Read in English

Nilalaman:

  • Panimula
  • Ang Korte Suprema
  • Ang Punong Mahistrado

Panimula

Ayon sa Artikulo VIII, Seksyon 1 ng 1987 Konstitusyon, ang kapangyarihan ng Hudikatura ay nakasalalay sa Korte Suprema (Supreme Court) at mga mababang korte (lower courts). Katungkulan nitong desisyunan ang mga pagtatalo hinggil sa mga karapatang ipinagkaloob ng batas sa bawat mamamayan. Pagpapasyahan ng mga korte ng Hudikatura kung napagkait o nalabag ang legal na karapatan ng isang partido, at maaari itong gumawa ng mga hakbang upang maibalik ang karapatang ito sa mananalo sa kaso.

May tinatamasang pagsasarili ang Hudikatura sa aspekto ng pananalapi. Hindi maaaring bawasan ng Lehislatura ang pondo nito nang mas mababa sa pondo nito noong nakaraang taon (Artikulo VIII, Seksyon 3).

Mga Batas at Pamamaraan

Ang inamyendahang Rules of Court of the Philippines at ang Rules and Regulations na iniisyu ng Korte Suprema ang nagtatakda ng mga susunding tuntunin at pamamaraan ng Hudikatura. Ang mga batas na ito ay nasa anyo ng mga:

  • usaping pampangasiwaan (administrative matters)
  • kautusang pampangasiwaan (administrative orders)
  • palibot-sulat (circulars)
  • memorandum sirkular (memorandum circulars)
  • kautusang memorandum (memorandum orders)
  • at sirkular ng Office of the Court Administrator (OCA circulars)

Ipinamamahagi ng Korte Suprema ang mga kasulatang ito sa lahat ng hukuman. Inilalathala din ang mga mahahalaga sa mga pahayagan, inililimbag bilang aklat o polyeto, at inilalagay sa website ng Korte Suprema at kanilang E-Library upang makita maging ng publiko.

Paghirang sa Hudikatura

Sa bisa ng Artikulo VIII, Seksiyon 8, ang paghirang sa mga miyembro ng Hudikatura ay ginagawa ng Pangulo ng Pilipinas. Pumipili siya batay sa listahang isinumite ng Judicial and Bar Council na nasa ilalim ng pamamahala ng Korte Suprema. Ang pangunahing tungkulin ng Judicial Bar Council ay salain ang mga kandidato sa kahit anong posisyon sa Hudikatura. Binubuo ito ng Punong Mahistrado bilang bilang ex-officiong tagapangulo, Kalihim ng Katarungan at mga mambabatas ng Kongreso bilang ex-officiong miyembro, kasama ang isang kinatawan ng Integrated Bar, isang retiradong kasapi ng Korte Suprema, at isang kinatawan ng pribadong sektor bilang mga miyembro.

Philippine Judicial Academy

Ang Philippine Judicial Academy (PHILJA) ay ang paaralan kung saan sinasanay ang mga mahistrado, hukom, kawani, abogado, at iba pang nagnanais maging bahagi ng Hudikatura. Orihinal itong binuo ng Korte Suprema noong Marso 16, 1996 sa bisa ng Administrative order No. 35-96, at pinagtibay noong Pebrero 26, 1998 sa pamamagitan ng Republic Act No. 8557. Walang kahit sinuman ang maaaring mag-umpisa ng kanyang tungkulin sa Hudikatura nang hindi natatapos ang kinakailangang pagsasanay sa loob ng akademya.

Philippine Mediation Center

Ang Philippine Mediation Center ay binuo sang-ayon sa Supreme Court Resolution A.M. No. 01-10-5-SC-PHILJA, na inilabas noong Oktubre 16, 2001. Kahanay ito ng layunin ng Action Program for Judicial Reforms (APJR) na bawasan ang pagpapatong-patong ng mga kasong nakasampa sa korte, kasama ng iba pa; kahanay rin ito ng mga alituntuning nagtatatag at nagpapatupad ng programang tagapamagitan sa Pilipinas.

Binuo naman ang Mandatory Continuing Legal Education Office upang ipatupad ang mga batas na inoobliga ang mga miyembro ng Integrated Bar of the Philippines na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa larangan ng batas (B.M. No. 850 – “Mandatory Continuing Legal Education”). Ang opisina nito ay makikita sa punong tanggapan ng Integrated Bar of the Philippines.

Katarungang Pambarangay

Noong Disyembre 11, 1978, ipinatupad ang Presidential Decree No. 1508, o ang Batas Katarungang Pambarangay, na siyang naglatag ng sistema ng mapayapang paglutas ng mga pagtatalo sa nibel pa lang ng barangay. Nagsaad ang dekretong ito at ang Local Government Code ng mga panuntunan upang sundin (Titulo I, Kabanata 7, Seksiyon 339-422). Layunin ng sistemang ito ang pagsusulong ng mabilisang pagbibigay-katarungan sa pamamagitan ng pagbawas sa patong-patong na mga kaso sa korte. Hindi kikilalanin ng korte ang isang kaso kung hindi muna ito idinaan sa Katarungang Pambarangay.

