PHLPost inilunsad ang ASEAN stamp design competition

Mula sa Philippine Postal Corporation

Maglulunsad ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng stamp-designing contest sa buong bansa at inaasahang mapiling opisyal na disenyo ng selyo o stamp ang mananalong lahok para sa pagsalubong sa “ASEAN Economic Community” sa 2015.

Tatlong lahok mula sa kompetisyon ang pipiliin at ang mga magwawagi ay makatatanggap ng P5,000 para sa unang gantimpala, P3,000 para sa ikalawang gantimpala, at P2,000 para sa ikatlong gantimpala. Ipadadala ng PHLPost ang disenyong nagkamit ng unang karangalan sa Thailand bilang opisyal na lahok ng bansa sa “Joint Issue of ASEAN Community Commemorative Stamp.” Tatanggap ng $1,000 ang may pinakamagandang disenyo ng stamp at $500 naman para sa may pinakamagandang disenyo ng postmark.

“Layunin ng kompetisyong ito na maipakita ang pakikiisa ng mga kasaping bansa sa paglikha ng mga joint stamp na may temang ‘One Vision, One Identity, One Community,’” ayon kay Postmaster General Josie dela Cruz.

Ang patimpalak, na tatagal hanggang Setyembre 15, 2014, ay bukas sa mga estudyante ng mataas na paaralan at kolehiyo, alagad ng sining, at kahit sinong nais sumali. Kailangang ginawa ang mga disenyo sa 18×18 na pulgadang illustration board. Maaari lamang iguhit ang selyo gamit ang pastel sa papel o canvass, oil, o acrylic. Hindi tatanggapin ang mga gawang iginuhit gamit ang kompyuter. Kailangan ding maglakip ng maiksing pagpapaliwanag kaugnay ng ipinadalang lahok.

Huhusgahan ang mga lahok batay sa kanilang orihinalidad, pagsunod sa tema, talab, at masining na pamamaraan. Kailangang ipadala ang mga lahok sa ASEAN Community Commemorative Stamp Design Contest, Philippine Postal Corporation, Post Shop, Philately and Museum Division, 3rd Floor, Manila CPO Building, 1000 Liwasang Bonifacio, Manila. Gumamit ng Domestic Express Mail Service o Express Pouch Service sa pagpapadala ng lahok.

Maaaring makipag-ugnayan sa Special Project Officer, Post Shop, Philately and Museum Division sa mga numerong +632-527-0132 o +632-527-0108.

phlpost.gov.ph