Speech of President Aquino at the briefing on major infrastructure projects in Mindoro Island

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapakilala ng mga pangunahing proyektong pang-imprastruktura sa isla ng Mindoro

[Inihayag sa Brgy. Talipanan, Puerto Galera, Oriental Mindoro noong ika-29 ng Agosto 2014]

Secretary Babes Singsong; Secretary Mar Roxas; siyempre ‘yung pinakasikat po, si Governor Alfonso “Boy” Umali, also known as “Pa,” [tawanan] at saka ang butihing may bahay ho, si Mareng Susan, na talagang ‘pag nakikita natin ay talagang lalong gumaganda ang araw, kay Boy ho kasi kapag oras ng kainan, kuwentuhan lang ho iyon eh; ang butihing Governor Gene Mendiola ng Occidental Mindoro; ating butihing kasamahang Congressman Doy Leachon; at si Kuya Rey Umali; binibiro ho namin si Tita Josie Sato ng Occidental Mindoro; at si Egay Erice ho na malapit nang lumipat sa Mindoro [tawanan] pero ngayon po ay nasa Caloocan; Mayor Hubbert Dolor; Mayor Eric Constantino; Mayor Sandy Javier; Bishop Warlito Cajandig; other local government officials present; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:

Muli, magandang umaga po sa inyong lahat. [Pagbati ng mga tao]

Inimbita ho tayo ni Boy ngayon para sa briefing ng circumferential roads amongst other infrastructure projects. Tapos, ‘yung pinaglandingan [landing] po nung helicopter, mga nakatatlong resort po yata ‘yung dinaanan eh. Ang plano ho kasi, masubukan kong maging turista ngayong gabi dito sa Mindoro Oriental. [Palakpakan] ‘Yun ho ‘yung plano. ‘Yung katotohanan ho, pinababalik na ako sa Maynila tapos nito dahil, alam naman ho ninyo, meron tayong konting problema sa Golan Heights doon sa ating mga peacekeepers. ‘Yung nadadamay doon sa civil war na nangyayari po sa Syria. Pero so far eh huwag po tayong kabahan. Ang balita eh medyo stable ang sitwasyon pero, iyon na ho, may mga rebelde at tila may insidenteng involved ‘yung Fiji[ans] na miyembro ng UNDOF, o ‘yung UN forces, ‘yung peacekeeping forces diyan po sa Golan Heights. Pagkatapos doon sa Fiji, ‘yung ating mga sundalo naman po ang pinunterya ng mga rebelde. Sa ngayon, bagama’t tensed ang sitwasyon ay tila wala naman ho talagang masasabi nating panganib na inuulat sa ating Kagawaran ng Tanggulan. Siguro magandang umpisahan ho natin doon sa binabanggit nga ni Boy. Alam niyo si Boy mahaba na ang pinagdaanan natin nito. ‘Di ko naman ho masasabing pareho pa kaming long hair nung nagkakilala kami. [Tawanan] Medyo manipis na ho kami pareho noong nagkakilala kami, pero talagang subok na subok. At talagang kasama natin sa hirap at sa ginhawa; kadalasan lang nga ho sa hirap. So, tama po ‘yung sinabi niya, noong nagpunta kaming Cagayan, dahil siya nga po ang hepe ng ULAP, ‘no. Nagpunta kami doon, binibiro niya ako kada may mabanggit na bawat probinsya ay ito na ang nagawa sa inyo at ginagawa. Sabi niya, “Dapat yata magpalit na ako apelyido baka mapansin na rin ako.” At noong nadala-dala namin ang listahan ng panauhin, daang milyon pala ang napupunta sa Mindoro Oriental, eh bilyon na po ‘yung pinag-uusapan sa Cagayan at Apayao. ‘Yung kalsada ho kasi doon [na] magkokonekta ng Cagayan at saka Apayao, eh kamakailan lang naman ho pinlano ‘yan, 1968. [Tawanan] So, pinlano nila, nangako sila, kami ho ang magtatapos. Para ho ‘yung Metro Manila Expressway, ‘yun po ‘yung South Luzon at saka North Luzon na connectors. Pinangako ho sa atin ‘yun 1976. Ako po grade school, ewan ko ho si Boy, college na yata noong panahon na iyon. [Tawanan] Tatapusin rin ho natin iyan.