Alternative Dispute Resolution System (ADR)

Pinasimulan ng Republic Act No. 9285 ang paggamit ng isang alternatibong sistema ng pag-aayos ng hidwaan, na magsusulong ng agaran at walang kinikilingang pagbibigay-katarungan at pag-aalis ng pagbabara ng mga kaso sa korte. Hindi makikialam ang ordinansang ito sa pag-ampon ng Korte Suprema ng kahit anong ADR system tulad ng mediation, conciliation, arbitration, o kahit anong kombinasyon ng mga nabanggit.

Ang Korte Suprema

 

Kasaysayan ng Korte Suprema

Ang Royal Audencia

Itinatag ang royal audencia noong Mayo 5, 1583. Binubuo ito ng isang presidente, apat na oidores (mahistrado), at isang piskal. Noong panahong iyon, magkasabay na isinagawa ng audencia ang tungkuling administratibo at hudisyal. Taong 1815, binago ang tungkulin at estruktura ng royal audencia nang ginawang Punong Mahistrado ang presidente at dinamihan ang bilang ng mga mahistrado. Kinilala ito bilang Audencia Territorial de Manila na may dalawang sangay, ang sibil at kriminal. Isang dekretong royal ang inilabas noong Hulyo 24, 1861 na ginawang purong lupong hudisyal ang Audencia, kung saan maaari lamang iapela ang mga hatol nito sa Korte ng España sa Madrid. Isang audencia territorial sa Cebu, at audencia para sa mga kasong kriminal sa Vigan ang nilikha naman noong Pebrero 26, 1898.

Himagsikang Pilipino at ang Unang Republika

Sa tatlong bahagi ng himagsikan: 1896-1897; 1898; 1899-1901, hinadlangan ng mga pangangailangan ng digmaan ang masinsing pagbubuo ng administrasyong pangkatarungan. Ang mga konseho ng Katipunan, na sinundan ng mga pansamantalang pamahalaan ng Tejeros, Biak-na-Bato, at Republikang Rebolusyonaryo sa Kawit, ay ipinaubaya kay Heneral Emilio Aguinaldo ang paglikha ng dekretong nagtatatag ng pansamantalang hukuman at pagsusuri sa mga apela hinggil sa mga hatol ng nasabing hukuman.

Isinaad ang pagkakaroon ng Korte Suprema ng Katarungan noong pinagtibay ang Konstitusyong Malolos, taong 1899. Iminungkahi ni Pangulong Aguinaldo ang pagtatalaga kay Apolinario Mabini bilang Punong Mahistrado, datapwat hindi kailanman naisakatuparan ang pagtatalaga at pagbubuo ng Korte Suprema ng Katarungan dahil sa Digmaang Pilipino-Amerikano.

Pamahalaang Militar ng Amerika

Noong Digmaang Pilipino-Amerikano, sinuspinde ni Heneral Wesley Merrit ang mga audencia noong itinatag ang isang pamahalaang militar matapos mahulog ang Maynila sa puwersang Amerikano noong Agosto 1898. Muling itinatag ni Major General Elwell S. Otis ang audencia noong Mayo 29, 1899 sa bisa ng General Order No. 20, na naglaan ng anim na Pilipinong kasapi ng audencia.

Pagtatatag ng Korte Suprema

Sa pagsisimula ng pamahalaang sibil, binuwag ng Act No. 136 ng Philippine Commission ang audencia at itinatag ang kasalukuyan nating Korte Suprema, noong Hunyo 11, 1901, kung saan si Cayetano Arellano ang unang punong mahistrado kasama ng mga katuwang na mahistrado—na karamihan ay pawang mga Amerikano.

Komonwelt: Pilipinisasyon ng Korte Suprema

Sa pagpapatibay ng 1935 Konstitusyon, itinaas sa 11 ang bilang ng mga miyembro ng Korte Suprema, nang may dalawang dibisyon na may tiglilimang kasapi. Ginawang Pilipinisado ang Korte Suprema sa inagurasyon ng Komonwelt ng Pilipinas noong Nobyembre 15, 1935. Binawasan naman ng Commonwealth Act No. 3 ang bilang ng mga bumubuo sa korte, kung saan pinamumunuan na lang ito ng isang punong mahistrado na may anim na katuwang na mahistrado.

Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang Ikatlong Republika

Noong kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ipinasa ng National Assembly ang isang batas na binigyan ng kapangyarihang pangkagipitan (emergency powers) ang Pangulong Manuel L. Quezon; Ang Punong Mahistradong Jose Abad Santos ng panahong iyon ay siya ring itinalagang Kalihim ng Katarungan at tumayong Pangulo ng Pilipinas sa mga lugar sa bansa na hindi pa nasasakop ng mga Hapones. Pagkatapos ng pagkakadakip at pagkamatay ni Abad Santos sa kamay ng mga Hapones, wala nang sistema ng hukuman ang Pamahalaang Komonwelt na nasa Amerika.

