Speech of President Aquino during his visit to Occidental Mindoro, November 15, 2012

VIDEO:

[youtube]https://www.youtube.com/watch?v=go8sw7Erjzw[/youtube]

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa kanyang pagdalaw sa Mindoro Occidental

[Inihayag sa Mamburao, Mindoro Occidental, noong ika-15 ng Nobyembre 2012]

Magandang umaga ho. Maupo ho tayong lahat.

Kagalang-galang na Kalihim Mar Roxas; Kalihim Babes Singson; ang bagong itinalaga nating Kalihim ng Transportation, Jun Abaya; bagong Kalihim natin ng Energy, Icot Petilla; siyempre, matagal na po nating kasangga, Jun Magsaysay, sa tulong po n’yo’y lalong makakatulong ulit; ating pong iniidolo, kasamahan ko ho sa Kongreso at isa ho talagang unang lumantad at tumulong sa ‘tin, Governor Nene Sato; [applause] kanyang butihing Vice Governor Gene Mendiola… Si Gene ho pinagtatalunan namin, ang tanda ko ho kasi ahead siya sa akin sa eskuwelahan. Sabi niya, “Hindi, magka-batch tayo.” Bahala na kayo humusga kung sino mas bata ho sa amin. [Laughter]

Mayor Abe Pangilinan; board member Roderick Agas; Administrator—ito po magdadala ng ilaw sa atin, Administrator ng NEA—Administrator Edita Bueno; [applause] mayors from the different municipalities of Occidental Mindoro; other members of the Liberal Party; fellow workers in government; atin pong mga kandidato na present today; mga minamahal ko pong kababayan:

Magandang umaga po muli.

[Na]gulat ho ako; dadalawa lang pala kami ng Nanay kong napunta rito sa Mamburao. Tapos, doon po sa briefer ko, nakalagay, dito makikita  raw ‘yung tamarraw. So kanina po, nag-uusap kami ni Mar. “Mar, nakakita ka na ba ng tamarraw?” Sabi niya, “Noong kab scout ako, mayroon ako doon sa handkerchief.” [Laughter] Ako naman ho’y medyo mas buo ‘yung aking litrato. Tinanong ko kay Gov. Nene kanina, “Makikita ba natin ‘yan?” Medyo malayu-layo raw ho. Sabi niya, pagkatapos nito ay mayroon pa hong pagpupulong ‘yung Kapisanan ng Broadcaster ng Pilipinas sa Tagaytay po. At ito hong pamumuno nila—mga pamunuan nila ay talaga hong nagiging very supportive sa atin, naglalabas ng good news. Pahirapan ho kasi ilabas ‘yung good news eh. Ewan ko kung bakit. Parang kailangan, bad news. Pero marami namang good news. Mamaya ko ho sasabihin sa inyo ‘yung good news para sa inyo dito sa Occidental Mindoro. [Applause]

Ngayon, ang problema ho ng Tagaytay, maganda. Pero, bigla na lang papasok ‘yung “fog,” papasok ‘yung “ulap.” Baka naman mawala ‘yung good news ‘pag hindi tayo nakasipot doon sa KBP. [Laughter] Kaya sana’y unawain n’yong medyo kapos ho tayo ng oras ngayon—at may sumenyas ho sa akin, kumakapos na nga ng oras, “Puwede bang ituloy mo na ang talumpati mo?” [Laughter]

Mahigit anim na dekada na po ang nakalipas mula nang hatiin ang probinsya ng Mindoro, at likhain ang probinsya ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro. Layon po nitong umarangkada tungo sa kaunlaran ang dalawang probinsya. Kipkip din nito ang pangako ng totoong pag-asenso para sa mga Mindoreño.

