Batas Republika Blg. 10353

Tags:

[Read in English]

*Di-opisyal na salin ng Official Gazette, sa layuning maghatid ng impormasyon sa mas nakararami.

S. Blg. 2817
N. Blg. 93

Republika ng Pilipinas

Kongreso ng Pilipinas

Kalakhang Maynila

Ikalabinlimang Kongreso

Ikatlong Regular na Sesyon

Sinimulan at ginanap sa Kalakhang Maynila noong Lunes, ikadalawampu’t tatlong araw ng Hulyo, dalawanlibo at labindalawa.

[BATAS REPUBLIKA BLG. 10353]

 

ISANG BATAS NA NAGBIBIGAY-KAHULUGAN AT NAGPAPARUSA SA PINUWERSA AT DI-KUSÀNG PAGKAWALA

Ginagawang batas ng Senado at Mababang Kapulungan ng Pilipinas na natitípon sa Kongreso:

SEKSIYON 1. Maikling Pamagat. – Ang Batas na ito ay kikilalanin bílang ”Batas Laban sa Pinuwersa at Di-kusàng Pagkawala ng 2012.“

SEK. 2. Pagpapahayag ng Polisiya. – Hinahalagahan ng Estado ang dangal ng bawat tao at tinitiyak ang ganap na paggalang sa karapatang pantao na siyang binibigyan ng pinakamataas na priyoridad sa pagsasabatas ng mga pamamaraan para sa pagpapabuti ng karapatan ng lahat ng tao sa dignidad na pantao, pagbabawal ng mga lihim na lugar bilang detensiyon, solitaryong pagkakulong, inkomunikado, o iba pang parehong mga anyo ng detensiyon, ang probisyon para sa mga parusang penal at sibil para sa mga naturang paglabag, at kabayaran at rehabilitasyon para sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya, partikular kaugnay sa paggamit ng tortiyur, puwersa, karahasan, pagbabanta, intimidasyon o iba pang mga pamamaaraan na nakasasagabal sa kusang-loob ng mga taong kinuha, inaresto, ikinulong, nawala, o kaya ay inalisan ng mabisang proteksiyon ng batas.

Higit pa rito, sinusunod ng Estado ang mga prinsipyo at mga pamantayan sa ganap na pagkondena ng mga paglabag sa karapatang pantao na itinalaga mg Saligang Batas ng 1987 at iba’t ibang pandaigdigang tagapagpaganap tulad ng, bagaman hindi limitado sa, International Covenant on Civil and Political Rights (ICCPR), at Convention Against Torture and Other Cruel, Inhuman or Degrading Treatment or Punishment (CAT), na kinabibilangan ng Pilipinas bilang isang Estado.

SEK. 3. Mga Kahulugan. – Para sa mga layunin ng Batas na ito, sa pamamagitan ng tuwirang probisyon ng batas, ang popular na eleksiyon o pagtatalaga ng may kakayahang awtoridad ay makikilahok sa pagsasagawa ng mga pampublikong tungkulin sa pamahalaan, o magsasawa ng mga tungkuling pampubliko sa pamahalaan o sa alinman sa mga sangay nito bilang isang empleado, ahente o nakapailalim na opisyal, o anumang ranggo o uri.

(a) Ang mga ahente ng Estado ay tutukoy sa mga tao na, sa pamamagitan ng tuwirang probisyon ng batas, ng popular na eleksiyon o pagtatalaga ng may kakayahang awtoridad ay makikilahok sa pagsasagawa ng mga pampublikong tungkulin sa pamahalaan, o magsasagawa ng mga tungkuling pampubliko sa pamahalaan o sa alinman sa mga sangay nito bilang isang empleado, ahente o nakapailalim na opisyal, o anumang ranggo o uri.

