*Salin ng Official Gazette sa layuning maghatid ng impormasyon. Hindi ito ang opisyal na salin ng naturang batas.
MGA TUNTUNIN AT MGA REGULASYONG PAMPATUPAD NG BATAS
SA PINABUTING BATAYANG EDUKASYON NG 2013
Alinsunod sa Seksiyon 16 ng Batas Republika Blg. 10533 na pinamagatang “Isang Batas na Nagpapabuti sa Sistema ng Batayang Edukasyon sa Pilipinas sa Pagpapalakas ng Kurikulum Nito at Pagdadagdag ng Bilang ng mga Taon para sa Batayang Edukasyon, Paglalaan ng Pondo Para Rito at Para sa Iba Pang Layunin,” na kilala rin bilang “Batas sa Pinabuting Batayang Edukasyon ng 2013,” na pinagtibay noong 15 Mayo 2013, at nagkaroon ng bisa noong 8 Hunyo 2013, naglalabas dito ngayon ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon (CHED), at ang Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan (TESDA) ng sumusunod na mga tuntunin at mga regulasyon sa pagpapatupad ng mga probisyon ng Batas.
TUNTUNIN I. MGA PANGKALAHATANG PROBISYON
Seksiyon 1. Pamagat. Ang mga tuntunin at regulasyong ito ay tatawagin bílang Mga Tuntunin at Regulasyong Pampatupad (IRR) ng “Batas sa Pinabuting Batayang Edukasyon ng 2013” (Batas Republika Blg. 10533).
Seksiyon 2. Saklaw at Aplikasyon. Ang mga probisyon ng IRR ay pangunahing ilalapat sa lahat ng mga pampubliko at pribadong institusyon at sentrong pampagkatuto para sa batayang edukasyon. Ilalapat din ang IRR na ito sa mga Institusyon ng Lalong Mataas na Paaralan (HEI), Institusyong Teknikal-Bokasyonal (TVI), mga organisasyong may kaukulang pagkilala at gumagana bilang mga Institusyon ng Edukasyong Pangguro (TEI), at mga pundasyon.
Seksiyon 3. Pagpapahayag ng Polisiya. Ang IRR na ito ay bibigyang-kahulugan sang-ayon sa Deklarasyon ng Polisiya na makikita sa Seksiyon 2 ng Batas.
Seksiyon 4. Pagpapakahulugan ng mga Termino. Para sa mga layunin ng IRR na ito, ang mga sumusunod na termino ay mangangahulugan o uunawain bilang ang mga sumusunod:
(a) Tumutukoy ang Batas sa Batas Republika Blg. 10533, na pinamagatang “Isang Batas na Nagpapabuti sa Sistema ng Batayang Edukasyon sa Pilipinas sa Pagpapalakas ng Kurikulum Nito at Pagdadagdag ng Bilang ng mga Taon para sa Batayang Edukasyon, Paglalaan ng Pondo para Rito at para sa Iba Pang Layunin,” na kilala rin bílang “Batas sa Pinabuting Batayang Edukasyon ng 2013.”
(b) Tumutukoy ang Sentro ng Pagkatuto sa espasyong pisikal na maglalaman ng mga gamit at pasilidad sa pagkatuto ng isang programa ng pagkatuto para sa kabataan at matatandang nasa-labas-ng-paaralan. Lunan ito para sa mga harapang gawain ng pagkatuto at iba pang mga pagkakataon ng pagkatuto para sa pagpapaunlad ng pamayanan at pagpapabuti sa uri ng pamumuhay ng bayan. Maaari rin itong tukuyin bílang “Pampamayanang Sentro ng Pagkatuto” na pinahintulutan at kinikilala ng DepEd.
(c) Tumutukoy ang Mag-aaral sa isang bata o estudyante, o sa isang mag-aaral sa isang alternatibong sistema ng pagkatuto.
(d) Tumutukoy ang Inang Wika o Unang Wika (L1) sa wika o mga wika na unang natutuhan ng isang bata, kung saan siya nakauugnay, at kinikilala bilang isang katutubong wikang ginagamit niya sang-ayon sa iba, na siyang pinakaalam niya, o pinakaginagamit. Kasama rito ang Filipinong sign language [wikang de-senyas] na ginagamit ng mga indibidwal na may kaugnay na kapansanan. Ang rehiyonal o katutubong wika ay tutukoy sa tradisyonal na uri ng pagsasalita o uri ng Filipinong wikang de-senyas na naroon sa isang rehiyon, lunan, o lugar.
(e) Tumutukoy ang Pampublikong Paaralang Di-DepEd sa isang pampublikong paaralan na nag-aalok ng batayang edukasyon na pinagagalaw ng isang ahensiya ng pambansang pamahalaan maliban sa DepEd, o ng isang yunit ng lokal na pamahalaan.
Seksiyon 5. Batayang Edukasyon. Alinsunod sa Seksiyon 3 ng Batas, nilalayon ng batayang edukasyon na tugunan ang mga pangangailangan sa batayang pagkatuto na nagkakaloob ng mga pundasyon na siyang pagbabatayan ng mga kasunod na pagkatuto. Binubuo ito ng kindergarten, elementarya, at mataas na paaralan gayundin ang mga sistema ng alternatibong pagkatuto para sa mga nag-aaral na out-of-school at sa mga may espesyal na pangangailangan sa ilalim ng Seksiyon 8 ng IRR na ito.
Seksiyon 6. Programa sa Pinabuting Batayang Edukasyon. Para sa mga layunin ng IRR na ito at sang-ayon sa Seksiyon 4 ng Batas, binubuo ang pinabuting program ng batayang edukasyon ng isa (1) man lamang taon sa edukasyong kindergarten, anim (6) na taon sa edukasyong elementarya, at anim (6) na taon sa edukasyong sekondarya, sa ganoong pagkakasunod-sunod. Kasama sa edukasyong sekondarya ang edukasyon na apat (4) na taon ng junior high school at dalawang (2) taon ng senior high school. Maaari ding ipahatid ang programa sa pinabuting batayang edukasyon sa pamamagitan ng sistema sa pagkatutong alternatibo.
Unang yugto ng kinakailangan at iniaatas na edukasyong pormal ang Edukasyong Kindergarten na binubuo ng isang (1) taon ng edukasyong pampaghahanda para sa mga batang di bababa sa limang (5) taong gulang bilang kinakailangan para sa Baitang I.
Tumutukoy ang Edukasyong Elementarya sa ikalawang yugto ng kinakailangang batayang edukasyon na binubuo ng anim (6) na taon. Ang edad ng pagpasok sa antas na ito ay karaniwang anim (6) na taon.