Isipin natin: gaano na kaya katayog ang narating ng inyong rehiyon kung hindi nangibabaw ang kaisipang wang-wang sa nakalipas na dekada? Balikan po natinang kalakarang pumigil sa pagginhawa, hindi lang ng inyong probinsya, kundi maging ng ating buong bansa. Sa Region 4B po, nagkaroon ng proyektong gagastusan sana ng mahigit 460-million pesos—nabanggit na po ni Secretary Babes Singson kanina; ididiin ko nang kaunti. Ang naging problema po, 50-million pesos lang ang puwedeng aprubahan ng district engineer. Ang solusyon po ng mga dating nating pinalitan para ma-control ang proyekto: i-chop-chop ang proyekto para hindi lumampas ng 50-million pesos, at ‘di na umabot pa sa regional at central office ang papeles. Kumbaga, binawasan ang puwedeng sumuri ng mga proyektong ‘to. Sa kuntsabahang ito, hindi na bubusisiin ang mga plano.

Tingnan naman po natin ang problema sa silid-aralan. Gaano katagal na ba nating tinitiis ang kakulangan nito? ‘Yun kasing pinalitan natin, isang dekada sa puwesto, pero nagbulag-bulagan sa problema. Ang tugon nila sa amin pong pananaw ay hokus-pokus din;dinagdagan ang shift sa mga pampublikong paaralan, at binago ang dapat na ratio ng estudyante sa isang classroom. Kung dati po, 45 students to one classroom ang ideal ratio, ginawa nilang isandaang mag-aaral sa isang silid-aralan. Ipinagmalaki pa nilang dahil dito, wala na raw pong backlog. “Kulang ang eskuwela, sige gamitin natin hanggang  gabi para ‘yung grade school na estudyante uuwi ng alas-9 ng gabi.” Noong ako po’y grade school, pinapatulog po ako ng alas-9. Pero ang totoong resulta: nagpamana sila sa akin at sa atin ng kakulangan na 66,800 classrooms para lang maitupad ang ratio ng 1:45 at wala nang batang walang silid-aralan.

Dumako po tayo sa iba pa nating minanang problema: Agrikultura. Noong umupo ang ating sinundan sa puwesto, ang utang ng National Food Authority, mahigit 12 bilyong piso. Nag-umpisa pa raw ho ito sa panahon ni Marcos hanggang kay President Estrada. Ang iniwan naman ng aking pinalitan sa atin ay nadagdagan po. Ang dinagdag po mula 12 billion naging 177-billion pesos pamanang utang po niya.  Hindi naman ho siya ang magbabayad.

Lolobo talaga ang utang ng NFA dahil sa bara-barang pamamahala. Biruin ninyo, pinalabas nilang kailangan nating mag-angkat ng 1.3-million metric tons ng bigas kada taon. Ang inaprubahan pang angkatin, 2.47-million metric tons. Ibang klaseng aritmetik po yata ang alam nila. Swerte na lang tayo’t hindi ito ang kabuuang inangkat. Hindi po umabot doon, two million ang inangkat. Pero hindi sila nagpapigil. Umangkat pa nga rin ho sila ng dalawang milyong metriko tonelada: 1.3 [million] ang kulang, two million ang in-import. Bakit ho kaya sobra pa ang in-import? Kaya naman kayo kinakabahan sa presyo ng inyong palay. Dagdag pa sa gastusin sa nasayang na sobrang bigas ang bayad sa ginamit na cargo, at pinag-imbakang warehouse. Ang sabi po sa akin, dinoble ang warehouse na kailangan nating upahan para maitabi ‘yung bigas na hindi natin kailangan.

Maliwanag ho ba iyon? May katwiran ho kaya iyon?

