Read in English

Abad Santos

Inaalala si Punong Hukom Jose Abad Santos sa kaniyang paglilingkod sa Pilipinas nang may sukdulang dangal at pag-ibig sa bayan noong panahong pinakakailangan ito. Binitay siya ng mga Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig dahil ayaw niyang makipagtulungan sa mga kaaway.

Noong nagsimula ang digmaan noong Disyembre 1941, naglilingkod si Abad Santos bilang Katuwang na Hukom ng Korte Suprema sa Komonwelt ng Pilipinas. Nang buwan ding iyon nagsimulang dumaong sa Pilipinas ang mga Hapones, at may pangangailangan na muling isaayos ang sistema ng Pamahalaang Komonwelt. Pinili upang maging Punong Hukom si Abad Santos kasabay ng pagiging kasapi niya ng Gabinete ng babagong-tatag na pamahalaan. Nanumpa siya kay Pangulong Quezon noong 24 Disyembre 1941.

Dalawang araw matapos manumpa ni Abad Santos, samantalang papalapit na ang pulutong ng mga Hapones sa Maynila, napagpasyahan ni Heneral Douglas MacArthur na ideklarang Open City [Lungsod na Bukas] ang Maynila upang mapigilan ang pagkawasak ng kabesera dahil sa mga puwersang Hapones. Sa mismong araw na simula ng panunungkulan ni Abad Santos, lumikas mula sa Maynila patungong Corregidor sina Pangulong Quezon, Pangalawang Pangulong Osmeña, Punong Hukom Abad Santos, at iba pang matataas na opisyal.

Bilang huling tanggulan ng Pilipinas, patuloy na binomba ng mga nananakop na puwersang Hapones ang Bataan at Corregidor. Nagsimula ang pagpapasabog ng Corregidor noong Disyembre 30, 1941, at nagpatuloy iyon sa loob ng ilang buwan.

Noong Pebrero 2, 1942, iminungkahi ni Heneral MacArthur sa tigib ng suliraning si Pangulong Quezon na lumikas mula Corregidor patungong Visayas. Matapos ang labingwalong araw, nagtungo sa katimugan ang Pangulo at ang mga kasapi ng kaniyang Gabinete, kasama si Abad Santos, at di-naglaon at saka naghiwa-hiwalay.

Sa sumusunod na sipi, isinalaysay ni Ramon C. Aquino, na nagsulat ng talambuhay ni Punong Hukom Jose Abad Santos, ang mga pangyayari kaugnay ng pagtakas ni Abad Santos mula sa Corregidor hanggang sa pagbítay rito.

Paglíkas mulang Corregidor

Bagaman mukhang hindi masasakop ang Corregidor, naging mahirap mabuhay sa moog na islang ito lalo pa matapos bumagsak ang Maynila. Walang patawad ang mga sumasalakay na kalaban sa mga tagapagtanggol ng isla. Nang masakop ang Maynila at nasa bingit ng pagsuko ang Bataan, naging hayag na hindi na magtatagal ang Corregidor. Hindi na maaari ang pananatili pa ng pangkat ni Pangulong Quezon sa Corregidor. Kaya naman pinagpayuhan ni Heneral MacArthur si Quezon na lumikas patungong Australia.

Nagsimula noong Pebrero 19—na nagkataong kaarawan nina Gng. Quezon at Punong Hukom Abad Santos—ang paglikas ng mga tauhan ng pamahalaang sibil mula sa Corregidor. Nahati sa dalawang pangkat ang mga ito matapos ang tahimik at payak n pagdiriwang kinagabihan. Binubuo ang isang pangkat nina Pepito, Tenyente Francisco C. Delgado—ang katulong ni Heneral Basilio J. Valdes—Koronel Jaime Velasquez, Serapio Canceran, sina Dr. Trepp, Diño, at Cruz, isang nars at isang masahista, at si Don Andres Soriano. Sumakay sila ng SS Don Esteban na naglayag sa dilim patungong San Jose, Antique. Nasa sasakyan din ang mga pondo ng pamahalaang Filipino, na inililipat noon sa mga isla sa katimugan. Inatasan ng pangulo si Koronel Velasquez na tanuran ang mga pondong ito. Bahagi ng pananalaping ito ang sinunog pagkaraan, at ang iba ay ibinigay sa mga pamahalaang panlalawigan ng Iloilo, Negros Occidental, Negros Oriental, at Cebu. Hindi pa nasasakop ng mga kalaban ang mga islang ito sa Visayas.

