President Aquino meets with the local leaders and community in Parañaque

Talumpati

ng

Kagalang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa kanyang pakikipagpulong sa mga lokal na pinuno at pamayanan ng Parañaque

[Inihayag sa Redemptorist Road, Baclaran, Lungsod Parañaque, noong ika-6 ng Mayo 2016]

Nabanggit ko nga ho, noong araw, si Dr. Olivares, nagpapa-training sa akin sa tennis. Kaya aaminin ko po, dinatnan ko yung panahon na yung Parañaque ay maraming asinan. Bakit natin napag-usapan yung asinan? Alam ho ninyo, isa sa mga nagawa natin sa Daang Matuwid—nirereport sa atin ni Babes Singson—may problema kayo sa baha. Kaya naman ang ibinuhos na pondo raw dito para sa pagsasaayos ng Parañaque River, kasama po diyan yung drainage system, clearing, slope protection, humigit-kumulang daw pong P1.26 billion. [Palakpakan]

Magreport na rin po ako sa inyo dahil magpapaalam na rin po ako. Mga 55 days na lang po ako sa puwesto, tapos puwede na po akong mamili dito sa Baclaran, puwede na ho akong dumalaw sa iba’t iba ninyong lugar dito. Hindi na ho ako nagmamadali pag dadalaw ako dito.

Sa infrastructure po, ang budget ng Parañaque, 2005 hanggang 2010, umabot po sa halagang P930 million. Ngayon po, sa inyong pahintulot na naupo bilang Pangulo ninyo: P2.18 billion po ang naihatid na natin sa Parañaque. [Palakpakan]

Kanina po, naabutan natin ang mga nagte-testify sa 4Ps program. Nagulat naman ako, ang Parañaque, hindi ganoong kalayo sa Malacañang, sa DSWD. Noong 2010 po, isipin ninyo, ang miyemro ng 4Ps na tinutulungan sa Parañaque ay wala. Zero pala nung 2010. Ngayon po, nasa 8,059 households na po ang natutulungan natin. [Palakpakan] Kabilang po iyan sa 4.6 million na 4Ps beneficiaries sa buong bansa.

Sa PhilHealth po, ang report sa atin sa Parañaque: 609,543 na po ang miyembro, kabilang ng 93 million sa buong bansa. [Palakpakan]

Dito po sa National Capital Region, alam niyo, may nangangakong pag naupo siya, three to six months daw ho, walang nang krimen sa Pilipinas. Narinig na ba ninyo yung nangako non? Noong araw ho iyon, kasi bago na yung pangako niya. Babawasan na lang daw. Siya ang nangangako, si Mar Roxas po, ginawa na. Alam niyo, inumpisahan niya yung programang Lambat-Sibat. Ano bang ibig sabihin noon? Kumuha ng datos, kunwari, saan ba maraming isnatser? Doon pinadala yung mga pulis, naglalagay ng mga CCTV camera at iba pang equipment. Kung saan maraming krimen, doon natin itinatalaga yung mga pulis para matahimik yung lugar.

Yung “Sibat” na parte ho diyan, may kasamang tinatawag na One Time, Big Time. Maraming wanted. Maraming pinagtataguan. Sa isang lugar, mayroon kang aarestuhin, may dalawa kang warrant of arrest, isa lang ang hinuli mo. Yung iba, matutunugan, “Uy, mainit ang pulis. Magtago tayo sa ibang lugar.” Yung ginawa ng One Time, Big Time, sa bawat lugar, minsanan ise-serve yung search warrant para wala nang matitimbrehan na mainit ang pulis. Resulta po niyan: 2,389 sa most wanted sa National Capital Region, arestado na po, nililitis na at nakakulong.