Huli na pong halimbawa dahil wala po akong balak na sirain ang araw ninyo. Ako na lang ho ang lulunok ng lahat ng ipinaman nila at mawawala na lang siguro ‘yung buhok natin, pero ganyan ho talaga ang tadhana. [Laughter and applause] Ipinagmamalaki rin kasi ng nakaraang administrasyon na 99.98 percent ng lahat ng barangay sa Pilipinas, may kuryente na. Sang-ayon ho ba kayo dito sa Mindoro Occidental? [Audience: “Hindi.”] Sige, paliwanag ko ho kung bakit sinabi niya ho iyon: ‘Yun pala, ang ibig sabihin ho n’on, kapag napailawan nila ang barangay hall, electrified na rin daw ang buong barangay. [Laughter] Ang tunay na datos: halos, 36,000 sitio ang naiwan sa kadiliman, at isang milyong piso ang kailangan para maikabit sa grid bawat sitio. Suma tutal—kayong magagaling sa math: 36 thousand, one million bawat isa—36-billion pesos po ang kailangan. Kahit siguro jumackpot [jackpot] tayo sa lotto, kulang pa rin para pondohan ang proyektong ito.

Kung nagpatuloy ang ganitong kalakaran, tuloy ang pagdurusa ng mamamayan. Marami nga po sa ating mga kababayan ang nawalan nang pag-asa. Sa dami ng minana nating problema, saan tayo kukuha ng pondo para tugunan ito? Para nga pong imposible. Ngunit naresolba natin ito nang walang pagtaas sa buwis. Ginawa lang natin ang tama: Isinulong ang reporma sa budget, kinasuhan ang mga tiwali, at pinanagot ang mga umabuso sa katungkulan. Positibo po ang resulta ng ating pagsisikap: Bumaba ang interes sa ating pag-utang, nakatipid tayo sa mga proyekto, at napaunlad ang imprastraktura. Sa tuwid na daan, ang dati pong imposible, nagiging posible. Hindi po ito dahil kay Noynoy Aquino. Hindi ito solong ginawa ng gobyerno. Uulit-ulitin ko po: Kayo ang dahilan kung bakit natin nagagawa ang lahat ng pagbabagong ito. [Applause]

Hayaan n’yong balikan natin ng kapiraso ang mga problemang nabanggit. Kung dati, naging mukha ng katiwalian ang DPWH dahil sa tong-pats at kickback, ehemplo na ito ngayon ng mabuting pamamahala. Umabot na nga sa 11.3-billion pesos ang natitipid ng ahensya dahil sa tamang paggugol. Sa pamumuno po ni Secretary Babes Singson, hindi nakakalusot ang mga kuntsabahan at chop-chop na proyekto. [Applause] Makakaasa na po tayo sa primera klaseng imprastraktura. Halimbawa nito ang pinasinayaan nating Mompong-Yapang Bridge na mag-uugnay sa mga pook sa hilaga at timog ng Occidental Mindoro. Sa proyektong ito, mas mabilis na maibibiyahe ang produkto mula sakahan patungong pamilihan, at isang oras ang maibabawas sa paglalakbay mula San Jose patungong Mamburao. Nakapila na rin po ang iba pa nating makabuluhang proyekto, tulad ng pagpapaunlad sa Mindoro West Coast Road, upang mapalago ang komersyo at turismo sa inyong probinsya. Klaro ang hangad natin: Magtungo man tayo sa Sablayan para masilayan ang Apo Reef, bumisita sa San Jose para makakita ng Tamaraw—mali pala pinuntahan ko, nasa San Jose pala—[laughter] o mag-diving sa Ambulong at White Island, magiging maaliwalas ang atin pong paglalakbay. [Applause]

Medyo nakaka-impress po naman talaga ‘yung tulay n’yo kanina lalo na noong sinabi sa atin ni Gov. Nene, “’Yan po ang pinalitan Bailey Bridge.”

