Read in English

Ang posisyon ng punong mahistrado ay nilikha noong 1901 nang itatag ang Korte Suprema ng Pilipinas. Nang mga panahong iyon, hinihirang ng Pangulo ng Estados Unidos ang magiging punong mahistrado: binubuo ang korte ng pawang mga Amerikano na may isang Pilipino bilang punong mahistrado.

Mayroong anim na punong mahistradong naitalaga ng Pangulo ng Estados Unidos. Noong 1935, sa inagurasyon ng Komonwelt ng Pilipinas, inilipat sa Pangulo ng Pilipinas ang kapangyarihang maghirang ng punong mahistrado. Ayon sa 1935 Konstitusyon, maghihirang lamang ang Pangulo ng Pilipinas kung may pagsang-ayon ng National Assembly. Mayroong anim na punong mahistradong naitalaga sa ilalim ng 1935 Konstitusyon. Ang tanging punong mahistradong hindi hinirang ng isang pangulo ay si Punong Mahistrado Jose Yulo, na nanungkulan noong panahon ng Hapon mula 1942 hanggang sa paglaya ng Pilipinas noong 1945. Noong panahong ito, ang Punong Mahistrado ng Korte Suprema ay itinatalaga ng Philippine Executive Committee na pinamumunuan ni Jose B. Vargas.

Pagdating naman ng 1943 Konstitusyon, isinaad nito na ang mga miyembro ng Korte Suprema at ang punong mahistrado ay hihirangin ng pangulo nang may pagsang-ayon ng kanyang gabinete. Gayunpaman, binago ang proseso ng pagpili ng punong mahistrado sa deklarasyon ng batas militar at kasunod nitong pagtatatag ng 1973 Konstitusyon. Sa konstitusyong ito, inalis ang kapangyarihan ng Kongresong i-veto o ipawalang-bisa ang ginawang paghirang ng pangulo sa isang punong mahistrado. Ayon dito, “The members of the Supreme Court and judges of inferior courts shall be appointed by the President. [Itatalaga ng Pangulo ang mga kasapi ng Korte Suprema at mga hukom ng mababang korte.]” Limang punong mahistrado ang nahirang sa ilalim ng probisyong ito.

Pagkatapos ng rebolusyon noong 1986, isang bagong konstitusyon ang ipinatupad at isang bagong proseso ng pagpili ng punong mahistrado ang nilikha. Ipinakilala ng dating punong mahistrado at delegado ng 1986 Constitutional Commission na si Roberto V. Concepcion ang konsepto ng Judicial and Bar Council. Layunin ng konsehong ito na alisan ng politika ang hudikatura sa paglilimita sa kapangyarihan ng pangulong maghirang. Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa paghirang ng mga punong mahistrado, miyembro ng hudikatura, at ng Tanggapan ng Tanodbayan (Office of the Ombudsman), i-click lamang ito.

Sa kasalukuyan, may siyam nang punong mahistradong hinirang sa ilalim ng mga probisyon ng 1986 Konstitusyon.

 

Talaan ng mga punong mahistrado ayon sa naghirang na Pangulo ng Pilipinas

Sa 15 Pangulo ng Pilipinas, walo lamang ang nakapagtalaga ng isang indibidwal para sa pinakamataas na posisyong hudisyal sa bansa. Narito ang talaan ng mga pangulong nagtalaga ng punong mahistrado pati na ang kanilang mga hinirang:

  1. Manuel L. Quezon
    • Jose Abad Santos
  2. Sergio Osmeña
    • Manuel V. Moran
  3. Elpidio Quirino
    • Ricardo M. Paras
  4. Carlos P. Garcia
    • Cesar Bengzon
  5. Ferdinand E. Marcos
    • Roberto V. Concepcion
    • Querube Makalintal
    • Fred Ruiz Castro
    • Enrique M. Fernando
    • Felix V. Makasiar
    • Ramon C. Aquino
  6. Corazon C. Aquino
    • Claudio Teehankee
    • Pedro L. Yap
    • Marcelo B. Fernan
    • Andres R. Narvasa
  7. Joseph Ejercito Estrada
    • Hilario G. Davide
  8. Gloria Macapagal-Arroyo
    • Artemio Panganiban
    • Reynato Puno
    • Renato C. Corona
  9. Benigno S. Aquino III
    • Maria Lourdes P.A. Sereno

 

Mga Natatanging Punong Mahistrado

Sa talaan ng mga punong mahistrado, may ilang indibidwal na nangingibabaw dahil sa mga espesyal na pangyayari o dahil nahigitan nila ang inaasahan mula sa atas at posisyon nila bilang punong mahistrado.