Anyway ho, dito muna tayo sa Mindoro Oriental. So kaninang umaga, tinawagan ko si Butch. “Butch, magkikita kami ni Boy. Nasaan na ba ‘yung pinapakuwenta ko sa’yo?” Si Butch Abad po, Kalihim ng Budget. Sagot ho sa akin, “Ah ngayon na ba kailangan ‘yan?” So, ‘yung sa paspasan ho niyang pagkuwenta, eh umaabot na raw po na P6.1 billion mula 2011 hanggang 2014. Napunta ho sa kalsada, tulay, flood control, pati airport raw yata, mga daungan, irrigation, tapos ‘yung farm-to-market roads, either ongoing na projects o natapos na. Tapos, noong pinaalala ho sa atin na kulang pa raw ‘yung galing sa DOTC, ‘di raw ho kumpleto at sa Department of Agriculture. So lalo pang lalaki ‘to. Anyway, binanggit ni Secretary Singson, mukhang sa DPWH na kasama na ang 2015, nasa 6 billion na. Sa Mindoro Oriental po, napakita ko ho kay butihing Governor Gene at kay Tita Nene, sabi nila: 6.1 [billion pesos] ‘yung tala mo sa Oriental Mindoro, sa Occidental Mindoro, 4.6 [billion pesos]; napag-iwanan na yata kami. Sabi ko, ipapantay ho natin ‘to. [Palakpakan] Sa totoo lang po, dito sa dalawa lang po ito, uulitin ko lang ho, hindi pa po kumpleto ang tala, ano, nasa 10.71 billion na po ang nadadala natin sa Mindoro Island. Ang problema ko ay hindi ho mapuno ‘yung kailangan ng Mindoro, dahil kanina pagdating ko nga dito, sabi ko, “Okay ‘to ah. Circumferential road, mukhang puro kongkreto na kalsada dito.”  Pinoproblema ko ho pag-uwi ko sa Tarlac, karamihan ng kalsada namin aspaltado eh. [Tawanan] Pati na ho ‘yung highway, ‘yung MacArthur Highway. Anyway ho, problema ko na po ‘yon.

Ngayon, binanggit kanina ni Babes, ‘yung ating circumferential road, dito po sa hilagang parte, ang problema na lang nga ho, ‘yung para maikonekta at gaano kahaba ang ikokonekta, about 20 kilometers na ang natitira. Ang problema ho, ang guguluhin natin either ‘yung beach, na mayroong mga setback na kailangan, or ‘yung forest, ‘yung mga tinatawag nating pinagtatanggol ng kalikasan, aalma naman. So ang pinagpipilian ho ng DPWH ngayon, sino ang magagalit sa kanila: ‘yung mga gusto mag-preserve ng coastline for tourism purposes, o ‘yung gusto mag-preserve ng rainforest.

So, ‘yun ho ang papel namin sa executive. Kailangan mong gawin, labo naman ang kalsada na hindi konektado, ‘di ba? Sa tuktok, bigla lang may 20 kilometro na hindi maidikit. ‘Pag dinikit mo naman, may magagalit sa iyo. Ang choice mo na lang, sino ba ang magagalit sa inyo? Pero palagay ko, makakabuti ‘to sa nakakarami po. Siyempre, pag kumpleto na ‘yung kalsada, iyong makakatulong nang malaki sa turismo na isang malaking industriya po ng Mindoro, hindi ho ba, at sa kabuhayan ng maraming mga Mindoreño. So, pagtulungan natin ‘to, minimize natin ‘yung impact on the environment, pero ‘yung kailangang imprastruktura ng tao, sana po matuloy na. Para mayroon tayong kalsadang buo, at hindi parang “horse shoe,” na may kabilaang dulo pero hindi nagkokonekta. Walo hong silbi siguro ‘yan.

Mahigit dalawang taon na po ang nakakalipas mula nang huli akong bumisita dito sa Mindoro Oriental. Nakibahagi po tayo noon sa paghuhuli ng King Crab, at nakipagdiwang sa birthday ng pinaka-senior na miyembro ng ating partido, na walang iba kundi si Governor Boy Umali. [Tawanan] Hindi, i-correct ko lang po iyon ha, pinaka-senior sa active, dahil meron naman ho kaming retired na members eh. Sa active ho, si Boy ang pinaka-senior. [Tawanan] Pero siyempre, hindi po tayo nagpunta dito para lang sa malalaki at masasarap na alimango, sasamahan pa raw ho yata ng lobster. Kakahiya naman sa iyo, Boy, ‘Wag na lang. [Tawanan]. Hindi po tayo nagpaparinig kay Governor Boy, kundi upang personal na kumustahin ang Oriental Mindoro, lalo na ang ating mga kababayan. Sa maikling panahon na nagdaan, kitang-kita na patuloy ang transpormasyon sa inyo pong lalawigan. Isa lang po ang hindi nagbago: ang mainit na pagtanggap ng mga Mindoreño sa atin po kanina. Maraming salamat po [Palakpakan]. Pakiramdam ko po, hindi ako “bisita” lang sa inyo, kundi isang kapamilya na hindi ninyo kailanman nakakaligtaang suportahan, at muli, maraming maraming salamat po sa patuloy ninyong pagtitiwala.