Alam ho ba n’yo kung ano ang Bailey Bridge? Siguro ginagamit ho n’yo ho ‘yon eh, ano? Pero ‘yung Bailey Bridge ho, imbento ho ‘yun ng World War II. Gigibain ng hinahabol mong puwersa ‘yung tulay para hindi kayo makadaan. Kailangan ng mabilisang paraan makatawid ng tubig, ‘di po ba? So, ikinakabit ‘yung Bailey Bridge. Ang idea po n’on, temporary. Ang idea po n’on, mabilis na magamit. Pero, dahil temporary, siyempre hindi ho ganoong katibay. So, tinanong ko ho kay Gov. Nene, “Gaano na ba hong katagal Bailey Bridge ‘yan?” Sabi niya’y, “Pagkatagal-tagal na raw hong Bailey Bridge.” Pinalitan, Bailey Bridge pa rin. Ewan ko ho kung ilang ulit na pinalitan ng Bailey Bridge. Bakit naman ho nating kailangang gawin ‘yung gawa na? Gawin naman natin nang maayos sa umpisa pa lang para dumadami ‘yang imprastraktura, hindi minimentina lang—iyon ho ang pamamahala ni  Babes Singson. [Applause]

Mayroon pong good news si Secretary Armin Luistro tungkol sa kakulangan sa silid-aralan. Sa susunod na taon po—mantakin po n’yo, halos tatlong taon tayo sa puwesto; ginagawa [nila] ng ten years—burado na ang backlog nating 66,800 classrooms. [Applause]

‘Pag minsan-minsan lang ako nagmamalaki nang kaunti kaya—Ulitin ko lang po: sa 2013, wala nang kulang na silid-aralan. Pero siyempre makikiusap rin ho ako, gamitin natin ito para sa kabataan; hindi sa, baka may mahilig ng ballroom dancing o PTA meeting activities. [Laughter] Unahin natin ‘yung mga estudyante muna, kung pupwede lang po. Dito nga po sa Occidental Mindoro, nakapagpatayo na tayo ng 175 classrooms. Sa tulong nito, hindi na mala-sardinas ang mga mag-aaral sa silid-aralan.

Sa agrikultura naman po, mula sa 1.3-million metric tons na kailangang angkating bigas, naibaba natin sa halos 855,000-metric tons noong 2011. Isinama na po natin doon ang reserba dahil baka naman po maging maselan ang panahon; dumating ang bagyo sa ani, pero sapat na po iyon. Ngayong taon—siyempre kung 800 pa rin ang ini-import natin, tatanungin ko si Kasamang Procy, “Wala yatang asenso?” Limandaang libong metriko tonelada na lang ang ating aangkatin mula ho doon sa 1.3 [million]. At ang sabi po niya sa atin, sa susunod daw pong taon, hindi na po natin kailangang mag-angkat ng bigas at mas panatag na ang kalooban n’yo sa presyo ng inyo pong sinaka. At dahil nga number 2 kayo consistently, baka naman next year number 1 kayo, puwede na rin daw tayong magluwas ng matataas na klase ng bigas sa 2013. Ang pakiusap lang, makisama ang panahon.

Mais at palay nga po ang pangunahing produktong agrikultura ng Occidental Mindoro. Magpapatuloy po ang suporta ng inyong gobyerno, sa pagkakaloob ng makabagong kagamitan, patubig, at paghahanda sa kalamidad, upang masiguro ang inyong masaganang ani.

Bago ako lumipat sa agriculture: Alam po n’yo, si Kasamang Jun Magsaysay—baka nakalimutan na ho natin—siya ang nakadiskubre ng fertilizer scam. [Applause] Ganyan ho ang mga mahuhusay na kasama; nangakong maglilingkod sa taongbayan, nakitang may katiwalian, binunggo ang dapat bungguin para tumutoo sa pangako sa magsasakang tutulong. Iyan po ang kailangan nating mga kasama.

Ngayon po, kanina nabanggit ni Gov. Nene ‘yung irigasyon baka puwedeng tulungan. So, tinawag ko po si Procy. Ang sabi po sa atin ng Kasamang Procy Alcala ng Agriculture, “Sa 2012 po, ongoing na ang 80-million pesos worth of irrigation projects.” [Applause] Pero, dahil sa sobrang lakas ni Gov. Nene, isama na rin natin, next year naman, ‘pag naaprubahan na ho ang budget, ang nakalaan po para sa Occidental Mindoro, ngayon po 80, next year 228 million. [Applause] Pero hinahabol rin po natin ang postharvest. Naitataya pong mga five percent ng ani ng Pilipinas at least dahil mali po ‘yung postharvest natin. So, may postharvest facilities, 2012 and 2013, pero ito po—medyo hindi ho “mahirap” basahin po ito… Ito po ay postharvest para sa nagtatanim ng sibuyas at bawang. Marami ho bang nagtatanim ng sibuyas at bawang dito? Kulang pa yata ako sa pag-aaral. Akala ko kasi puro bigas pa dito.