(b) Ang pinílit o di-kusàng pagkawala ay tumutukoy sa paghuli, pagkukulong, pagkuha o anumang iba pang anyo ng pag-aalis ng kalayaan na isinagawa ng mga ahente ng Estado o ng mga tao o mga pangkat ng tao na kumikilos nang may pahintulot, suporta, o pagtanggap ng Estado, na sinundan ng isang pagtangging kilalanin ang pag-aalis ng kalayaan o ng pagtatakip ng kapalaran o kinaroroonan ng nawawalang tao, na naglalagay sa naturang tao sa labas ng proteksiyon ng batas.

(c) Ang Orden ng Labanan ay tumutukoy sa isang dokumentong ginawa ng militar, pulisya o anumang ahensiyang tagapagpatupad ng batas ng pamahalaan na nagtatalâ sa mga pangalan ng mga tao at mga samahan na sa tingin nito ay mga lehitimong target bilang kalaban na mahaharap nito sa pamamagitan ng mga pamamaraang pinahihintulutan ng mga batas na pambansa at pandaigdig.

(d) Ang biktima ay tumutukoy sa taong nawawala o sa sinumang indibidwal na nasaktan bilang tuwirang resulta ng isang pinílit o di-kusàng pagkawala sang-ayon sa pagpapakahulugan sa titik (b) ng Seksiyong ito.

SEK. 4. Di-Matitinag na Karapatang Laban sa Pinílit o Di-kusàng Pagkawala. – Ang karapatan laban sa pinílit o di-kusàng pagkawala at mga pundamental na pagtiyak sa pagpigil dito ay hindi aalisin sa anumang dahilan kasama na ang politikal na kawalang-katiyakan, banta ng digmaan, estado ng digmaan, o iba pang pampublikong emerhensiya.

SEK. 5. Ang Orden ng Labanan” o Anumang Orden na may Parehong Kalikasan, Di-Legal na Batayan para sa Pinílit o Di-kusàng Pagkawala. – Ang “Orden ng Labanan” o anumang orden na may katulad na kalikasan, opisyal man o hindi, mula sa isang mataas na opisyal o isang pampublikong awtoridad na dahilan ng pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala ay labag sa batas at hindi magagamit bílang katwiran o tagapagpahintulot na kondisyon. Sinumang tumatanggap ng naturang utos ay may karapatang hindi ito sundin.

SEK. 6. Karapatan sa Akses sa Komunikasyon. – Isang ganap na karapatan ng sinumang tao na inalisan ng kalayaan na magkaroon ng agarang akses sa anumang anyo ng komunikasyong magagamit niya upang ipaalam ang kaniyang kinaroroonan at kondisyon sa kaniyang pamilya, kamag-anak, kaibigan, abogado, o anumang samahan para sa karapatang pantao.

SEK. 7. Tungkulin para Iulat ang mga Biktima ng Pinílit o Di-kusàng Pagkawala. – Sinumang tao, sakaling hindi pangunahing tagaganap, kasabwat o katulong, na may impormasyon sa kaso ng piníli o di-kusàng pagkawala o na makaaalam sa naturang impomasyon, o na ang isang tao ay biktima ng pinílit o di-kusàng pagkawala, ay agarang mag-uulat nang pasulat ng mga pangyayari at kinaroroonan ng biktima sa anumang tanggapan, detachment o dibisyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), ng Tagapaglitis na Panlungsod o Panlalawigan, Commission on Human Rights (CHR), o anumang mga samahan para sa karapatang pantao at, sakaling alam, sa pamilya, kamag-anak, o abogado ng biktima.