Ano po ang epekto niyan? Ang most wanted, kadalasan, ito yung pasimuno ng grupo nila. Pag wala yung mando, wala na po yung galamay, hindi na makakilos. So iyon po ang ginawa ni Mar Roxas, ginamit niya ang siyensya, ginamit niya ang makabagong equipment. Ang resulta po: Itong Abril, 75 percent po ng mga krimeng naitala ang ibinaba. 25 percent na lang po ang dami kung ikukumpara natin doon sa 2014, kung kailan inumpisahan yung programa.

Huwag ho kayong mag-alala, hindi ho ako kandidato. Ang sabi sa akin ng nanay ko, “Pag hindi ka kandidato, huwag kang masyadong mahaba magsalita.”

Ngayon ho, ano ba ang pakay ko sa inyo ngayong gabi? Siguro mga tatlong linggo na akong tinatanong, bakit daw ho sa mga survey na lumalabas, ang nangunguna ay yung baliktad na baliktad doon sa itinulak natin sa Daang Matuwid? Ilan sa atin dito ang napag-isip: Bakit nga ba nangunguna itong baliktad na baliktad? Isipin po ninyo, ako, bago ako naging Pangulo, tinanong ako sa kalusugan ko, pinilit kong sagutin nang buong-buo, umabot hanggang sa ano ba ang iniinom mong gamot, pati vitamins ko, sinabi ko kung anong brand. Dito ho, tinanong itong kandidatong ito, dahil pumasok sa ospital, kakaumpisa lang ng kampanya. “Puwede ho bang makita ang medical records ninyo?” Ang sagot niya, “Ano ako sira? Ipapakita ko sa inyo? Tama ho ba? O ako lang ang nakapanood ng tv noong araw na iyon?

Sabi, “Ang dami mong pera. Ang layo doon sa inaangkin mo.” “Hindi totoo iyan! Ipapakita ko sa inyo ang mga passbook ko.” Ipinakita, namili pa ng pahina. Di ba yung passbook, makikita natin lahat ng transakyon. Parang may ipinakita kang parang wala rin. Isang sagot pang nabasa ko, “Wala ho sa SALN ninyo ang akusasyon.” Sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth, kailangan mong ilagay lahat doon: ari-arian mo, saka mga utang mo, at kung ano yung neto. Sabi niya, “Ang nakalagay diyan, as of this date. Eh yung date na iyon, nagastos ko na lahat iyan kaya di ko na kailangang ilagay.” Pero malayo ho yata sa inaangkin niyang simple siya at walang-wala siya. Aabutin ho tayo nang [matagal] pag binulatlat natin lahat ng sinasabi niya.

Simplehan na lang natin. Thirty years po bago ng taon na ito, nagkaroon tayo ng EDSA Revolution kung saan pinatalsik natin ang diktador, nabawi natin ang demokrasya natin. Si Doc, alam ho iyan. Si Edwin, alam iyan. At dito sa mga nakikita ko, palagay ko marami sa ating nakakaalam niyan. Ngayon, tinanong siya noong April 29, sabi sa kanya ng nag-iinterview, napanood natin sa Channel 7, sa GMA, sabi ng nagtatanong, “Sabi ni Senator Trillanes,”—tinanong kasi si Senator Trillanes—“Ano ang gagawin mo pag nanalo si Mayor Duterte?” Ang sagot raw ho ni Senator Trillanes, “Iiimpeach ko siya. I will move to impeach him.” So tinanong ho si Mayor Duterte, “Ano ho ang gagawin ninyo pag inimpeach kayo?” Ngayo ho, baka sabihin ng iba ay naglalagay ako ng salita sa kanyang bibig, pinakuha ko po yung palitan para ibahagi ko sa inyo.

Una pong parte: On Trillanes saying he will move to impeach him. “Eh pag-iimpeach ako sabi ni Trillanes, eh di sarahan ko yung Kongreso. Eh di wala nang mag-iimpeach sa akin.” Ako lang ho ba ang nanood ng tv noong araw na iyon? Palagay ko hindi.

