Speech of President Aquino at the launch of All Case Rates and Z-Morph Prosthesis Benefit Package

VIDEO:

[youtube]http://www.youtube.com/watch?v=tLyFD0P7Kr8[/youtube]

FULL TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng All Case Rates at Z-Morph Prosthesis Benefit Package

[Inihayag sa Heroes Hall, Palasyo ng Malacañan, noong ika-31 ng Oktubre]

Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat.

Secretary Ike Ona; President and CEO of PhilHealth Atty. Alexander Padilla; officials of the Department of Health; board members, officials, and staff of PhilHealth; partners and donors of the Z-MORPH Prosthesis Benefit Package; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Talagang magandang araw po sa inyong lahat.

Hirap po sumunod kay Raissa eh. [Laughter] Parang we all pale in comparison afterwards. Really, to see someone rising from such a senseless and tragic incident, to somebody, I guess, who epitomizes all of the promise that is in store for the Philippines. Again, credit to your parents, a credit to yourself, and to everybody who helped her, hopefully we will enable more and more of our countrymen. [Applause]

Nang maupo po tayo sa puwesto, dinatnan natin ang isang pamahalaang nasa malubhang kalagayan. Dahil sa laganap na kultura ng katiwalian, naiwang naghihingalo ang burukrasya, at maraming sangay ng gobyerno ang napinsala. Ang resulta nito: malawakang kahirapan. Marami sa ating mga kababayan ang napagkaitan ng serbisyong dapat sana’y hatid ng kanilang pamahalaan.

Agad po natin itong tinugunan. Isinulong natin ang tuwid at mabuting pamamahalang nakatutok sa kapakanan ng taumbayan. Ang pagtitipon po natin ngayong umaga ay patunay dito: ang paglulunsad ng ilang programang higit na magbibigay-lakas sa ating mamamayan—ang All Case Rates at ang Z-MORPH Prosthesis Benefit Package.

Noong 2011 po, inilunsad ng PhilHealth ang 23 Case Rates Package. Dito po, sakop ng benepisyo ang mga pinakakaraniwang karamdaman at kasong tulad ng dengue, pneumonia, asthma, at para sa mga procedure tulad ng caesarian section, at cataract operation. Ayon nga po sa datos, para sa taong 2012, umabot sa 2.38 milyong kasong-medikal ang binayaran ng PhilHealth sa ilalim ng package na ito, na umabot ang halaga sa P20.95 billion. Dahil po sa tagumpay nito, nagpasya ang PhilHealth na palawigin pa ang hatid nilang serbisyo—at ngayon nga po, hindi na lamang 23 kasong-medikal, kundi lahat na ng uri ng confinements at procedures ay saklaw na ng case rates system. Kabilang na po sa mga karamdaman o kondisyong maipapagamot ngayon ay diabetes at hydrocephalus.

Malapit na ho yata akong magkaroon ng medical degree. [Laughter] Thank you Secretary Ike for all of the lectures.

Isinaayos na rin po natin ang proseso ng pagbabayad. Kung sa Fee-for-Service payment scheme po noon ay paiba-iba ang presyo ng gamot, supplies, at doctor’s fee, depende sa kaso ng pasyente o sa kondisyon ng ospital, ngayon po ay fixed rate na ang anumang pagpapagamot. Ano po ang ginhawang dulot nito kay Juan at Juana de la Cruz? Dahil mas mabilis at mas tiyak nang malalaman ng mga miyembro ang sasaguting gastusin ng PhilHealth, maiiwasan na ang posibilidad ng sobrang singil sa mga pasyente, at masusulit ang kanilang benepisyong-medikal.