Sa kabilang banda, inorganisa ng mga Hapones ang Philippine Executive Commission sa mga nasakop nilang lugar noong Enero 8, 1942, na nagbigay-daan sa Ikalawang Republika noong Oktubre 14, 1943. Sa pagwawakas ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naibalik na ang karaniwang tungkulin ng korte, na nagsimula sa paghirang ng bagong Korte Suprema noong Hunyo 6, 1945. Pagsapit ng Setyembre 17, 1945, ang mga batas ng Ikalawang Republika ay idineklarang walang bisa; kinilala ito sa isang hatol ng Korte Suprema sa kasong Co Kim Cham laban kina Eusebio Valdez Tan Keh at Arsenio P. Dizon.

Batas Militar

Napanatili ang Korte Suprema sa panahon ng batas militar sa ilalim ng parehong mga batas ng sa 1935 Konstitusyon, liban lamang sa ilang mga mahahalagang bahagi:

  1. Higit na pinarami ng 1973 Konstitusyon ang bilang ng mga miyembro ng Korte Suprema. Ginawa itong 15 miyembro na may dalawang dibisyon;
  2. Binago ang proseso ng paghirang ng punong mahistrado at mga katuwang na mahistrado upang gawaran ang tangi lamang ang pangulo (si Ferdinand Marcos ng mga panahong iyon) ng kapangyarihang magtalaga ng mga kasapi ng Korte Suprema. May limang punong mahistradong nahirang sa bisa ng probisyong ito.

Ang Kasalukuyang Korte Suprema

Bilang pagsunod sa mga probisyon ng 1987 Konstitusyon, ang Korte Suprema ay binubuo ng isang punong mahistrado at 14 na katuwang na mahistrado, pawang magsisilbi hanggang sa edad na 70. Ang punong mahistrado at mga katuwang na mahistrado ay hinihirang ng Pangulo ng Pilipinas, pinipili mula sa sinalang listahan na isinusumite sa kanya ng Judicial and Bar Council. Kailangang mapunuan ng pangulo ang posisyon sa loob ng 90 araw mula sa pagkakabakante nito.

Hayagang isinasaad sa Artikulo VIII, Seksyon 4 (2) ng Konstitusyon ang mga kasong kailangang dinggin gamit ang buo nitong kapangyarihan, at sa Seksyon 4 (30), ang mga kasong maaari nang dinggin ng bawat dibisyon.

Nang maipasa ang Judiciary Reorganization Act of 1980, inilipat ang pamamahalang administratibo sa lahat ng hukuman at kanilang mga tauhan mula sa Kagawaran ng Katarungan patungo sa Korte Suprema. Sinusugan ito ng Artikulo VIII, Seksiyon 6 ng 1987 Konstitusyon. Upang mabisang maisakatuparan ang mandatong ito ng Konstitusyon, nilikha ang Office of the Court Administrator (OCA) sa ilalim ng Presidential Decree No. 828, sa amyenda ng Presidential Decree No. 842. Ang pangunahing tungkulin ng OCA ay pamahalaan ang mga mababang hukuman sa kabuuan ng bansa pati na ang kanilang mga tauhan. Iniuulat at nirerekomenda nito sa Korte Suprema ang lahat ng kilos na makaaapekto sa pangangasiwa ng mabababang hukuman. Pinamumunuan ito ng isang administrador ng korte (court administrator), tatlong kinatawang administrador (deputy court administrators), at tatlong katuwang na administrador (assistant court administrators).

Ayon sa 1987 Konstitusyon, Artikulo VIII, Seksiyon 5, ipinatutupad ng Korte Suprema ang sumusunod na mga kapangyarihan:

  1. Gumawa ng mga desisyong legal hinggil sa mga kasong nakaaapekto sa mga embahador (ambassador), ibang pampublikong ministro at konsul (minister and consul), at sa mga petisyon para sa certiorari prohibition, mandamus, quo warranto, at habeas corpus.
  2. Sumuri, magrebisa, magbaliktad, magbago, o magpatibay–bilang apela o certiorari, sang-ayon sa isinasaad ng batas o Rules of Court–ng mga pinal na hatol at kautusan ng mga mababang hukuman sa:
  • Lahat ng kaso kung saan ang konstitusyonalidad o katotohanan ng kahit anong tratado (treaty), pandaigdigan man o pang-ehekutibong kasunduan, batas, pampanguluhang dekreto (presidential decree), proklamasyon, kautusan, instruksiyon, ordinansa, o regulasyon ay pinagdududahan;
  • Lahat ng kaso hinggil sa legalidad ng kahit anong buwis o singilin, o kahit anong kaparusahang iginawad kaugnay ng mga nabanggit;
  • Lahat ng kaso kung saan isyu ang saklaw ng kapangyarihan o hurisdiksiyon ng kahit anong mababang hukuman;
  • Lahat ng kasong kriminal kung saan ang iginawad na parusa ay reclusion perpetua o mas mataas pa;
  • Lahat ng kaso kung saan pagkakamali o pagdududa lamang sa batas ang kabilang.
  1. Pansamantalang magtalaga ng mga hukom ng mababang korte sa isang istasyon kung kailanganin sa ikabubuti ng publiko. Hindi maaaring humigit ng anim na buwan ang mga naturang pagtatalaga kung walang pahintulot ng itinalagang hukom.
  2. Ipag-utos ng pagpapalit ng litisan upang masiguradong mananaig ang katarungan sa paglilitis.
  3. Magsulong ng mga batas hinggil sa pagtatanggol at pagpapatupad ng karapatang konstitusyonal (constitutional rights), pagtatanggol (pleading), gawi (practice), at pamamaraan (procedure) sa lahat ng korte; sa pagtanggap ng mga tao sa larangan ng batas, sa Integrated Bar; at tulong-legal sa mga walang kaya. Ang mga naturang batas ay maglalaan ng pinapayak at abot-kayang pamamaraan sa mabilisang paglutas ng mga kaso. Magiging pareho-pareho ito para sa lahat ng korte ng parehong antas, at hindi babawasan, daragdagan, o babaguhin ang substantibong karapatan nito (substantive rights). Mananatiling epektibo ang mga tuntunin ng pamamaraan (rules of procedure) ng mga espesyal na korte (special courts) at malahudisyal na mga lupon (quasi-judicial bodies) maliban na lang kung hindi aprubahan ng Korte Suprema.
  4. Italaga ang lahat ng opisyal at empleado ng Hudikatura sang-ayon sa Civil Service Law.