Bakit po ba may poder ang Kongreso na mag-impeach? Sistema po natin, yung poder, hinati sa tatlong sangay ng gobyerno. Ako po, bilang Presidente, Chief Executive, tagapatupad ako ng batas. Yung Judiciary naman po, binabantayan yung Legislature saka yung Executive na dapat sumusunod tayo sa mga batas. Pag may nang-abuso po, yung Legislature, puwedeng iimpeach yung member ng Supreme Court, puwede iimpeach yung Presidente. Ibig sabihin po niyan, hinati yung poder, tabla-tabla tayo, co-equal, para walang posibilidad na may mang-aabuso. Pag tinanggal mo ang Kongreso, sino ang magche-check and balance? Ngayon, puwede bang gawin ng Presidente na ipasara ang Kongreso? Sasabihin ng matatanda sa atin, “Oo, puwede. Ginawa ni Marcos iyan.” Noong araw. Iba ho yung Saligang Batas.

Tingnan ho natin yung 1987 Constitution, maghanap kayo. At pupusta ako sa inyo, mapupunit na yung pahina, wala kayong makikita doong karapatan ng co-equal branch na bawasan o ipasara yung ibang branch.

Ako po ay hindi abogado, pero naging mambabatas, at ngayon po ay tagapatupad ng batas, kailangan kong pag-aralan. Siya ho, si Mayor Duterte, abogado, naging prosecutor pa ho iyan, tinanong siya ulit on whether he would violate any law should he choose to abolish Congress once he wins. Sagot po niya, “What do you mean by law? Lahat ng…” Tapos hindi ho maliwanag yung idinugtong. “All law, erase diyan pag ikaw ang nanalo. Pag natalo ka, patay ka. Every revolution that succeeds, siya ang tigas. He now becomes the authority. Eh siya na yung… Tingnan mo si Marcos, pero sa kanya, Martial Law iyon. Iba yon.”

Alam niyo, pati yung parteng iyon, “Si Marcos, Martial Law, iba yon,” pag binasa po nating ang Saligang Batas nating kasalukuyan, kung ako, araw na ito, nagdeklara ako ng Martial Law, two days from now, kailangan pong pumunta sa Kongreso, ipaliwanag kung bakit ko sinampa ang Martial Law. Titingnan ng Kongreso ang dahilan, pag hindi natuwa ang Kongreso sa dahilan ko, puwedeng i-lift yung Martial Law. Dagdagan ko pa po, maski sinong mamamayang tutol sa Martial Law, puwedeng dumulog sa Supreme Court—nasa Saligang Batas po iyan—tatanungin sa Supreme Court kung tama ba ang pagsasampa ng Martial Law. At puwedeng sabihin ng Supreme Court, walang factual basis, puwedeng tanggalin na.

Nakalagay rin sa Salitang Batas na pag nag-Martial Law ka—di tulad noong panahon ni Marcos—may limitasyon, dalawang buwan. Puwedeng pahabain ng Kongreso, puwedeng igsian ng Kongreso. Kaya pag sinarado mo ang Kongreso, saan tayo dudulog pag nagkaroon tayo ng Martial Law? Pag-isipan lang po natin iyan.

Meron pa hong tanong doon: On whether his plan to abolish Congress is a form of dictatorship? Sagot raw ho, “Wala, wala. Ako na ang Congress, ako na ang Presidente, diktador ka talaga. Sabihin ng congressmen, ‘Bakit mo naman kami isasara?’” Tapos nagmura. “Impeach-impeach kayo diyan.” Nagmura ulit. “Maniwala naman kayo sa ugok na iyan.”

Kung nanonood tayo sa tv, di natin gusto yung programa, lipat tayong channel. Pag ito ho naupo, lipat tayong channel, sana six years after 2016. Eh paano yung six years papunta ng 2022? Ngayon, tinanong ako, “Bakit siya lumalamang?” Sabi ko, “Tila yata yung gusto ang ganyang estilo na iisa lang ang sikat, nagsama-sama sila. Ang problema naman natin, naghati-hati tayo.” Pag sinabing trenta porsyento sa kanya, saan yung 70 percent? Ang 70, kayang talunin yung 30, kung buo tayo. Tama ho ba?