SEK. 8. Tungkuling Pagtibayin nang Pasulat ang ukol sa mga Resulta ng Pagsisiyasat sa Iniulat na Kinaroroonan ng Nawawalang Tao. – Sa kaso ng isang kapamilya, kamag-anak, abogado, kinatawan ng isang samahan para sa karapatang pantao o isang kasapi ng media na nagtatanong sa isang kasapi o opisyal ng anumang sentro ng detensiyon ng pulisya o militar, ng PNP o anuman sa mga ahensiya nito, ng AFP o anuman sa mga ahensiya nito, ng NBI o anupamang ibang ahensiya o instrumentalidad ng pamahalaan, gayundin sa anumang ospital o morge, publiko o pribado, ukol sa presensiya o kinaroroonan ng isang iniulat ng biktima ng pinilit o di-kusang pagkawala, ang naturang kasapi o opisyal ay kinakailangang agad na maglabas ng isang sertipikasyon nang pasulat para sa tao o entidad na nagtatanong ukol sa presensiya o pagkawala at/o impormasyon ukol sa kinaroroonan ng naturang nawawalang tao, nang isinasaad, kasama ng iba pa, sa malinaw at di-mapagdududahang paraan ang petsa at oras ng pagtatanong, ang mga detalye ng pagtatanong, at ang tugon sa pagtatanong.

SEK. 9. Tungkulin ng Nagsisiyasat/Nag-iimbestigang Pampublikong Tagausig o anumang Panghukuman o Malapanghukumang Opisyal o Kawani. – Anumang pagsisiyasat o pag-iimbestiga ng pampublikong tagausig, o anumang panghukuman o malapanghukumang opisyal o kawani na napag-alamang ang taong ipinahatid para sa pagsisiyasat o preliminaryong imbestigasyon o para sa anumang prosesong panghukuman ay isang biktima ng pinílit o di-kusang pagkawala ay may tungkuling agad na ipaalam ang kinaroroonan ng biktima sa malapit nitong mga kapamilya, kamag-anak, abogado, o isang samahang para sa mga karapatang pantao sa pinakamadaling paraan.

SEK. 10. Opisyal na Napapanahong Rehistro ng Lahat ng Taong Nakapiit o Nakakulong. – Lahat ng taong nakapiit o nakakulong ay ilalagay lamang sa isang opisyal na kinikilala at kinokontrol na mga lugar ng detensiyon o pagkukulong kung saan ay pananatiliin ang isang opisyal na napapanahong rehistro ng mga naturang tao. Ang mga kamag-anak, abogado, hukom, mga kinatawang opisyal at lahat ng mga taong may lehitimong interes sa kinaroroonan at kondisyon ng mga taong inalisan ng kalayaan ay magkakaroon ng malayang akses sa rehistro.

Ang mga sumusunod na detalye, kasama ng iba pa, ang itatala sa rehistro:

(a) Ang identidad o pangalan, paglalarawan, at tirahan ng taong inalisan ng kalayaan;

(b) Ang petsa, oras, at lokasyon kung saan tinanggalan ng kalayaan ang taong iyon at ang identidad ng taong nagtanggal ng naturang kalayaan;

(c) Ang awtoridad na nagpasya sa pagtatanggal ng kalayaan at ang mga dahilan para sa pagtatanggal ng kalayaan o ang krimen o paglabag na naisagawa;

(d) Ang awtoridad na nagkokontrol sa pagtatanggal ng kalayaan;

(e) Ang lugar ng pagtatanggal ng kalayaan, ang petsa at oras ng pagpapasok sa lugar ng pagtatanggal ng kalayaan, at ang awtoridad na may pananagutan para sa lugar ng pagtatanggal ng kalayaan;

(f) Mga rekord ng pisikal, mental, sikolohikong kondisyon ng taong nakapiit o nakakulong bago at matapos ang pagtatanggal ng kalayaan at ang pangalan at tirahan ng doktor na nagsuri sa kanyang kondisyong pisikal, mental, at medikal;

(g) Ang petsa at oras ng pagpapalaya o paglilipat ng taong nakapiit o nakakulong sa iba pang lugar ng detensiyon, ang destinasyon, at ang awtoridad na may pananagutan sa naturang paglilipat;

