Speech of President Aquino at the 60th anniversary of Araneta Center

[youtube]https://www.youtube.com/watch?v=JxPpWXyZhuk[/youtube]

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa “Araneta Center at 60: The Story Lives On”

[Inihayag sa Gateway Tower Building, Cubao, Lungsod Quezon, November 21, 2014]

Taong 1961 po nang lumipat ang pamilya namin sa Times Street, kaya dito na ako lumaki at nag-aral sa Quezon City. Bilang isang batang QC, nakita ko kung paano nagbago ang lugar na ito mula nang maitayo ang Araneta Center at mga karatig na negosyo at gusali. Noong mga panahong iyon po, Maynila talaga ang sentro ng komersiyo at entertainment, at talagang noong panahon pong iyon, out of the way ang Cubao. Halimbawa po, doon nagpupunta ang mga gustong manood ng sine, siyempre sa Maynila lahat ang sinehan, parang isa, dalawa ang nandito sa Quezon City. Pero nang magbukas ang New Frontier Theater, at later on ‘yong Nation, hindi na kailangang pong magbiyahe ng mga taga-Quezon City papunta ng Maynila.

At siguro po, karamihan ng mga napupunta sa Maynila ay napuntang Quezon City dahil mas bago ang mga sinehan dito. Noon po, sumunod ang Makati, dadalawa–lumalabas na ho ang edad natin–dalawa ang sinehan doon eh. Pareho ho sa kanila ang wala ngayon. ‘Yong isa ho, simbahan na ho yata.

Marami rin sa ating mga kababayan ang nagkaroon ng taunang ritwal nang magbago ang Cubao: bago magsimula ang pasukan ay namimili ng school bags at school supplies sa National Bookstore, pagkatapos  dumidiretso sa tinatawag po ni Cabsec na ShoeMart–ako po ang alam ko diyan kasi SM–o kaya sa Marikina Shoe Expo para bumili ng mga bagong sapatos. Naaalala ko pa nga ang pagsalita o pagsigaw ng isang sales lady para ibaba ang kanilang mga sapatos. ‘Yung iba nga po, binabagsak, actually, parang may chute. Bata ka, “Uy, mayroong nagliliparan ditong mga sapatos.” Pinapanood mo, hahatakin ka naman ng ibang tindera dahil baka tamaan ka ng mga sapatos. ‘Yung conveyor belt ho yata ginagamit lang ‘ata kapag sinasauli ang mga maling sukat, pero ‘yung nagagamit ‘yung talagang–hindi naman ho binabato, pero binabagsak. Pagkatapos ng shopping, ‘yung parang pinaka-incentive ng aking ina, dadalhin kami mag meryenda, diyan po sa Marikina Shoe Expo, nakalagay ‘yung Nena’s bibingka ho yata, mainit na pandesal kasama ‘yung menudo. Ganitong-ganito po mismo ang ritwal namin noon ng aking pamilya kapag pumapasyal sa Araneta Center bago magpasukan.