Aminin ko po sa inyo, talagang pinag-aralan ko, hirap na hirap akong intindihin. Sabi nila, ang bansa raw natin, nasa krisis. Nasa isip ko, ano kayang krisis ang meron tayo ngayon? Yung problema po natin sa West Philippine Sea, noong nag-umpisa po ako, wala tayong kakampi. Medyo lang ho ang Vietnam. Ngayon ho, napakaraming bansa na ang tumutulong sa atin, sinasabing kailangan sundin ang batas—international law. Tayo, maliit na bansa kumpara sa katunggali natin. Tayo, wala tayong sandatang katapat ng sandata nila. Sa populasyon na lang po, 1.3 billion sila, tayo 100 million. Pag sinabi nilang baka tayo ang gumawa ng gulo, “Gagawa tayo ng gulo? Maski sa suntukan na lang, 100 milyon tayo, 1.3 bilyon sila, pitikan na lang ng tenga at ilong, paano tayo mananalo?” Tama ho ba?

Siyempre, kailangan nating maghanap ng kakampi, at iyon po ang tinrabaho ko. Kayo na po ang testigo. Ang daming nagsasalita, sinusuportahan ang posisyon natin na ang pagsasaayos ng problema diyan, idaan natin sa mapayapang paraan kaalinsunod ng international law. Kaya dinala na po natin sa arbitration ito, kaya tinatrabaho natin sa ASEAN.

Ito naman pong nangunguna raw sa survey ngayon, noong may joke na hindi matanggap ng maraming tao, inaway ang Amerikang may defense treaty tayo. Inaway yung Australia. May nabasa pa akong “Titingnan natin yang treaty, baka dapat tanggalin na iyan.” Kahirap-hirap ko hong maghanap ng kakampi, inaway naman nang inaway. Paano tayo kakampihan ng mga inaaway? O ngayon, pag wala na tayong kakampi, hamunin tayo ng pitikan ng ilong, gaano katagal tayo tatagal?

Mga kapatid, alam ho ninyo, hindi ninyo maaalis sa akin, dose anyos ako noong pumasok ang Martial Law. Natulog ako noong gabi bago ang Martial Law, ang tatay ko nasa bahay namin, umalis para magtrabaho. Noong gabi, dumating na lang yung bodyguard, sinabing inaresto ang tatay ko.

Pitong taon, pitong buwan ikinulong. Inasuntohan ba? Medyo matagal-tagal. Pagdating doon sa asunto, may korte raw. Ang korte, puro militar. Yung hukom, law member po ang tawag nila, militar. Yung presidente ng military commission, militar. Yung tagapagtanggol, militar. Yung tagausig, militar. Pag natapos silang magdesisyon, siyempre lahat niyan, merong kay Marcos na tangan na pag hindi natuwa, sesante ka na, resign ka na. Sino ang nag-akusa sa tatay ko ng mga krimen? Si Marcos. Kailan niya ginawa? One year bago ang Martial Law, naalala ni Doc yan.

Sabi ng tatay ko, “Ikaw ang Chief Executive. Sampahan mo ako ng kaso, trabaho mo yan kung meron akong ginawang krimen.” Sinampahan ni Marcos ng kaso ang tatay ko, hindi kaagad. Naghintay ng isang taon, noong sinampa ang Martial Law. Tapos, dinala sa korte na lahat ay siya ang nag-appoint.

Pagkatapos ng sistemang umiiral noon, sino ang titingin kung tama o mali ang desisyon? Si Marcos rin. Ang nag-akusa, si Marcos. Ang nagtalaga ng uusig, si Marcos. Ang titingin kung tama ang desisyon, si Marcos. Kaya ho nauso yung tawag na “lutong Macoy.”

