President Aquino speaks at the launching of dengue vaccine school-based immunization in Region III

President Benigno S. Aquino III witnesses the ceremonial vaccination of Dengue School-Based Immunization during the launching ceremony and Ceremonial Distribution of the Tamang Serbisyo para sa Kalusugan ng Pamilya Medical Equipment Package. (Photo from the Malacañang Photo Bureau)

Talumpati

ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa paglulunsad ng dengue vaccine school-based immunization sa Region III at seremonyal na pamamahagi ng TSEKAP equipment package

[Inihayag sa People’s Park, Poblacion, Iba, Zambales, noong ika-5 ng Abril 2016]

Siyempre, kada may pupuntahan tayong lugar, naghahanda tayo; hindi ko nahanda ang sarili ko na makikita ko na naman si Lyndon Lee-Suy ngayon. Ito ho kasi ang expert sa maraming mga sakit, mga diseases, yung mga mabigat. Nang nagkaroon tayo ng issue sa MERS-Corona Virus, siya ho ang nagpapaliwanag sa akin noon. Susunod na linggo, meron nang encephalitis, tapos pagkatapos noon, ebola. Sabi ko, “Lyndon, mahusay kang tao. Marami kang itinutulong sa akin, pero kung pupuwede, saka na tayo magkita muli.” [Tawanan] Dahil kada magkita tayo, mabigat ang mga problemang hinaharap mo.

Baka puwedeng ikuwento ko lang sa inyo, para maintindihan niyo kung ano ho ba ang trabaho ng Presidente: Holy week, nagkaroon tayo ng abiso na meron tayong kababayan galing sa Middle East, dumating ng Pilipinas. At pagkadating niya sa Pilipinas, labindalawang oras after dumating siya, doon tayo sinabihan na tinesting siya sa MERS-CoV at positive raw ho siya.

Yung sakit na yun, wala pa sa atin noong mga panahong yun, biglang nandito na, merong may positive. Ilan kaya ang makakahalubilo niya, yung direct? “Direct physical contact” para makahawa. Itong taong ito, taga-Bicol, dumating na bago tayo naabisuhan ng embassy natin doon sa pinanggalingan niya, labindalawang oras nang nakatungtong sa Pilipinas.

Sa loob ng labindalawang oras na yun, ilan kaya ang nagkaroon na siya ng physical contact? Nakamayan, nayakap, nahalikan? Dahil OFW, pagdating sa kanila, ilan kaya ang dumating, “Ninong, dumating ka na pala! Nasaan yung pasalubong ko?” Sabay yakap. Tapos kada isa noon na maimpeksyon, may tinatawag na “geometric progression.” Lahat naman ng makakahalubilo noon, potensyal rin. Sa madaling salita: Merong manual ang DOH kung paano mag-handle ng krisis na ito.

Eksaktong Miyerkules Santo, noong holy week, karamihan ng ating katrabaho wala na po sa Metro Manila, nagkandarapa tayo nang husto doon hanggang mga 3:30 ng umaga yata. 3:30 ng umaga bago natapos yung lahat ng plano kung anong gagawin.

Unang-una: Tignan lahat ng pasahero, hanapin lahat ng pasahero, kulang-kulang 418 yung hahanapin nating katao. Pag nahanap na yung 418, tatanungin mo na rin, simula noong dumating sila, ano ang pinaggagawa nila para mahanap yung—ang tawag doon ay “contact raising.” Sa madaling salita ho, natapos yung krisis, pero doon ko una talagang nakausap si Lyndon at sampu ng iba pa niyang mga kasama sa DOH, kasama na rin yung mga proseso sa Immigration, yung ating PNP. Sa madaling salita, medyo na-prevent natin.

Noong natapos po lahat iyan, ang kinalabasan ay naging negative na itong inaalala nating carrier. Pero siyempre, kailangan ng excitement sa buhay ng mga naglilingkod sa bayan.