Marami pa po akong masasayang alaalang binabalik-balikan dito lalo na po sa Coliseum. Sa Big Dome, ako po ay nakapanood ng una ko pong live na boxing match. Doon ko rin yata nakilala si Tito Nene for the first time. Kasama ko po ang aking ama, o siguro ang tama doon ay sinama ako ng aking ama. Pagdating po ng paligsahan ng boxing, hinamon niya ako ng maliit na pustahan. Dahil galing po tayo sa Ateneo, hindi ko naman ho kilala ‘yong boksingero, grade school pa po ako noon, basta naka-blue na trunks, iyon po ang pinipili ko. ‘Yong hindi blue ang trunks, iyon ang pinili niya. [Tawanan] Suwerte ko naman ho, sa tatlong magkasunod-sunod na bakbakan, nanalo po lahat ng naka-blue na trunks, at bayad nang bayad ang tatay ko sa akin. Baka akala naman po n’yo malaki ‘yong sinusugal namin doon–tanda ko yata one peso per bout eh. Pero sa akin ho malaking bagay na ‘yon, dahil parang halos katumbas na ng allowance ko noon ‘yon eh. Pagdating po ng ikaapat na bout, hindi na ako tinanong ng aking ama kung magpupustahan pa kami. Eh natalo ho ang naka-blue na trunks. Nang natalo po ‘yong naka-blue na trunks, sinisingil ako ng tatay ko. Sabi ko, “Hindi mo naman ako hinamon ng pustahan dito.” Tapos, [sinagot ako], “Aba, hindi natalo ka. Magbayad ka.” Sabi ko, “Ganoon pala ‘yon ah.” Noong binabayaran ko na, sabi ni Tatay, “Hindi, binibiro lang kita.” Pagkatapos po noon, hindi na ako sinama ng tatay ko ulit sa boxing. Hanggang ngayon po, napapangiti pa rin ako ‘pag naaalala ko ‘yong mga panahong iyon. Para kaming ordinaryong mag-amang nagpapalipas ng oras nang magkasama. Talagang napakasimple po ng buhay noong panahon na iyon.

Noong magtapos naman po ako sa grade school, tinanong ako kung saan ko gustong mag-celebrate. Balik ho tayo dito, nag-celebrate kami sa isang Japanese restaurant dito po sa Fiesta Carnival. Kasama na rin po ‘yong nakasakay pa rin tayo sa mga rides noong panahon na iyon. Naaalala ko rin po na may panahong nakapanood ng rodeo dito. Siyempre po, dito ko rin nakita kung gaano katindi ang rivalry ng Ateneo at La Salle. Kahit tapos na ang laban, hanggang sa parking area, meron pa ring tuksuhan. Hindi na po ako sumasali doon dahil mabait akong bata: umuuwi na po ako agad. [Tawanan]

Napakalaki na nga po talaga ng pagbabago o pinagbago ng Araneta Center mula noong mga panahong iyon. Wala nang horseback riding dito sa tabi ng Araneta Center; ang mga lumang restaurant ay marami na hong nagsara at napalitan na mga mas bagong mga restaurant; at ang dati pong maliliit na establisimyento ay napalitan na ang high-tech at totoong world-class na mga opisina ng BPO. At kung babalikan nga po ang kasaysayan, makikitang ito talaga ang kuwento ng Araneta Center: Pagbabago, pagpupursigi upang marating ang mga nakikita sa maliwanag na abot-tanaw, at pag-aruga upang tumubo at maabot ang tunay at buong potensiyal.

Siguro nga po, ang mga nauna sa akin, maaalala pa ang panahon kung kailan tahanan pa ito ng Radio Communication of America. Malawak na talahiban raw po ito noon, at walang ibang nakatayo kundi mga naglalakihang antenna. Isa po talaga itong liblib na lugar. Ang pamilya po nina Don Amado, ang lolo po ni Secretary Mar at ama ni Tita Judy, may kumportableng pinagkakakitaan sa agrikultura. Pero imbes na maging kampante at magpatuloy sa nakasanayan, itinaya nila sa isang pangarap ang kanilang bukas. Kung tutuusin, napakadali lang para sa kanya noon na ipagpatuloy na lang ang pagtatanim ng tubo at pagnenegosyo sa asukal. Malawak na ang kanyang karanasan, kaya sigurado na ang kanyang kikitain. Pero naramdaman niya na mas marami pa siyang puwedeng gawin; na puwede siyang maging tagapagsulong ng pagbabago. At ang desisyon niyang iyon ang nagsilbing binhi ng transpormasyong nasasaksihan natin ngayon. Ito po ang tinatawag na vision: Hindi ang magpadala lang sa agos ng panahon, kundi ang magtaya at isakatuparan ang planong magdadala ng pakinabang sa mas nakakarami.

