa palusot ang paglalatag ng mga pundasyong legal sa pamahalaan. Bilang abogado at nakakaalam ng batas, itinaguyod niya ang mga patakarang patas; ang isang Republika at mga institusyon nitong may malinaw at pangmatagalang mandato—na ang kapangyarihan ay angkin at para sa mamamayan.

Hindi naging hadlang kay Mabini ang kanyang kapansanan. Ginamit niya ang talas ng isip at husay sa pagsusulat upang gabayan ang mga pinuno at ang ating mga kababayan tungo sa tunay na pagsasarili. Nang pinaplano nang magtatag ni Pangulong Aguinaldo ng Republika, pinayuhan siya ni Mabini na para kilalanin po ito, kailangan ang mandato ng mamamayan. Ito ang prinsipyong sinunod ni Aguinaldo kung kaya’t pitumpung inihalal at itinalagang Kinatawan mula sa iba’t ibang probinsya ang nagtipon sa Malolos upang bigkisin ang ating adhikain tungo sa malayang bansa, sa ilalim ng Unang Republika.

Tunay nga pong noon pa lang, isinulong na ni Mabini ang mabuting pamamahala; na unahin ang interes ng bansa, sa halip ang pansariling kapakanan. Para kay Mabini, ito ang magpapatunay sa mundo na kaya ng Pilipinong pamunuan ang sarili nang hindi kanya-kanya at malayo sa nagisnang ‘di-makatarungang sistema.

Mulat din si Mabini sa mga pagsubok sa Unang Republika; batid niyang maaaring matalo sila sa digmaan laban sa mga Amerikano. Sa halip na panghinaan ng loob, lalo niyang pinag-alab ang hangaring ipaglaban ang kalayaan. Nais niyang maipahiwatig sa mananakop na hindi sila habambuhay na mananatili sa ating bansa, dahil hindi maglalaho ang masidhing pagnanais ng Pilipinong lumaya.

Ipinatapon man sa Guam, nanatili ang Pilipinas sa puso’t isipan ni Mabini. Kaya naman pagbalik sa bansa, salat man sa pera, hindi siya nagpatinag sa mithiing muling maibalik ang ating pambansang dangal. Sa kanyang mga akda, inilatag niya ang naging kakulangan ng Unang Republika, ang mga estratehiya upang maitama ito at ganap na makamtan ang kalayaan at pagsasarili sa mapayapang paraan.

Mabuting pamamahala, pananagutan sa tinatamasang kalayaan, at pagpapahayag sa mundo na isa tayong ganap at malayang estado. Ito ang mga prinsipyong itinaguyod ni Mabini nang italaga siya ni Pangulong Aguinaldo bilang kauna-unahang Kalihim ng Ugnayang Panlabas. At ganitong antas ng pamumuno ang nais nating maisabuhay ng mga kasalukuyang kawani ng Department of Foreign Affairs. Kaya naman kinikilala natin sa araw na ito ang mga katangi-tanging embahador, kawani ng DFA, at mga Pilipinong nag-ambag nang malaki sa pagsusulong ng interes ng bansa saan mang panig sila ng daigdig naroon. Congratulations po sa ating awardees sa taong ito; maraming salamat sa malaki ninyong kontribusyon sa pagtataguyod ng pambansang seguridad, pagsusulong ng diplomasyang pang-ekonomiko at sa pangangalaga sa kapakanan ng ating mga kababayan sa ibayong dagat.

Binabati ko rin po ang lahat ng bumubuo sa Department of Foreign Affairs sa inyong ika-114 na anibersaryo. Salamat sa patuloy na paggabay sa bansa sa tuwid na daan sa kabila ng mga hamon at pagbabagong nagaganap sa ating rehiyon at sa iba’t ibang dako ng mundo.  Buo ang aking suporta sa inilatag ninyong DFA Strategic Plan 2012-2016 na naglalaman ng inyong mga adhikain at estratehiya upang mapabilis ang pagbabago sa inyong ahensya at paglilingkod sa Pilipino. Tiwala po tayong maisasakatuparan ang mga layuning ito sa mahusay na pamumuno ni Secretary Albert del Rosario. [Applause] Tulad ni Mabini, buong talino at dedikasyon niyang isinasakatuparan ang mabuting pamamahala at pagmamalasakit sa kapwa; alam nating nangingibabaw ang makatwirang paninindigan sa kanyang pakikipag-uganayan sa iba’t ibang bansa.

