Speech of President Aquino at the celebration of Independence Day

President Benigno S Aquino III delivers his Independence Day speech in front of the Santa Barbara Church and Convent in Iloilo, June 12, 2015.  (Photo by the Malacañang Photo Bureau)
President Benigno S Aquino III delivers his Independence Day speech in front of the Santa Barbara Church and Convent in Iloilo, June 12, 2015. (Photo by the Malacañang Photo Bureau)

Read this in English

_________________________________________

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan

[Inihayag a Sta. Barbara, Iloilo, noong ika-12 ng Hunyo 2015]

Sa atin pong kasaysayan, madalas na ipinagdiriwang ang Araw ng Kalayaan sa Maynila. Marami po kasing mga pangyayari na may kaugnayan sa pagkakamit natin ng kalayaan nana naganap sa Maynila at sa mga karatig nitong lugar. Bilang Pangulo, tayo naman po ay umiikot sa bansa, dahil alam nating ang kalayaang tinatamasa natin ngayon ay bunga ng pagkilos at paglaban ng napakaraming Pilipino, nasaan man silang bahagi ng Pilipinas. Noon nga pong 2011, nagpunta tayo sa Kawit, Cavite; sa 2012, sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan; noong 2013, sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, at nitong nakaraang taon, nagtungo tayo sa Naga, Camarines Sur. Ngayon po, nagtitipon tayo dito sa Sta. Barbara, Iloilo bilang pagkilala sa ambag ng Kabisayaan sa pakikipaglaban para sa kalayaan. Sa susunod pong taon, balak naman nating tumungo sa isang lalawigan sa Mindanao, upang doon tumingala sa watawat at magbalik-tanaw sa kabayanihan ng atin pong mga ninuno.

Tandaan natin: Bilang arkipelago, hiwa-hiwalay ang isla ng Pilipinas. Noon nga po, limitado ang transportasyon kaya’t pahirapan ang pagbiyahe kahit sa mga karatig-bayan; wala ring teknolohiyang nagpapabilis ng komunikasyon. Isa po ito sa sinasabing dahilan kung bakit hindi nagsabay-sabay ang maraming pag-aaklas sa unang yugto ng ating rebolusyon. Gayumpaman, noong 1898, sa kabila ng mga limitasyong ito, nagkaisa ang mga Pilipino at sabay-sabay ang naging pag-aklas sa Pilipinas. Patunay po ito: Noon pa man, klaro na sa mga Pilipinong kilalanin kung ano ang tama at mali; at ang tugon nila dito ay ang manindigan sa panig ng katwiran.

Sa loob nga po ng mahigit 300 taong pananakop ng mga Kastila, umiral ang sistemang nagdulot ng matinding pagdurusa sa ating mga kababayan. Nariyan, halimbawa, ang sapilitang paggawa o polo y servicio; ang pagbabawal sa mga paring Pilipino na mamuno ng sariling parokya; ang pagmamalupit ng mga guwardiya sibil, ang walang pakundangang pag-aresto; at pagpapahirap sa mga bilanggo, gayundin ang laganap na diskriminasyon laban sa mga Pilipino.

Ang mga usapin pong tulad nito ang ipinaglabang repormahin ng mga propagandistang tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, at ng kapwa ninyo Ilonggo na si Graciano Lopez Jaena. Ngunit hindi pa rin sila pinakinggan ng pamahalaan. Ang naging tanong po marahil ng ating mga ninuno: Kalabisan bang mangarap at humiling ng katarungan at buhay na may dignidad? Kung hindi sila lalaban, ilang henerasyon pang magpapatuloy ang pagdurusa? Sino pa nga ba ang maaaring asahan ng Pilipino, kundi kapwa niya Pilipino?

