President Aquino at the ceremonial unveiling of the Angat Water Transmission Improvement Project

Talumpati

ng

Kagalang-galang Benigno S. Aquino III

Pangulo ng Pilipinas

sa seremonya ng pagpapakilala ng Angat Water Transmission Improvement Project

[Inihayag sa Norzagaray, Bulacan, noong ika-26 ng Mayo 2016]

Hanggang sa mga huling sandali ng ating termino, narito po tayo, tuloy ang daloy ng serbisyo para sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Patunay dito ang pagtitipon natin ngayong hapon para sa unveiling ng Angat Water Transmission Improvement Project.

Sa halos anim na taon po natin sa Daang Matuwid, alam na ninyo ang ating estilo: Pinag-aaralan natin nang husto ang mga problema, nang sa gayon ay matukoy natin ang tamang solusyon para sa mga ito.

Anong problema ba ang tinutugunan ng proyektong ito? Nagkaroon po tayo ng pagsusuri sa Umiray-Angat-Ipo system, partikular na sa Tunnels 1 to 3, at Aqueducts 3 to 5. Ang natuklasan po natin: Ang mga tunnels ay marupok na dahil sa kalumaan, kaya kailangan nang patibayin. Ang aqueducts naman, may tagas na. Ang leakage po raw nito, tinatayang nasa 2.2 cubic meters per second, o nasa 5 percent ng total water flow. Maraming tubig po ang nasasayang dito, na dapat sana buong natatanggap ng ating mga Boss ang serbisyo. Ang atin pong solusyon: Magtatayo tayo ng panibagong tunnel para maisaayos ang mga pasilidad; at ang maganda pa po, gagawin natin ito sa paraang hindi maaantala ang supply ng tubig sa Metro Manila at mga karatig nitong lugar.

Saklaw nga po ng proyekto ang pagtatayo ng isang 6.4 kilometers na tunnel mula Ipo Dam hanggang Bigte Basin, o ang tinatawag na Tunnel 4. Magbibigay-daan ito sa halinhinang pagsasara ng Tunnels 1 to 3 at Aqueducts 3 to 5, habang sila naman ay sinusuri at isinasaayos. Oras na makumpleto, magkakaroon ng kapasidad ang Tunnel 4 na maghatid ng 1,600 million liters ng tubig kada araw. Sa kabuuan, masisiguro ng proyektong ito na mayroong sapat, malinis, at maaasahang supply ng tubig mula sa Angat Dam para sa tinatayang 14 milyong residente ng Metro Manila, at iba pa nating mga kababayan sa bahagi ng Rizal, Bulacan, at Cavite.

Noong ika-29 ng Mayo noong 2014 po naaprubahan ng NEDA Board ang proyektong ito, na pinopondohan naman ng Asian Developement Bank sa halagang P3.3 billion. Ngayong buwan, sisimulan na ang detailed design at iba pang pre-construction activities para sa pagtatayo nito, at inaasahang makukumpleto ang proyekto sa Setyembre ng taong 2020. Lahat naman ng ito, bahagi lang ng tinatawag nating Water Security Legacy Program, para siguruhin ang malawakan, episyente, at pangmatagalang serbisyo ng patubig sa ating bansa. Pagkatapos ang Angat Water Utilization and Aqueduct Improvement Project Phase 2, kung saan nagtayo ng bagong aqueduct at tinapalan ang tumatagas na tubig sa isang aqueduct. Isinagawa na rin natin ang Angat Dam and Dike Strengthening Project, para naman patibayin ang istraktura at maging ligtas ito sa lindol at pagbaha. Para naman sa Bulacan Bulk Water Supply Project, nagtayo na tayo ng water treatment plants, pumping stations, at water reservoir para direkta ang pagsuplay ng tubig dito sa inyong minamahal na probinsya. Ang Kaliwa Dam Project naman, magsisilbing karagdagang pagkukunan ng tubig para sa Metro Manila.

Kita niyo naman po, magkakaugnay ang ating mga proyekto at nakaangkla sa iisang diwa: Ang tubig ay bukal ng buhay at mahalagang matugunan ang pangangailangang ito ng ating mga Boss.

Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng nagtulong-tulong para marating natin ang araw na ito. Siyempre po, sa mga bumubuo ng MWSS, sa pangunguna ni Administrator Gerry Esquivel, [palakpakan] di lamang para sa proyektong ito, kundi lalo’t higit, sa pagkayod upang maitaguyod ang bagong mukha ng kanilang tanggapan. Ang proyekto naman pong ito ay bahagi ng malawakan nating pagsisikap para lalong mapaarangkada ang Bulacan, kasama na ang National Capital Region.

Nariyan din ang pagbubuhos natin ng pondo sa imprastruktura: Para sa Bulacan po, mula 2005 hanggang 2010, sa ilalim po ng ating pinalitan, P5 bilyon po ang nailaan. Sa atin po, mula 2011 hanggang 2016, pumalo na po ito sa P19.04 bilyon—mahigit triple pong pagtaas iyan. [Palakpakan]

Para sa agrikultura, mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng P2.1 bilyon para sa farm-to-market roads at irigasyon.

Bukod dito, tinututukan din natin ang serbisyong panlipunan: Sa Pantawid Pamilya, ang dinatnan nating kabahayang benepisyaryo dito noong 2010, nasa 5,542 lang. Ngayon po, nasa 68,952 kabahayan na po ang natutulungan ng programa.

Sa kalusugan naman po, sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program: P141.83 million ang inilalaan natin para mapaunlad ang inyong barangay health stations, rural health units, urban health centers, at mga ospital. Habang sa PhilHealth po, nasa 2.47 milyong indibidwal na po saklaw sa Bulacan.

Kita naman po ninyo, sa Daang Matuwid, ang Bulacan, hindi namin kailanman nakaligtaan. [Palakpakan]

35 araw na nga lang po, bababa na tayo sa puwesto. Sa paglipas ng panahon, di po mawawalay sa aking isip ang mga tagumpay na tulad nito, kung saan talagang nagpapamalas ng bayanihan at malasakit sa isa’t isa ang mga Pilipino, para makamit natin ang ating kolektibong mithiin.

Sa halos anim na taon nating pagkakapit-bisig sa pagbagtas sa Daang Matuwid, ipinakita natin sa buong mundo ang kayang makamit ng nagkakaisa at nagtutulungang Pilipino. Hanggang sa huli po, isang napakalaking karangalan para sa akin ang makapaglingkod sa ating Inang Bayan, at sa ating dakilang lahi.

Maraming salamat po at magandang umaga sa inyong lahat.