Tumutukoy ang Edukasyong Sekondarya sa ikatlong yugto ng kinakailangang batayang edukasyon na binubuo ng apat (4) na taon ng edukasyon sa junior high school at dalawang (2) taon ng edukasyon sa senior high school. Ang edad ng pagpasok sa mga antas na junior at senior high school ay karaniwang labindalawa (12) at labing-anim (16) na taon, sang-ayon sa pagkakasunod.
Maaaring maging maluwag ang DepEd sa pag-aampon ng mga institusyon ng pribadong edukasyon sa programa basta at susunod sila sa mga minimum na pamantayang itinatalaga ng DepEd sang-ayon sa Batas.
Seksiyon 7. Kinakailangang Batayang Edukasyon. Kinakailangang ipasok ng bawat magulang o tagapangalaga o iba pang taong may kustodiya sa isang bata ang batang iyon sa batayang edukasyon, anuman ang paraan o sistema ng paghahatid ng pagkatuto, hanggang sa matapos ito, sang-ayon sa itinatalaga ng mga kasalukuyang batas, tuntuntin at regulasyon.
Seksiyon 8. Pinabuting Batayang Edukasyon para sa Lahat. Bilang pagpapalawig sa Seksiyon 3 ng Batas, mangangahulugan ang pinabuting batayang edukasyon para sa lahat ng pagpapatupad ng mga programa na binuo para tugunan ang mga pangangailangang pisikal, intelektuwal, sikososyal, at kultural ng mga mag-aaral, na kasama ang mga sumusunod, bagaman hindi limitado sa mga ito:
8.1. Mga Programa para sa Matalino at May Talento. Tutukoy ito sa mga programang komprehensibo para sa mga mag-aaral na matalino at may talento mula sa lahat ng antas ng batayang edukasyon.
8.2. Mga Programa para sa mga Mag-aaral na May Kapansanan. Tutukoy ito sa mga programang komprehensibo na dinisenyo para sa mga mag-aaral na may kapansan na maaaring gawin sa bahay, paaralan, sentro, o pamayanan.
8.3. Programang Madrasah. Tutukoy ito sa programang komprehensibo na gamit ang kurikulum na Madrasah na itinalaga ng DepEd, sa pakikipag-ugnayan sa Komisyon sa mga Filipinong Muslim, para sa mga mag-aaral na Muslim sa mga paaralang pampubliko at pribado.
8.4. Programang Pang-edukasyon para sa mga Katutubong Mamamayan (IP). Tutukoy ito sa programa na nagtataguyod sa mga simulaing pang-edukasyon na isinagawa sa mga pamamaraang pormal, di-pormal, at impormal, nang may-diin sa alinman sa mga sumusunod na susing paksa, bagaman hindi limitado sa mga ito: Mga Sistema at Praktis ng Kaalamang Katutubo; mga wikang katutubo; Sistema ng Katutubong Pagkatuto (ILS) at kurikulum at pagtatasang batay sa siklo ng buhay-pampamayanan; mga layunin, hangarin, at kasanayang pang-edukasyon na natatangi sa Katutubong Pamayanang Kultural (ICC); pakikipag-ugnayan sa matatanda at iba pang kasapi ng pamayanan sa mga paraan, pagtatasa, at pangangasiwa sa pagtuturo-pagkatuto ng mga simulain, pagkilala, at patuloy na pagsasagawa ng ILS ng pamayanan; at mga karapatan at pananagutan ng mga ICC.
8.5. Mga Programa para sa mga Mag-aaral na may Mabibigat na Kalagayan. Tutukoy ito sa mga programang napapanahon at tumutugon sa mga mag-aaral na may mabibigat na kalagayan, tulad ng mga sumusunod, bagaman hindi limitado sa mga ito: pag-iisang heograpiko; kronikong karamdaman; pagkakalipat dahil sa tunggaliang armado, sa resettlement na urban, o sa mga kalamidad; pagsasamantala sa bata o mga praktis ng paggawa ng mga bata.
Seksiyon 9. Akselerasyon. Pahihintulutan ang akselerasyon ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong institusyon ng batayang edukasyon, sang-ayon sa mga tuntunin at regulasyon ng DepEd.
TUNTUNIN II. KURIKULUM
Seksiyon 10. Pagbubuo ng Kurikulum sa Batayang Edukasyon. Sa pagbubuo ng Kurikulum sa Batayang Edukasyon, gagabayan ang DepEd ng mga sumusunod:
10.1. Pormulasyon at Disenyo. Sang-ayon sa Seksiyon 5 ng Batas, magbubuo ang DepEd ng disenyo at mga detalye ng kurikulum sa pinabuting batayang edukasyon. Makikipagtulungan ang DepEd sa CHED at TESDA upang magbuo ng magkaugnay na mga kurikulum sa batayan, tersiyaryo, at teknikal-bokasyonal na edukasyon para sa kasanayang lokal at pandaigdig ng mga Filipinong nagsisipagtapos.
10.2. Mga Pamantayan at Prinsipyo. Susunod ang DepEd sa mga sumusunod na pamantayan at prinsipyo, kapag angkop, sa pagbubuo ng kurikulum ng pinabuting batayang edukasyon:
(a) Ang kurikulum ay kinakailangang nakasentro sa mag-aaral, mapansangkot at angkop sa antas ng pag-unlad;
(b) Ang kurikulum ay kinakailangang makabuluhan, tumutugon, at batay sa pananaliksik;
(c) Ang kurikulum ay kinakailangang sensitibo sa kultura;
(d) Ang kurikulum ay kinakailangang isakonteksto at pandaigdigan;
(e) Ang kurikulum ay kinakailangang gumamit ng mga pagdulog na pedagohikong mapagbuo, batay sa pagsisiyasat, mapagmuni, nakikilahalok, at mapambuod;
(f) Ang kurikulum ay kinakailangang umayon sa mga prinsipyo at balangkas ng Edukasyong Multilingguwal na Batay sa Inang Wika (MTB-MLE) na nagsisimula kung saan nagmumula ang mga mag-aaral at kung ano na ang alam nila, umuusad mula sa alam patungong di-alam; kinakailangang may mga materyales na panturo at mga gurong may kakayahang ipatupad ang kurikulum na MTB-MLE. Para sa layuning ito, tumutukoy ang MTB-MLE sa edukasyong pormal o di-pormal kung saan ay ginagamit sa silid-aralan ang inang wika at karagdagang mga wika ng mag-aaral;
(g) Ang kurikulum ay gagamit ng pagdulog na spiral na pagsulong upang matiyak ang pagkadalubhasa sa kaalaman at kasanayan matapos ang bawat antas; at
(h) Ang kurikulum ay kinakailangang bukas upang maaaring isalokal, isakatutubo, at pabutihin pa ito ng mga paaralan batay sa kanilang mga partikular na kontekstong pang-edukasyon at panlipunan.