Ngayon ho, yung last time ko dito sa Zambales, nag-attend ako graduation ng Merchant Marine Academy. Napakahusay po ng parada. Alam ko dito sa Zambales ay pamoso ang inyong mangga. Pero hindi ako nagpaparinig kay Governor Ebdane. [Tawanan] Kung may sobra siya, hindi niya alam anong gagawin niya, marunong ho kaming makatanggap ng vitamins niyan kung gusto niya. Binibiro ko ho at matagal na kaming magkasama.

Narito po tayo ngayon para saksihan ang isa na namang patunay sa ating panata: Sa pag-unlad po, walang maiiwan. Sa Daang Matuwid, inaaruga po natin ang lahat ating mga Boss, lalo na po yung talagang nangangailangan o yung mga pinaka-nangangailangan.

Una nga po nating pinuntahan kanina ang groundbreaking ng bagong Out-patient Department ng inyong President Ramon Magsaysay Memorial Hospital. Sa kasalukuyan, ang PRMMH ang nag-iisang major hospital dito po sa Zambales. Dati abiso sa atin, dumadayo pa sa Maynila ang ibang mga pasyente ninyo para po magpagamot. Inaksyunan nga po natin ito sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program; pinondohan natin ang pagsasaayos ng inyong ospital para makapagbigay ng agarang serbisyo dito po sa inyo sa Zambales.

Ikuwento ko na rin po sa inyo dahil baka ito na ho ang last time kong makaharap kayo bilang inyong Pangulo. Noong ako po’y nagpuntang Apayao, sabi sa aking ng gobernador, butihing Gobernador Buchi Bulut, noong araw raw ho sa kanilang lugar, dahil nasa tuktok nga ng Pilipinas, pagandahan ng ambulansya. Napalingon ako sa kanya at siyempre curious ako, “Bakit kayo nagpapagandahan ng ambulansya?” Sagot niya sa akin, “Yun lang ang tsansa ng may sakit na maitakbo sa pinakamalapit na ospital sa mga karatig na probinsya para magpagamot.”

Sabi pa nga ho ng isang nagtestimonya, ang lugar ho nila ay napakaliblib, walang kalsada, dadaan ng gubat. Pag mamamalengke sila, kung ano lang ang kayang dalhin ng dalawang kamay nila, yun lang ang puwede nilang mabili. Pag may maysakit, maglalakad doon sa gubat nang dalawang araw. Kaya yung gubat raw po nila, nagmistulan na ring sementeryo doon sa mga may karamdamang hindi na nakaabot ng ospital. Ngayon raw ho, sabi nila iba na, maganda na raw ospital nila. “Referral hospital” na sila ngayon, hindi na sila nagpapadala, sila na ang pinapadalhan.

Noong 2012 po, naglaan tayo ng P10.5 milyon para sa renovation at expansion ng operating room, delivery room complex ng naturang ospital, pati na ang pagbili ng mga kagamitan gaya ng mga kama sa hospital, incubator, defibrillator, at iba pa. Ngayong taon naman po, naglaan na rin tayo ng dagdag na P24 milyon para sa pagpapaunlad ng emergency room at laboratory. Nandiyan rin ang pagpapatayo ng bagong out-patient department, pati na ang isang 50-bed ward, para maitaas sa 200 ang bed capacity ng PRMMH. Habang itinatayo nga lahat ito, nabanggit ng ating butihing Governor Ebdane, kulang. Sabi ko, “Huwag kang mag-alala, mamayang hapon po mangangampanya rin ako dito sa Zambales para mabilin ko sa papalit sa akin na may kulang pa dito sa Zambales na kung puwede punuin na niya yung ating inumpisahan.” [Palakpakan]

Noong nag-uumpisa po tayo, puro utang ang iniwan sa akin kaya ang hirap mangako. Ngayon ho, pag sinabing may kailangan, parating may paraan at pagkukunan tayo.