Gaya nga po ng isang halaman, maaaring hayaan lang tumubo ang isang bagay nang mag-isa: Bahala na ang mga elemento na ipaabot dito ang kanyang potensiyal. Sa kabilang banda, maaaring arugain ito: Bigyan ng pataba, diligan nang tama, iwasan ang mga peste, at talaga pong paghusayan ang pagsasaka. Ganyan nga po mismo ang ginawa ng mga tunay na visionary na tulad ni Don Amado at ng kanyang pamilya dito sa Araneta Center: Sa halip na magpatalo sa pagdududa, at ang talahiban ay ginawa nilang sentro ng komersiyo, ng kultura, at ng progreso; simbolo ng kinabukasang maaaring maabot ng bawat Pilipino. Iginuhit nila ang napakalawak nilang mga pangarap, at nagsikap sila upang maitawid ito sa realidad. Pagdating nga po ng 1960s, bago na ang mukha ng Cubao: At ipinatayo nilang Araneta Coliseum ang tinawag na “Biggest Covered Coliseum in the World,” samantalang naging pinakamalaking sinehan naman sa Asya ang New Frontier Theater.

At hindi pa nga po tapos ang mga pangarap ng sumunod na henerasyon ng Araneta para sa lugar na ito. Labingwalong towers ng Manhattan Garden City ang makikita natin kapag natapos ito; sampu po rito ang natapos na. May Novotel-Araneta Center Hotel pa pong paparating. Ang New Frontier Theater, gagawing mas moderno at magbabalik ng dangal dito. Isang Civic Plaza, isang Integrated Resorts Complex, at ang pagkumpleto ng Araneta Center Cyberpark: Lahat po ng ito, darating dito sa Araneta, at magiging makabago at mas progresibong mukha ng isang lipunang hitik sa oportunidad. Isipin po ninyo: Sa loob ng 35 ektarya ng Araneta Center, 29,066 na trabaho ang malilikha mula sa lahat ng mga proyektong ito.

Ang masasabi ko nga po, at ang personal kong nasaksihan mula kay Secretary Mar at sa kanyang pamilya: Nagbubukal po ang lahat ng proyektong ito mula sa isang bagay: Pagmamahal. Mahal po ng pamilya Araneta ang lugar na ito, at ang buong Cubao. Kung mapapansin po ninyo, habang ang ibang pamilya ay lumilipat na sa mas malalaking subdivision, o di kaya ay nagtatayo na ng sari-sariling mansyon sa malalayong lugar, sina Tita Judy, sina Gaita, Ria, Mar, Tita Baby, Tito Nene, buong pamilya, hindi po talaga umalis dito sa Cubao. At habang minamahal sila ng mga taga-Cubao at iba pang bumibisita sa Araneta Center, paulit-ulit nilang ibinabalik ang pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng pagbubukas ng mas maraming oportunidad at pagpapaunlad ng kanilang mga serbisyo.

Iyan nga po ang ipinakitang halimbawa ng Araneta Center at ng pamilya Araneta sa ating lahat: Kung ang lahat ng ating gawain ay nanggagaling sa pag-ibig sa lupang kinatatayuan natin; kung kaya nating palawakin ang ating mga pangarap at paunlarin ito; kung kaya nating sumabay sa pagbabago, o maging mismong bukal ng pagbabago na maaaring sundan ng ating kapwa, talaga pong walang imposible para sa ating lahi. Ang dating liblib na lugar, maaaring maging moderno at progresibong sentro ng pagkakataon para sa napakaraming Pilipino. Kung nagawa nga po ito sa Araneta, tiyak ko po, kung tayo’y magkakaisa, kung tayo’y mangangarap at talaga naman pong magbubuhos ng lahat ng ating makakaya tungo sa katuparan ng mga pangarap na iyon, makakamtan din ang malawak at positibong transpormasyon sa bawat sulok ng Pilipinas.

Magandang hapon po muli. Maraming salamat ho sa inyong lahat.