10.3. Produksiyon at Pagbubuo ng Materyales. Ang produksyon at pagbubuo ng mga lokal na materyales sa pagtuturo at pagkatuto ay hihikayatin. Ang pagtanggap sa mga materyales na ito ay ibababa sa mga panrehiyon at pandibisyong yunit sang-ayon sa mga pambansang polisiya at pamantayan.
10.4. Midyum ng Pagtuturo at Pagkatuto. Sang-ayon sa Mga Seksiyon 4 at 5 ng Batas, ipahahatid ang batayang edukasyon sa mga wikang nauunawaan ng mga mag-aaral sapagkat may estratehikong papel na ginagampanan ang wika sa paghubog sa mapagbuong mga taon ng mag-aaral.
Huhubog ang kurikulum ng kasanayan sa Filipino at Ingles, basta at magsisilbing pundamental na wika ng edukasyon ang una at nangingibabaw na wika ng mag-aaral. Para sa kindergarten at sa unang tatlong (3) taon ng edukasyong elementarya, ang pagtuturo, mga materyales sa pagtuturo at pagtatasa ay sa wikang rehiyonal o katutubo ng mga mag-aaral. Magbubuo ang DepEd ng isang programa sa transisyon mula ina/unang wika patungo sa mga wika ng kurikulum na angkop sa kakayahan at pangangailangan ng mga mag-aaral mula Baitang 4 hanggang Baitang 6. Unti-unting ipakikilala ang Filipino at Ingles bilang mga wika ng pagtuturo hanggang sa ang dalawang (2) wikang ito ang maging mga pangunahing wika ng pagtuturo sa antas.
10.5. Pakikilahok ng Stakeholder. Upang magkamit ng pinabuti at tumutugong kurikulum ng batayang edukasyon, magsasagawa ng mga pagsangguni ang DepEd sa iba pang mga pambansang ahensiya ng pamahalaan at iba pang mga stakeholder, kasama na ang, bagaman hindi limitado sa, Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE), Komisyon sa Regulasyong Pampropesyonal (PRC), mga pribado at pampublikong samahang pampaaralan, mga pambansang organisasyong pangmag-aaral, mga pambansamg organisasyong pangguro, mga samahang pangmagulang-guro, mga lupon ng komersiyo at iba pang samahang pang-industriya, para sa mga usapin na makaaapekto sa mga sangkot na stakeholder.
Seksiyon 11. Komiteng Kasangguni sa Kurikulum. Alinsunod sa Seksiyon 6 ng Batas, magbubuo ng Komiteng Kasangguni sa Kurikulum na ang magiging tagapangulo ay ang Kalihim ng DepEd o ang kaniyang pinahintulutang kinatawan at ang mga kasapi ay binubuo ng, bagaman hindi limitado sa, tig-iisang kinatawan mula sa CHED, TESDA, DOLE, PRC, Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST), at isang kinatawan mula sa sangay pangnegosyo tulad ng samahang pang-industriya sa Information Technology–Business Process Outsourcing (IT-BPO). Ang Komiteng Kasangguni ang titingin sa rebyu at ebalwasyon sa pagpapatupad sa kurikulum ng pinabuting batayang edukasyon at maaaring magmungkahi sa DepEd ng pagbubuo ng kinakailangang pagpipino sa kurikulum.
TUNTUNIN III. MGA KALIPIKASYON, PAGSASANAY, AT PATÚLOY NA PAG-UNLAD NA PROPESYONAL NG MGA GURO
Seksiyon 12. Pagtuturo at Pagsasanay sa mga Guro. Upang matiyak na natutugunan ng programa sa pinabuting batayang edukasyon ang mga kahingian para sa mahuhusay na guro at pinunong pampaaralan, magsasagawa ang DepEd at CHED ng mga programa para sa pagtuturo at pagsasanay sa mga guro, sa pakikipagtulungan ng mga kaugnay na katuwang sa pamahalaan, akademya, industriya, at mga samahang di-pampamahalaan. Ang mga naturang programa sa pag-unlad na propesyonal ay pasisimulan, isasagawa, at tatayain nang regular sa buong taon upang matiyak ang palagiang pagpapataas sa mga kasanayan ng guro. Ang mga programa sa pagtuturo at pagsasanay sa mga guro ay kabibilangan ng mga sumusunod, bagaman hindi limitado sa mga ito:
12.1. Pagsasanay sa Nilalaman at Pedagohiya na In-service. Ang mga guro ng DepEd na magpapatupad ng kurikulum ng pinabuting batayang edukasyon subalit hindi sumailalim sa edukasyong bago-ang-paglilingkod na naaayon sa kurikulum ng pinabuting batayang edukasyon ay sasanayin upang matugunan ang mga pamantayan sa nilalaman at pagsasakatuparan ng kurikulum ng pinabuting batayang edukasyon.
Titiyakin ng DepEd na ang mga institusyon ng edukasyong pribado ay mabibigyan ng pagkakataon upang magkaroon ng naturang pagsasanay.
12.2. Pagsasanay ng mga Bagong Guro. Ang mga bagong nagsipagtapos sa kurikulum ng Edukasyong Pangguro na hindi naaayon sa kurikulum ng pinabuting batayang edukasyon ay sasailalim sa dagdag na pagsasanay, kapag natanggap na sila sa trabaho, upang maingat ang kanilang mga kasanayan sa mga pamantayang pangnilalaman ng bagong kurikulum. Maliban dito, titiyakin ng CHED, sa pakikipag-ugnayan sa DepEd at mga may-kaugnayang stakeholder, na ang mga kurikulum ng Edukasyong Pangguro na ibinibigay sa mga TEI na ito ay makatutugon sa kinakailangang kalidad ng mga pamantayan para sa mga bagong guro. Ang mga samahang may kaukulang pagkilala na gumaganap bilang mga TEI, sa pakikipag-ugnayan sa DepEd, CHED, at iba pang mga may-kaugnayang stakeholder, ang titiyak na ang kurikulum ng mga organisasyong ito ay nakatutugon sa kinakailangang kalidad ng mga pamantayan para sa mga gurong sinanay.
