President Aquino departs for the Special ASEAN-US Summit

FeaturedImage_PNOY_160215_1428

Pahayag
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
bago ang kanyang pagdalo sa ASEAN-US Summit at working visit sa Los Angeles, California

[Inihayag sa NAIA Terminal 2, Lungsod Pasay noong ika-15 ng Pebrero 2016]

Sa araw na ito, pupunta tayo sa Estados Unidos, sa paanyaya ni Pangulong Barack Obama, para lalong payabungin sa nabuong Strategic Partnership sa pagitan ng ASEAN at Amerika.

Malaki nga po ang ambag ng Estados Unidos sa pagpapanatili ng kaayusan, estabilidad, at kapayapaan sa ating rehiyon, partikular na sa harap ng usapin ng South China Sea at West Philippine Sea. Kasama ng mga kapatid nating bansa sa ASEAN, kaisa natin ang US sa pagtutulak sa “rule of law” sa ating mga karagatan. Malinaw naman ang ating katwiran: Pantay ang lahat sa harap ng batas. Ang pagkilala sa karapatan ng bawat bansa ang siyang nagsisilbing pundasyon ng mas maaliwalas at mas produktibong pag-uugnayan, na naghahatid naman ng kompiyansa at makabuluhang pagkakataon sa ating panig ng daigdig.

Ito nga po ang pinakahuling ASEAN Summit na dadaluhan ko bilang Pangulo ng Pilipinas. Ito na rin ang pinakahuling pagkakataon na maibabahagi ko sa kapwa nating mga pinuno ng ASEAN ang paninindigan natin sa prosesong pangkapayapaan, na siya nating ambag sa pagtugon sa isyu ng extremism at kawalan ng estabilidad. Naudlot man ang panukalang Bangsamoro Basic Law sa ating Kongreso, di nagbabago ang ating posisyon ukol sa BBL: Ito pa rin pinakatamang landas tungo sa kapayapaan at kaunlaran para sa Mindanao. Sa ating pagpupulong, ilalatag natin ang mga kongkretong hakbang na ating ipapatupad sa kabila ng pagkabinbin ng BBL.

Matapos ng ating pagdalo sa Special ASEAN Summit, magkakaroon tayo ng working visit sa Los Angeles. Naimbitahan nga tayo ng Los Angeles World Affairs Council (LAWAC), na magsalita sa kanilang forum. Tulad ko, minsan din nilang naimbitahan ang aking ama upang magsalita; iyon po ay noong 1981, sa panahong tumatayo siyang pinuno ng oposisyon ng Pilipinas. Kung maalala nga po ninyo: May balak nang umuwi ang aking ama noon upang pamunuan ang mapayapang pagbabago tungo sa demokrasya sa ating bansa. Dito po sa forum na nabanggit, nagkaroon siya ng pagkakataong ipaliwanag sa Estados Unidos ang totoong sitwasyon sa Pilipinas, at sa ganoong paraan ay mahimok na magbalik-tanaw ang kanilang gobyerno sa suportang ibinigay kay Ginoong Marcos. Kinikilala nga natin ang oportunidad na ibinigay nila sa aking ama na maidulog ang problema ng bansa at makakuha ng kakampi sa landas ng demokrasya. Bilang pasasalamat ay talagang ganadong-ganado tayong magsalita sa kanila pong pagtitipon.

Siyempre po, habang nasa Los Angeles, susulitin natin ang pagkakataon na makakalap pa ng interes para sa Pilipinas. Isa nga sa malaking kumpanyang makakaharap natin ay ang Disney. Ang mensahe nga natin sa lahat ng negosyanteng makakausap natin: Sulit na sulit na ngayong tumaya sa Pilipino; sama-sama nating itulak pa ang malaking pagbabago sa ekonomiya at kalakhang bansa.

Hindi naman natin palalampasin ang pagkakataong makasalamuha ang Filipino community sa Los Angeles. Ididiin nga natin ang lawak ng transpormasyong naganap sa ating bansa dahil na rin sa kanilang pakikiambag, malayo man sila sa Pilipinas. Ipababatid natin sa kanila: Sa kanila nag-umpisa ang pagbabago at sila rin ang magtutuloy nito.

Mga Boss, sa Biyernes ng madaling-araw po ang balik natin. Paalis pa lang po tayo pero sabik na rin ako sa ating pag-uwi, dahil siguradong bitbit natin ang mga bagong oportunidad at good news para sa ating mga Boss. Makakaasa po kayo na gaya ng lagi, sa pakikipagdaupang palad natin sa ating mga kapwa pinuno, buong pagmamalaki nating ihahayag kung gaano na katayog ang narating ng Pilipinas, at ang lumalakas pa nating kakayahang makipagsabayan sa buong mundo.

Muli, magandang tanghali po. Maraming salamat sa inyong lahat.