Speech of President Aquino at the launch of the Metro Manila Skyway Stage 3 Project

VIDEO:

[youtube]http://www.youtube.com/watch?v=BormGOIsRA4[/youtube]

TRANSCRIPT:

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa paglulunsad ng Metro Manila Skyway Stage 3 Project

[Inihayag sa Lungsod ng Makati nooong ika-22 ng Enero 2014]

Magandang umaga po. Maupo ho tayo.

President Fidel Ramos; Secretary Babes Singson; Secretary Jun Abaya; Secretary Arsi Balisacan; Chairman Francis Tolentino; of course, Mr. Ramon Ang; Attorney Luis Sison; Mr. Shadik Wahono; one of my mother’s favorite generals, Jose Magno; Mr. Dodick Marceno Utomo; Mr. Robert Vergara; Congresswoman Monique Lagdameo; Mayor JunJun Binay; Mayor Herbert Bautista; Mayor Edwin Olivarez; Mayor Oscar Malapitan; Secretary Ping de Jesus; Project Team of the Metro Manila Skyways Stage 3; other government officials present; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Muli, magandang umaga po sa inyong lahat.

Ngayong umaga, sama-sama po nating inilulunsad ang isang proyektong pihadong maghahatid ng ginhawa sa mga kalsada sa lungsod: ang Metro Manila Skyway Stage 3 or MMS 3. Bahagi po ito ng tinatawag nating Metro Manila Skyway System, kung saan sa pamamagitan ng pagpapatayo ng elevated expressways, ay maikokonekta na natin ang SLEX at NLEX, o ang katimugan at hilagang bahagi ng kalakhang Luzon.

Sa halagang mahigit 26 na billion piso, ikokonekta po ng lampas labing-apat na kilometrong kalsadang ito ang Buendia at Balintawak. Hudyat ang paglulunsad nating ito ngayon sa pagsisimula na ng konstruksyon, na ayon kay Secretary Jun Abaya ay talagang raratsada naman pagdating ng Abril ng taong ito. Inaasahan natin ang tuluyang pagkumpleto ng proyekto sa 2017—at malamang mamamasyal kami ni President Ramos ‘pag ito po ay nakumpleto na—samantalang mayroon naman pong accelerated construction target para sa June 2016.

Oras na makumpleto, ano po ba ang maaasahan nating benepisyo mula sa Metro Manila Skyway Stage 3 na ito? Maliwanag po: mababawasan ang traffic sa EDSA at sa iba pang pangunahing kalsada sa kalakhang Maynila, dahil madaragdagan ang kalsadang puwedeng tahakin patungo sa katimugan at hilagang bahagi ng Luzon. Tinatayang 55,000 sasakyan araw-araw ang ikaluluwag ng mga kalsadang ito. Siguro rin po, karamihan sa atin, dumaan na sa matinding kalbaryo ng pagbiyahe mula Buendia hanggang Balintawak. ‘Di po ba, halos dalawang oras, ‘pag minalas, ang inaabot nito dahil sa siksikan sa mga kalsada? Kapag nabuksan na po itong MMS 3, papatak na lang sa 15 hanggang 20 minuto ang biyaheng iyan.

Ang good news pa: Makakapaghatid ang proyektong ito ng halos 6,000 na direktang trabaho, at karagdagang 10 hanggang 12 libong indirect jobs sa panahon ng konstruksyon. Sa inisyal pong traffic na posibleng maidulot nito, malamang po ay may mga nag-aabang na ring kritiko na kokontra at magiging negatibo sa proyektong ito. Pati po sila, mukhang mabibigyan na rin ng trabaho. [Laughter]

Sa totoo lang po, hindi madali ang pinagdaanan natin para marating ang araw na ito. Isipin po ninyo: Dekada 70 pa nang ilatag ang planong noo’y tinawag nilang Manila North at Manila South Expressways. Dapat po, aabot sa Carmen, Rosales, sa Pangasinan, at Lucena sa Quezon ang mga kalsadang kaakibat nito. Hindi pa naman po yata malabo ang paningin ko, pero wala pa po tayong nadadatnang expressway sa Rosales, at wala pa rin sa Lucena. Makalipas po ang mga dekada, ngayon pa lang tayo maglulunsad ng ikatlong bahagi Metro Manila Skyway na inumpisahan noong dekada 90.