Para sa mga layunin ng subtalatang ito, tumutukoy ang terminong “mga samahang may kaukulang pagkilala na gumaganap bilang mga TEI” sa mga organisasyon, maliban sa mga paaralan o mga HEI, na kinontrata sa labas ng DepEd sa panahon ng transisyon at para sa isang tiyak na yugto, upang magsagawa ng pagsasanay sa mga guro para sa mga layunin ng muling-paghasa sa mga nagsipagtapos sa kurikulum ng Edukasyong Pangguro, at sa mga paksa lamang na may kakulangan sa mga gurong sinanay.
12.3. Pagsasanay sa Pamumunong Pampaaralan. Ang mga superintendénte, mga prinsipal, mga tagapag-ugnay ng aralin, at iba pang mga pinuno ng mga paaralang pampagtuturo ay sasailalim din sa mga palihan at pagsasanay upang mas mapabuti ang kanilang mga kasanayan sa kanilang mga papel bilang mga pinunong akademiko, administratibo, at pangkomunidad.
12.4. Pagsasanay sa mga Tagapag-ugnay ng Sistema ng Pagkatutong Alternatibo (ALS), mga Tagapamahala sa Pagtuturo, mga Gurong Mobile, at mga Tagapagpadaloy ng Pagkatuto. Sasailalim din sa mga palihan at pagsasanay ang mga tagapag-ugnay ng ALS, mga tagapamahala sa pagtuturo, mga gurong mobile, at mga tagapagpadaloy ng pagkatuto upang mas mapabuti ang kanilang mga kasanayan sa kanilang mga papel bilang mga pinunong akademiko, administratibo, at pangkomunidad.
Seksiyon 13. Pagtanggap ng Iba Pang mga Guro. Sa kabila ng mga probisyon ng Mga Seksiyon 26, 27, at 28 ng Batas Republika Blg. 7836, na kilala rin bilang ”Batas Propesyonalisasyon ng mga Gurong Filipino ng 1994,” tatanggap ang DepEd at mga pribadong institusyong pang-edukasyon, sang-ayon sa kahingian ng mga partikular na aralin, ng:
13.1. Mga nagtapos ng agham, matematika, estadistika, inhinyeriya, musika, at iba pang kursong may kakulangan sa mga kalipikadong aplikante sa Pagsusulit na Panlisensiya sa mga Guro (LET) upang magturo sa kanilang araling espesyalisasyon sa edukasyong elementarya at sekondarya. Ang mga kalipikadong aplikante sa LET ay binubuo rin ng mga nagsipagtapos na tinanggap ng mga foundation na may kaukulang pagkilala para sa kanilang kadalubhasaan sa sektor ng edukasyon at natapos nang katanggap-tanggap ang mga kahingiang itinalaga ng mga samahang ito: Basta at, Na naipasa nila ang LET sa loob ng limang (5) taon matapos ang petsa ng pagtanggap sa kanila: Basta at, gayundin, Na kung ang mga naturang nagsipagtapos ay handang magturo nang part-time, hindi na hihilingin ang mga probisyon ng LET;
Ang terminong “mga pundasyon,” sa paggamit sa seksiyong ito, ay tumutukoy sa mga samahang di-stock at di-kumikita, na hindi gumagana bilang mga institusyong pang-edukasyon, na kinontrata ng DepEd para sa isang tiyak na panahon, upang magkaloob ng mga boluntaryong magtuturo sa batayang edukasyon ng mga araling kulang ang bílang ng mga gurong kalipikado. Maglalabas ang DepEd ng mga tuntunin and mga hakbang para sa pagpili at pagtanggap ng mga organisasyong ito.
13.2. Mga nagtapos ng mga kursong teknikal-bokasyonal na ituturo sa kanilang mga espesyalisasyong aralin sa edukasyong sekondarya: Basta at, Na ang mga nagtapos na ito ay nagtataglay ng sertipikasyong inilabas ng TESDA: Basta at, gayundin, Na sasailalim sila sa angkop na pagsasanay na in-training na pangangasiwaan ng DepEd o ng mga institusyon ng lalong mataas na edukasyon (HEI) sa paggugol ng DepEd;
13.3. Kaguruan ng mga HEI na magturo ng edukasyong panlahat o mga espesyalisasyong aralin sa edukasyong sekondarya: Basta at, Na ang kaguruan ay may taglay na kaugnay na digring Batsilyer, at kinakailangang katanggap-tanggap na nakapagsilbi bilang isang full-time na bahagi ng kaguruan ng HEI;
13.4. Maaaring tumanggap ang DepEd at mga pribadong institusyong pang-edukasyon ng mga practitioner, na dalubhasa sa mga natatanging araling inihahadog sa Kurikulum ng Batayang Edukasyon, upang magturo sa antas sekondarya; Basta at, Na magtutro sila nang part-time lamang. Para rito, titiyakin ng DepEd, sa pakikipag-ugnayan ng mga angkop na ahensiyang pampamahalaan, ang mga pamantayan ng kinakailangang kalipikasyon sa pagtanggap sa mga dalubhasang ito.
TUNTUNIN IV. MGA INSTITUSYON NG PRIBADONG EDUKASYON
Seksiyon 14. Makatwirang Superbisyon at Regulasyon. Bilang usapin ng polisiyang inilatag sa Artikulo XIV, Seksiyon 5(1) ng Saligang-Batas ng Pilipinas ng 1987, kinikilala ng Estado ang nagtutugunang mga papel ng mga institusyong pampubliko at pribado sa sistema ng edukasyon at magsasagawa ng makatwirang superbisyon at regulasyon ng lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.
Seksiyon 15. Paglalabas at Pagbawi ng mga Permit at/o Pagkilala sa mga Pribadong Senior High School. Magsasagawa ng regulasyon ang DepEd sa mga naghahain ng senior high school sa mga pribadong institusyong pang-edukasyon. Maaari lamang magbukas ng senior high school ang mga pribadong institusyong pang-edukasyon kapag pinahintulutan ng DepEd. Ang DepEd ang magtatalaga ng mga tuntunin sa paglalabas at pagbawi ng mga permit at/o pagkilala sa mga senior high school.
Seksiyon 16. Mga Espesyalisasyon ng Pribadong Senior High School. Maaaring magbukas ang mga pribadong institusyong pang-edukasyon ng mga espesyalisasyon sa senior high school na mahalaga sa ekonomiko at panlipunang pag-unlad ng bansa, rehiyon, o lokalidad. Hihikayatin ang mga pagpaplanong lokal sa pagbubuo ng mga polisiya at programang pang-edukasyon na maging sang-ayon sa mga polisiya ng Estado na isininasaalang-alang ang mga pangangailangan at kondisyong panrehiyon at pansektor.