Sa pangunguna naman po ng National Electrification Administration at Department of Energy, inaasahan nating pagdating ng 2016, mapapailawan na ang lahat ng sitio. Dito sa inyong probinsya po, 97 sitios na ang naikabit sa grid mula Oktubre 2011 hanggang Oktubre 2012. Dadagdagan pa natin ito hanggang 135 sitios pagdating ng Disyembre. [Applause]

Alam ho n’yo, itong ating NEA Administrator, nandiyan po sa dulo si Edita, nilapitan po tayo niyan, September 2011 kasam si Butch Abad, pinaliwanag ang problema. Doon ko nadiskubre ho ‘yung 36,000 sitios. Tapos, doon ko nadiskubre, kailangan ng on million kada sitio para maikabit. Tapos, doon ko rin na-compute kailangan ng 36 billion ang hahanapin ko para mapakuryente ang lahat. Pero, magaling ho ito.

[…]

Ang nagawa po na hiningi nila, one million. Pero, kung tama ang tanda ko, average ng ginastos nila mga 800, between 600 to 800. So, ‘yung hiningi nila sumobra pa. Hiningi po kasi, 1.3 billion; 1,300 sitios ang mapapakuryentehan; ang talagang nakuryentehan po nila 1,520 sitios at bumaba pa ho ‘yung gastos kada sitio. [Applause] So, mahigit apatnaraang sitio dito raw ho sa Mindoro Occidental ang hindi pa nakikuryentehan. So, ang pangako ko po sa inyo: 2016, tapos ‘yan. Pero palagay ko, pare-pareho tayong hindi magagalit kung mas maaga pang makuryentehan ‘yan. [Applause] At sa totoo lang ho, hindi ako magugulat kung mas maaga sa 2016 dahil ang bagong kailhim natin ng Energy, dating gobernador ng Leyte, si Icot Petilla—napakagaling na tao ho nito. [Applause] Pero, mahirap po hanggang wala pa ‘yung planong kumpleto para sabihin ko sa inyo ang petsa. Basta, itaga ninyo sa bato, hindi ho ako bababa sa puwesto na hindi tapos ang 400-plus ninyo. [Applause]

Alam n’yo ho ba, lahat nitong sinasabi natin, hindi po ba’t maliwanag ang pagkakaiba ng pamamahala ngayon kaysa sa sistemang nakasanayan? Imbes na maghari-harian, matatawag nang totoong lingkod-bayan ang nasa katungkulan. Tulad ng panata natin: walang sinuman ang dapat maiwan sa kaunlaran. Nariyan nga po ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na umabot na sa 3.1 milyong pamilyang benepisyaryo ang nakarehistro na. Dito po sa Occidental Mindoro, mahigit 24,700 na ang pamilyang katuwang natin sa ating Conditional Cash Transfer program. Kaisa po natin sila sa pamumuhunan tungo sa magandang kinabukasan. Kaakibat nito, puspusan ang paglalatag natin ng mga pagkakataon para sa ating mga kababayan tungo sa marangal na pamumuhay. Kabilang nga po rito ang mga programang pangkabuhayan dito sa Occidental Mindoro, tulad ng bayong at bag making, at fish processing.

Hangad po natin ang malawakan at pangmatalagang kaunlaran sa ating bayan. Kaya sa halip na makuntento tayo sa “puwede na” at “bahala na,” pinagtutuunan natin ng ibayong pansin ang mga proyektong tunay na makakatulong sa Pilipino. Gayundin, mayaman man o mahirap, may katungkulan man o karaniwang mamamayan, tiyak na mananagot sa batas oras na mapatunayang umabuso at nagkasala sa kapwa.