Ang Punong Mahistrado

Ang Kasalukuyan


Panunungkulan bilang Punong Mahistrado: Agosto 24, 2012 hanggang kasalukuyan

Hinirang ni: Benigno S. Aquino III

Edad nang mahirang: 52

Basahin ang kanyang talambuhay

Kumpletong talaan ng mga punong mahistrado

Ang posisyon ng punong mahistrado ay nilikha noong 1901 nang itatag ang Korte Suprema ng Pilipinas. Nang mga panahong iyon, hinihirang ng Pangulo ng Estados Unidos ang magiging punong mahistrado: binubuo ang korte ng pawang mga Amerikano na may isang Pilipino bilang punong mahistrado.

Mayroong anim na punong mahistradong naitalaga ng Pangulo ng Estados Unidos. Noong 1935, sa inagurasyon ng Komonwelt ng Pilipinas, inilipat sa Pangulo ng Pilipinas ang kapangyarihang maghirang ng punong mahistrado. Ayon sa 1935 Konstitusyon, maghihirang lamang ang Pangulo ng Pilipinas kung may pagsang-ayon ng National Assembly. Mayroong anim na punong mahistradong naitalaga sa ilalim ng 1935 Konstitusyon. Ang tanging punong mahistradong hindi hinirang ng isang pangulo ay si Punong Mahistrado Jose Yulo, na nanungkulan noong panahon ng Hapon mula 1942 hanggang sa paglaya ng Pilipinas noong 1945. Noong panahong ito, ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ay itinatalaga ng Philippine Executive Committee na pinamumunuan ni Jose B. Vargas.

Pagdating naman ng 1943 Konstitusyon, isinaad nito na ang mga miyembro ng Korte Suprema at ang punong mahistrado ay hihirangin ng pangulo nang may pagsang-ayon ng kanyang gabinete. Gayumpaman, binago ang proseso ng pagpili ng punong mahistrado sa deklarasyon ng batas militar at kasunod nitong pagtatatag ng 1973 Konstitusyon. Sa konstitusyong ito, inalis ang kapangyarihan ng Kongresong i-veto o ipawalang-bisa ang ginawang paghirang ng pangulo sa isang punong mahistrado. Ayon dito, “The members of the Supreme Court and judges of inferior courts shall be appointed by the President. [Itatalaga ng Pangulo ang mga kasapi ng Korte Suprema at mga hukom ng mababang korte.]” Limang punong mahistrado ang nahirang sa ilalim ng probisyong ito.

Pagkatapos ng rebolusyon noong 1986, isang bagong konstitusyon ang ipinatupad at isang bagong proseso ng pagpili ng punong mahistrado ang nilikha. Ipinakilala ng dating punong mahistrado at delegado ng 1986 Constitutional Commission na si Roberto V. Concepcion ang konsepto ng Judicial and Bar Council. Layunin ng konsehong ito na alisan ng politika ang hudikatura sa paglilimita sa kapangyarihan ng pangulong maghirang. Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa paghirang ng mga punong mahistrado, miyembro ng hudikatura, at ng Tanggapan ng Tanodbayan (Office of the Ombudsman), i-click lamang ito.

Sa kasalukuyan, may siyam nang punong mahistradong hinirang sa ilalim ng mga probisyon ng 1986 Konstitusyon.