Nang sumunod na araw, Pebrero 20, lumulan naman sa submarinong Swordfish ang pangkat ni Pangulong Quezon, na kinabibilangan ng kaniyang pamilya, nina Punong Hukom Abad Santos, Pangalawang Pangulong Osmeña, Heneral Valdes, Manuel Nieto, at Padre Ortiz. Patungo silang San Jose, Antique. Umalis ang submarino ng Corregidor “paglubog ng buwan” at habang nilulusob ng mga Hapones ang moog na isla mula sa Cavite. Sa kabuuan ng paglalakbay, inaalala nang matindi ni Abad Santos ang lagay ng kaniyang pamilya sa Maynila.

Bumaba ang mga kilalang pasahero ng Swordfish sa San Jose de Buenavista sa Antique nang alas-2:40 ng umaga noong Pebrero 22. Sa kabilang banda, naglalakbay naman ang SS Don Esteban tuwing gabi lamang at nagtatago sa mga bingbing kung araw upang hindi mamataan ng mga eroplano ng kaaway. Nakarating ito sa San Juan de Buenavista makalipas ang isang oras. Mulang San Jose, naglakbay sa lupa si Pangulong Quezon patungong Lungsod Iloilo. Sumakay sina Abad Santos at Osmeña sa SS Don Esteban at nagtungo sa Lungsod Iloilo, at nakarating doon nang alas-diyes ng gabi noong Pebrero 22.

Hindi nagtagal ang pangkat sa Lungsod Iloilo. Matapos makakuha ng mga bagong suplay ng damit mula sa mga tindahan ng Army roon, nilisan nila ang Iloilo at nagtungong Lungsod Bacolod sakay ng MV Princess of Negros nang madaling-araw noong Pebrero 23. Dumaong ang barko sa Lungsod Bacolod matapos ang dalawang oras na paglalayag.

Tumuloy sina Abad Santos at Pepito sa tahanan ni Dr. Antonio A. Lizares—ang gobernador ng lalawigan—sa Talisay. Ipinagamit ni Dr. Lizares ang sarili niyang silid at tumuloy naman ang pamilya niya sa kanilang asyenda. Mas pinili naman ni Pangulong Quezon at ng kaniyang pangkat na tumuloy sa mga silid pansoltero ng Warner, Barnes & Co., Ltd., sa Lungsod Bacolod. Sang-ayon kay Gobernador Lizares, nakasimpleng unipormeng kaki na walang anumang sagisag si Abad Santos.

Nang mga sumunod na linggo, pangkat-pangkat na naglakbay upang magsagawa ng inspeksiyon sa lalawigan ang mga pinuno sa kanila. May pagkakataong nagpulong sa mga usaping pang-estado sina Quezon at Abad Santos sa Buenos Aires, Negros Occidental.

Naganap ang huli nilang pagpupulong sa Bais, Negros Oriental. Inanyayahan ni Quezon––na pinagpayuhan na noon ni Heneral MacArthur na sundan ito sa Australia at magtatag ng pamahalaang nakadestiyero sa Estados Unidos––si Abad Santos na sumama sa kaniya. Pinili ni Abad Santos na manatili sa Pilipinas kung walang pagtutol doon si Pangulong Quezon.

Naiulat na sinabi ni Abad Santos na: “Kung mapagbibigyan ninyo, Ginoong Pangulo, mas ibig kong maiwan, ipagpatúloy ang gawain ko rito, at manatili kasama ang aking pamilya.”

