Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
sa paglulunsad ng Angat Afterbay Regulator Dam (Bustos Dam) Rehabilitation Project
[Inihayag sa Brgy. Tibagan, Bustos, Bulacan, noong ika-15 ng Abril 2016]
Ang araw pong ito ay panibagong patotoo sa ating panata: Ang magpamana ng isang Pilipinas na di hamak na mas maganda kaysa sa ating dinatnan. Sinasagad natin ang bawat programa at proyekto para mahatid ang totoong serbisyo sa atin pong mga Boss.
Bago nga po tayo dumiretso dito sa Bustos, pinangunahan natin ang groundbreaking ng Bulacan Bulk Water Supply Project sa San Jose del Monte. Ito po ang unang awarded Public-Private Partnership project ng ating administrasyon para sa water sector. Sabi po sa akin, 1992 pa na ipinangako sa inyo, 24 years ago o halos isang henerasyon ang inyong hinintay bago ito maisakatuparan. At siyempre po, isang henerasyon ang nangako, ibang henerasyon na ang nagpapatupad nito. Ulitin ko lang po: Ang pangako nang panahong yun, yung Angat pakikinabangan niyo.
Ipaliwanag ko lang ho kung gaano kasalimuot ang sitwasyon ninyo bago tayo maupo sa puwesto: Ang Angat Dam, klaro, nasa Angat; ang Angat, klaro naman, nasa Bulacan. Pero ang tubig nito hindi napapakinabangan ng Bulacan. Noon nga, dahil wala kayong access sa Angat, napilitan kayong kumuha ng tubig—o hanggang sa kasalukuyan, kumukuha kayo ng tubig mula sa mga deep well—na puwedeng magresulta sa tinatawag na “land subsidence” o yung paglubog ng lupa. At siyempre po, napapasukan na rin ng tubig galing sa dagat na maalat.
Buod nito po: Pag ginhawa, yung mga nangako, nariyan para sa inyo po, parang kasama yung mga nangako. Sa hirap, parang solo ho ang taga-Bulacan. Sa Daang Matuwid, itinatama natin po ang sitwasyon.
Nito ngang Enero, napirmahan na natin ang kontrata para sa Bulacan Bulk Water Supply Project, at may preconstruction activities na sinisimulan na po. July pa dapat magsisimula po yun, pero sa kasalukuyan ginagawa na. Layon nga po ng mga proyektong ito na, unang una, mapalitan yung pinagkukuhanan ng tubig na hindi na deep well. Ito na po ay papunta tayo sa tinatawag na “surface water.” Resulta po nito: mas tiyak yung tubig, mas malakas yung pressure, at mapapababa pa yung gastusin ng tubig. Sa kasalukuyan naman po, ang average na binabayad ng inyong mga OSEC sa mga water district ay mga P20. Ito po, yung nanalong bidder ay P850 per cubic meter ang isisingil. Yan po ang unang pakinabang natin: bababa ang presyo at dadami ang supply. Magbibigay rin po ng alternatibong pagkukuhanan ng tubig ang mga residente na dati’y talaga naman pong sa deep well lang umaasa. Oras na matapos ito, ang bilang ng magiging benepisyaryo: 3 milyong Bulakeño—at ito po ang magiging template. Sa buong Pilipinas po, ganoon naman e: Maliit ang water district, kailangan puro deep well ang pinagkukunan. Yung deep well, pabawas nang pabawas yung ating tinatawag na “natural aquifer,” pasok yung tubig-dagat, puwede lumubog yung lupa—talagang hindi ho masu-sustain. Kailangan ho lumipat na tayo sa surface water. Problema, hindi kaya ng mga water district na pondohan yung kanilang mga kailangan na reservoir. So, ito pong Bulacan Bulk Water ang magiging template para sa buong bansa.
Bukod sa proyektong ito, inilulunsad din natin ngayon ang Angat Afterbay Regulator Dam (Bustos Dam—nandiyan po sa likuran natin) Rehabilitation Project, na siya naman pong magpapaunlad ng sistemang pang-irigasyon dito sa Bulacan.
Sabi nga po, 1926 pa itinayo itong Bustos Dam. Noong itinayo po ito, hindi pa po napapanganak ang mga magulang ko. Ang dam, kinabitan ng steel gauge noong 1967 para madagdagan yung kaya niyang tubig na maipon. Pero dahil gawa sa bakal, nangalawang, nagkasira-sira na, at dahil napalawak rin nga ho ang service area nito pati sa Pampanga.