  1. Cayetano Arellano: Siya ang kauna-unahang punong mahistrado ng Korte Suprema. Hinirang siya noong 1901 nang nilikha ang Korte Suprema sa bisa ng Act No. 136, kasama ng tatlong Amerikano at isang Pilipinong mahistrado.
  2. Ramon Avanceña: Hinirang noong 1925 ng Pangulo ng Estados Unidos na si Calvin Coolidge, nakilala siya sa pagbibigay-daan sa isang Korte Supremang binubuo ng pawang mga Pilipino. Isa itong malaking pagbabago mula sa isang Korte Supremang mga Amerikano lahat ang kasapi liban sa isang Pilipinong punong mahistrado. At sa pagtatatag ng Komonwelt ng Pilipinas noong 1935, hindi na pinahintulutan ang panunungkulan ng mga Amerikanong mahistrado sa Korte Suprema ng Pilipinas—kung kaya, bagong mga mahistrado ang itinalaga na lahat ay Pilipino.
  3. Jose Abad Santos: Bilang punong mahistrado noong panahon ng digmaan, dalawang magkaibang papel ang ginampanan ni Abad Santos; siya ang naging punong mahistrado at kasabay ring naging Kalihim ng Katarungan sa bansa. Noong kinailangang umalis ni Pangulong Quezon ng Pilipinas upang maiwasan ang pagkakadakip ng mga Hapones, pinili ni Abad Santos ang manatili sa bansa bilang tagapangalaga ng pamahalaan. Noong Mayo 2, 1942, nahuli ng mga Hapones si Abad Santos sa Cebu at inalok siyang sumapi sa kanilang puppet government. Tinanggihan niya ito kung kaya, namatay siya sa kamay ng mga Hapones noong Mayo 2, 1942. Sa huli niyang mga kataga sa kanyang anak, winika niya, “Do not cry, Pepito. Show these people that you are brave. It is an honor to die for one’s country. Not everybody has that chance. [Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa kanilang matibay ang iyong loob. Isang karangalan ang mamamatay para sa sariling bansa. Hindi lahat nabibigyan ng ganyang klaseng pagkakataon.]”
  4. Manuel V. Moran: Hinirang noong 1945 ni Pangulong Sergio Osmeña, nagsilbi siyang Punong Mahistrado ng Korte Suprema sa loob ng anim na taon. Sa kanyang pagreretiro noong 1951, itinalaga siyang embahador ng Pilipinas sa Espanya at kasabay noon, sa Holy See. Sa administrasyon ni Pangulong Quirino, muling siyang inalok ng posisyon sa Korte Suprema, sa dapit-hapon ng pagkapangulo ni Quirino. Gayumpaman, tinanggihan ni Moran ang midnight appointment.
  5. Roberto V. Concepcion: Maaga siyang pinagretiro dahil sa pagtanggi niyang gawaran ng absolutong kapangyarihan si Ferdinand Marcos, ang presidenteng naghirang sa kanya. Sa resolusyon ng kasong Javellana v. Executive Secretary, nangatwiran si Concepcion laban sa katotohanan ng 1973 Konstitusyon at ang mga kaduda-dudang bahagi nito. Dahil doon, tumanggi siya sa pagpapatupad ng 1973 Konstitusyon, kasama nina Mahistrado Teehankee, Zaldivar, at Fernando. Dahil sa desisyon ng korte, maaga siyang pinagretiro, 50 araw bago ang orihinal na takdang petsa ng kanyang pagreretiro.
  6. Claudio Teehankee: Kilala siya para sa di-matinag niyang paninindigan laban sa batas militar noong kanyang panunungkulan sa Korte Suprema. Nilabanan niya ang maraming pagtatangka ng administrasyong Marcos na magkamit ng absolutong kapangyarihan sa pagpalag nito sa mga kaduda-dudang dekreto. Noong 1973, kasama siya sa pangkat na sumalungat sa pagpapatupad ng 1973 Konstitusyon. Noong 1980, pinasubalian din niya ang Judicial Reorganization Act ng Pangulong Marcos. At noong 1986, matapos ang EDSA Revolution, pinanghawakan niya ang Panunumpa sa Panunungkulan ng Pangulong Corazon C. Aquino sa Club Filipino. Itinalaga siya ni Pangulong Aquino bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema noon ding 1986.
  7. Hilario G. Davide: Hinirang ni Pangulong Joseph Ejercito Estrada noong 1998, siya ay naging kilala bilang tagapamahalang hukom sa unang impeachment sa Asya. Sa impeachment ng Pangulong Estrada, isinagawa niya ang paglilitis nang walang pagkiling sa anumang panig. Pagkatapos ng EDSA II, na siyang nagpatalsik sa Pangulong Estrada, ipinanumpa ni Davide si Gloria Macapagal-Arroyo bilang ika-14 na Pangulo ng Pilipinas.
  8. Maria Lourdes P.A. Sereno: Hinirang ng Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2012, siya ang kauna-unahang babaeng itinalaga sa posisyon ng punong mahistrado.

 

Read in English