TUNTUNIN V. ADBOKASIYA SA PAGGABAY AT PAGPAPAYO SA KARERA
Seksiyon 17. Mga Programa sa Paggabay sa Karera at Pagpapayo. Alinsunod sa Seksiyon 9 ng Batas, upang magabayan nang wasto ang mga mag-aaral sa pagpili nila ng direksiyon ng karera na balak nilang isulong, magsusulong ang DepEd, sa pakikipag-ugnayan ng DOLE, TESDA, CHED, PRC, NYC, mga samahang pang-industriya, mga samahang propesyonal, at iba pang may-kaugnayang stakeholder, ng mga programa na magbubukas sa mga mag-aaral sa daigdig at halaga ng paggawa, at hubugin ang mga kakayahan ng mga tagapayong pangkarera upang gabayan ang mga mag-aaral at bigyan sila ng mga kinakailangang kakayahan at halagahan sa buhay.
Seksiyon 18. Mga Gawain sa Adbokasiyang Pangkarera. Tumutukoy ang mga gawain sa adbokasiyang pangkarera sa mga gawain na gagabay sa mga estudyante sa antas sekondarya upang pumili ng mga direksiyon ng karera na ibig nilang isulong. Kasama sa mga gawain sa adbokasiyang pangkarera ang probisyon ng impormasyon at mga karanasang pangkarera, pagpapayo, koordinasyon at paggawa ng mga referral, at maaari ring magsama ng, bagaman hindi limitado sa, mga panayam sa karera, mga career at job fair, mga oryentasyon sa mga magulang, mga seminar-palihan sa pagpapasyang pangkarera.
Seksiyon 19. Mga Tagapagsulong ng Karera. Sa kabila ng mga probisyon ng Seksiyon 27 ng Batas Republika Blg. 9258, na kilala rin bilang “Batas sa Paggabay at Pagpapayo ng 2004,” ang mga tagapagsulong ng karera ay pahihintulutang magsagawa ng mga gawain sa adbokasiyang pangkarera para sa mga estudyante ng antas sekondarya ng mga paaralang kanilang pinagtatrabahuhan; Basta at, Na sasailalim sila sa mga angkop na programa sa pagbubuo ng kapasidad na binuo at ipinapatupad ng DepEd, sa pakikipagtulungan ng DOLE, TESDA, CHED, PRC, NYC, mga organisasyong pang-estudyante, mga samahang pang-industriya, mga samahan sa paggabay at pagpapayo, mga samahang propesyonal, at iba pang may-kaugnayang stakeholder.
Maaaring isagawa ang adbokasiyang pangkarera ng mga tagapagsulong ng karera at mga kasamang tagapagpadaloy. Sang-ayon sa Seksiyon 9 ng Batas, tumutukoy ang mga tagapagsulong ng karera sa mga tagapayong gabay sa karera at empleo na hindi nakarehistro at lisensiyadong tagapayong gabay. Kasama sa mga tagapagsulong ng karera ng mga tagapayo sa homeroom at mga guro ng lahat ng mga paksa sa pagkatuto na magpapatupad ng mga gawain sa adbokasiyang pangkarera. Ang mga kasamang tagapagpadaloy ay ang mga estudyante sa antas sekondarya na sinanay upang tumulong sa mga tagapagsulong ng karera sa pagpapatupad ng mga gawain sa adbokasiyang pangkarera.
Seksiyon 20. Ang Papel ng DepEd. Ang DepEd ang:
(a) Magpapasok ng mga konseptong pangkarera sa kurikulum at magsasagawa ng pagtuturo sa mga kaugnay na paksang aralin;
(b) Magsasagawa ng mga pagtatayang pangkarera;
(c) Magsasagawa ng mga regular na gawain sa adbokasiyang pangkarera;
(d) Magsasagawa ng patúloy na propesyonalisasyon at pagbubuo ng kakayahan ng mga tagapayong gabay, tagapagsulong ng karera, at mga kasamang tagapagpadaloy;
(e) Magbuo o magpahintulot ng mga programang pagsasanay sa adbokasiyang pangkarera;
(f) Magtatag ng isang yunit sa adbokasiyang pangkarera at magkaloob ng sapat na espasyong pantanggapan sa mga mataas na paaralan; at
(g) Magtalaga ng mga superbisor sa paggabay sa antas ng dibisyon at mga tagapagsulong ng karera sa antas paaralan.
TUNTUNIN VI. MGA BENEPISYARYO NG E-GASTPE AT IBA PANG PAGPIPINANSIYA SA MGA INSTITUSYON NG PRIBADONG EDUKASYON AT MGA PAMPUBLIKONG PAARALANG DI-DEPED
Seksiyon 21. Pagpapalawak ng mga Benepisyaryo ng E-GASTPE. Alinsunod sa Seksiyon 10 ng Batas, magbubuo ang DepEd ng mga programang pantulong na magpapalawak sa mga benepisyong ipinagkakaloob ng Batas Republika Blg. 8545 o ang “Batas sa Pinalawak na Tulong Pampamahaalan para sa mga Mag-aaral at mga Guro sa Pribadong Edukasyon” sa mga karapat-dapat na mag-aaral na pumapasok sa senior high school.
Seksiyon 22. Mga Batayan sa Pagtulong sa mga Estudyanteng Kalipikado. Pangunahing ipagkakaloob ang mga programa ng pagtulong sa mga mag-aaral na nakapagtapos sa junior high school sa mga pampublikong paaralan, nang isinasaalang-alang ang kita at mga pangangailangang pinansiyal ng mga mag-aaral, mga magagamit na kakayahan ng mga paaralan sa lokalidad na pampubliko, pribado, at di-DepEd, mga pangangailangang sosyo-ekonomiko ng mga rehiyon, mga kabuuang gawain ng mga paaralang pribado at pampublikong di-DepEd, gayundin ang heograpikong saklaw at laki ng populasyon ng mga estudyante.
Maaari ding ipagkaloob ang mga programa ng pagtulong sa mga mag-aaral na nakapagtapos ng junior high school sa mga institusyon ng pribadong edukasyon, benepisyaryo man ng E-GASTPE ang mga estudyanteng ito o hindi, sang-ayon sa pagsunod sa mga kalipikasyon at panuntunang titiyakin ng DepEd.