Kaisa po natin si Secretary del Rosario sa pagtatalaga ng mga career diplomat na kinatawan ng ating bansa sa iba’t ibang panig ng daigdig. Itinalaga natin sila hindi dahil sa utang ng loob, palakasan o sa bulong ng kanilang padrino; pinagkatiwalaan natin sila sa kakayahan nilang isakatuparan ang ating agenda ng pagbabago, at ang lideratong tanging ang taumbayan ang ituturing nilang Boss. Sa kasalukuyan, mayroon na po tayong 59 na career diplomat, na katumbas ng 84 na porsyento ng kabuuang bilang ng ating mga embahador. [Applause]

Nagpapasalamat po tayo sa walang humpay na pagsisikap ng DFA sa pagtataguyod ng code of conduct upang pangalagaan ang ating karapatan sa West Philippine Sea, [applause] na kasalukuyang dahilan ng banggaan ng mga bansang umaangkin sa teritoryong saklaw nito. Malinaw po ang ating paninindigan: May mga teritoryo pong kailangang pag-usapan at pagpasyahan ang pagmamay-ari, at may mga lugar na hindi na dapat kuwestyunin dahil malinaw na teritoryo po natin ito. Sa lahat ng pagkakataon, bukas tayo sa mapayapang paglutas sa usaping ito nang naaayon sa batas at kasunduan ng mga bansa.

Hinahon, pagtitimpi at ibayong pagsasaliksik din po ang itinaguyod ng DFA at mga katuwang na ahensya sa pagpapatibay ng ating pagmamay-ari sa Benham Rise, na sinegundahan ng UN Commission on the Limits of the Continental Shelf. Umaabot sa mahigit 135,000-kilometro kwadrado at lampas pa sa ating 200-nautical mile na exclusive economic zone ang sakop ng Benham Rise. Hitik ito sa likas na yaman tulad ng iba’t ibang mineral at natural gas na maaari nating mapakinabangan sa mga susunod na panahon. Isusulong natin ang mga adhikaing ito habang sinisiguro ang maayos na pakikipag-ugnayan sa ating mga karatig bansa. Iginagalang natin ang karapatan ng ibang mga bansang kasalo natin sa nag-iisang mundo sa panahong sibilisado.

Hindi rin matatawaran ang kontribusyon ng DFA sa pagsugpo ng kahirapan sa bansa. Tungkulin ninyong hikayatin ang pamumuhunan sa Pilipinas na lumilikha ng trabaho sa marami nating kababayan. Umaasa po ako sa sigasig ninyo na lalo pang ipagsigawang open for business under new management na tayo. Kaakibat rin nito ang pagpapalakas sa turismo ng bansa at patuloy na pagpapalusog sa ating ekonomiya.

Nagpupugay din po tayo sa mas epektibo at mas mabilis na pagtatrabaho ng DFA at ng ating mga embahada sa paglilikas ng libu-libong Pilipino na naiipit sa kaguluhan sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika. [Applause] Noon nga pong kasagsagan ng kaguluhan sa Lebanon noong 2006, animnalibong OFW lamang ang nailikas sa loob ng tatlong buwan. Subalit noong 2011, sa nangyayaring sigalot sa Libya, mahigit sampung libo ang ating nailikas sa loob lamang ng isang buwan. Kahit ilang ulit pa tayong magpabalik-balik para sumaklolo at bigyan sila ng kaukulang suporta, tanging kaligtasan nila ang ating inalala. Ganitong bilis sa pagtugon at pagtulong din ang ipinapamalas natin sa paglilikas sa ating mga kababayan mula sa kaguluhan sa Syria, at sa patuloy na pagsugpo sa human at drug trafficking, at illegal recruitment.

Bilang henerasyong nagmana ng kalayaang ipinaglaban ni Mabini at ng ating mga ninuno, tangan ng bawat Pilipino ang mandatong ipagtanggol ito. Mula sa mga katipunerong nagbuwis ng buhay, hanggang sa mga ahensya ng gobyernong isinusulong ang ating pagkakaisa’t kasarinlan; mula sa isang inang inaaruga at pinapalaki nang tama ang anak, hanggang sa isang caregiver na ‘di-alintana ang sakripisyo para sa ikagiginhawa ng pamilya; mula sa mga embahador na ipinapahayag sa mundo ang mabubuting katangian ng lahing kayumanggi, hanggang sa mga sundalong araw-araw humaharap sa peligro upang protektahan ang kapayapaan at ang ating teritoryo; bantog man o hindi, bawat isa sa atin, kayang maging bayani; bawat isa sa atin kayang maging tulad ni Mabini. Ipagpatuloy po natin ang ating bayanihan tungo sa isang lipunang ganap na malaya at makatarungan.

Maraming salamat po at magandang araw sa lahat.