PHLPost naglabas ng Salud S. Tesoro commemorative stamps

Mula sa Philippine Postal Corporation

Salud S. Tesoro commemorative stampNaglabas ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng commemorative stamps bilang pagpupugay sa sentenaryo ng kapanganakan ni Salud S. Tesoro (1915-2015), ang nagtayo ng tanyag na tindahang TESORO’S noong 1945, na naglalako sa mga kababayang Pilipino at turistang nahumaling sa magagarang mga produktong gawa sa Philippine handicrafts.

Noong October 7, 1945, binuksan ni Salud Tesoro ng Baliuag, Bulacan, ang kauna-unahan niyang tindahang Tesoro sa Escolta, Maynila, pagkatapos ng liberasyon ng Maynila mula sa mga Hapon na ang karaniwang mamimili ay mga sundalong Amerikano.

Sa paglipas ng panahon, lalo itong nakilala bilang pangunahing tindahan ng mga produktong yaman ng Pilipinas gawa ng mga malikhain at mahuhusay na Pilipino. Sa kasalukuyan, ang Tesoro’s ang may pinakamalaking tindahan ng mga handicrafts na mayroong 12 sangay sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.

“The Philippine Postal Corporation commemorates the birth centenary of Salud Teodoro and her passion to showcase the best of Philippine artifacts in the country and to the world [Inaalala ng Philippine Postal Corporation ang ika-100 anibersaryo ng kapanganakan ni Salud Tesoro at ang kanyang paghahangad na ibahagi ang mga pinakamagagarang artipaktong Pilipino sa loob at labas ng bansa.],” pahayag ni Postmaster General Josie dela Cruz.

Mag-iimprenta naman ang PHLPost ng 102,400 piraso ng commemorative  “Salud S. Teodoro Birth Centenary stamps” na mabibili sa halagang P10.00 bawat isa. Tampok sa selyo ang larawan ni Salud S. Tesoro, na kilala rin bilang ina ng Philippine handicrafts sa bansa.

Inilatag ni Victorino Serevo ang naturang selyo at mabibili sa PHLPost post shop sa Maynila, sa lahat ng sangay ng post office sa bansa, at online sa pamamagitan ng Pinoy eMall.

Para sa karagdagang katanungan, tumawag sa  527-01-32.

phlpost.gov.ph