Kanina po, napakinggan natin ang briefing ni Secretary Babes Singson ng DPWH ukol sa imprastraktura sa Mindoro. Nalulugod po ako sa listahan ng mga makabuluhang strukturang nakumpleto na natin at kasalukuyan pang kinukumpleto upang mapakinabangan ng ating mga kababayan.

Siyempre po, pagbalik po namin sa Maynila, ‘yong flood control po ang gusto kong makitang mas maliwanag.

Halimbawa nga po nito ang mga bahagi ng Mindoro East at West Coast Roads at ng Abaton-Maidlang Bridge II. Ang maganda po rito, marami pang nakapilang proyekto na tiyak maghahatid ng de-kalidad na serbisyo sa atin pong mga mamamayan. Pinag-aaralan na rin po ng DPWH ang minumungkahing Abra de Ilog-Puerto Galera section ng Mindoro Island Circumferential Road na magkokonekta sa hilagang bahagi ng Occidental at Oriental Mindoro.

Ano po ba ang benepisyong hatid ng pagpapaunlad natin ng mga daanan? Simple lang po: Sa pagpapagawa ng mga kalsada, gumiginhawa ang biyahe, bumibilis ang palitan ng produkto at serbisyo, at lumalago ang negosyo. Bukod dito, mas madali nang mapupuntahan ang mga tourist spots sa inyong mga probinsya, kaya’t mas naeengganyong bumisita ang mga turista. Sa maayos na kalsada, ‘yun pong mga taga-Maynila o taga-Tarlac gaya ko, lalong  mawiwiling bumisita sa magagandang beach ninyo tulad dito sa Puerto Galera o dumayo sa iba pang magagandang destinasyon [palakpakan] gaya ng Apo Reef diyan po sa Occidental Mindoro. Ang dulo nito: Mula sa masiglang komersyo at turismo, nagbubukal ang mga pagkakataon para sa mga Mindoreño.

Kasabay ng pagpapaunlad ng mga kalsada sa Mindoro, tuloy-tuloy ang rehabilitasyon natin ng inyong mga paliparan at daungan. Nariyan ang pagsasaayos natin ng Pinamalayan, San Jose, at Lubang airport, pati na rin ang malapit nang simulang pagkukumpuni ng Calapan airport. Ongoing na rin po ang pagpapalawak ng bagong San Jose port, ang pagpapaunlad ng Calapan at Bulalacao port, habang tapos na ang pagpapaunlad ng mga daungan sa Roxas, Bansud, at Abra de Ilog. Dagdag pa sa mga ito, nakumpleto na rin natin ang pagpapatibay ng flood control facilities sa Pinamalayan, Bongabong, at Calapan City upang maiwasan ang malaking pinsala ng pagbaha sa inyong mga komunidad. Pero gusto ko rin ho makitang ‘yung mas kumpletong pang plano diyan.

Sa kabila po ng mga tagumpay na ito, mulat po tayong hindi pa tapos ang ating trabaho. Patuloy nating tututukan ang pagpapaunlad ng ating imprastraktura na malaki ang naitutulong sa pagsigla ng ekonomiya. Sa panukalang budget para sa 2015, ang inilaan nating pondo para sa imprastraktura sa buong bansa ay P562.35 billion. Katumbas po ito ng mahigit 21 porsyento ng ating Pambansang Budget. Gaya ng lagi, sinisiguro nating mapupunta lang ang pondo sa makabuluhang proyekto. Tinitiyak po iyan ni Secretary Babes—ang ating resident good newsmaker sa Gabinete. Sa pamumuno niya, walang puwang ang panlalamang at kuntsabahan; walang lusot ang kickback at tongpats, at walang umuubrang chop-chop na proyekto. Dahil nga po sa mga repormang isinakongkreto ni Secretary Babes sa DPWH, mahigit P27 billion pesos na ang natipid ng ahensya sa kanilang mga proyekto mula Hulyo 2010 hanggang Mayo 2014.