Target po nating matapos ang pag-upgrade nitong ospital po niyo ngayong buwan ng Setyembre, kasalukuyang taon. At iba na po siyempre ang magri-ribbon cutting noon, pero sinisiguro nating pulido at naaayon sa pangangailangan ng ating mga Boss ang proyekto. Maski hindi na po sa atin ang kredito, basta maayos ang kabuhayan at kalusugan ng ating mga Boss, tayo po’y kuntentong-kuntento na. [Palakpakan]

Kanina po, nakita niyo, inilunsad natin ang Dengue Vaccine School-Based Immunization Program dito sa po sa ating Region 3. Alam niyo po: May panahon po noong araw na yung dengue ay seasonal. Ngayon po, all year-round na. Masakit pa ho, sa Pilipinas, itinanong natin kung ano ba yung prevalent strains? Ang sagot sa atin, “All strains present in the Philippines.”

Noong nag-uumpisa po tayo, nakausap natin itong Sanofi Pasteur at one time dahil sila ang nagdedevelop ng isang vaccine na makukuhang bawasan yung debilitating effects, yung bigat ng pagkakaroon ng dengue. At sabi ho nila, medyo mahaba-haba pa yung proseso, at talagang tuwang-tuwa tayo noong nakita natin ulit sila noong pagpunta sa Paris—kung hindi ako nagkakamali—kung saan natapos na yung mga trial, nagpapakita ng bisa nitong mga gamot na ito.

Iyung dengue, sa palagay ko, lahat tayo ay may nakilala na nagkaroon ng karamdamang dengue at nakita natin kung ano ang dinaanan ng pasyente at ng pamilya pag nagkaroon ng dengue. Siguro ho, marami sa ating may karanasan na rin na naghahanap ng dugo pag kailangang salinan ng dugo ang mga nagkaroon ng malubhang kaso ng dengue.

Isa ho sa personal kong karanasan: Merong isang ambassador na taga-Europe at talagang sobrang minahal ang Pilipinas, na gumawa siya ng pamphlet—parang nagmistulan siyang travel agent ng Pilipinas para sa mga kababayan niyang dumarating sa Pilipinas. Yun bang lahat ng mga tanawin, yung mga dapat puntahan, isinalin niya sa lenggwahe nila, at talagang tumutulong sa atin sa tourism.

Ano naman ang ibinigay ng Pilipinas sa kanya? Pagkaintindi ko, hindi bababa sa dalawang beses siyang na-dengue o kaya naging tatlo pa. Noong nag-retire ho siya, talagang mahal tayo, na-dengue na siyang paulit-ulit dito, nanatili siya dito sa Pilipinas, dito na po nakatira, dito na rin nakapag-asawa.

Palagay ko, maliwanag na imbis na magkaroon ka ng sakit, makatulong tayong mabawasan magkaroon ng sakit. O kung hindi man, mabawasan yung epekto ng sakit. Napakaimportanteng pagkilos po iyan. Imbis na bahala na si Batman, gagawin natin ang lahat ng paraan base sa siyensya kung ano ang magagawa natin para pangalagaan nang totoo ang kalusugan ng ating mga kababayan.

Kanina po kung nakita ninyo sa presentation ni Janet, mayroon yung mga “vector eradication.” Isa ho ipinakita iyung fogging machine. Ano ba yung fogging machine? Sa totoo lang ho, ako ay naniniwala na bubugahan ng insecticide si mosquito, pero ang totoo po niyan, kadalasan ay natataboy yung mosquito. So mula dito, pupunta sa kapitbahay mo. Parang iyon ang epekto. Ngayon, pag nagbuga naman doon, baka balik sa iyo. Hindi ho talaga permanente yung solusyon.

Ang inuulit-ulit lang po ni Janet: Maganda yung prevention—yung vector na nagtatransmit ng disease, puksain natin. Hindi naman perpektong mapupuksa lahat iyan. Pag tayo ay dinapuan, paano ba ang gagawin para hindi malubhang-malubha ang karamdaman? At palagay ko, mas maganda na yung paliwanag ni Janet kaysa naman ako ang magpaliwanag sa inyo.