Talaan ng mga punong mahistrado ayon sa naghirang na Pangulo ng Pilipinas

Sa 15 Pangulo ng Pilipinas, walo lamang ang nakapagtalaga ng isang indibidwal para sa pinakamataas na posisyong hudisyal sa bansa. Narito ang talaan ng mga pangulong nagtalaga ng punong mahistrado pati na ang kanilang mga hinirang:

  1. Manuel L. Quezon
    • Jose Abad Santos
  2. Sergio Osmeña
    • Manuel V. Moran
  3. Elpidio Quirino
    • Ricardo M. Paras
  4. Carlos P. Garcia
    • Cesar Bengzon
  5. Ferdinand E. Marcos
    • Roberto V. Concepcion
    • Querube Makalintal
    • Fred Ruiz Castro
    • Enrique M. Fernando
    • Felix V. Makasiar
    • Ramon C. Aquino
  6. Corazon C. Aquino
    • Claudio Teehankee
    • Pedro L. Yap
    • Marcelo B. Fernan
    • Andres R. Narvasa
  7. Joseph Ejercito Estrada
    • Hilario G. Davide
  8. Gloria Macapagal-Arroyo
    • Artemio Panganiban
    • Reynato Puno
    • Renato C. Corona
  9. Benigno S. Aquino III
    • Maria Lourdes P.A. Sereno

Mga Natatanging Punong Mahistrado

Sa talaan ng mga punong mahistrado, may ilang indibidwal na nangingibabaw dahil sa mga espesyal na pangyayari o dahil nahigitan nila ang inaasahan mula sa atas at posisyon nila bilang punong mahistrado.

  1. Cayetano Arellano: Siya ang kauna-unahang punong mahistrado ng Korte Suprema. Hinirang siya noong 1901 nang nilikha ang Korte Suprema sa bisa ng Act No. 136, kasama ng tatlong Amerikano at isang Pilipinong mahistrado.
  2. Ramon Avanceña: Hinirang noong 1925 ng Pangulo ng Estados Unidos na si Calvin Coolidge, nakilala siya sa pagbibigay-daan sa isang Korte Supremang binubuo ng pawang mga Pilipino. Isa itong malaking pagbabago mula sa isang Korte Supremang mga Amerikano lahat ang kasapi liban sa isang Pilipinong punong mahistrado. At sa pagtatatag ng Komonwelt ng Pilipinas noong 1935, hindi na pinahintulutan ang panunungkulan ng mga Amerikanong mahistrado sa Korte Suprema ng Pilipinas—kung kaya, bagong mga mahistrado ang itinalaga na lahat ay Pilipino.
  3. Jose Abad Santos: Bilang punong mahistrado noong panahon ng digmaan, dalawang magkaibang papel ang ginampanan ni Abad Santos; siya ang naging punong mahistrado at kasabay ring naging Kalihim ng Katarungan sa bansa. Noong kinailangang umalis ni Pangulong Quezon ng Pilipinas upang maiwasan ang pagkakadakip ng mga Hapones, pinili ni Abad Santos ang manatili sa bansa bilang tagapangalaga ng pamahalaan. Noong Mayo 2, 1942, nahuli ng mga Hapones si Abad Santos sa Cebu at inalok siyang sumapi sa kanilang puppet government. Tinanggihan niya ito kung kaya, namatay siya sa kamay ng mga Hapones noong Mayo 2, 1942. Sa huli niyang mga kataga sa kanyang anak, winika niya, “Do not cry, Pepito. Show these people that you are brave. It is an honor to die for one’s country. Not everybody has that chance. [Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa kanilang matibay ang iyong loob. Isang karangalan ang mamamatay para sa sariling bansa. Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon tulad niyan.]”
  4. Manuel V. Moran: Hinirang noong 1945 ni Pangulong Sergio Osmeña, nagsilbi siyang Punong Mahistrado ng Korte Suprema sa loob ng anim na taon. Sa kanyang pagreretiro noong 1951, itinalaga siyang embahador ng Pilipinas sa España at kasabay noon, sa Holy See. Sa administrasyon ni Pangulong Quirino, muli siyang inalok ng posisyon sa Korte Suprema, sa dapithapon ng pagkapangulo ni Quirino. Gayumpaman, tinanggihan ni Moran ang midnight appointment.
  5. Roberto V. Concepcion: Maaga siyang pinagretiro dahil sa pagtanggi niyang gawaran ng absolutong kapangyarihan si Ferdinand Marcos, ang presidenteng naghirang sa kanya. Sa resolusyon ng kasong Javellana v. Executive Secretary, nangatwiran si Concepcion laban sa katotohanan ng 1973 Konstitusyon at ang mga kaduda-dudang bahagi nito. Dahil doon, tumanggi siya sa pagpapatupad ng 1973 Konstitusyon, kasama nina Mahistrado Teehankee, Zaldivar, at Fernando. Dahil sa desisyon ng korte, maaga siyang pinagretiro, 50 araw bago ang orihinal na takdang petsa ng kanyang pagreretiro.
  6. Claudio Teehankee: Kilala siya para sa di-matinag niyang paninindigan laban sa batas militar noong kanyang panunungkulan sa Korte Suprema. Nilabanan niya ang maraming pagtatangka ng administrasyong Marcos na magkamit ng absolutong kapangyarihan sa pagpalag nito sa mga kaduda-dudang dekreto. Noong 1973, kasama siya sa pangkat na sumalungat sa pagpapatupad ng 1973 Konstitusyon. Noong 1980, pinasubalian din niya ang Judicial Reorganization Act ng Pangulong Marcos. At noong 1986, matapos ang EDSA Revolution, pinanghawakan niya ang Panunumpa sa Panunungkulan ng Pangulong Corazon C. Aquino sa Club Filipino. Itinalaga siya ni Pangulong Aquino bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema noon ding 1986.
  7. Hilario G. Davide: Hinirang ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada noong 1998, siya ay naging kilala bilang tagapamahalang hukom sa unang impeachment sa Asya. Sa impeachment ng Pangulong Estrada, isinagawa niya ang paglilitis nang walang pagkiling sa anumang panig. Pagkatapos ng EDSA II, na siyang nagpatalsik sa Pangulong Estrada, ipinanumpa ni Davide si Gloria Macapagal-Arroyo bilang ika-14 na Pangulo ng Pilipinas.
  8. Maria Lourdes P.A. Sereno: Hinirang ng Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2012, siya ang kauna-unahang babaeng itinalaga sa posisyon ng punong mahistrado.