Ipinagtapat niya sa kaniyang anak na lalaki na kung sakaling makababalik sila sa Maynila, magreretiro siya at mamumuhay nang pribado kasama ang kaniyang pamilya sa bukid.

Inatasan ni Pangulong Quezon si Abad Santos na magtungo sa Cebu at siyasatin ang iba pang lugar na hindi nasasakop, tulad ng Panay, Leyte, at Mindanao. Sang-ayon kay Tenyente Delgado, misyon ni Abad Santos na pangasiwaan ang mga pamahalaang sibil sa mga lugar na itong hindi nasasakop, at tulungan ang mga iyon na makaagapay sa sandali ng kagipitan, at matiyak ang matalik na ugnayan sa pagitan ng mga awtoridad na sibil at ng USAFFE. Binigyan siya ni Pangulong Quezon ng malawak na kapangyarihang pampamahalaan sa mga lugar na iyong hindi nasasakop, at ginawa siyang “kinatawan” ng pangulo at siyang halos pinuno ng Pamahalaang Komonwelt sa Pilipinas. Narito ang liham-kapangyarihan na nagpapatunay nito at may lagda ni Quezon:

Marso 17, 1942

Mahal kong Punong Hukom Abad Santos:

Bilang dagdag na tungkulin sa iyong pagiging Punong Hukom at Tagapagpaganap na Kalihim ng Pananalapi, Agrikultura, at Komersiyo, itinatalaga kita ngayon bilang aking kinatawan na may kapangyarihan na kumilos sa lahat ng bagay basta’t walang kinalaman sa mga pagbabaga ng mga batayang polisiya ng aking pamamahala na gamay mo na. Kapag hindi pinahintulutan ng mga pagkakataon na makasangguni ka sa akin, maaari kang tumugon sa mga tanong na agaran at nagmumula sa pamamahalang lokal kahit pa wala akong naunang pagsang-ayon. Sa gayong mga pagkakataon, gagamitin mo ang iyong pinakamahusay na pagtataya at pinakamainam na pasya.

Kaugnay ng mga korporasyong pagmamay-ari ng pamahalaan, binibigyan din kita ng kapangyarihang gumawa ng mga hakbang na mag-iingat sa interes ng pamahalaan, alinman sa pagpapatuloy, pagpigil, o pagwawakas ng kanilang operasyon, sang-ayon sa hinihingi ng mga pagkakataon.

Lubos na sumasaiyo,

(Lagda) Manuel L. Quezon

Punong Hukom Jose Abad Santos

Negros Occidental

Tulad ng sinabi ni Hukom George A. Malcom, “Si Abad Santos kung gayon ang naging pangulong tagapagpaganap ng Komonwelt” ng Pilipinas.

Nagkamali ang pagkaunawa ni Roxas na ang ipinagkatiwala lamang ni Quezon kay Abad Santos ay ang kapangyarihan ng pangangasiwa at paghawak sa mga hukuman ng katarungan sa lahat ng mga lugar na hindi nasakop. Sa kabilang banda, pinaniwalaan ng yumaong Hukom Manuel Briones na iniwan ni Quezon si Abad Santos sa Pilipinas bilang kaniyang kinatawan sa mga teritoryong hindi nasakop ng mga Hapones. Mukhang ang pananaw ni Briones ang angkop na pananaw, sapagkat hayag na itinatalaga ng liham ni Quezon si Abad Santos bilang kaniyang “kinatawan.” Hindi kailangan ni Abad Santos ang kapangyarihan ni Quezon upang pangasiwaan ang mga hukuman sapagkat isinasaad na ito ng Batas Tagapagpaganap Blg. 396 na muling nagsasaayos ng mga kagawarang ehekutibo, at naglalagay sa mga hukuman sa ilalim ng punong hukom ng Korte Suprema. Noong 1942, hinawakan ni Abad Santos ang mga tungkulin bilang punong hukom at kalihim ng pananalapi, agrikultura, at komersiyo. Bukod dito, tulad ng sinabi ni Pepito, wala nang mga hukumang pangangasiwaan sapagkat lumikas na ang mga hukom at mga kawani ng hukuman patungo sa mga ligtas na lugar.