Ngayon ho, sa mga nag-iisip, kailangan daw ng matigas na may malasakit. Tanong ko po sa inyo, ang tao, di ho ba, ay nilikha? Kung tao kang nilikha, siyempre, hindi ka puwedeng perpekto. Kung hindi ka perpekto, puwede ka bang gumawa ng perpektong desisyon parati? Imposible ho yata iyon.

Sa akin ho, sa Lunes, magbobotohan na tayo. Ang tanong ko po, simpleng-simple: Nag-umpisa tayo, halos walang itinirang badyet sa akin. Wala kang badyet, saan ka kukuha ng pantustos sa lahat ng pangangailangan natin? Nagtrabaho tayo para magkaroon tayo, may naipon tayo, para may magastos tayo. Tanong ko sa inyo: Masama ba na pinalawak natin yung 4Ps, mula 780,000, ngayon po, 4.6 million na? [Palakpakan] Masama ba na 47 percent ng PhilHealth, ngayon po, 93 million na po? Masama bang nakapagpagawa tayo ng 18,000 kilometro ng kalsada? Masama ba na mayroon tayong 107,500 lineal meters ng tulay? Masama ba na tinatawag na tayong “Asia’s Rising Star” kesa dating “Asia’s Sick Man”?

Noong ako’y congressman, ang pinaghahatian ng bansa—hindi naman ako ganoon katanda—8,000 classrooms. Pag may nauwi ka sa distrito mong walo, sampung classroom, aba, nagtrabaho ka. Pag nakauwi ka ng labindalawang classrooms, ang galing mo na. Ngayon po, matatapos hanggang sa susunod na taon, ang nagpatagal lang po, meron sa National Capital Region, mga urban centers, mahal yung lupa. Hindi na puwedeng one-storey, ginawang three, four, five-storey na classroom. Ang ginawa, ginagawa, matatapos by next year po, 185,000 classrooms sa buong bansa.

Yung pinalitan ko, sinabing wala na tayong classroom shortage, ang ginawa—kayo ho dito sa Parañaque naranasan ninyo—shifting. May pang-umaga, may panghapon. Pag minalas ka, yung anak mong elementary, may panggabi pa. Yung batang puyat, lalaking maayos. Ganoon ho ba iyon?

Tayo ho, pag sinabi nating kinumpleto natin, totoo. 185,000 classrooms, mali ba iyon? Importante, saan ba tayo pupunta? Ano ba yung sinasabi ni Paolo kaninang pati yung college? Noong nag-umpisa ho tayo ng 4Ps, hanggang grade school lang—iyon lang ang kaya eh. Pinalawak natin ng grade school. Ngayon, may study hong lumabas, pag yung bata ay nakatapos ng high school, ang dagdag na kikitain niya ay 40 porsyento po. Eh di patapusin na natin ng high school. Ngayon, kung makatapos pang kolehiyo, eh di siyempre, mas mataas pa ang kikitain niya. Hindi ko kami nagsabing bibigyan namin kayo ng trabaho, tapos nagpunta na lang kami kay St. Jude, “Sana ho magkatrabaho.” Hindi ho. Tinrabaho iyan.

Lumalaki ang ekonomiya. Pinakamalaki po ang average, 6.2 percent GDP itong panahong tayo’y nanungkulan. May bagong trabaho. Dito ho sa harapan natin, nakikita natin ang Entertainment City. Natapos yung pinakamalaki, kailangan ng trabahador diyan. Yung trabahador, hindi nakatapos ng grade school, hindi marunong mag-add at subtract, kulang sa Mathematics, matatanggap doon? Pero hindi tayo sa Mathematics lang nagpunta.