Seksiyon 23. Mga Anyo at Halaga ng Pagtulong. Maaaring maglaman ng alinman sa mga sumusunod ang mga anyo ng pagtulong na ibinibigay ng DepEd:
(a) Isang sistemang voucher, kung saan ay naglalabas ng isang kupon nang tuwiran sa mga estudyante upang magawa nilang makapagmatrikula sa mga maaaring hiranging institusyon ng pribadong edukasyon o mga paaralang pampubliko na di-DepEd na napili nila para sa buo o bahaging tulong sa matrikula o pag-aaral;
(b) Pagkontrata sa Serbisyong Pang-edukasyon (ESC), kung saan pumapasok ang pamahalaan sa mga kasunduan sa mga institusyon ng pribadong edukasyon o mga paaralang pampubliko na di-DepEd upang sagutin ang matrikula at iba pang bayarin ng mga estudyante sa mataas na paaralan na papasok sa mga pribadong mataas na paaralan sa ilalim ng programang ito;
(c) Mga kontrata sa pangangasiwa, kung saan ay pumapasok sa mga kasunduang kontraktuwal sa mga institusyon ng pribadong edukasyon o mga paaralang pampubliko na di-DepEd upang pangasiwaan ang mga pang-araw-araw na operasyon ng mga pampublikong paaralan na nasa ilalim ng mga pinagkasunduang layon ng gampanin:
(d) Mga anyo ng pagtulong na nakasaad sa Batas Republika Blg. 8545; at
(e) Iba pang anyo ng mga kasunduang pampinansiya na tumutugma sa mga prinsipyo mga pagtutulungang pampubliko-pribado.
Isasaalang-alang ng DepEd ang kakayahan ng mga benepisyaryo ng programa na sagutin ang mga natitira sa matrikula, kung mayroon man, para sa pagtatakda sa halaga ng voucher, ESC, o iba pang anyo ng pagtulong. Ang halaga ng pagtulong na ibibigay ng pamahalaan ay hindi lalampas sa itinakdang gastusin ng bawat mag-aaral sa mga paaralang pampubliko.
Seksiyon 24. Mga Paaralang Nakikilahok. Ang mga institusyon ng pribadong edukasyon, mga paaralang pampubliko na di-DepEd, at iba pang potensiyal na magbibigay ng mga pangangailangan sa batayang pagkatuto na maaaring pahintulutang ipagkaloob sa mga senior high school na maaaring makilahok sa mga programa ng pagtulong, kung maaari, sa ilalim ng programang E-GASTPE at iba pang kasunduang pampinansiya na binuo ng DepEd at DBM sang-ayon sa mga prinsipyo ng pagtutulungang pampubliko-pribado. Ang patuloy na pakikilahok ng mga naturang tumutulong sa programang E-GASTPE at iba pang mga kasunduang pampinansiya na sang-ayon sa kanilang pagsunod sa mga pinakamababang kahingian at pamantayan, kasama na ang pagganap ng mag-aaral, sang-ayon sa pagtiyak ng DepEd.
Upang itaguyod ang pakikipagtulungan at mas malawak na pagkakaisa sa pagitan ng mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon, isasaalang-alang ng pamahalaan ang mga pangkasalukuyan at potensiyal na kakayahan ng mga institusyon ng pribadong edukasyon sa pagpapalawak ng kapasidad ng paaralang pampubliko.
Seksiyon 25. Mga Mekanismo ng Pagpapatupad. Maaaring makilahok ang DepEd sa mga kasunduang kontraktuwal o magtatag ng mga bagong mekanismo para sa disenyo, administrasyon, at superbisyon ng mga programa ng pagtulong o mga aspekto nito, na sasailalim sa pagsang-ayon ng mga angkop na ahensiyang pampamahalaan. Para sa layuninh ito, ang DepEd ay:
(a) Maglalabas ng mga angkop na panuntunan para sa pagpapatupad ng mga programa ng pagtulong;
(b) Magtitiyak sa pagiging bukás at pananagot sa pagpapatupad ng mga programa ng pagtulong;
(c) Magpapatupad ng mga programang pang-impormasyon at pang-adbokasiya upang ipabatid sa publiko at tiyakin ang malawakang pakikilahok at pagkuha ng mga programa ng pagtulong; at
(d) Magsagawa ng pana-panahong rebyu ng mga katangian ng programa at magsagawa ng pagbabago, kung kinakailangan, upang matiyak ang matagumpay, epektibo, at mapananatiling pagpapatupad ng programa. Bahagi ng mga katangian ng programa ang halaga ng tulong na pananalapi, bilang ng gagawaran, mga kinakailangan upang maging karapat-dapat dito, at pagganap ng mga paaralang nakikilahok.
Seksiyon 26. Kahingian sa Pagpopondo. Ang kahingiang pambadyet ng mga progrrama sa ilalim ng Tuntuning ito ay titiyakin ng pambansang pamahalaan.
Hihikayatin ng DepEd ang mga pribado at corporate donor na itaguyod ang mga programa ng pagtulong sa seksiyong ito sa ilalim ng balangkas ng Batas Republika Blg. 8525, na pinamagatang, “Isang Batas na Nagtatatag ng Isang ‘Programang Mag-ampon-ng-Paaralan,’ na Nagkakaloob ng mga Insentibo para Rito, at Para sa Iba Pang mga Layunin,” at iba pang kaugnay na mga batas at polisiya.
Seksiyon 27. Timeframe. Magpapatupad ang DepEd ng mga programang itinakda sa Tuntuning ito nang hindi lalampas sa simula ng Taong Pampaaralan 2016–2017.
Seksiyon 28. Mga Karagdagang Benepisyaryo. Maaarimg magbuo ang DepEd ng mga kahawig na programa ng pagtulong para sa mga estudyante ng kindergarten at elementarya at mga mag-aaral ng alternatibong sistema ng pagkatuto sang-ayon sa mga tiyak na layunin, nang isinasaalang-alang ang mga pangangailangan at kakayahan ng mga pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon.
TUNTUNIN VII. MGA PROBISYONG PANTRANSISYON
Seksiyon 29. Transisyon sa Programa ng Pinabuting Batayang Edukasyon ng mga Pribadong Institusyon ng Batayang Edukasyon. Titiyakin ng DepEd ang matiwasay na transisyon ng mga pribadong paaralang elementarya at sekondarya sa bansa na nakaayon na ngayon sa programa ng pinabuting batayang edukasyon. Magbubuo ng kanilang mga plano ang mga institusyon ng pribadong edukasyon o isang pangkat mula rito na nagdedetalye kung paano isasagawa ang transisyon mula sa kanilang kasalukuyang sistema ng batayang edukasyon patungo sa programa ng pinabuting batayang edukasyon. Magbibigay ang DepEd ng angkop na mga panuntunan sa ebalwasyon ng mga plano sa transisyon.