Sa katotohanan, noong nasa Corregidor sila’y itinalaga ni Pangulong Quezon si Roxas bilang kalihim na tagapagpaganap ng pangulo, nang may kapangyarihan na kumilos sa kaniyang ngalan sa lahat ng mga bagay na walang kinalaman sa mga pagbabago ng polisiya. Nag-iwan ng tagubilin si Quezon na kapag pareho silang napatay o nahuli ni Osmeña, si Roxas ang hahawak ng pagkapangulo. Isinulat ni Quezon sa kaniyang talambuhay:

Nang naghahanda akong umalis sa Corregidor, una kong layunin na isama si Koronel Manuel Roxas, subalit pakiramdam niya’y mahalagang may maiwan doon upang magpanatili ng tatag ng loob ng mga sundalong Filipino—at tama siya. Nang iwan ko ang Corregidor, ibinigay ko sa kaniya ang mga kapangyarihan ng Kalihim na Tagapagpaganap ng Pangulo.

Noong nasa Negros ako, at samantalang nagsisimula nang makapasok nang lihim ang mga puwersang Hapones sa ating hanay, at kinakailangang maging maingat sa pagpili ng hahawak sa Pagkapangulo ng bansa sakaling may mangyari sa akin at kay Pangalawang Pangulong Osmeña, pinili ko si Koronel Roxas bilang aming kahalili, sa ilalim ng mga kapangyarihang ipinagkakaloob sa akin ng Saligang Batas, at inilabas ang sumusunod na Batas Tagapagpaganap:

Sapagkat palaging naririto ang panganib na mapaslang o mahuli ng kaaway ang Pangulo ng Pilipinas; at

Sapagkat hinihingi ng interes ng mga mamamayan na igawad ang tagahalili sa Pagkapangulo upang hindi magkaroon ng pagkakataon na mawalan ang bansa ng nasa-batas na pinuno ng Pamahalaan ng Komonwelt.

Upang sakaling hindi ako o si Pangalawang Pangulong Osmeña makaganap sa mga tungkuling ito, kinakailangang maging Pangulo ng Kalihim ng Pangulo.

Nakatanggap ako ng tugon ng pagsang-ayon kaugnay sa bagay na ito nang ipabatid ko kay Pangulong Roosevelt ang ganitong kasunduan.

Ipinaabot din ni Pangulong Quezon sa kaniyang inaanak na si Tenyente Delgado ang paanyaya na lumikas patungong Australia kasama niya, subalit pinili ng batang opisyal na babagong kasal noon na manatili sa Pilipinas. Nagsilbing ninong at ninang sa kasal ni Delgado sina Pangulo at Gng. Quezon. Dahil pinili niyang maiwan, itinalaga si Delgado ni Pangulong Quezon bilang aide-de-camp at kalihim ni Punong Hukom Abad Santos at bilang opisyal na tagapagluwal ng pananalapi.

Namaalam si Abad Santos kina Pangulo at Gng. Quezon sa Punto Zamboangita sa Negros Oriental noong Marso 1942. Mapagmalasakit na pinaalalahanan ni Gng. Quezon si Abad Santos na alagaan nitong mabuti ang sariling kalusugan. Noong Marso 25 o 26, 1942, inilipad si Pangulong Quezon at ang kaniyang mga kasama ng mga pambombang B-17 mula sa Paliparang Del Monte sa Cagayan de Oro patungong Australia.

