PHLPost nag-aanyayang sumali sa ASEAN Stamp Design Contest

Mula sa Philippine Postal Corporation

Inaanyayahan ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang publiko na sumali sa pambansang paligsahan ng pagdidisenyo ng selyo. Ang mananalong disenyo ay magiging opisyal na commemorative stamps para sa pagsalubong sa ASEAN Community na inaasahang magaganap sa 2015.

“This contest aims to produce more talented Filipinos in international competition and bring honor and pride to our country [Layunin ng patimpalak na maipalabas ang talento ng mga Pilipino sa ibang bansa at maipagmalaki ang ating bansa],” ayon kay Postmaster General Josie dela Cruz.

Kasabay nito, pinagmalaki rin ng PHLPost ang pagkakapanalo sa nakaraang World Mail Awards 2014 na ginanap sa Berlin, Alemanya (Germany), at ang 2014 International Letter-Writing Competition for Young People” ni Ashley Nicole Abalos, ang 11-taong gulang na estudyante ng PAREF-Woodrose School, Muntinlupa, matapos manalo ng bronze medal  sa naturang patimpalak na sinalihan ng 1.5 milyong kabataan sa buong mundo.

Ang Pilipinas ay nakikiisa sa lahat ng bansang miyembro ng ASEAN na maglabas ng “joint commemorative stamps” na nag-uugnay sa temang “One Vision, One Identity, One Community.”

Tatlo sa mga lahok ang pipiliin at magwawagi ng P5,000, unang gantimpala; P3,000, ikalawang gantimpala; at P2,000, ikatlong gantimpala. Ang mapipili ay ipapadala ng PHLPost sa Thailand upang maging opisyal na lahok ng Pilipinas para sa “Joint Issue ng ASEAN Community Commemorative Stamp.” Ang premyo para sa pinakamahusay na disenyo ay US$1,000 at US$500 naman para sa best postmark design.

Ang patimpalak, ay magtatapos sa  ika-15 ng Setyembre 2014, at bukas sa lahat ng mag-aaral sa kolehiyo at segundarya, artists, designers, illustrators, at sa lahat ng nag-nanais na sumali. Ang mga lahok ay dapat na nakalagay sa white illustration board na may sukat na 18 pulgada (inches) x 18 pulgada.

Maaari lamang gumamit ng pastel sa papel, o canvass, oil, o acrylic. Ang mga litrato at guhit na isinagawa gamit ang computer ay hindi maaari. Kailangan ding maglakip ng maiksing pagpapaliwanag kaugnay ng likhang disenyo ng selyo.

Kailangang ipadala ang mga lahok sa ASEAN Community Commemorative Stamp Design Contest, Philippine Postal Corporation, Post Shop, Philately and Museum Division, 3rd Floor, Manila CPO Building, 1000 Liwasang Bonifacio, Manila; gamit ang Domestic Express Mail Service o Express Pouch Service.

Maaaring makipag-ugnayan sa Special Project Officer, Post Shop, Philately and Museum Division sa numerong +632-527-0132 o +632-527-0108.

phlpost.gov.ph