Mulat po tayong may mga pagsubok pang darating. Sa tulong ng mahuhusay at maaasahang—uulitin ko lang: maaasahan at maaayos na mga pinuno—tulad ni Governor Nene Sato at ni Vice Governor Gene Mendiola, at mga pinuno natin sa LGU na handang makibalikat sa ating reporma, panatag ang loob natin. Sa kanilang pamumuno, tiwala tayong maisasakatuparan ang ating agenda ng pagbabago, at mas lalawak pa ang kakayahan nating tulungan ang mas nangangailangan. Sino nga po bang nais nating mamuno? Ang mga kaisa natin sa pagbitbit ng bansa sa kaunlaran? O ang mga tiwaling kakaladkarin tayo pabalik sa dating kalakaran?

Tapusin na po natin ang hilahan, unahan, at lamangan. Bilang bansa, paigtingin natin ang ating bayanihan, at sama-sama tayong humakbang sa landas tungo sa tunay at malawakang kasaganahan.

Alam po n’yo, ulit-ulitin ko lang ho, at maski ilang beses kong ulitin: ‘Pag si Gov. Nene ang pinag-usapan, kasama na si Gene; panatag ang kalooban natin. [Applause] ‘Pag may hinirit para sa kapakanan ng Oriental Mindoro, panatag ang loob natin—totoo ‘yan. Panatag rin ang loob natin na ‘pag tayo nadalaw dito ulit, ‘yung hiningi makikita nating buong-buo—walang labis, walang kulang

Hindi ho kakayanin ng isang tao na ayusin lahat ng problema ng bansa. Pero, ‘pag mayroon tayong mga kasangga tulad nila—eh baka naman ‘pag baba ko sa puwesto lumago pa ang buhok ko at imbes na mabawasan. [Laughter and applause]

Ganoon talaga ang buhay. Mayroong mga may sama ng loob sa iyong wala sa katwiran pero ayos lang.

Huling bagay na lang po. Ngayon lang pumunta sa aking kaalaman—tungkol ‘to sa sitwasyon ng kuryente n’yo. Sa kapitbahay n’yong probinsya kasi, pinagmamalaki ni Gov. Boy, malapit-lapit na raw ang panahong maging net exporter sila ng kuryente. Kaya ho dito’y nagtaka ako kung bakit nabanggit sa akin na mayroong kontrata na exclusive na hindi naman nagsu-supply pero anim na taon na. Sabi ko, “Mayroon bang ganoong kontrata? Magkokontrata kang magsu-supply ka na hindi mo ide-deliver? Tapos, hindi mo puwedeng palitan.” Parang magulo ho yata iyon ah. Pero batid na ho ng ating Kalihim ng Energy at ‘yung nabanggit naman po n’yo sa katarungan, siyempre batid naman po n’yo, pangako nating ayusin rin ang hudikatura. Inumpisahan na po natin sa Chief Justice. At sa bagong pamunuan ng Korte Suprema, idudulong natin po ang ating problema at tayo’y nagtitiwala na aaksyunan kung may mga nagkakamali po at mali ang palakad.

Siguro, dahil first time ko dito ayokong matapos. Kaya lang ho sumesenyas sila. Alam n’yo na. “Paano natin sasabihin sa susunod na naghihintay sa iyo na hindi ka nakaabot dahil nag-overtime ka sa Mindoro.”

Kung ako po’y maimbita, siguro sa susunod na pagkakataon, puwede na kaming magkaroon ng photo opportunity rin ng tamarraw na hindi pa namin nakikita ni Secretary Roxas. Pero, talaga naman ho sa pagsalubong n’yo sa atin—Happy 62nd Founding Anniversary po at talaga naman pong parang ang laking binawas ng problema ko noong nakita ko kayong lahat.

Magandang araw po. Maraming salamat sa lahat.