(h) Ang petsa at oras ng bawat pag-aalis ng taong nakapiit o nakakulong mula sa kanyang selda, ang dahilan o layunin ng naturang pag-aalis, at ang petsa at oras ng kaniyang pagbabalik sa kaniyang selda;

(i) Isang buod ng kalagayang pisikal, mental, at medikal ng taong nakapiit o nakakulong matapos ang bawat interogasyon;

(j) Ang mga pangalan at mga tirahan ng mga taong dumalaw sa taong nakapiit o nakakulong, at ang petsa at oras ng mga naturang pagdalaw at ang petsa at oras ng bawat pag-alis;

(k) Sakaling namatay sa panahon ng pagtatanggal ng kalayaan, ang identidad, ang mga kondisyon at dahilan ng kamatayan ng biktima, gayundin ang destinasyon ng mga labî; at

(l) Lahat ng iba pang mahahalagang pangyayari na may kinalaman, at lahat ng may-kaugnayang detalye, sa pagtrato sa taong nakapiit o nakakulong.

Basta at, Na ang mga detalyeng hinihingi sa ilalim ng mga titik (a) hanggang (f) ay agad na ipapasok sa rehistro sa sandali ng pagdakip at/o detensiyon.

Lahat ng impormasyong nilalaman ng rehistro ay iuulat nang regular sa, o kapag hiniling ng, CHR o anupamang ibang ahensiya ng pamahalaan na inatasang magmonitor at mangalaga sa mga karapatang pantao at gagawing bukás sa publiko.

SEK. 11. Pagpapása ng Listahan ng mga Pasilidad Pandetensiyon ng Pamahalaan. – Sa loob ng anim (6) na buwan mula sa pagkakabisà ng Batas na ito at sa maaaring kahilingan ng CHR matapos iyon, lahat ng mga sangkot na ahensiya ng pamahalaan ay kinakailangang magpása ng na-update na imbentaryo o listahan ng lahat ng opisyal na kinikilala at kinokontrol na mga pasilidad pandetensiyon o pampiit, at ang listahan ng mga nakapiit o mga taong tinanggalan ng kalayaan sa ilalim ng kani-kanilang kaukulang hurisdiksiyon sa CHR.

SEK. 12. Agarang Paglalabas at Pagsunod sa mga Writ ng Habeas Corpus, mga Datos na Amparo at Habeas. – Lahat ng pagdulog na ukol sa paglalabas ng mga writ ng habeas corpus, mga datos ng amparo at habeas ay kinakailangang agarang ilabas. Sa gayon, lahat ng hukuman at iba pang sangkot na mga ahensiya ng pamahalaan ay magbibigay ng priyoridad sa mga naturang pagdulog.

Higi pa rito, anumang kautusang inilabas o pinagtibay sang-ayon sa mga naturang writ o sa kani-kanilang kaukulang pagdulog ay isasagawa at agarang susundin.

SEK. 13. Pagdalaw/Inspeksiyon ng mga Lugar ng Detensiyon at Pagkukulong. – Ang CHR o ang mga kaukulang may-kapangyarihang kinatawan nito ay inaatasan at binibigyang-kapangyarihan dito na magsagawa ng regular, malaya, biglaan, at walang-restriksiyong mga pagdalaw o inspeksiyon sa lahat ng mga lugar ng detensiyon at pagkukulong.