Court of Appeals

Ang Court of Appeals ang ikalawa sa pinakamataas na tribunal sa bansa, na itinatag noong Pebrero 1, 1936 sa bisa ng Commonwealth Act No. 3. Ang kasalukuyang anyo ng Court of Appeals ay binuo sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 129, ayon sa amyenda ng Executive Order No. 33, s. 1986, Republic Act No. 7902, at Republic Act No. 8246.

Ang hurisdiksiyon ng Court of Appeals ay ang sumusunod:

  1. Orihinal na kapangyarihang maglabas ng mga writ of mandamus, prohibition certiorari, habeas corpus, at quo warranto, at mga auxiliary writ o process, maging tulong man o hindi ng kapangyarihan nito sa pag-aapela;
  2. Eksklusibong orihinal na kapangyarihan sa mga hakbang para sa pagpapawalang-bisa ng mga hatol ng Regional Trial Court; at
  3. Eksklusibong kapangyarihan sa pag-aapela sa lahat ng pinal na hatol, resolusyon, kautusan o gawad ng mga Regional Trial Court at mal-hudisyal na mga ahensiya, instrumentaliti, lupon o kawanihan.

Magkakaroon din ang Court of Appeals ng kapangyarihan na maglitis ng mga kaso at magsagawa ng mga pagdinig, tumanggap ng ebidensiya, at magsagawa ng mga kinakailangang hakbang upang malutas ang mga isyu sa katotohanan sa mga kasong nasa hurisdiksiyon nito, kabilang na ang kapangyarihang magsagawa ng panibagong mga paglilitis.

Ang Court of Appeals ay binubuo ng isang tagapangulong mahistrado at 68 katuwang na mahistrado, na lahat itinalaga ng Pangulo mula sa isang pinal na talaang isinumite ng Judicial and Bar Council. Ang ranggo ng mga katuwang na mahistrado ay ayon sa petsa ng kani-kanilang pagkakatalaga (o pagkakasunod-sunod, kung magkapetsa ng pagkakahirang). Ang mga kuwalipikasyon para sa mga mahistrado ng Korte Suprema ay gagamitin din para sa mga kasapi ng Court of Appeals.

Ang kasalukuyang tagapangulong mahistrado ng Court of Appeals ay si Andres Reyes Jr., na nakatakdang magretiro sa Mayo 11, 2020.

Court of Tax Appeals

Ang Court of Tax Appeals (CTA), na nasa kaparehong antas ng Court of Appeals, ay binuo sa bisa ng Republic Act No. 1125, na isinabatas noong Hunyo 16, 1954. Ang kasalukuyan naman nitong anyo ay binuo gamit ang Republic Act No. 1125, sa amyenda ng Republic Act No. 9282 at Republic Act No. 9503.

May hurisdiksiyon ang CTA sa mga sumusunod:

