Speech of President Aquino in celebration of National Heroes Day 2015

President Aquino National Heroes day 2015

[Read the English translation]

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani

[Inihayag sa Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio, Lungsod Taguig, noong ika-31 ng Agosto 2015]

Ngayong pong narito tayo sa Libingan ng mga Bayani, naaalala ko po: Noong pumanaw ang aking ina, sila mismong kabaliktaran ang gawain sa kanyang ipinaglaban at ipinaglalaban ang agad-agad na nagmungkahing patayuan siya ng monumento. Dahil dito, bumalik din po sa aking isipan ang kasabihan noong ako’y bata pa: “Konting bato, konting semento, monumento.” Totoo naman po: Madali ang magpatayo ng rebulto; pero mababalewala ito at mawawalan ng saysay kung hindi natin isinasabuhay ang prinsipyo at ipinaglaban ng mga dinadakila nating indibidwal.

Ito nga po ang diwa ng taon-taon nating pagdaraos ng Araw ng mga Bayani. Taimtim nating ginugunita at tinitingala ang mga bantayog dito, bilang pagpupugay sa mga bayaning Pilipinong nanindigan, nagsakripisyo, at nag-alay ng buhay para sa kapwa at sa Inang Bayan. Lubos tayong nagpapasalamat sa mga kababayan nating buong-loob na sinuong ang panganib para ipaglaban ang tama at makatarungan; silang sinubok ang pananagutan at tinimbang ang paninindigan, at hindi nagkulang; silang mga humarap sa sangandaan, at piniling unahin ang interes ng mas nakararami, bago ang sarili. May bantayog man o wala, isinulat man ang pangalan sa mga pahina ng kasaysayan o hindi— taas-noo nating kinikilala ang ambag ng bawat bayaning nagtindig at nagpatibay sa pundasyon ng tinatamasa nating kapayapaan at kaunlaran ngayon.

Tinanggap din natin sa araw na ito ang kopya ng librong pinamagatang “Ang Mamatay nang Dahil Sa ‘Yo” mula sa National Historical Commission of the Philippines. Alay po ito sa mga martir at bayaning Pilipinong nanindigan laban sa diktaturya ng Martial Law noong taong 1972 hanggang 1986. Kabilang din po sila sa mga Pilipinong pinapasalamatan at kinikilala natin ngayon. Sabi nga po ng pilosopong si George Santayana: “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.” Tunay pong magandang pamana ang aklat na ito sa kasalukuyang henerasyon, gayundin sa mga susunod pang salinlahi, upang maiwasan ang kamalian ng nakaraan, at maging gabay sa mga hakbang sa kinabukasan.

Sa pagtitipon pong ito, naalala ko rin po sa mga sandaling ito ang pahayag ng manunulat na si Cynthia Ozick. Ukol po sa kabayanihan ang sabi niya:

“Three ‘participant’ categories of the Holocaust are commonly named: murderers, victims, bystanders. Imagination demands a choosing. Which, of this entangled trio, are we? Which are we most likely to become?

…When a whole population takes on the status of bystander, the victims are without allies; the criminals, unchecked, are strengthened; and only then do we need to speak of heroes. When a field is filled from end to end with sheep, a stag stands out. When a continent is filled end to end with the compliant, we learn what heroism is. And alas for the society that requires heroes.”

Totoo nga po: Kapag may nangyaring karahasan—may gumawa ng karahasan at may biktima ng karahasan; at kung hindi ikaw ang salarin, at hindi rin ikaw ang inapi, ano ang ginawa mo? Sa mga pagkakataong ito raw kinakailangan ng mga bayani. Dito lumilitaw at nangingibabaw ang kadakilaan ng ilang indibidwal.

Kung iisipin nga po natin: Totoong-totoo pa rin ito hanggang ngayon. Kapag may mali at di-makatwiran sa lipunan—di ba’t kung manonood ka lang sa isang sulok, kung susunod ka lang sa dikta ng status quo, o magrereklamo nang walang inaalok na solusyon, di ba’t nakakadagdag ka lang sa problema, at pinapahaba ang pagdurusa ng iyong kapwa? Sa kabilang banda naman, kung may kahit isang taong titindig at haharang sa kanila para sabihing “Mali ang ginagawa ninyo. Hindi ako papayag na pagsamantalahan ninyo ang Pilipino,” Hindi po bang tiyak pong mapapatid ang siklo ng panlalamang at kawalang-katarungan.

Sa araw pong ito, pinapahalagahan at binibigyang-karangalan natin ang mga inialay na sakripisyo ng mga bayaning Pilipino. Kaakibat ng pagdakila natin sa kanila, tinatawag tayong makiambag at ipagpatuloy ang sinimulan nilang laban—sa maliit man o malaking paraan—para sa ikabubuti ng ating sambayanan.

Mayroon nga pong dahilan kung bakit nakapaloob ang “bayan” sa salitang bayani. Bawat isa sa atin, may kakayahang lampasan ang ating mga sarili para sa kapwa at bandila. Karaniwang tao man o may mataas na katungkulan, lahat tayo, may tungkulin at kakayahang makilahok sa pagpapabuti ng kalakhang lipunan—mula sa simpleng pagsunod sa mga batas at patakaran; sa pagbubukas-palad sa kapwa, lalo na sa mas nangangailangan; hanggang sa kahandaang ipaglaban ang tama’t makatwiran nang walang pinipiling panahon at pagkakataon.

Sa kasaysayan ng ating lahi, napatunayan na ng napakaraming Pilipino—mula sa rebolusyon ng 1896, sa kalayaan mula sa España noong 1898, sa pagkamit natin ng kasarinlan mula sa Estados Unidos noong 1946, sa EDSA People Power Revolution noong 1986, hanggang sa pagkakaisa ng sambayanan noong 2010—kaya nating gumawa ng makabuluhang pagbabago. Kaya nating iangat at paunlarin ang ating bansa. Ang kailangan lang, isang bayan tayong magkapit-bisig, kumilos, at magbayanihan, nang sa gayon hindi na kakailanganin pang iatang sa iilang balikat ang mas mabibigat na pasanin ng bansa. Gagaan ang dalahin ng bawat isa, at hindi na magagawang ipasa pa sa mga susunod na henerasyon ang anumang suliranin ng kasalukuyan.

Ang sabi nga po ng aking ama: “We should not depend on one man. We should depend on all of us.” Sa ngalan ng bawat bayaning Pilipino: Sama-sama at isang bansa tayong magkapit-kamay. Tiwala naman ako, ngayong maganda na ang ating nasimulan, tuloy-tuloy lamang tayo patungo sa inaasam nating patutunguhan; maaabot din ng Pilipino ang pinapangarap nating magandang bukas para sa minamahal nating bansa.

Magandang araw po. Maraming salamat po sa inyong lahat.