SEK. 14. Pananagutan ng Tagapagpasunod na Opisyal o Superyor. – Ang pinakamalapit na tagapagpasunod na opisyal ng sangkot na yunit ng ARP o ang pinakamalapit na mataas na opisyal ng PNP at iba pang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas ang may pangunahing pananagutan sa krimen ng pinílit o di-kusàng pagkawala para sa mga ginawa niyang naghatid, tumulong, naghikayat o nagpahintulot, tuwiran man o hindi, sa pagsasagawa ng mga iyon ng kaniyang mga tagasunod. Kung ang naturang tagapagpasunod ng opisyal ay may kaalaman sa, o sang-ayon sa mga pagkakataon ng panahong iyon, ay kinakailangang may kaalaman na may pinílit o di-kusàng pagkawala na naisagawa, o isinagawa ng kaniyang mga tagasunod o iba pang nasasaklaw ng kaniyang pananagutan, at sa kabila ng naturang kaalaman, ay hindi siya nagsagawa ng pag-iwas o sapilitang pagkilos, alinman sa bago, habang, o pagkatapos na pagkatapos ng pagsasagawa nito, kung mayroon siyang kapangyarihan upang iwasan o imbestigahan ang mga naturang bintang ng pinílit o di-kusàng pagkawala subalit nabigong iwasan o imbestigahan ang mga naturang bintang, sinadya man o dahil sa kapabayaan, ay magkakaroon din ng pangunahing pananagutan.

SEK. 15. Mga Probisyong Penal. – (a) Ang parusa sa reclusion perpetua at ang mga kasama nitong parusa ay ipapataw sa mga sumusunod na tao:

(1) Sa mga tuwirang nagsagawa ng pinílit at di-kusàng pagkawala;

(2) Sa mga tuwirang namuwersa, nagpasimula, nanghikayat o nagbuyo sa iba upang magsagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala:

(3) Sa mga nakipagtulungan sa pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ibang bagay na kung hindi ginawa ay hindi maisasakatuparan ang pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala;

(4) Sa mga opisyal na nagpahintulot sa pagsasagawa o tumulong sa pagsasakatuparan ng pinílit o di-kusàng pagkawala kung nasa kapangyarihan niyang pigilan o ibunyag ang pagsasagawa nito; at

(5) Sa mga nakipagtulungan sa pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala sa pamamagitan ng mga datihan o kapanabayang isinagawa.

(b) Ang parusa ng reclusion temporal at ang mga kasama nitong parusa ay ipapataw sa mga nagsagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala sa yugtong tinatangka pa lámang ito sang-ayon sa itinalaga at inilarawan sa ilalim ng Artikulo 6 ng Binagong Kodigo Penal.

(c) Ang parusa ng reclusion temporal at ang mga kasama nitong parusa ay ipapataw sa mga tao na mayroong kaalaman sa pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala and hindi nakilahok doon bilang pangunahin o kasabwat, ay nakilahok paglaon sa pagsasagawa nito sa alinman sa mga sumusunod na paraan:

(1) Sa pagkíta mula sa o sa pagtulong sa lumabag upang makinabang mula sa mga epekto ng pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala;

(2) Sa pagtatago sa gawain ng pinílit o di-kusàng pagkawala at/o sa pagsira sa mga ginamit o kasangkapan para rito upang pigilan ang pagkatuklas dito; o

(3) Sa pagkukupkop, pagtatago, o pagtulong sa pagtakas ng mga pangunahing sangkot sa pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala, basta at ang mga naturang kasamang gawain ay ginawa nang may pag-abuso sa mga gawaing opisyal.

(d) Ang parusa ng prision correctional at ang mga kasama nitong parusa ay ipapataw laban sa mga tao na sumalungat, di-pumansin, o pinatagal nang gayon na lamang ang pagsunod sa anumang kautusang inilabas o pinalaganap sang-ayon sa mga writ ng habeas corpus, mga datos amparo at habeas, o sa kanilang mga kaukulang paglilitis.

(e) Ang parusa ng arresto mayor at ang mga kasama nitong parusa ay ipapataw laban sa sinumang lalabag sa mga probisyon ng mga Seksiyon 6, 7, 8, 9 at 10 ng Batas na ito.