Ang tanong po: Bakit nga ba napurnada nang ganito katagal ang planong ito? Isa pong malinaw na dahilan: ang Construction and Development Corporation of the Philippines noon, na ngayo’y Philippine National Construction Corporation (PNCC), ay kulang sa kakayahang gawin ang proyekto. Siyempre, kailangan nang maghanap ng iba pang katuwang upang matuloy ang pagpapatayo nito. Yun nga lang, may mga barikadang humarang sa katuparan nito—ang Presidential Decrees 1113 at 1894—mga batas na, ayon sa mga salitang ginamit ng Pangulo noong mga panahong iyon, ay tila isinasaad na isa ang PNCC sa mga dapat maging palagiang partner sa konstruksyon ng proyekto. Ang masaklap pa nito: magdugtong ka lang ng kahit isang dipang kongkreto sa orihinal na kalsada, mabibigyan ka na ng panibagong 30 taon na prangkisa nang wala nang partisipasyon o pahintulot ng Kongreso.

Sa harap po ng constitutional at legal issues na ito, malinaw po ang ating ginawa: Humanap tayo ng solusyon na alinsunod sa lahat ng batas, lalo na sa Saligang Batas. Kinausap natin ang mga katuwang na kompanya upang magkasundo sa implementasyon ng proyektong ito, at para hindi na maipit pa ang benepisyong ihahatid nito sa mamamayang Pilipino. Ayaw na po nating ipasa sa susunod na administrasyon ang suliraning ito, at iparanas pa sa kanila ang kalbaryong ating pinagdaanan dahil sa probisyon ng mga naturang batas.

Sa kabila naman ng mga lubak at harang na kinaharap natin upang marating ang araw na ito, hindi tayo natinag upang sama-samang humakbang pasulong. Talaga naman pong sulit ang anumang tagumpay na makakamit, lalo na kung pinaghihirapan. Kumbinsido tayong makakamtan natin ang patong-patong na positibong bunga ng yugtong ito ng Skyway—mula sa masusulit na oras, pera, at gasolina, hanggang sa dagdag-trabaho at pag-arangkada ng komersyo’t pambansang ekonomiya. Sa huli, tinutumbok nito ang ating layunin: ang itaguyod ang mga daan sa Kamaynilaan bilang daluyan ng kaunlaran.

Taos-puyso ang pasasalamat natin sa bawat indibidwal at ahensiyang nakiambag sa tagumpay na ito—mula sa ating national agencies, local government units, hanggang sa pribadong sektor na naghahanda ng kanilang kapital, sa kabila ng mga naranasang pagsubok, dahil desidido silang makatulong. Patunay kayo sa positibo at mabungang resulta ng pag-aambagan ng pampubliko at pribadong sektor. Nawa’y patuloy tayong magbayanihan para iangat ang iisang bayan na ating ginagalawan, at ipakitang nasa loob o labas ka man ng Kamaynilaan, bahagi ka ng isang malawakang stratehiya para siguruhing walang Pilipinong maiiwan, sa ating biyahe tungo sa malawakang kaunlaran.

Sa atin pong mga kababayan, humihiling naman po ako ng kaunting pasensya at pang-unawa. Malaking imprastraktura po ito. Sa pagtulog natin sa madaling araw, wala naman pong dambuhalang helicopter na biglang susulpot sa kalangitan at ilalapag na lang ang Skyway na ito sa kalsada, at paggising natin ay kumpleto na ang proyekto. Mahalaga po ang pakikiisa ng lahat sa anumang adjustment na ating gagawin para mabigyang-daan ang konstruksyon nito. Hinihiling ko rin ang suporta’t kooperasyon ng ating mga LGUs, partikular na sa isyu ng right of way.

Para naman sa mga paulit-ulit na nagtatanong, at sinasadyang magbulag-bulagan sa mga nararating na nating tagumpay: Ito po ang daang matuwid. Hindi pinanday ng pantasya, at mas lalong hindi gawa-gawa na parang eksena sa isang pelikula—totoo at kongkretong mga proyekto ang hatid ng ating tuwid at mabuting pamamahala para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino.

Anumang pilit ng ilang magpapogi at magpabida para sa pansariling interes lang, ay wala pa ring makakapigil sa kolektibo nating pag-arangkada bilang isang bayan. Bawat hakbang sa tuwid na daan ay nakatuon lamang sa direksyon kung saan higit na maiaangat ang buhay ng mga kababayan nating matagal nang naetsapuwera’t napag-iwanan. Ito ang buong-sigasig na isinusulong ng inyong pamahalaan—sama-sama ang lahat sa pagsulong, at walang Pilipinong maiiwan.

Magandang umaga po. Maraming salamat po sa lahat.