Maikling Kasaysayan ng Presidential Management Staff (PMS)
Noong 1962, nilikha ni Pangulong Diosdado Macapagal ang Program Implementation Agency sa bisa ng Executive Order No. 17, na inatasang magtrabaho bilang tauhan ng Pangulo sa mga programang sosyo-ekonomiko. Binuwag naman ito ni Pangulong Ferdinand E. Marcos gamit ang Executive order No. 8, s. 1966 at ipinalit ang Presidential Economic Staff, na inatasang maging katulong na kawani sa mga usaping pang-ekonomiya. Gayumpaman, pangunahing nakatuon ang mga tanggapang ito sa pagpaplanong pang-ekonomiya, at ang kanilang mga tungkulin ay maaangkin kalaunan ng National Economic Development Authority, noong itinatag ito upang palitan ang National Economic Council (na binuo noong 1935 sa bisa ng Commonwealth Act No. 2).
Kung kaya, mababakas ng Presidential Management Staff (PMS) ang kanyang pinagmulan sa panahon ng batas militar. Nakita ng Pangulong Marcos ang pangangailangan para sa dagdag na suportang tauhan para sa presidente ng bansa at itinatag ang Development Management Staff (DMS), gamit ang Executive Order No. 250, s. 1970. Inatasan ng ordinansa ang DMS na magsilbing puno at sentrong tanggapan para sa Pangulo at iba pang matataas mga Presidential advisory council o mga lupong kasama sa proseso ng pagbubuo ng mga desisyon at polisiya, lalo na’t may kinalaman ang mga tungkuling ito sa pambansang pagpapaunlad at pagtugon sa mga oras ng krisis. [1] Isasagawa ng DMS ang tungkuling ito hanggang 1976, kung kailan ito binigyan ng bagong pangalan at estruktura.
Noong Hulyo 8, 1976, muling binuo ni Pangulong Marcos ang DMS at pinangalanan itong Presidential Management Staff (PMS), sa bisa ng Presidential Decree No. 955. Gamit ang dekretong ito, inatasan ang PMS na maging multidisiplinaryo/multisektoral na tauhan para sa Pangulo. Mga kawani silang may kakayahang panatilihin ang isang pangmalawakang perspektibo na magbibigay ng isang integratibong pagtugon sa mga usaping may kinalaman pamamahalang pangkaunlaran. Ang PMS din ang magiging pangunahing kawanihan ng Pangulo pagdating sa mga naturang usapin. Ganito ang magiging tungkulin ng PMS hanggang sa reorganisasyon ito noong 1987.
Noong 1987, pinalawak ng Pangulong Corazon C. Aquino ang saklaw ng tungkulin ng PMS na pagsilbihan hindi lamang ang Pangulo ng Pilipinas kundi pati na rin ang Tanggapan ng Pangulo. Sa Executive Order No. 130, s 1987, pinaigting ang mandato sa PMS at ito ay naging pangunahing ahensiya ng pamahalaan na siyang responsable sa Tanggapan ng Pangulo para maging suportang tauhan sa pangkalahatang pamamahala ng Pangulo sa proseso ng pagpapaunlad sa bansa.
Hulyo 4, 1987, inilabas ni Pangulong Aquino ang Executive Order No. 241 na tuluyang binuwag ang Office of Development Management at inilipat ang lahat ng tungkulin nito sa PMS. Kasama sa paglipat ang pagsanib sa PMS ng mga partikular na proyekto: ang Land Investment Trust Program at ang Private Sites and Services Project Office.
Ang pinuno ng PMS ay kalaunang ginawaran ni Pangulong Aquino ng ranggo ng gabinete noong 1989. Noong Marso 14, 1989, sa bisa ng Executive Order No. 391-A, binuo ni Pangulong Aquino ang isang Presidential Coordinating Assistance System kung saan magsisilbi rin doon ang PMS bilang kalihiman para sa administratibong pananaliksik at usaping teknikal. Sa parehong kautusan, nagawaran ang pinuno ng PMS ng ranggo ng gabinete. Kung tutuusin, ang PMS ang naging think-tank o lupon ng mga tagapag-isip para sa Ehekutibong Sangay.