SEK. 16. Pampigil na Suspensiyon/Agarang Pagtatanggal. – Ang mga opisyal ng pamahalaan at ang mga kawani na napatunayang nagsagawa ng o nakilahok sa anumang paraan sa pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala bilang resulta ng isang preliminaryong imbestigasyon na isinagawa para sa layuning iyon ay bibigyan ng pampigil na suspensiyon o agarang tatanggalin sa serbisyo, sang-ayon sa lakas ng ebidensiyang iniharap at natipon sa naturang preliminaryong imbestigasyon o sang-ayon sa imumungkahi ng nag-iimbestigang awtoridad.

SEK. 17. Pananagutang Sibil. – Ang pagsasagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala ay magbibigay ng pananagutan sa mga nagsagawa nito at mga ahensiya ng Estado na nagsaayos, nagpahintulot sa o hinayaan ang naturang pagkawala sa ilalim ng batas sibil.

SEK. 18. Hiwalay na Pananagutan. – Ang pananagutang kriminal ng lumabag sa ilalim ng Batas na ito ay hiwalay o walang pagsasaalang-alang sa paglilitis at paghatol sa naturang lumabag para sa anumang paglabag sa Batas Republika Blg. 7438, na kilala rin bílang “Isang Batas na Nagpapakahulugan sa Ilang Karapatan ng Taong Dinakip, Ipiniit o Ipinailalim sa Imbestigasyong Pampangangalaga, gayundin sa mga Tungkulin ng Dumarakip, Nagpipiit, at Nag-iimbestigang mga Opisyal, at Nagtatalaga ng mga Parusa sa Paglabag sa mga Ito”; sa Batas Republika Blg. 9745, na kilala rin bílang “Isang Batas na Nagpaparusa sa Tortiyur at Iba Pang Malupit, Di-Makatao, at Nakapanliliit na Pagturing o Pagpaparusa, at Pagtatakda ng mga Parusa para sa mga Ito”; at mga mailalapat na probisyon ng Binagong Kodigo Penal.

SEK. 19. Pagiging Di-Eksklusibo o Double Jeopardy sa Ilalim ng Pandaigdigang Batas. – Anumang imbestigasyon, paglilitis, at pasya ng anumang hukuman sa Pilipinas, o pangkat para sa anumang paglabag ng Batas na ito ay walang pagsasaalang-alang sa anumang imbestigasyon, paglilitis, pasya, o iba pang legal o prosesong administratibo bago ang anumang angkop na hukumang pandaigdig o ahensiya sa ilalim ng mga mailalapat na pandaigdigang batas sa karapatang pantao at na makatao.

SEK. 20. Pagkaligtas mula sa Prosekusyon. – Sinumang lumabag na nagbigay ng impormasyon na naghatid sa pagkatuklas sa biktima ng pinílit o di-kusàng pagkawala o sa prosekusyon ng mga lumabag nang hindi nakikita ang biktima ay magiging ligtas sa anumang kriminal at/o sibil na pananagutan sa ilalim ng Batas na ito: Basta at, Na ang nasabing lumabag ay hindi lumilitaw na siyang pinakamaysala.

SEK. 21. Nagpapatuloy na Paglabag. – Ang gawaing bumubuo sa pinílit o di-kusàng pagkawala ay ituturing na isang nagpapatuloy na paglabag hanggang ang mga nagsasagawa nito ay patuloy na itinatago ang kapalaran at kinaroroonan ng mga nawawalang tao at ang mga naturang kondisyon ay hindi natutukoy nang may katiyakan.

SEK. 22. Exemption sa Imahen ng mga Limitasyon. – Ang prosekusyon sa mga taong may pananagutan sa pinílit o di-kusàng pagkawala ay hindi makapagmumungkahi maliban kung limitaw nang buhay ang biktima. Sa gayon, ang panahon ng preskripsiyon ay dalawampu’t limang (25) taon mula sa petsa ng naturang muling pagpapakita.

SEK. 23. Eksklusyon sa Batas kaugnay ng Espesyal na Amnestiya. – Ang mga taong nahatulan at/o nagsagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala ay hindi makikinabang sa anumang batas kaugnay ng espesyal na amnestiya o iba pang katulad na pamamaraang tagapagpaganap na makapagliligtas sankanila mula sa anumang paglilitis o parusang penal.