Ang mga institusyon ng pribadong edukasyon na naghahain ng labindalawa (12) hanggang (13) taon ng batayang edukasyon bago ang pagsasabatas ng Batas na ito ay magpapasa sa DepEd ng kanilang mga plano sa transisyon sa loob ng labindalawang (12) buwan mula sa pagkakaroon ng bisà ng IRR na ito, na sasailalim sa mga panuntunan na ilalabas ng DepEd.
Seksiyon 30. Mga Mekanismo at Estratehiya ng Pagpapatupad. Alinsunod sa Seksiyon 12 ng Batas, magbubuo ang DepEd, CHED, at TESDA ng mga angkop na estratehiya at mekanismong kinakailangan upang matiyak ang maayos na transisyon mula sa kasalukuyang sampung (10) taong siklo sa batayang edukasyon patungo sa pinabuting siklo ng batayang edukasyon (K hanggang 12). Maaaring saklawin ng mga estratehiya ang mga pagbabago sa pisikal na imprastruktura, paggawa, mga usaping pang-organisasyon at pang-estruktura, mga huwarang pantawid mula sa mga kakayahan sa edukasyong sekondarya at mga kailangan sa pagpasok sa bagong mga kurikulum na tersiyaryo, at pag-uugnayan ng pamahalaan at iba pang mga entidad. Ang pagmomodelo para sa Senior High School (SHS) ay maaaring ipatupad sa piling mga paaralan upang gagarin ang proseso ng transisyon at magbigay ng mga kongkretong datos para sa planong transisyon sang-ayon sa mga panunumpang itinakda ng DepEd. Ang mga resulta ng programang panghuwaran ng SHS ay maaaring isaalang-alang sa pambansang pagpapatupad ng programang SHS sa Taong Pampaaralan 2016–2017.
30.1. Pakikipag-ugnayan sa mga HEI at TVI. Upang pangasiwaan ang paunang pagpapatupad ng programa ng pinabuting batayang edukasyon at tugunan ang inaasahang mababang bilang ng papasok sa lahat ng antas para sa mga HEI at TVI para sa mga tao at gamit na pisikal nito, at maglabas ng mga tuntuning may kaugnayan sa naturang pakikipag-ugnayan. Higit pa rito, makikipag-ugnayan nang matalik sa isa’t isa ang DepEd, CHED, TESDA, mga TVI, at mga HEI upang ipatupad ang mga estratehiya upang tiyakin ang mga kakayahang akademiko, pisikal, pinansiyal, at pantao ng mga HEI at TVI upang magkaloob ng mga serbisyong pang-edukasyon at pampagsasanay para sa mga nagsipagtapos sa programa ng pinabuting batayang edukasyon upang tiyaking hindi sila lubhang maapektuhan. Bibigyan ng priyoridad sa pagkuha sa trabaho sa panahon ng transisyon ang kaguruan ng mga HEI at TVI na pinahintulutang magturo sa mga estudyante ng edukasyong sekondarya sa ilalim ng Seksiyon 8 ng Batas.
30.2. Balangkas sa Pagpipinansiya para sa mga Pamantasan at Kolehiyong Pang-estado sa Panahon ng Transisyon. Irerebyu ng CHED at DBM ang balangkas ng polisiyang pampinansiya para sa mga Pamantasan at Kolehiyong Pang-estado mula sa Batas na ang layunin sa huli ay malubos ang paggamit ng mga yaman ng pamahalaan para sa edukasyon, na ang mga resulta ay sasagutin ng isang magkatuwang na atas administratibo.
30.3. Mga Epekto ng Paunang Pagpapatupad ng Programa ng Pinabuting Batayang Edukasyon sa mga Kahingian sa Yamang-tao ng Industriya. Magbubuo ng isang planong panghalip ang DOLE, CHED, DepEd, TESDA, at PRC, sa pakikipagtulungan ng mga samahang pang-industriya at mga kamara ng komersiyo, nang hindi lalampas sa simula ng Taong Pampaaralan 2015–2016, upang tugunan ang mga epekto ng programa ng pinabuting batayang edukasyon kaugnay ng potensiyal na pagbabawas o kawalan ng mga nagsipagtapos sa kolehiyo na makatutugon sa mga kahingian ng industriya para sa yamang-tao. Maglalaman ang plano ng mga estratehiyang tutugon upang maiayon ng industriya ang kanilang mga polisiyang pang-empleo sang-ayon sa kung ano ang kailangan at praktikal, at maaaring magsama ng pag-aampon ng ibang mga programang may kaugnayan o mga angkop na kalipikasyon.
Seksiyon 31. Mga Karapatan sa Paggawa at Pangangasiwa. Sa pagpapatupad ng Batas, kasama na ang panahon ng transisyon, igagalang ang mga karapatan ng paggawa sang-ayon sa Saligang-Batas, sa Mga Tuntunin at Regulasyon ng Serbisyo Sibil, sa Kodigo ng Paggawa sa Pilipinas, at mga umiiral na kasunduang kolektibo, gayundin ang mga prerogatibo ng tagapangasiwa. Papalaganapin ng DOLE, DepEd, CHED, at TESTA ang mga angkop na magkatuwang atas administratibo, sa loob ng animnapung (60) araw mula sa pagkakaroon ng bisà ng IRR na ito, upang tiyakin ang pagpapanatili ng mga pribado at pampublikong institusyong pang-edukasyon, at pagtataguyod at pangangalaga ng mga karapatan, interes, at kapakanan ng mga kawaning nagtuturo at di-nagtuturo.
Para sa layuning ito, magtitipon ang DOLE ng isang panel na teknikal na may mga kinatawan mula sa DepEd, CHED, TESDA, at mga kinatawan mula sa mga organisasyon ng mga kawaning nagtuturo at di-nagtuturo, at mga administrador ng mga institusyong pang-edukasyon.
Seksiyon 32. Panahon ng Transisyon. Itatakda ang panahon ng transisyon mula sa petsa ng pagtanggap sa IRR na ito hanggang sa katapusan ng Taong Pampaaralan 2021–2022.