Matapos iyon ay nagbalik naman sa Lungsod Bacolod si Abad Santos. Namahinga siya nang isang linggo sa tahanan ni Don Emiliano Lizares, at saka siya nagbalik sa trabaho. Maaaring sa panahong ito niya nakita sa Bacolod si Hukom Emilio Hilado. Napansin ni Hukom Hilado na seryoso at marubdob si Abad Santos sa kanilang pagkikita:

Pinalad akong makita siya [Abad Santos] sa Lungsod Bacolod sa matandang Tahanang Mansiyon ng Gobernador sa Kalyeng J. Araneta. Saglit kaming nag-usap, na lubhang seryoso at marubdob, at kapwa kami malay sa kalunos-lunos na lagay ng ating bansa. Subalit napanatili niya ang kaniyang katangiang payapa at matiwasay, at sa ilalim ng pino niyang kilos na kilalang-kilala ko ay ang di-magmamaliw na diwa ng pagmamahal sa bayan na taglay niyang tulad ng mga Rizal, Aguinaldo, Del Pilar, at iba pang kilala mo na.

Biyernes Santo noong Abril 3, 1942 nang nagkita sina Abad Santos at Roxas sa Lungsod Bacolod. Ipinasa ni Roxas sa kaniya ang mga huling tagubilin ni Pangulong Quezon at hiningi ang kaniyang payo sa mahahalagang suliranin ng pamahalaan na nangangailangan ng agarang pansin. Pagkatapos niyan ay magkasama silang nagbiyahe sa kotse mula Bacolod hanggang Dumaguete kung saan sumakay si Roxas ng eroplano patungong Mindanao. Linggo ng Pagkabuhay noong Abril 5, 1942 ang huli nilang pagkikita sa Dumaguete.

Inanyayahan ni Roxas si Abad na sumama sa kaniya sa Mindanao, subalit tulad ng inaasahan, tumanggi si Abad Santos. Sinabi niya kay Roxas na sa Cebu niya balak pumunta. Ibig din niyang makatanggap ng balita tungkol sa kaniyang pamilya.

Nang nagbabala si Roxas na maaari siyang mahuli at patayin ng mga Hapones, sinabi ni Abad Santos: “Kung iyon ang kapalaran ko, nakahanda ako; subalit sa ngayon, ipagpapatuloy ko ang pagsasagawa ng mga tungkuling iniatang ng pangulo sa akin.” [amin ang salin]

Pagkadakip sa Cebu

Nanatili nang dalawang araw sa Dumaguete si Abad Santos matapos umalis ni Roxas patungong Mindanao. Ipinatawag niya ang mga opisyal na sibilyan ng lalawigan at ang mga pinuno ng militar na namamahala sa pagtatanggol ng lugar laban sa mga Hapones. Pagkatapos, saka siya lumulan ng bangkang ferry patungong Cebu. Sang-ayon sa yumaong Hukom Manuel Briones, nagtungo si Abad Santos sa Cebu upang pangasiwaan ang pamahalaang sibil sa lugar at upang mag-ampon ng mga gawain at disposisyon upang labanan ang nalalapit na pagsakop ng Hapones sa isla. Doon nagsimula ang masakit na balakid ng ama at anak, kasama ang mga tagpong nakalulunos, na nagwakas sa pagkamartir ni Abad Santos. Dalawampu’t limang araw pagkarating niya sa Cebu, mamamatay si Abad Santos sa kamay ng mga sandatang Hapones.

Dumating si Abad Santos sa Lungsod Cebu noong bandang Abril 7. Kasama niya ang anak niyang si Pepito, si Koronel Benito D. Valeriano––ang pinuno ng Konstabularyo sa Visayas––si Tenyente Delgado, at si Manuel del Rosario, na manugang ni Don Emiliano Lizares, ang nagpatuloy kay Abad Santos sa Lungsod Bacolod. Nagsilbing tagapamagitan si Koronel Valeriano ng Pamahalaang Komonwelt, na pinagsisilbihan ni Abad Santos bílang pinunong tagaganap, at ng USAFFE. Hindi nawala ang komunikasyon niya sa Sandatahan at ipinaalam niya kay Abad Santos ang mga galaw ng sandatahang lakas.