Nalulugod din po tayong ipakilala ang Z-MORPH Prosthesis Benefit Package—ang kauna-unahang PhilHealth benefit package na nakatuon para sa mga kababayan nating kabilang sa sektor ng Persons with Disabilities (PWDs). Ano po ba ang saklaw na serbisyo nito? Simple lang po: Kung kwalipikado kang PhilHealth member o dependent, at nangangailangan ka ng lower limb prosthesis na mas mababa sa tuhod, maaari mo nang makuha ang serbisyong ito sa halagang 15 libong piso kada limb prosthesis. Ibig-sabihin: Kung nabaldado ka, o naputulan ng paa, ipapakita mo lang ang iyong PhilHealth card, at maaari mo nang makuha ang kinakailangang serbisyo-medikal. Para sa paunang implementasyon ng Z-MORPH Prosthesis Benefit Package, katuwang po natin ang University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center, ang Philippine General Hospital, at ang Philippine Orthopedic Center. Pag-aaralan pa po natin kung papaano mapapalawig ang saklaw, at mailalapit sa mas maraming Pilipino ang benepisyong ito.

Taos-puso po tayong nagpapasalamat kay Dr. Josephine Robredo-Bundoc, isang consultant ng PhilHealth, na nanguna sa pagsusulong ng Z-MORPH Prosthesis Benefit Package. Salamat din sa lahat ng bumubuo ng PhilHealth—sa pangunguna ni Atty. Alex Padilla, sa bawat NGO na kumakatawan para sa sektor ng PWDs, at sa iba pang pribado’t pampublikong ahensiyang nakiisa sa inisyatibang ito. Ang pakikilahok at pagdadamayan pa rin ng ating mga Boss ang pinakamabisang tugon tungo sa mas masiglang bansa.

Sa pangunguna po ng Department of Health, patuloy nating isinusulong ang kalusugang pangkalahatan. Patuloy na lumalawig ang benepisyong hatid ng ating National Health Insurance Program. At sa katunayan po, nitong Abril, nasa 79.13 million Filipinos na po ang naka-enrol sa PhilHealth, kabilang na ang pinakamahihirap na pamilya, na natukoy ng ating National Household Targeting System for Poverty Reduction. Sila ang 5.2 miliyong kabahayan ng ating Sponsored Program na maaaring makatanggap o nakakatanggap na ng de-kalidad na serbisyong-medikal sa pamamagitan ng ating No Balance Billing Policy sa ilalim ng 23 Case Rates Package, Z Benefit Package, Expanded Z Benefit Package, Primary Care Benefit Package, at ngayon, ng All Case Rates. Sila po ang mga Pilipinong ngayon ay napapagsilbihan at nakakalinga na ng estado sa panahon ng pangangailangan.

Mulat din po tayo: Kung nais natin ang mas de-kalidad na mga pagamutan at kagamitan, kailangan nito ng paglalaan ng kaukulang pondo. Ito po ang hatid ng ating Health Facilities Enhancement Program. Mula po 2010 hanggang 2013, patuloy nating iniaangat ang budget para rito, kung saan umabot na sa P33 billion ang nailaan para sa rehabilitasyon at pagpapagawa ng nasa 4,518 na pampublikong pagamutan sa buong bansa.

Naniniwala pa rin po tayo: Itinaguyod ang pamahalaan, para sa taumbayan. Hindi ito pumipili ng paglilingkuran. May patas na pagkakataon sa kaunlaran ang lahat—anuman ang iyong pangalan, saanmang bahagi ng bansa ang iyong pinanggalingan, anuman ang iyong kalagayan—iisang lahing Pilipino lamang ang ating pinagmulan. Lahat tayo ay may lakas at kapasidad na iangat ang ating mga sarili, ang ating kapwa, at ang buong bayan. At sa loob lamang ng mahigit tatlong taon, nagagawa na nga po nating lunasan ang mga pangunahing sakit ng pamahalaan at lipunan—ang katiwalian at kahirapan. Ang hamon na lang po sa atin: imbes na agarang-lunas lang at panandalian, gawing permanente’t pangmatagalan ang pagbabagong atin nang tinatamasa. Hindi man madali, napatunayan nating posible ito—basta’t sama-sama, basta’t nagkakaisa, basta’t nagmamalasakit sa isa’t isa—kaya nating makamit ang makabuluhang transpormasyon ng ating bansa.

Muli, pagbati po, at talagang pagtanaw sa nagawa na po ng PhilHealth at Department of Health at lahat ng mga kaugnayang ito.

Magandang araw po, at maraming salamat sa inyong lahat.