Kaya naman po, mahalaga itong nakakuha tayo ng bakuna laban sa dengue. Ang balita natin: Pilipinas ang pangalawang bansa pa lang na nakapaglisensya nitong Dengvaxia, ang unang dengue vaccine sa buong mundo. Ang pondong inilaan ng DOH para sa bakunang ito: P3.5 bilyon. Isasama po ito sa listahan ng libreng bakuna sa ilalim ng ating National Immunization Program.

Kasama naman ang DepEd, DILG at lokal na pamahalaan, ipinapatupad natin itong school-based immunization: Layon nitong mabigyan ng libreng bakuna laban sa dengue ang halos isang milyong Grade 4 public elementary school pupils, edad siyam pataas, sa NCR, Region 3 at Region 4-A. Baka may magsabi na naman: Bakit tayo namimili—NCR, Southern Tagalog, at Central Luzon? Porke ba iyan ang mga pinakamataong rehiyon, iyan ang uunahin niyo o bibigyan niyo dahil eleksyon ngayon? Hindi po. Dito po pinakamataas ang incidence ng dengue. Kaya dito po siguro ang pinakaimportanteng unahin dahil dito may pinakamaraming kaso.

Ang sa atin po: “Prevention is better than cure.” Wala naman po sigurong tututol na kung puwedeng iwasan ang sakit, dapat itong tugunan o gawin kaagad. Nagpapabakuna po tayo para maiwasan ang pagkakaroon ng karamdaman, gaya nitong dengue, tigdas, at iba. Dati nga po, limitado lang sa mga pribadong ospital ang mga bakuna. Kaya noon, kapag napunta ka sa pampublikong ospital, para bang “sorry na lang kayo”. Kaya naman, pinalawak po natin itong ating National Immunization Program, para maging ang ating mga pampublikong ospital, may access na sa mga bakunang ito. Ulitin ko po: Kanina, ang liwanag ng ipinapakita sa atin ni Janet kung gaano katagal na available ang iba’t ibang mga vaccine o bakuna, pero mahal, di maabot ng mga nasa laylayan, kaya para bang bahala na si Batman sa inyo.

Ang sabi po natin: Walang maiiwan. Ang budget ng DOH, kung hindi ako nagkakamali, simula nang nag-umpisa tayo at nag-times three na. 300 percent increase na, at ito na ho ang resulta: [palakpakan] iyang equipment na nasa harapan ninyo, yung kakayahan sa bakuna, yung kakayahan ng […]

Bahagi pa rin ng ating stratehiyang isulong ang kalusugang pangkalahatan, ipinamahagi natin ang “Tamang Serbisyo para sa Kalusugan ng Pamilya” o TSeKap Equipment Packages para sa 132 Barangay Health Stations at 32 Rural Health Units dito sa Zambales. Laman po nito ang mga kagamitang gaya ng thermometer, stethoscope, digital BP apparatus, glucometer set, dressing set, at nebulizer. Sa tulong nito, nabibigyang lakas at kakayahan ang ating mga LGU na agarang makatugon sa mga nangangailangan ng atensyong medikal.

Alam niyo noong araw, meron nitong mga barangay health station, meron daw pong kuwarto, may mesa, may silya, walang kagamitan. Pag may kumonsulta, kuwentuhan na lang—tinawag pang barangay health station.

Mula sa pagtatayo at pagpapaunlad ng imprastruktura, hanggang sa pagsigurong malayo sa sakit ang bawat Pilipino, tinututukan natin, hindi bukas makalawa, kundi now na. Sa Daang Matuwid, pinapalawak at sinasagad ang benepisyo ng bawat programa’t proyekto, para ibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan.