Kuwentuhan ko kayo ng dalawang kuwento: Meron hong kakabayan tayong taga-Pangasinan. Nayaya siyang magtrabaho sa Middle East. Pumunta ng Middle East, tapos siya ng accounting. Pagdating sa Middle East, pinalitan yung kontrata, ginawa siyang domestic helper, minaltrato. Pagkamaltrato sa kanya, tumakas po siya. Natulungan ng embahada, pinauwi sa Pilipinas, binigyan ng pamasahe pauwing Pangasinan. Sinabihan siyang “Merong mga programa para sa OFW. Baka gusto mong magsanay.”

Salaysay niya sa atin, gulong-gulo ang isip niya. Natural lang pagpunta doon, malamang umutang. Pumunta sa Middle East para gumanda ang buhay niya. Imbis na gumanda, lumala ang sitwasyon niya. Dati wala siyang utang, ngayon may utang na hindi natapos yung kontrata, paano niya babayaran? Sinabi ho sa aming nag-iisip na siyang magpakamatay. Naalala niya ngayon, merong training na ibibigay ang gobyerno. Kumuha ho siya sa TESDA, yung wellness hilot at saka massage therapy. Natanggap sa isang spa, magaling na empleyado, naging operations manager ng spa. Pagkatapos po noon, nagtayo siya ng sarili niyang mga spa. Apat na po ang spa niyang pag-aari, meron pang tatlo na frinanchise [franchise] niya doon sa amin sa Tarlac.

Dagdagan ko pa po: May isang ginang na nasa Pampanga, nagtestimonyal po siya katulad kanina. Sabi niya, “Ako, nanay ako ng pitong bata. Yung asawa ko, iniwan ako. Ang trabaho ko ho, patinda-tinda.” Kayo ho, baka mas naiintindihan ninyo ang Tagalog, ako po ay Kapampangan. Di ba pag “patinda-tinda” ay hindi permanente. Minsan may itinitinda, minsan wala. Pag walang itininda, walang kikitain. Pag walang ititinda, lalo nang walang pag-asang kitain.

Sabi niya, “Miyembro ako ng 4Ps. Dahil sa 4Ps, tatlo sa anak ko napatapos ko na, permanente na ang trabaho ngayon. Regular na empleyado sila. Katulong ko na sa apat ko pang anak na pinag-aaral.” Isipin po natin, kunwari yung nanay na yan ay lumapit sa atin, sinabi, “Tulungan naman po ninyo ako. Pito ang anak ko, hindi ko mapakain.” Kunyari, tulad ninyo akong binata, may konting naitatabi, makakaya kong bunuting sa bulsa kong mapaaral yung isa. Pero dito po, napaaral natin, napa-graduate yung tatlo na. At malamang, yung apat po ang mga bagong nandoon.

Ngayon ho, hindi naman ako nilapitan na bumunot sa bulsa ko, tayong lahat, walang nilapitan sa atin ang mga benepisyaryo ng 4Ps para matulungan sila. Pero ngayon nga ho, 4.6 million na kabahayan ang tinutulungan natin, ang resulta: 7.7 million po ang naiangat na doon sa poverty level. [Palakpakan] Babalik na naman tayo: Mali ho ba iyon?

Ang punto ho nito: Yung tinulungan nating grade school, baka nasa high school na ngayon. Nilawakan natin yung programa noong 2014 para tulungan na rin yung nasa high school. Ngayon, ipagpatuloy natin na lumaki ang ekonomiya natin, si Mar gawin nating Pangulo, puwede na nating tulungan hanggang kolehiyo. Yung dating walang trabaho, binigyan natin ng kakayahan para may pagkakataong mapaganda ang buhay. Hindi ako tumayo sa inyo noong 2010, “Iupo ninyo ako, gaganda lahat ang buhay ninyo.” Ang sabi ko sa inyo noon, “Gagarantiyahan ko, isasagad ko lahat ng oportunidad ninyo para gumanda ang buhay ninyo.” Dahil pananaw ko po sa inyo, partner ko kayo. Hindi kayo iba sa akin, hindi ko kayo uutusan. Kayo ang Boss ko, kayo ang nag-uutos sa akin.