SEK. 24. Proteksiyon ng Estado. – Ang Estado, sa pamamagitan ng mga angkop nitong ahensiya, ay titiyak sa kaligtasan ng lahat ng taong sangkot sa paghahanap, imbestigasyon, at prosekusyon ng pinílit o di-kusàng pagkawala kasama na ang, bagaman hindi limitado sa, mga biktima, ang kanilang mga pamilya, nagrereklamo, tumetestigo, mga legal na tagapayo at mga kinatawan ng mga samahan para sa karapatang pantao at ng media. Sila rin ay poprotektahan mula sa anumang intimidasyon o paghihiganti.

SEK. 25. Aplikabilidad ng Refouler. – Walang taong paaalisin, ibabalik, o isasauli sa ibang Estado kapag may sapat na batayan upang maniwalang ang naturang tao ay nasa panganib na mapasailalim sa pinílit o di-kusàng pagkawala. Para sa mga layunin ng pagtiyak kung umiiral ang mga gayong batayan, ang Kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Kalihim ng Department of Justice (DOJ), sa pakikipagtulungan ng Tagapangulo ng CHR, at magsasaalang-alang ng mga may-kaugnayang konsiderasyon kasama na sakaling mailalapat bagaman hindi limitado sa pag-iral sa humihiling na Estado ng isang konsistent na padron ng malawakan, hayag, at pambayang mga paglabag ng mga karapatang pantao.

SEK. 26. Restitusyon at Kabayaran sa mga Biktima ng Pinílit o Di-kusàng Pagkawala at/o sa Kanilang mga Kalapit na Kamag-anak. – Ang mga biktima ng pinílit o di-kusàng pagkawala na lumitaw nang buhay ay pagkakalooban ng kabayarang salapi, rehabilitasyon, at restitusyon ng dangal at reputasyon. Ang naturang restitusyon ng dangal at reputasyon ay magsasangkot ng agarang pag-aalis o rektipikasyon ng anumang nakasasamang rekord, mga impormasyon o pampublikong deklarasyon/pahayag kaugnay ng kaniyang pagkatao, mga personal na kalagayan, estado, at/o kinaaanibang samahan ng mga angkop na pampamahalaan o pribadong ahensiya o mga ahensiyang sangkot.

Ang malalapit na kamag-anak ng isang biktima ng pinílit o di-kusàng pagkawala, nang hanggang sa ikaapat na digring sibil ng pagiging magkadugo o magkaugnay, ay maaari ring humingi ng kabayaran sang-ayon sa itinalaga ng Batas Republika Blg. 7309 na pinamatagang “Isang Batas na Lumilikha ng Isang Lupon sa mga Paghahabol sa ilalim ng Kagawaran ng Katarungan para sa mga Biktima ng Di-makatarungang Pagkabilanggo o Pagkapiit at mga Biktima ng Mararahas na Krimen at Para sa Iba Pang mga Layunin,” at iba pang mga programang pantulong ng pamahalaan.

Ang kaloob na kabayaran kapwa sa mga biktima at sa malalapit na kamag-anak na hanggang sa ikaapat na digring sibil ng pagiging magkadugo o magkaugnay ay walang pagsasaalang-alang sa iba pang mga remedyong legal na maaari nilang makuha.

SEK. 27. Rehabilitasyon ng mga Biktima at/o ng Kanilang mga Kalapit na Kamag-anak, at mga Lumabag. – Upang ang mga biktima ng pinílit o di-kusàng pagkawala na lumitaw nang buháy at/o ang kanilang malalapit na kamag-anak na hanggang sa ikaapat na digring sibil ng pagiging magkadugo o magkaugnay ay maipasok muli nang mahusay sa daloy ng lipunan at sa proseso ng pag-unlad, ang Estado, sa pamamagitan ng CHR, sa pakikipagtulungan sa Department of Health, sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at sa mga sangkot na samahang di-pampamahalaan, ay magkakaloob sa kanila ng angkop na pangangalagang medikal at rehabilitasyon nang walang bayad.