Sumangguni si Abad Santos sa mga pinuno ng USAFFE na namumuno sa mga puwersa sa Cebu, at gayundin sa mga pinuno ng pamahalaang sibil sa islang iyon. Inalala ni Delgado na sa kanilang mga paglalakbay ng pagsisiyasat sa isla, ginamit ni Abad Santos––na nagsisilbing pangulong tagaganap ng Pilipinas––ang isang itim na Buick na may plakang numero 1 at nagwawagayway ng bandilang Filipino.

Sa unang tatlong araw pagdating niya sa Cebu, nanirahan si Abad Santos sa isang pribadong tahanan na malapit sa ospital na panlalawigan sa Lungsod Cebu.

Sapagkat itinulak siya ng mga pangyayari ng digmaan upang makabilang sa matatalik na kasama ng punong hukom, nagkaroon ang batang si Tenyente Delgado ng sapat ng pagkakataon upang obserbahan ang hukom nang malapitan. Sang-ayon kay Delgado, isang napakalungkot na nilalang si Abad Santos nang mga panahong iyon. Ang pangunahing niyang hangad ay makabalik sa kaniyang pamilya sa Maynila. Naisip ni Delgado na wala na ang sundalo sa marupok at tahimik na punong hukom. Hindi niya masanay ang sarili sa mga paghihirap na dala ng digmaan. Mukha siyang ganap na “sibilyan” sa kaniyang hitsura at maging sa pananaw. Kahit sa mga panahong iyon ng kawalang-kaayusan, lagi siyang naka-Amerikana. Bagaman naging sisidlan siya ng pinakamataas na kapangyarihang sibiliyan, malayo sa pagiging awtoritaryo ang kaniyang asta at pagkilos.

Madalas siyang makipag-usap sa Español sa kaniyang batang kaagapay. Samantalang pinag-iisipan ang digmaan at ang mga hatid nitong lagim, iiling si Abad Santos at sasabihin: “La guerra es muy dificil.”

Nang tinanong siya ni Tenyente Delgado kung ano ang gagawin niya sakaling dumating ang mga kalaban, sinabi ni Abad Santos na susuko siya. Tulad ni Quezon, matindi ang paniniwala niya na walang saysay na sakripisyo ng buhay ng mga Filipino ang patuloy na paglaban sa mas malakas na puwersa ng kalaban. Subalit may malinaw na konsepto ng kahulugan ng pagsuko si Abad na iba kaysa pakikipagtulungan sa kaaway. Handa siyang sumuko, na siyang nararapat sa nalupig, subalit hindi siya makikipagtulungan sa kaaway.

Noong Abril 10, 1942, nabalitaan sa radyo ang pagbagsak ng Bataan. Hayag ang pagkalungkot na nakinig si Abad Santos sa patalastas na malagim.

Para sa seguridad, pinagpayuhan si Abad Santos ng pinunong Amerikano ng mga puwersang USAFFE sa Cebu na lumikas siya mula sa Lungsod Cebu. Inaasahan noon na ang Cebu ang susunod na pupuntiryahin ng kaaway. Walang laban ang lungsod. Tulad ng Maynila, idineklara ito bilang lungsod na bukás [open city].

Sang-ayon sa payo ng pinunong Amerikano, lumipat sa mga tanggapan ng Cebu Portland Cement Company sa Naga––may tatlumpung kilometro sa katimugan ng Lungsod Cebu––kasama ang kaniyang anak at si Tenyente Delgado noong hapon ng Abril 10, 1942. Nanatili si Koronel Valeriano sa punong-himpilan ng sandatahan sa Lungsod Cebu.

Natulog ang pangkat ni Abad Santos sa bahay-pampanauhin ng kompanya, at nanatili sa magkakahiwalay na silid. Inihanda ng mga tauhan ng sandatahan ang kanilang pagkain. Iyon ang una at huling gabi nila sa Naga.