Binigyan ni Pangulong Aquino ng higit na tungkulin at responsibilidad ang PMS noong 1991 nang ilipat sa ilalim nito ang ilang mga tanggapan. Noong Enero 16, 1991, inatasan ng Executive Order No. 446 ang PMS na isailalim nito ang Cabinet Secretariat, Presidential Complaints and Action Committee Office, at Sectoral Liaison Offices upang higit na madagdagan ang mga suportang tauhan ng Pangulo,Executive Secretary, at Presidential Assistants/Advisers System sa pamamahala sa development process, administrative reforms sectoral liaison, public assistance, strategic research, at public formulation.
Sa pagwawakas ng termino ni Pangulong Corazon Aquino, naging katuwang na lupon ng Tanggapan ng Pangulo ang PMS na responsable sa pangangasiwa ng pambansang proseso ng pagpapaunlad. Namahala ito ng samot-saring pondo at nag-isip ng mga espesyal na proyekto para sa Tanggapan ng Pangulo. Doon nagmula ang mga tauhang nakatuon sa suportang teknikal na kakailanganin sa pagpapatupad ng mga pampanguluhang inisyatiba at proyekto. [2]
Noong panahon ng administrasyong Estrada muling pinag-aralan ang paghahati ng tungkulin ng Kalihim Tagapagpaganap at Pinuno ng PMS. Noong Pebrero 16, 2000, inilabas ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada ang Administrative Order No. 109 na itinatatag ang posisyon ng Presidential Chief of Staff. Ang kautusang ito, gayumpaman, ay pinanatili ang mandato at tungkulin ng PMS ayon sa pagkakalarawan ng Executive Order No. 130, s. 1987. Nang mailathala ito noong Marso 7, 2000, inilagay naman ng Administrative Order No. 111 ang PMS sa ilalim ng Office of the Chief of Staff.
Gayumpaman, sinibak sa puwesto ang Presidential Chief of Staff na si Aprodocio Laquian noong Marso 28, 2000, pagkatapos lamang ng 42 araw sa tungkulin. Walang itinalagang kahalili, bagaman may hinirang na pinuno ng PMS si Pangulong Estrada.
Itinalaga ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Renato C. Corona bilang Chief of Staff noong Enero 20, 2001. Pagsapit ng Pebrero 12, 2003, inilabas ni Pangulong Arroyo ang Administrative Order No. 62, na muling binuo ang Office of the Presidential Chief of Staff, at inatasan itong malapit na makipagtrabaho sa PMS. Nireorganisa ito noong Enero 13, 2006 sa pamamagitan ng Administrative Order No. 138, na pinanatili pa rin sa Presidential Chief of Staff ang pamamahala ng PMS. Noong Pebrero 26, 2008, nilagdaan naman ang Administrative Order No. 221, na siya namang bumuwag sa tanggapan ng Chief of Staff.
Mula sa panahong ito, paminsang nagtalaga ang Pangulong Ramos hanggang Arroyo ng mga Kalihim ng Gabinete na sabay ring nanunungkulan bilang Pinuno ng PMS; sa ibang pagkakataon, iba’t ibang opisyal ang humawak ng posisyon ng Kalihim ng Gabinete at Pinuno ng PMS. Noong 2010, hinirang ng Pangulong Benigno S. Aquino III si Kalihim Julia Abad bilang pinuno ng PMS subalit hindi nagtalaga ng Kalihim ng Gabinete. Nagpatuloy sa loob ng PMS ang kontrol at tungkulin bilang Sekretaryat ng Gabinete.
Sa kasalukuyan, gumaganap ang PMS bilang pangunahing kawanihan ng Pangulo ng Pilipinas, responsable para sa pananaliksik at iba pang paghahandang kakailanganin sa mga briefing paper na ginagamit ng Pangulo, at para sa gawaing lohistikal at pagpaplano sa mga biyahe ng Pangulo sa loob at labas ng bansa. Inatasan din ito ng pamamahala sa Pondong Panlipunan (Social Fund) ng Pangulo at paghirang mga kasapi sa Klaster ng Gabinete (Cabinet Clusters).