Ulat: Zamboanga City Roadmap to Recovery and Reconstruction

P3.5 bilyon ang inilaan ng pamahalaan para mapanumbalik sa dating kalagayan ang Lungsod ng Zamboanga na labis na napinsala dahil sa pagpasok ng mga rebelde sa lugar, isang taon na ang nakararaan.

Nakapailalim ang P3.5 bilyong ito sa Zamboanga City Roadmap to Recovery and Reconstruction (Z3R) Program, na gagamitin sa pagpapaayos ng mga imprastruktura, pagbili ng mga lote, pagpapatayo ng mga permanenteng tahanan, at iba pang tulong sa lungsod.

Isa sa mga aspektong dapat pagtuunan ng pansin ay kung ano na nga ba ang kalagayan ng mga nawalan ng tahanan dahil sa naging krisis, o ang tinatawag na mga internally displaced persons (IDP).

Sa pamamagitan ng Z3R, 7,176 na kabahayan ang target na makumpleto pagsapit ng Hunyo 2015 para tugunan ang pangangailangan ng mga IDP. Sinimulan ang Z3R noong Enero 2014 at mayroon itong 18 buwan upang isakatuparan ang proyekto.

Narito ang ulat tungkol sa Z3R para sa siyam na buwan nitong operasyon.

Home Materials Assistance

Mahigit 1,600 na pamilyang nagboluntaryong kumpunihin ang kanilang mga tahanan ang nakatanggap ng P30,000 halaga ng mga kagamitan at materyales.

Laman ng package na ito ang: 14 bag ng semento, 2 cu. m. buhangin, 3 cu. m. graba, 12 pirasong deformed bar, 3 kilong G.I. tie wire, 15 pirasong plywood, 100 pirasong good lumber, 12 corrugated G.I. sheets, 2 plain G.I. sheets, 16 kilong pako.

Pagbabalik ng mga taga-Martha Drive sa kanilang tahanan

Nakabalik na ang mga taga-Martha Drive sa kanilang permanenteng tirahan, labing-isang buwan matapos sirain at sunugin ng mga rebelde ang mga kabahayang ito.

42 duplex na kabahayan ang inilipat sa pangangalaga ng mga taga-Martha Drive noong ika-30 ng Agosto 2014. Alinsunod ito sa ipinangako ni Pangulong Aquino sa kanyang katatapos lamang na SONA noong Hulyo.

Basahin ang detalyadong ulat

Paglipat ng mga IDP mula evacuation centers papuntang transitory sites

Nitong nakaraang Agosto 4, 2014, humigit-kumulang 1,810 pamilya, o 9,723 katao, ang nailipat na sa pitong transitory site na itinayo sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Ang mga transitory site ay pansamantalang mga tirahan para sa mga IDP. May itinayong mga bunkhouse sa mga transitory site na ibabahay ang mga IDP hanggang sa matapos ang pagkukumpuni o pagtatayo ng mga permanenteng tirahan nila. Pagkatapos ang gulo, inilagay muna ang mga IDP sa mga evacuation center sa mga paaralan. At sa lalong madaling panahon, kailangan silang mailipat sa mga transitory site para maging mas maayos ang lagay nila at maging normal ang operasyon ng mga paaralan.

Sa kasalukuyan, may pitong transitory site na nagbabahay sa mga IDP. Ang mga ito ay nasa Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex, Rio Hondo, Taluksangay, Tulungatung, Upper Calarian, Masepla sa Mampang, at Paniran sa Sta. Catalina.

100 IDP ang nakapagtapos sa kanilang Skills Traning Program

Hunyo 4, 2014, nagtapos ang100 IDP sa kanilang Skills Training Program kung saan hinasa sila sa pagtutubero, pagkakarpintero, pagpoproseso ng pagkain, at serbisyong pagpapaganda.

Layunin ng programang bigyan sila ng kabuhayan upang makabangon mula sa pinsalang naidulot ng pananalakay ng mga rebelde sa kanilang lugar.

Kasama sa araw ng kanilang pagtatapos ang pamamahagi ng starter kits na gagamitin nila upang simulan ang kanilang kabuhayan.

Basahin ang detalyadong ulat

172 kabahayan, kasalukuyan nang itinatayo sa Paniran

Nag-umpisa na noong ikatlong linggo ng Mayo 2014 ang pagtatayo ng mga permanenteng bahay sa 1.4 ektaryang pook ng Paniran. 172 kabahayan sa kabuuan ang inaasahang matapos pagsapit ng Hunyo 2015. Nagkakahalaga ng P32.21 milyon ang proyekto.

Ngayong ika-9 ng Setyembre, 120 kabahayan ang handa nang ipasa sa mga kasapi ng Paniran Homeowners Association.

Apat sa anim na proyektong pabahay, umaandar na

Nasusundan pa rin ng Lungsod Zamboanga ang 18 buwang haba ng proyektong pabahay. Sa katunayan, nitong ika-30 ng Hunyo 2014, apat sa anim na proyektong ipinasa para sa bidding noong Mayo ang kasalukuyan nang umaandar. Ito ang mga sumusunod:

1. Paniran Homeowners Association sa Sta. Catalina

2. Christian-Muslim Homeowners Association Project sa Kasanyangan

3. Martha Homeowners Association, Inc. sa Sta. Catalina

4. Islamic Village Housing Project

Nasa proseso pa rin ng pagbi-bid ang Tulungatung Housing Project at St. Peter’s Compound Housing Project.

Ang mga iba pang minamagaling proyekto ay ang mga pabahay sa:

  • Rio Hondo – Mariki
  • Tiao Him property
  • Aplaya compound
  • Ayer village
  • HGL and Evangelista properties

Basahin ang detalyadong ulat

Iba pang proyekto:

Buggoc Housing Challenge

Patuloy ang dagsa ng mga donasyon mula sa iba’t ibang organisasyon para sa Buggoc Housing Challenge na pinasimulan ng International Organization for Migration (IOM) at ng pamahalaang lokal ng Lungsod Zamboanga. Layunin ng proyektong magtayo ng mga pansamantalang tirahan para sa mga taga-Buggoc Kasanyangan.

Nitong  ika-22 ng Agosto 2014, may kabuuan nang P510,000 halaga ng donasyon ang proyekto kung saan P370,000 ay mula sa Rotary Club-North. Kasama rin sa mga nagbigay ng donasyon si Crisanto dela Cruz, ang Dennis Hardware, Bilrey Construction, Southern City Colleges, at Siliman University Alumni Association of Zamboanga City.

Basahin ang detalyadong ulat

970 pamilya, nabigyan ng tig-P10,000 bilang pangnegosyo

Gamit ang P9.7 milyong pondo ng DSWD para magbigay ng panimulang kapital pangnegosyo, 970 pamilyang IDP ang napamahagian ng tig-P10,000 upang magsimula ng kabuhayan.

Bukod pa rito, mula Setyembre hanggang Oktubre ng taong ito, magsasagawa ang DSWD ng mga pagsasanay sa pagnenegosyo para sa mga pamilyang naninirahan sa mga transitorial site.

Basahin ang detalyadong ulat