Noong Abril 10, 1942, dumaong ang mga puwersang Hapones sa silanganing baybayin ng Cebu, tatlumpung kilometro sa katimugan ng Naga. Nasa Kampo 7 sa hilaga ng Lungsod Cebu ang mga puwersang USAFFE na pinamumunuan ni Heneral Chynoweth. Matapos dumaong, pumasok paloob patungong Kampo 7 ang mga Hapones, tahak ang daang Toledo-Cebu. Nang sumunod na araw, Abril 11, nagdaong ng marami pang puwersa ang mga Hapones sa Lungsod Cebu, Toledo, Argao, Pimamungajan, Naga, at Talisay.

Isang oras matapos ang hatinggabi––Abril 11, 1942 na noon, Araw ng Pagkabuhay––nang ginising si Delgado ng pagtunog ng telepono sa bahay-pampanauhin. Nasa kabila ng linya ang Amerikanong Kumander sa Lungsod Cebu. Sinabi niya kay Delgado na binobomba ng mga Hapones ang Lungsod Cebu at naghahanda nang dumaong sa iba’t ibang bahagi ng isla––sa mismong Lungsod Cebu at sa Barili at Argao, sa ibaba ng Carcar. “Mangyaring pakisabihan si Punong Hukom Abad Santos na lumikas panorte tungong Toledo,” [amin ang salin] giit ng opisyal na Amerikano.

Agad na ginising ni Delgado si Punong Hukom Abad Santos upang ihatid dito ang balita. Nagulat si Abad Santos sa alanganing oras na iyon (ala-una ng umaga) at sapagkat hindi siya malay sa tindi ng panganib na kinakaharap nila, agad na napasumpa ng reklamo si Abad Santos: “_________! Muy temprano!”

Hiniling niya kay Delgado na bantayan pa ang mga pangyayari at saka siya bumalik sa pagtulog.

Hindi natulog si Delgado. Naupo siya, nagmatyag samantalang bumabangon ang gabi sa ingay ng mga tao at ng mga sasakyan sa daan na nagkukumahog patungo sa mga lugar ng kaligtasan.

Pagdating ng alas-kuwatro ng umaga, nasa telepono na naman ang pinunong Amerikano. Humihingi ng agarang aksiyon ang kaniyang mensahe: “Napakahalagang agad na lumikas ng Naga si Punong Hukom Abad Santos sapagkat dumaong na ang mga Hapones sa Lungsod Cebu.”

Muling ginising ni Delgado si Abad Santos at ipinaabot ang mensahe mulang Lungsod Cebu. Inatasan siya ni Abad Santos na sunduin sa lungsod si Koronel Valeriano “upang sama-sama tayong makalikas pagkabalik ninyo,” [amin ang salin] sabi niya.

Sapagkat alam niyang mahirap magtago sa mga Hapones sa makipot na isla ng Cebu, nilayon ni Abad Santos na magtungong Toledo at sumakay ng bangkang ferry doon patungong Negros. Hindi niya alam na dumaong na rin ang mga puwersang Hapones sa Toledo.

Pinagpayuhan niya si Delgado na gamitin ang kotseng pampangulo upang hindi siya patigilin sa kaniyang pagbibiyahe patungong lungsod. Sinunod ni Delgado ang ipinag-utos sa kaniya. Gayumpaman, hindi na siya nakabalik sa Naga. Sa gitna ng pagmamadali niyang makarating sa lungsod, handa na namang pasabugin ng mga puwrsang USAFFE ang mga tulay sa daan. Ang kotse niya ang isa sa mga huling sasakyan na nakatawid sa isa sa mga tulay bago iyon pinasabog. Inalala ni Delgado na siya mismo’y hindi alam noon kung gaano kalaki ang panganib hanggang sa makita niya ang pagpapasabog sa mga tulay na nilampasan niya. Hindi na siya makababalik sa Naga. Wala nang paraan para makabalik pa siya.