Ngayon ho, babalikan ko lang. Tinanong nga ako, “Bakit ba yung magdidikta sa atin ang nangingibabaw?” iyon nga ho, parang naghati-hati tayo. Gusto ba natin na isang tao na lang ang parating nasusunod? Gusto ba natin na wala na tayong karapatan kung hindi “Bow. Tama ka”? Tayo ba’y hindi pa natuto doon sa lagim ng Martial Law na bibigyan natin ng pagkakataon sa ating ulitin sa atin ito?

Pero ang mabigat pa nga ho, yung Martial Law, hindi na puwedeng gawin na ganoong klase dahil doon sa Saligang Batas. Baka ho ang ideklara sa atin, State of Emergency, na wala hong nakalagay na Saligang Batas na alituntunin na State of Emergency. Puwede na namang mag-imbento ng kung ano-anong pahirap sa atin. Magagawa ba iyan? Kung papahintulutan natin. Saan nanggagaling ang poder? Sa inyo. Paano natin ipinapakita iyan? Eleksyon.

Sa Lunes, boboto tayo. Mula ngayon, hanggang sa Lunes pagpasok natin sa presinto, sana bago tayo gumuhit sa ano man, pag-isipan natin. Bago tayo pumasok man lang, pinag-isipan kong mabuti kung sino ang karapat-dapat. Gusto kong masabi sa susunod na henerasyon na hindi ako nagkulang sa kanila. Na talagang pinag-isipan ko kung sino ang pinakamakakabuti sa kanila. Na talagang nakibahagi ako sa pagpapaganda ng ating lipunan. Iyon ang ipinangako ko sa inyo, di ba? Bigyan ninyo ako ng pagkakataon, ang iiwan ko sa inyo, di hamak na mas maganda sa dinatnan ko. At kayo na ho ang magsasabi kung tumotoo ako o hindi.

Kung tumotoo ako at nakikita ninyong maganda ang nangyayari sa ating bansa, na nakikita ninyo na lalo pang puwedeng gumanda ito, tulungan naman ninyo ako. Ang boto ko, pareho ninyo. Tigi-tigisa lang ang bilang noon. Kayo ho ang magsasabi kung saan tayo pupunta. [Palakpakan]

Balikan ko, si Edwin magaling. Sigurado na. Ang problema lang nga ho, baka si Edwin hindi suportahan ng nasa taas. Ano ang mangyayari kay Edwin? Ano ang mangyayari sa inyo? Paano naging tama na iisang tao lang ang tama, isang tao lang ang magaling, isa lang ang anak ng Diyos?

Napag-isip ko ako talaga, kung kailan pa anibersaryo ng kalayaan natin, doon pa tayo magkakaroon ng panganib na ganito. Ayokong masabi ninyong nagkulang ako sa inyo, kaya nandito ako ngayon. Ipinapaliwanag ko sa inyo ang sitwasyon. Pero tulad noong EDSA na nagtipon-tipon tayo at nagsabi tayong “Tama na,” tulad noong 2010 na “Babaguhin natin itong lipunang ito,” ngayong 2016, may pagkakataon tayong yung pagbabago, gawin na nating permanente. Nasa inyong mga kamay po iyan. [Palakpakan] At talaga naman po, wala akong ipinagmamalaki. Sa lahat ng hamong hinarap ko, halos anim na taon, paano natin nalaktawan? Kumpiyansa akong nasa likod ko kayo.

Magsama-sama pa rin po tayo dahil talagang ngayon, may panganib po ang ating kinabukasan. May panganib po na lahat ng napagtagumpayan natin, masakit kung mayu-u-turn tayo at balik tayo sa dati. Wala hong makikinabang doon kundi iilan. May mang-aapi na naman sa atin.

Magandang gabi po. Maraming salamat sa inyong lahat.