Bunsod nito, sumiklab ang huling yugto ng ating rebolusyon. Noong 1896, nanguna si Andres Bonifacio sa Maynila, at Emilio Aguinaldo sa Cavite. Sa Kabisayaan naman, sina Heneral Francisco del Castillo ng Aklan, Esteban Contreras ng Capiz, Leon Kilat ng Cebu, at Martin Delgado at Teresa Magbanua ng Iloilo ang namuno sa laban noong 1897 at 1898. Ang totoo nga po, dito mismo sa Santa Barbara unang itinaas ang bandila ng Pilipinas sa labas ng Luzon noong ika-17 ng Nobyembre 1898. Nakaburda sa bandilang iyon ang tatlong bituin: sagisag ng Luzon, Mindanao, at ang inyong isla ng Panay bilang kinatawan ng buong Kabisayaan.

Nang itatag naman ang Unang Republika, kusang nakiisa ang mga kinatawan ng Bisaya dito. Marahil, ito na po ang kanilang pagkilala sa prinsipyong inilatag ni Apolinario Mabini sa pagtataguyod ng ating republika, at atin pong inaalala, sabi po niya, “Kailangan nating humarap sa mga dayuhan bilang isang nagkakaisang bansa, dahil ito ang pinakamatibay na kalasag laban sa pang-aabuso ng makapangyarihan.”

Isandaan at labimpitong taon na ang nakalipas mula nang ideklara ang kalayaan; kalag na po tayo ngayon sa tanikala ng mga dayuhang mananakop. Sa kabila nito, nariyan naman ang panibagong hamon na labanan ang katiwalian at kahirapan sa bansa. Malinaw po: Sa pagbibigkis nananaig ang ating mga bayani sa pagkamit ng kalayaan, kaya’t sa pagbibigkis din malalampasan ang suliraning ating hinaharap sa kasalukuyan.

Sinimulan nating bagtasin ang Daang Matuwid upang maibalik ang pamahalaang tunay na nagsisilbi at kumakatawan sa adhikain ng sambayanan. Ang panata natin: Walang maiiwan sa kaunlaran, nasa Luzon man, Visayas o Mindanao; bawat Pilipino, makikinabang sa tinatamasa nating pag-unlad. Hindi puwedeng aangat lang ang nasa itaas, habang ang ibaba, napag-iiwanan.

Paano po natin tinutupad ito? Simple lang po: Pinapalawak natin ang oportunidad, at binibigyang-lakas ang nakakarami nating kababayan upang sagarin ang pakinabang na dulot nito. Halimbawa po ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. May cash grant na ipinagkakaloob sa ating kababayan, kapalit ng mga kondisyong sisiguro na ang kanilang paghihirap ay hindi na mamanahin ng susunod na henerasyon. Kabilang sa mga kondisyong ito ang pagsigurong pumapasok sa eskuwela ang kanilang mga anak. Sa buong bansa, mayroon nang mahigit 4.4 milyong kabahayan ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya; 904,725 niyan ang nasa Visayas, at 94,190 naman ang nandito sa Iloilo.

Isa pa pong halimbawa: Alam naman nating napakalaking tulong sa mga magsasaka ang maayos na sistema ng irigasyon. Dito po sa inyo, ginagawa na ang Jalaur River Multi-purpose Project. Malaking proyekto ito na unang naisip noong taon na ako po’y ipinanganak. Napakatagal po nitong napako sa pangako, pero tayo na rin po sa Daang Matuwid ang nagpapatupad. Tuloy, di natin maiwasang isipin: Kung dati, inasikaso na ito, ilang libo na kayang magsasaka ang dapat sana’y umasenso na?