  1. Eksklusibong kapangyarihan sa pag-aapela upang pag-aralan ang apela sa mga sumusunod:
    1. Mga desisyon ng Commissioner of Internal Revenue sa mga kasong hinggil sa mga pinagtatalunang assessment, refund ng internal revenue taxes, mga multa at iba pang singil, multa, o iba pang usaping nagmula sa National Internal Revenue o iba pang batas na ipinatutupad ng Bureau of Internal Revenue;
    2. Kawalan ng pagtugon ng Commissioner of Internal Revenue sa mga kaso hinggil sa pinagtatalunang mga assessment, refund ng internal revenue taxes, singil, multa, o iba pang usaping may kinalaman sa National Internal Revenue Code o iba pang batas na pinatutupad ng Bureau of Internal Revenue, kung saan nagsasaad ang National Internal Revenue Code ng ispesipikong panahon para umaksiyon, at ituturing na pagtanggi ang kawalan ng tugon;
    3. Mga desisyon, kautusan o resolusyon ng mga Regional Trial Court (RTC) hinggil sa mga kaso ng lokal na buwis na orihinal na binigyang-hatol o niresolba ng RTC.
    4. Mga desisyon ng Commissioner of Customs sa mga kasong patungkol sa pananagutan para mga tungkulin ng customs, singil, multa, o iba pang usaping umuusbong mula sa Customs Law o iba pang batas na ipinatutupad ng Bureau of Customs;
    5. Mga desisyon ng Central Board of Assessment Appeals sa mga kasong patungkol sa assessment at pagbubuwis ng real property na unang pinagpasyahan ng provincial o city board of assessment appeals;
    6. Mga desisyon ng Secretary of Finance sa kaso ng customs na awtomatikong iniakyat sa kanya para pag-aralan; kung saan mula ang mga kasong ito sa pasya ng Commissioner of Customs na hindi nakabubuti sa pamahalaan sa ilalim ng Seksyon 2315 ng Tariff and Customs Code;
    7. Mga desisyon ng Secretary of Trade and Industry, sa mga kaso ng mga di-agrikultural na produkto, at ng Secretary of Agriculture sa mga kaso ng agrikultural na produkto, kabilang na ang dumping at countervailing duties sa ilalim ng Seksyon 301 at 302, ayon sa pagkakasunod, ng Tariff and Customs Code, at mga hakbang pangkaligtasan sa ilalim ng Republic Act No. 8800, kung saan ang parehong panig ay maaaring iapela ang desisyon na ipag-utos o hindi ang mga nasabing katungkulan.
  2. Kapangyarihan sa mga kasong kriminal ayon sa sumusunod:
    1. Eksklusibong kapangyarihan sa lahat ng kasong kriminal na nagmula sa mga paglabag sa National Internal Revenue Code o Tariff and Customs Code at iba pang mga batas na ipinatutupad ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs: Basta ang mga krimen na nabanggit sa talatang ito–kung saan ang prinsipal na halaga ng mga buwis at singil, hindi kasali ang mga multa, ay hindi bababa ng P1 milyon o kung walang isinaad na ispesipikong halaga–ay lilitisin ng mga regular na korte at maisasailalim sa kapangyarihan ng CTA.
    2. Eksklusibong kapangyarihan sa mga kasong kriminal:
      1. Sa mga apela mula sa mga hatol, resolusyon o kautusan ng mga Regional Trial Court sa mga kaso ng buwis na orihinal na pinagpasyahan nila, sa kani-kanilang mga balwarte.
      2. Sa mga petisyon para pag-aralan ang mga hatol, resolusyon o kautusan ng mga Regional Trial Court sa pagsasagawa ng kanilang kapangyarihan sa mga kaso ng buwis na orihinal na dinesisyunan ng mga Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court, at Municipal Circuit Trial Court sa kani-kanilang balwarte.
      3. Kapangyarihan sa mga kaso ng koleksyon ng buwis ayon sa sumusunod:
        1. Eksklusibong kapangyarihan sa mga kaso ng pangongolekta ng buwis na may kaugnayan sa pinal na assessment para mga buwis, singil at multa: Basta’t ang mga kaso ng koleksiyon–na ang isinaad na prinsipal na halaga, hindi kasama ang mga multa, ay mas mababa sa P1 milyon–ay lilitisin ng nararapat na Municipal Trial Court, Metropolitan Trial Court, at Regional Trial Court.
        2. Eksklusibong kapangyarihan sa mga kaso ng pangongolekta ng buwis:
          1. Sa mga apela mula sa mga hatol, resolusyon o kautusan ng mga Regional Trial Court sa mga naturang kaso na sila ang orihinal na nagpasya, sa kani-kanilang mga balwarte;
          2. Sa mga petisyon para pag-aralan ang mga hatol, resolusyon o kautusan ng Regional Trial Court sa mga naturang kaso na pinakaunang dinesisyunan ng mga Metropolitan Trial Court, Municipal Trial Court at Municipal Circuit Trial Court sa kani-kanilang mga balwarte.

Ang CTA ay binubuo ng isang tagapangulong mahistrado at walong katuwang na mahistrado, lahat ay hinirang ng Pangulo mula sa pinal na listahang ibinigay ng Judicial and Bar Council. Ang ranggo ng mga katuwang na mahistrado ay ayon sa petsa ng kani-kanilang pagkakahirang (o pagkakasunod-sunod, kung magkapareho ng petsa ng paghirang). Ang kuwalipikasyon para sa mga mahistrado ng Court of Appeals ang siya ring gagamitin para sa mga miyembro ng CTA.

Ang kasalukuyang tagapangulong mahistrado ng CTA ay si Roman del Rosario, na nakatakdang magretiro sa Oktubre 6, 2025.

Sandiganbayan

Upang matamo ang pinakamataas na antas ng moralidad sa mga opisyal at empleado ng pamahalaan, isinaad sa Artikulo XIII, Seksyon 5 ng 1973 Konstitusyon ang pagkakaroon ng isang espesyal na korteng kontra-katiwalian na kikilalaning Sandiganbayan. Pormal na itinatag ang korteng ito sa pamamagitan ng Presidential Decree No. 1606, na isinabatas noong Disyembre 10, 1978.

Dahil sa Artikulo XI, Seksyon 4 ng 1987 Konstitusyon (Accountability of Public Officers), nanatili ang Sandiganbayan maging pagkatapos ng EDSA Revolution. Binuo ang kasalukuyang anyo ng Sandiganbayan gamit ang Presidential Decree 1606, s. 1978, sa amyenda ng Republic Act No. 7975 at Republic Act No. 8245.