Tungo sa pagkakamit ng katarungang pampanauli, isang kaalinsabay na programang panrehabilitasyon para sa mga taong nagsagawa ng pinílit o di-kusàng pagkawala ang ipatutupad din nang walang gastusin para sa mga naturang lumabag.

SEK. 28. Pampatupad na mga Tuntunin at Regulasyon. – Sa loob ng tatlumpung (30) araw mula sa pagkakabisà ng Batas na ito, ang DOJ, DSWD, CHR, Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND), at ang Families of Desaparecidos for Justice (Desaparecidos), sa pakikipag-ugnayan sa iba pang mga samahan pra sa mga karapatang pantao, ang magkasamang magpapalaganap ng mga tuntunin at regulasyon para sa epektibong pagpapatupad ng Batas na ito at titiyak sa ganap na diseminasyon nito sa publiko.

SEK. 29. Mga Aplikasyon Suppletory. – Ang mga mailalapat na probisyon ng Binagong Kodigo Penal ay magkakaroon ng aplikasyon suppletory hangga’t sang-ayon sila sa mga probisyon ng Batas na ito.

SEK. 30. Mga Apropriyasyon. – Ang halagang sampung milyong piso (PHP10,000,000.00) ay inilalaan dito para sa paunang implementasyon ng Batas na ito ng CHR. Ang mga kasunod na halaga para sa patuloy na implementasyon ng Batas na ito ay isasama na sa kani-kanilang badyet ng CHR at ng DOJ sa taunang Batas sa Pangkalahatang Apropriyasyon.

SEK. 31. Sugnay ng Pagkakahiwalay. — Sa kung anumang dahilan at ang anumang seksiyon o probisyon ng Batas na ito ay ipahayag na hindi sang-ayon sa konstitusyon o walang bisa, ang ibang mga seksiyon o mga probisyon na hindi naapektuhan mula roon ay mananatiling may ganap na puwersa at bisà.

SEK. 32. Sugnay na Pambawi. — Lahat ng batas, dekreto, kautusang tagapagpaganap, mga tuntunin at regulasyon, at iba pang inilabas o bahagi ng mga iyon hindi naaayon sa mga probisyon sa Batas na ito ay binabawi rito, binabago, o sinususugan nang naaayon dito.

SEK. 33. Sugnay ng Pagkakabisà. — Ang Batas na ito ay magkakaroon ng bisà sa loob ng labinlimang (15) araw matapos ang publikasyon nito sa dalawa (2) man lamang pahayagang may malawak na sirkulasyon o sa Official Gazette, na hindi lalampas sa pitong (7) araw matapos ang pagtanggap mula roon.

Inaprubahan,

(Lagda) FELICIANO BELMONTE JR.
Ispiker ng Mababang Kapulungan

(Lagda) JUAN PONCE ENRILE
Pangulo ng Senado

Ang Batas na itong konsolidasyon ng Panukalang Batas sa Senado Blg. 2817 at Panukalang Batas sa Mababang Kapulungan Blg. 98 ay naipasa sa wakas ng Senado at ng Mababang Kapulungan noong 16 Oktubre 2012.

(Lagda) MARILYN B. BARUA-YAP
Kalihim-Heneral
Mababang Kapulungan

(Lagda) EMMA LIRIO-REYES
Kalihim ng Senado

Pinagtibay: 21 DIS 2012

(Lagda) BENIGNO S. AQUINO III
Pangulo ng Pilipinas

*Di-opisyal na salin ng Official Gazette, sa layuning maghatid ng impormasyon sa mas nakararami.

[Read in English]

Resources