Halimbawa na lang: Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, pinalawak natin nang husto. Ang dinatnan nating benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa buong bansa noong 2010, nasa 780,000 lang. Dito sa Zambales, medyo masuwerte pa kayo. Meron kayong 1,111 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya noong 2010. Siyempre ho, mapapag-isip ka: Napakaperpekto naman ng numero, 1,111. Noong binibigyan po kaming grado sa paaralan noong araw, iyon ang nirereklamo namin, kung hindi maliwanag kung ano ang gradong ibinibigay ng teacher. Ang tawag namin, “Gumamit yata ng dart board.” “Ito, bibigyan ko ng A. Ito, bibigyan ko ng…”

Sa Daang Matuwid naman po, sinikap nating matukoy at maabot ang mga nasa laylayan. Yung dati po nilang 1,111, ngayon po, nasa 19,433 kabahayan na ang nakikinabang sa programa dito sa inyong probinsya. Kasama na sila sa 4.6 milyong kabahayang target nating makumpleto ngayong taon. Last year po, nasa 4.4 million na kabahayan na tayo. Ayon po sa inisyal na pag-aaral, 7.7 milyong kababayan natin na ang natulungan nating makatawid o makaangat sa tinatawag na “poverty line.”

Dagdag pa dito, pinalawak din natin ang sakop ng PhilHealth. Dito sa Zambales, nasa 685,000 na pala ang saklaw ng programa; bahagi na sila ng 93 milyong Pilipinong benepisyaryo nito sa buong bansa. Ang maganda nga po sa mga tagumpay nating ito sa Daang Matuwid, nagawa natin nang hindi nagdadagdag ng buwis maliban sa Sin Tax, na layong paunlarin ang ating serbisyong pangkalusugan at ilayo tayo sa mga bisyong tinatawag.

Magbalik-tanaw po tayo: Saan ba tayo nagmula at nasaan na po tayo ngayon? Humarap tayo sa sangandaan noon: Saan ba tayo dapat nakatutok, sa sarili o sa kapwa? Ipagpapatuloy ba ang dating kalakarang ating dinatnan o tatahakin natin ang pagpapatuloy ng pagtahak sa Daang Matuwid?

Binigyan niyo nga po ako noong araw ng pagkakataong simulan ang transpormasyon, at sa inyong pakikiisa, talaga namang napakalayo na ng ating narating. Pero itong mga pinaghirapan nating tagumpay, nanganganib sa kasalukuyan, lalo na po kung ang magtitimon sa atin ay pagtapos ng halalan, hindi pareho ang pananaw. Tatandaan nating ang pinanggalingan natin, baligtad ang pananaw.

Sa Mayo, nasa inyo pong mga kamay kung magiging permanente ang pagbabagong ginagawa natin. Bilang Ama ng Bayan, simple lang ang panawagan ko: Suriin nating mabuti ang mga nagpepresentang maging pinuno ng bansa. Piliin natin ang may integridad, may malinaw na plano, at tunay na maglilingkod sa ating mga Boss. Sa akin po, mata sa mata, masasabi ko sa inyo, ang siguradong magpapatuloy at magpapalawak ng Daang Matuwid: sina Mar Roxas at Leni Robredo. [Palakpakan]

Ang sabi nga, “Ang magandang kinabukasan, pinagsisikapan.” Simula pa nga lang po ng ating mga tagumpay, at tiwala ako: Kayo, ang aking mga Boss, ang huhubog at magpapatuloy ng pagbabago, para makamit ang isang Pilipinas na talagang maipagmamalaki natin sa susunod na salinlahi.

Ulitin ko po: Talaga namang sa ating sistemang demokratiko, pipili tayo ng mga pinuno dahil ang kapangyarihan ay nasa taumbayan. Natural po na sa pagpili natin, iyon ang magsasabi kung ano ang pupuntahan natin. Pag tayo ho ay bumoboto, wag nating kalimutan na ang buhay natin ay kasama diyan. Pero mas importante siguro: buhay ng mga salinlahing nakakabata sa atin na talaga naman pong tatamasa ng mas maraming biyaya o tatagal ang pagdurusa pag nagkamali tayo. Ako po’y tinuruang magtiwala sa ating mga Boss, ang taumbayan, kaya buong-buong pa rin ang tiwala ko. Kayo na po ang bahala sa ating lahat.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.