Siyempre, hindi pahuhuli ang Mindoro sa pag-arangkada ng imprastraktura lalo na sa mahuhusay nitong liderato. Nariyan ang maaasahang lingkod-bayan tulad nina Governor Gene Mendiola, Congresswoman Josie Ramirez-Sato, Congressman Rey Umali, Congressman Doy Leachon, at siyempre si Governor Pa Umali. [Tawanan at palakpakan] Noong nasa kongreso kami, “Papa” yata siya. “Pa” lang raw. Mahalaga ‘yong ama ka ng lalawigan n’yo, iyon ang ibig sahibin n’on. [Tawanan]

Bukod naman po sa pagpapaunlad ng imprastraktura, nariyan din ang mga inisyatiba natin upang palakasin ang sektor ng agrikultura. Dito sa Oriental Mindoro, nakumpleto na raw po ang pagpapagawa ng 152 farm-to-market roads; ang nakinabang po dito: mahigit 31,300 na magsasaka. Mayroon din tayong 63 naipagawa na, at 5 ongoing na patubig kung saan mahigit 4,700 na magsasaka ang ating benepisyaryo. Bukod dito, pinondohan din natin ang konstruksyon ng postharvest facilities tulad ng hand tractors at flatbed dryers na pinapakinabangan na ng 133 farmers’ associations. Malinaw ang hangad natin: mapalago ang ani ng ating mga magsasaka, mapabilis ang biyahe ng mga produkto mula sakahan hanggang pamilihan, at sa huli, madagdagan ang kita ng ating mga kababayan.

Dumako naman po tayo sa iba pa nating serbisyong panlipunan. Umabot na po sa 62,095 kabahayan ang benepisyaryo ng ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program dito sa Oriental Mindoro. Bahagi lang po iyan ng mahigit apat na milyong benepisyaryo ng programa sa buong bansa. Apat na milyon pong households ‘yon ng mga pamilya. Nariyan din ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services. Ang haba hong pangalan, hindi po ba? ‘Yon po tinatawag na KALAHI-CIDSS; mas madaling matandaan ng sa ganoon. Sa pangunguna ng DSWD, nasa 128 subprojects ng KALAHI-CIDSS ang ipinatupad at ipinapatupad natin sa munisipalidad ng Bulalacao, Mansalay, Bongabong, Gloria, Roxas, at Bansud. Sa pamamagitan nito, napondohan ang pagpapagawa ng mga silid-aralan, health stations, day-care centers, at iba pang struktura sa 128 mga barangay. Mula naman Enero 2011 hanggang Hulyo 2014, mahigit 11,200 pamilya na ang benepisyaryo ng ating Sustainable Livelihood Program. Nagkaloob po tayo rito ng pagsasanay at tulong sa pamumuhunan upang makapagtayo sila ng sariling negosyo.

Gaya ng ating panata: Ang mga proyektong kayang ipatupad agad upang ibsan ang pagdurusa ng Pilipino, ipinapatupad natin agad. Wala sa plano natin ang mapako lang sa plano ang mga proyekto, o kung matuloy man, ay dekada pa ang bibilangin bago makumpleto—sa totoo lang po, deka-dekada pa kung minsan.

Anuman pong tayog ng nararating natin ngayon ay bunga ng pag-aambagan ng mga Pilipino. Patuloy ang paglaban natin sa katiwalian at paglikha ng pagkakataon sa ating mga kababayan. Pero hindi nga po siguro mawawala ang iilang pursigido pa ring magbahid ng duda sa ating mga reporma. Meron po diyan, ganado pang magkomento ng negatibo, gayong kasama naman sila sa mga naging pinuno ng bansa; Imbes na maibsan ang pagdurusa ng nasasakupan, pinalala pa ito. At ngayon, bagaman tinutugunan na natin ang mga problemang ipinamana sa atin, hindi pa rin nagsawa sa paghirit ang itinuturing kayong kabayan. ‘Yung iba naman, sadyang pinapahina ang pundasyon ng ating reporma para ibalik tayo sa dating sistema kung saan pansariling interes ang inuuna.

Ang hamon po sa inyo sa Mindoro, at sa bawat Pilipinong kasangga natin sa agenda ng reporma: maging mapagmatyag sa kung ano ang totoo, at maging mulat sa motibo ng naghahasik ng negatibismo. Bilang ama ng bayan, itinataguyod ko ang tama at makatwiran; tinutugunan natin ang mga lumalapag na problema upang hindi na ito ipamana sa susunod sa atin. Lahat ng desisyon ko ay nakabatay sa atas ng aking mga Boss—ang taumbayan. Kaisa ang mga Mindoreño at ang sambayanan, nawa’y magpatuloy tayo sa pag-aambagan upang maging permanente ang transpormasyon sa lipunan, at lalong maging abot-kamay ang pag-asenso.

Magandang araw po sa lahat. Maraming salamat po sa inyo.