Dala ng pinsala ng bagyo, kinalawang ang mga gates, pinalitan ang steel gates nito, ginawang rubber nitong 1997. Hindi ho naglaon, nagkaroon na rin ng mga butas ang mga rubber gates na ito. Titingnan niyo po mamaya, makikita niyo yung rubber gates, parang pareho na doon sa itsura ng kongkretong pinapatungan niya. Sa matagal na panahon, puro repair works at vulcanizing lang ang ginagawa para matakpan ang mga butas dahil wala raw pondo para mapalitan ang mismong mga gate. Nakinabang ho siguro dito ang tire vulcanizing na lang. Pero ayon nga ho sa pagsusuri noong 2011 at 2012, kailangan na itong mapalitan nang tuluyan.
Pinag-aralan natin ang mga dapat gawin para sa rehabilitasyon at pagpapaunlad nito: Papalitan ang anim na rubber gates, at magkakabit ng mga sprinklers para sa rubber gates, para humaba pa ang lifespan nito. Sisimulan ang rehabilitasyon ngayong Mayo, at target nating makumpleto [sa] Agosto 2017. Pag natapos ito, inaasahang mapapatubigan ang buong 26,791 hectares na kasalukuyang service area ng Angat-Maasim River Irrigation System, mula 23,068 hectares lamang na napapatubigan nitong nakaraang cropping season. Tinatayang 23,700 na magsasaka ng Bulacan at Pampanga ang makikinabang dito.
Batid rin po natin na kapag tag-ulan, Bulacan ang isa sa pinaka-naaapektuhan ng pagbaha. Tinugunan din natin ito para hindi maapektuhan ang inyong kabuhayan: Nagpatayo tayo ng mga imprastruktura at mga proyekto para maibsan ang perwisyong dala nito.
Ang inilaan po natin para sa flood control projects dito sa Bulacan mula 2011 hanggang 2016, nagkakahalaga ng P3.41 bilyon. Kasama na rito ang ginagawang Valenzuela-Obando-Meycauayan (VOM) flood control project. Ang kuwento sa atin ni Manong Willie, noong araw, maski high tide lang o kahit konti lang ang pag-ulan, binabaha na agad ang mga barangay. Sa ilalim po ng inyong flood control project, nagpapagawa na tayo ng flood control wall para maiwasan ang perwisyo. At ang balita sa atin ni Manong Willie ay sa kasalukuyan, napapakinabangan na po itong flood wall na ito.
Bahagi ng layunin nating mailayo kayo mula sa peligro ng pagbaha, ipinapatupad na rin natin ang Project NOAH. Dito sa inyo, nakapag-install na tayo ng dalawang Automated Rain Gauges at sampung Water Level Monitoring Stations. Saklaw na rin ang Malolos, Meycauayan, at San Jose del Monte ng FloodNET, na nagbibigay ng rainfall forecast at warning upang agad na makalikas ang ating mga kababayan sa oras ng panganib.
Ilan lang po ang mga programang ito sa mga ginagawa natin sa Bulacan. Sa nakalipas nga pong halos anim na taong pagtahak sa Daang Matuwid, talagang malayo na ang narating ng inyo pong lalawigan.
Siyempre, hindi po magiging posible ang lahat ng ito kung wala ang pakikipagtulungan ng ating mga ahensya. Special mention po sa masipag at maaasahan parating Secretary Babes Singson ng DPWH, [palakpakan] MWSS Administrator Gerry Esquivel, [palakpakan] NIA Administrator Florencio Padernal, [palakpakan], gayundin sa ambagan ng pribado at pampublikong sektor, pati na ang suporta at tiwala ninyo, ang aking pong mga Boss. Kaya sa inyong lahat po, maraming-maraming salamat. [Palakpakan]
Baka po may nagtatanong: Itong mga tagumpay nating nabanggit, paano ba natin napagtagumpayan? Simple lang po: Ang ginawa natin ay ibinalik natin ang gobyernong tunay na nagmamalasakit at kumakalinga sa kapwa. Wala po tayong sinayang na pagkakataon, tinututukan natin ang inyong pangangailangan, at tinutugunan ito, di bukas-makalawa, kundi dapat, now na. Ang maganda: Nakakapaghatid tayo ng benepisyo sa ating mga Boss nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss, maliban sa Sin Tax.
Gayumpaman, lahat po ng ating mga pinaghirapan, alam niyo, puwede pong maglaho na lang, lalo na kung mali ang pamamalakad ng susunod na mga pinuno ng bayan. Sa darating na halalan, nasa inyo pong mga kamay kung magtutuloy at lalawak ang magaganda nating nasimulan.