TUNTUNIN VIII. KOMITE SA PINAGSAMANG OVERSIGHT NA PANGKONGRESO
Seksiyon 33. Komite sa Pinagsamang Oversight na Pangkongreso sa Programa ng Pinabuting Batayang Edukasyon. Ang Komite sa Pinagsamang Oversight na Pangkongreso na nilikha sa ilalim ng Seksiyon 13 ng Batas ay bubuuin ng tiglimang (5) kasapi mula sa Senado at mula sa Mababang Kapulungan, kasama na ang mga Tagapangulo ng mga Komite sa Edukasyon, Mga Sining at Kultura, at Pananalapi ng parehong Kapulungan. Ang bubuo sa Komite ng bawat Kapulungan ay kinakailangang may dalawa man lamang oposisyon o kasaping nasa minorya.
TUNTUNIN IX. KINAKAILANGANG EBALWASYON AT REBYU
Seksiyon 34. Kinakailangang Ebalwasyon at Rebyu. Sa katapusan ng Taong Pampaaralan 2014–2015, magsasagawa ang DepEd ng isang kinakailangang rebyu at magpapasa ng ulat pang-midterm sa Kongreso tungkol sa estado ng pagpapatupad ng Programa ng Pinabuting Batayang Edukasyon sa usapin ng pagpupuno sa mga sumusunod na kasalukuyang kakulangan sa: (1) mga guro; (b) mga klasrum; (c) mga teksbuk; (d) mga upuan; (e) mga palikuran; at (f) iba pang kakulangan na kailangang tugunan.
Kailangang isama ng DepEd sa ulat pang-midterm ang mga sumusunod na susing panukat sa akses sa at kalidad ng batayang edukasyon: (a) antas ng pakikilahok; (b) antas ng pananatili; (c) mga resulta ng Pambansang Pagsusulit na Pangkakayahan; (d) antas ng pagtatapos; (ed) kapakanan ng mga guro at mga profile sa pagsasanay; (f) kasapatan ng mga kahingian sa pagpopondo; at (g) iba pang pasilidad sa pag-aaral, kasama na ang, bagaman hindi limitado sa, mga laboratoryo para sa computer at agham, mga silid-aklatan at aklatang hub, at palakasan, musika, at mga sining.
TUNTUNIN X. PANANAGUTAN SA MGA PAMANTAYANG PANDAIGDIG.
Seksiyon 35. Pananagutan sa mga Pamantayang Pandaigdig. Aakuin ng DepEd ang pagpapataas ng paggasta kada capita sa edukasyon tungo sa agarang pagkakamit ng mga pamantayang pandaigdig. Para sa layuning ito, kailangang isagawa ng DepEd ang:
a) pakikipag-ugnayan sa mga yunit ng pamahalaang lokal para sa mahusay na paggamit ng pondo para sa espesyal na edukasyon at iba pang mga pondo na nagsusulong at nagtataguyod sa batayang edukasyon;
b) pagpapatupad sa mga programa na magpapabuti sa pakikilahok at pakikipag-ugnayan ng pribadong sektor sa batayang edukasyon; at
c) pagmumungkahi ng taunang alokasyong pambadyet sang-ayon sa mga layuning ito. Magbubuo rin ang DepEd ng plano sa paggasta sa maramihang taon upang matiyak na nakakamit ang mga pamantayang itinalaga ng UNESCO sa paggasta sa edukasyon.
TUNTUNIN XI. MGA PANGHULING PROBISYON
Seksiyon 36. Mga Apropriyasyon. Alinsunod sa Seksiyon 11 ng Batas, ang paunang pondo para pagpapatupad ng Programa ng Pinabuting Batayang Edukasyon ay kukunin sa kasalukuyang mga apropriyasyon ng DepEd. Matapos iyon, ang halagang kinakailangan para sa patuloy na pagpapatupad ng programa ng pinabuting batayang edukasyon ay isasama sa taunang Batas Apropriyasyong Panlahat.
Seksiyon 37. Mga Detalyeng Pampatupad. Ang DepEd, CHED, at TESDA ay maglalabas ng mga naturang polisiya at panuntunang kinakailangan upang lalong maipatupad ang IRR na ito.
Seksiyon 38. Pagsusog. Ang mga pagsusog sa IRR na ito ay kinakailangang magkakasbay na pagtibayin ng Kalihim ng DepEd, Tagapangulo ng CHED, at Direktor-Heneral ng TESDA.
Seksiyon 39. Takda sa Kakayahang Mapaghiwalay. Kapag ang alinman sa mga probisyon ng IRR na ito ay ipinahayag na walang-bisa o labag sa konstitusyon, hindi niyon maaapektuhan ang pagiging katanggap-tanggap at bisa ng iba pang mga probisyon dito.
Seksiyon 40. Takda sa Pagbawi. Alinsunod sa Seksiyon 18 ng Batas, mga tuntunin at regulasyong nagpapatupad sa mga probisyong may kaugnayan mula sa sa Batas Pambansa Blg. 232 o “Batas Edukasyon ng 1982,” Batas Republika Blg. 9155 o “Batas sa Pamamahala ng Batayang Edukasyon ng 2001,” Bastas Republika Blg. 9258, Batas Republika Blg. 7836, at lahat ng iba pang mga batas, mga dekreto, at mga kautusang tagapagpatupad at mga tuntunin at mga regulasyon na kasalungat o hindi sang-ayon sa mga tuntunin ng Batas ay binabawi rito o binabago nang naaayon dito.
Seksiyon 41. Takda sa Pagkakaroon ng Bisà. Magkakaroon ng bisà ang IRR na ito nang labinlimang (15) araw matapos ang pagkakalathalà nito sa Official Gazette o sa dalawang (2) pahayagang may malawak na sirkulasyon.
Irerehistro ang IRR na ito sa Tanggapan ng Pambansang Rehistrong Administratibo sa Sentro ng Batas sa Unibersidad ng Pilipinas, sa UP Diliman, Lungsod Quezon.
Ginawa ngayong ika-4 na araw ng Setyembre 2013.
(Lagda) BR. ARMIN A. LUISTRO FSC |
(Lagda) DR. PATRICIA B. LICUANAN |
Kalihim |
Tagapangulo |
Kagawaran ng Edukasyon |
Komisyon sa Lalong Mataas na Edukasyon |
(Lagda) KAL. EMMANUEL JOEL J. VILLANUEVA
Direktor-Heneral
Pangasiwaan sa Edukasyong Teknikal at Pagpapaunlad ng Kasanayan
*Salin ng Official Gazette sa layuning maghatid ng impormasyon. Hindi ito ang opisyal na salin ng naturang batas.