May kapangyarihan ang Sandiganbayan sa mga sumusunod:

  1. Mga paglabag ng Republic Act No. 3019 o ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act, ayon sa amyenda, at Kabanata II, Seksyon 2, Titulo VII, Libro II ng Revised Penal Code, kung saan isa o higit pa sa mga akusado ay mga opisyal na nanunungkulan para sa sumusunod na mga posisyon sa pamahalaan, nang permanente, acting o interim, sa panahong ginawa nila ang paglabag:
    1. Mga opisyal ng ehekutibong sangay na nanunungkulan sa posisyon ng panlalawigang direktor (regional director) at mas mataas pa, na kinikilala rin bilang Grade 27 at higit pa, sa Compensation and Position Classification Act of 1989 (Republic Act No. 6758):
      1. Mga gobernador panlalawigan, bise gobernador, mga miyembro ng sangguniang panlalawigan at ingat-yamang panglalawigan, asesor, inhenyero, at iba pang pinunong panlalawigan ng mga kagawaran;
      2. Mga alkaldeng panlungsod, bise alkalde, miyembro ng sangguniang panlungsod, ingat-yamang panlungsod, asesor, inhenyero, at iba pang pinunong panlungsod ng mga kagawaran;
      3. Mga opisyal ng serbisyong diplomatikong may hawak na posisyong konsul o mas mataas pa;
      4. Mga koronel at mas mataas pang opisyal ng hukbong sandatahan ng Pilipinas;
      5. Mga opisyal ng Pambansang Kapulisan ng Pilipinas may posisyong direktor panlalawigan at senior superintendent o mas mataas pa;
      6. Mga panlungsod at panlalawigang tagausig pati na ang kanilang mga katuwang, at opisyal at tagausig sa Tanggapan ng Tanodbayan (Office of the Ombudsman) at espesyal na tagausig;
      7. Mga presidente, director o katiwala, o tagapangasiwa ng mga korporasyong pag-aari at/o kontrolado ng pamahalaan, pampamahalaang unibersidad at kolehiyo, institusyong pang-edukasyon o foundation;
    2. Mga miyembro ng Kongreso at opisyal na nasa Grade 27 at higit pa sa ilalim ng Compensation and Position Classification Act of 1989;
    3. Mga miyembro ng hudikatura;
    4. Mga pinuno at miyembro ng mga lupong pansaligang batas (constitutional commission); at
    5. Lahat ng iba pang pambansa at lokal na opisyal na nasa Grade 27 at higit pa sa ilalim ng Compensation and Position Classification Act of 1989.
  2. Iba pang krimen, simple man o masalimuot, kasama ng ibang krimeng ginawa ng mga opisyal ng gobyerno at empleadong nabanggit sa seksiyon na ito na may kaugnayan sa kani-kanilang tanggapan.
  3. Kasong sibil at kriminal na isinampa bilang pagsunod sa Executive Order Nos. 1, 2, 14, at 14-A, s. 1986.

Bukod pa sa nabanggit, may eksklusibong kapangyarihan din ang Sandiganbayan sa mga apela hinggil sa mga pinal na hatol, resolusyon o kautusan ng mga Regional Trial Court.

May eksklusibong kapangyarihan din ang Sandiganbayan sa mga petisyon para sa paglalabas ng mga writ of mandamus, prohibition, certiorari, habeas corpus, injuction, at iba pang ancillary writ at process bilang tulong sa pagsasagawa ng katungkulan nito, at sa mga petisyon ng parehong likas, kabilang ang quo warranto, na nagmula o maaaring magmula sa mga kasong isinampa o maaaring isampa sa ilalim ng Executive Order Nos. 1, 2, 14, at 14-A na inilathala noong 1986.

Kung sakaling nakasuhan ang mga pribadong indibidwal ng pagiging kasabwat ng mga opisyal o empleado ng pamahalaan, kasama na iyong mga nagtatrabaho sa korporasyong pag-aari at/o kontrolado ng gobyerno, lilitisin sila kasama ng mga naturang mga tauhan ng pamahalaan sa naaayong na korte para sa kanila.

Binubuo ang Sandiganbayan ng isang tagapangulong mahistrado at 14 na katuwang na mahistrado, lahat ay hinirang ng Pangulo mula sa isang pinal na listahang ibinigay ng Judicial and Bar Council. Ang ranggo ng mga katuwang na mahistrado ay ayon sa petsa ng kani-kanilang paghirang (o pagkakasunod-sunod, kung magkapareho ng petsa ng paghirang).

Ang mga kuwalipikasyon upang maging miyembro ng Sandiganbayan ay ang sumusunod:

  1. mamamayang likas na ipinanganak bilang Pilipino;
  2. hindi kukulangin sa 40 taon ang gulang;
  3. naging hukom ng isang korte nang di-bababa sa sampung taon, o naging bahagi ng larangan ng batas sa Pilipinas o nakapanungkulan nang di-bababa sa sampung taon sa isang posisyong kinakailangan ang pagpasa sa bar upang makapasok.

Ang kasalukuyang tagapangulong mahistrado ng Sandiganbayan ay si Amparo Cabotaje-Tang, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 8, 2024.

 

Read in English