Bilang Ama ng Bayan, obligasyon kong gabayan kayo sa tamang landas. Ang akin lang po: Suriin nating mabuti ang mga kumakandidato sa bansa. Sa akin, mata sa mata, masasabi ko sa inyo kung sino ang may integridad, may kakayahan, at tunay na inuuna ang bayan bago ang sarili. Walang iba po kundi ang tambalang Matuwid: si Mar Roxas at si Leni Robredo. [Palakpakan]
Kayo na po ang testigo, magkakarugtong ang lahat ng proyekto natin at nakatutok sa iisang layunin: ang iangat pa ang antas ng pamumuhay ng ating mga Boss. Ngayon, narito na tayo sa mas mataas na lunsaran. Puwede na muling mangarap, at mas mataas na ang kapasidad nating gawin itong realidad. Sa patuloy nating ambagan at malasakit, tiwala akong abot-kamay rin natin ang katuparan ng matatayog pa nating mithiin.
Mamaya ho sa paglabas niyo, meron hong mga display ang MIA. Pakitignan niyo po yung before and after. Yung irrigation canal noong araw, may backhoe, hinukay, tapos bahala na si Batman. Parang nagpatubo o ginawa nating taniman yung irrigation canal. Ngayon po, nililinya na nang husto, namementena na nang maayos, yung tubig ay natututok natin kung saan dapat talaga ang pangangailangan.
Dito nga ho sa ating bagong administrator—alam niyo, aminin ko—isa sa na-appoint natin na nauna sa kanya, hindi ako natuwa talaga. Bigyan ko kayo ng sampol kung bakit hindi tayo natuwa: Meron hong isang taon na anibersaryo nila at ipinakita sa akin na pag yung rehabilitation [at] maintenance, ang goal nila ay ito, at ang nagawa nila ay doble ng goal. Di ba dapat pupurihin? Ang problema ho, yung new, masuwerte nang umabot ng 60 percent. Sabi ko, “Bakit ang galing-galing niyo sa rehabilitation, ang hina niyo sa new?” Siyempre yung “new,” gumawa ng canal; may canal o wala, mahirap itago. Yung rehabilitation, nag-dredging—hindi ko na kailangan ituro sa inyo, si Manong Pedro, alam lahat yun. Siya nagturo sa atin ng kalokohan diyan.
Ito, sabihin natin, basta isang araw, anibersaryo nila, tinanong ko, “Bakit ganito?” Susunod na araw, sinagot ako. At ang sagot sa akin ay simpleng-simple—yung bakit raw sila nahuli nang 40 percent? Dahil ang mga proyekto raw po nila, 40 percent para sa Mindanao. E dumating ang Bagyong Pablo, kaya na-delay lahat. Sabi ko, “Ganoon ba?” So pina-check ko kay Atty. Delantar, ang aking assistant. “Paki-check mo nga. Alam ko yung Pablo, dumating ng Disyembre.” Totoo nga ho. Sa second week ng December dumating si Pablo, kaya yung 40 percent na gagawin nila, sa last two weeks ng Disyembre. Doon po yung Pasko, doon po yung Bagong Taon, doon gagawin yung 40 percent. Sa Aguinaldo Room pa ho sa Malacañang, doon siya nambobola. Kaya sabi ko noong hapon, “Kailangan ngayong hapon, goodbye na yan.”
Tingnan lang po natin yung pinagkaiba. Problema po natin sa Pilipinas, simpleng-simple sa larangan ng tubig. Pag tag-ulan, dalawampung bagyo, 20 typhoons a year ang dumadalaw sa atin. Kung maiipon nating yang tubig na yan, magagamit natin sa tag-init, ayos tayo. Yung sitwasyon niyo kanina, binanggit ni Manong Willie, sa Bulacan, pag tag-ulan, rumaragasa, pag tag-init, wala.
Sa Tarlac ho, palagay ko, mas klaro yun. Tarlac City, puntahan po niyo, tag-ulan, talagang rumaragasa, sinisira yung pampang; tag-init, hindi mo aakalaing ilog siya dahil walang katubig-tubig, ni konting patak. Kung mama-manage natin, maipon pag tag-ulan, ipamudmod pag tag-init, e di talaga namang ang laking tulong sa ating mga Irrigators Association. Talagang mapapayabong ang kanilang ani, at yun po ang tinatalakay natin talaga.
Ngayon, hindi ko masabi sa inyo sa umpisa na perpekto ako, nakuha natin yung tama dapat nating makasama. Ngayon po ay mas mataas na ang kumpiyansa kong ginagawa ang dapat magawa. Pero yun na nga ho, ulit-ulitin ko lang, may pinagdaanan tayong ganoon ang sistema. Baka balikan natin pag nagkamali tayo, tapos lalo tayong iiyak. Ngayon ho, iba na ang sitwasyon. Nasa atin pong kamay na panatilihin ang pagbabagong ito para maging permanente.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyo.