Nabalitaan na rin siguro ninyo ang inisyatibang isinulong natin sa mga karatig-bayan ninyong Negros Oriental at Negros Occidental: Kamakailan lang, pinirmahan natin ang Executive Order na lumikha ng Negros Island Region, kung saan pinag-isa na ang mga nabanggit na probinsiya. Isipin po ninyo: ‘yun pong dalawang probinsyang nasa isang isla, nasa magkabilang rehiyon. Kumbaga, iisang isla, iisa ang mga problema, iisa ang lumalapag na oportunidad, hahatiin pa? Sa pagkakaroon ng Negros Island Region, mas magiging tutok na ang gobyerno sa alokasyon ng pondo sa isang rehiyon. Mas direkta at mas mabilis na rin silang makikinabang sa mga proyektong ito: Hindi na kailangang tumawid ng dagat ng mga taga-Negros para makamtan ang mga serbisyong inilalaan para sa kanila. Ang maganda pa rito, pati ang mga katabing rehiyon nito na matagal nang kahati ng mga probinsiyang malayo-layo sa kanila, bibilis na rin ang benepisyong makukuha galing sa gobyerno, dahil mas magiging tutok na sa mga mamamayan nila ang mga serbisyo.

Nagkasundo nga po ang lahat ng stakeholders na makabubuti ang inisyatibang ito sa mas nakakarami. Dininig natin ang boses ng ating mga Boss, mga kababayan sa nasabing mga probinsiya—na inihayag ng kanilang mga pinuno mula sa hepe ng mga barangay pataas sa kanilang mga gobernador, mga kinatawan—at ng mga kapulungang pangkomersiyo. Kaya nang inilapit sa akin ni Secretary Mar Roxas ang mungkahi niyang ito, at naisagawa ang mga nararapat na konsultasyon, agad na natin itong pinirmahan. Alam naman po ninyo, itong tunay na anak ng Panay island na si Secretary Mar ang nanguna sa pagsusulong nito. Gaya po ng nabanggit ko na, alam nating kapag inatas nating pamunuan ng isang Mar Roxas ang isang proyekto o programa, asahan mong magtatagumpay po ito. [Palakpakan]

Tiwala po ako: Basta’t nananatili tayong tumatahak sa Daang Matuwid, maipagpapatuloy natin ang pagbabagong ating tinatamasa sa kasalukuyan. Sa pag-usbong ng makabagong teknolohiya at sa panahon ng social media, may higit na tayong kakayahan, at mas malalim na responsibilidad na makiisa sa paghahanap ng solusyon sa ating mga problema. Sa halip na maging pabigat sa ating kapwa, nawa’y gawin natin ang lahat, iambag natin ang ating maiaambag sa abot ng ating makakaya, upang sama-sama nating maiangat ang atin pong minamahal na bansa.

Nang bumisita po tayo sa bansang Hapon nitong Hunyo, marami ang nagpahayag ng kanilang paghanga sa mga repormang naisakatuparan natin sa nakalipas na limang taon. Ngunit paulit-ulit po ang tanong po nila. Ang ang tanong po’y, “Paano naman kami makakasiguro na magpapatuloy ito?” Ang tugon ko: Taumbayan ang bahala; taumbayan ang magpapatuloy ng pagbabagong sila mismo ang gumawa. Alam nila kung ano ang tama, at kung ano ang mali. Tiwala akong pipiliin nilang muli ang nararapat na pinuno, lalo pa’t nakikita nila ang resulta ng ating mabuting pamamahala.

Pinatunayan na po natin ito noong EDSA 1986, at muli nating naisakatuparan noong 2010 kung kailan nagkaisa ang taumbayang wakasan ang baluktot na kalakaran. Ngayong patapos na ang ating termino, naaalala ko po ang tanong ng marami noong Martial Law sa mga nangangambang labanan ang diktadurya: “Kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi ikaw, sino pa?”

Buong-buo ang kompiyansa ko: Maipagpapatuloy ng ating mga Boss ang maganda nating nasimulan. Alam nating bigyan mo lang ng tamang pagkakataon ang Pilipino, ipapakita niya ang kagalingan sa lahat ng larangan. Ang panawagan na lang sa atin ngayon: Manatiling nagbibigkis para itaguyod ang kapakanan ng kapwa, lalo na ng mas nangangailangan. Nawa’y gawin nating gabay ang nakaraan, isabuhay ang mga aral na ating natutuhan sa kasalukuyan, upang marating natin ang inaasam nating patutunguhan.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.

_________________________________________

Read this in English