Nang marating ni Delgado ang Lungsod Cebu, nagtungo siya sa punong-himpilan ng USAFFE upang hanapin si Valeriano subalit hindi niya ito matagpuan. May nagsabi sa kaniya na nagtungong Naga si Valeriano upang tulungang makatakas si Abad Santos. Sinubukang tawagan ni Delgado si Abad Santos sa Naga, gamit ang telepono sa punong-himpilan, subalit naputol na ang koneksiyon. Alas-otso iyon ng umaga. Iyon ang oras kung kailan, sang-ayon kay Pepito, nahuli siya at ang kaniyang ama ng mga Hapones sa Baryo Tubod sa Barili.

Isa sa mga nalathalang talâ ng mga huling araw ni Abad Santos sa Cebu ang nagsabing ipinadala niya si Delgado sa Lungsod Cebu upang sunduin si Manuel del Rosario, na kasama noon ang ilang mga kamag-anak sa siyudad. Subalit pinabulaanan ang talang ito ni Delgado mismo. Sinabi niyang ang dahilan ng pagmamadali niyang magtungo sa Lungsod Cebu nang umagang iyon ng pananakop ng mga Hapones ay upang hanapin si Valeriano. Gayumpaman, pinatotohanan niyang nagtungo si Manuel del Rosario sa Cebu kasama ang punong hukom.

Maaaring sabihin na nagtagumpay si Delgado sa pagtakas patungong Negros sa paglalayag sa bangka mulang Toledo makalipas ang dalawang araw. Natagpuan niya si del Rosario sa Lungsod Bacolod. Pagkalipas ng ilang buwan, sa pamamagitan ng paglipat-lipat ng isla kasama ang mga mangingisda sa isang bangkang maliit, nakarating siya sa Luzon at muling nakasama ang kaniyang pamilya sa Maynila. Paulit-ulit siyang siniyasat ng mga Hapones kaugnay ng kinalalagyan ng pananalapi ng Komonwelt subalit sinabi niyang hindi siya dumanas ng torture mula sa mga ito. Hiningi lamang ng mga itong dumalo siya ng araw-araw na mga klase ng indoktrinasyon sa isang paaralang Hapones sa Kalye Azcarraga (Claro M. Recto ngayon).

Sa Naga, muling nakasama ni Koronel Valeriano si Abad Santos. Lumikha ang pananakop ng matinding panik at kalituhan sa mga tao at sa mga hukbong sandatahan, kaya’t maging si Koronel Valeriano mismo ay mali ang nakuhang impormasyon kaugnay ng kinaroroonan ng mga kaaway. Akala niya’y dumaong sa pinakahilaga at pinakakatimugang mga bahagi ng isla ng Cebu. Hindi siya nasabihan tungkol sa mga pagdaong sa kanlurang Cebu.

Mulang Naga, nakikita nina Abad Santos at ng kaniyang mga kasama ang mga barkong Hapones na naglalayag sa Kipot Bohol. Pinanood nila nang may pagkasindak ang paulit-ulit na pagbomba ng mga pangkat na Hapones sa lungsod. Nakita nila ang mga itim na usok na umaangat mula sa mga depo ng langis sa Lungsod Cebu at sa Islang Mactan na ipinagpalagay nilang sinunog ng mga puwersang USAFFE. Sa pangingibabaw ng mga pagsabog sa umagang iyon, naisip nilang malamang na mga bomba ng kaaway iyon o gawa ng mga pangkat ng USAFFE na nagsasagawa ng demolisyon.

Sapagkat hindi na nagbalik si Delgado at dahil naisip niyang wala nang saysay at mapanganib na hintayin pa ito, nagpasya si Abad Santos na agad na lumikas patungong Toledo. Malakas ang loob niuanh nasa malayong hilaga at timog ang mga Hapons at na mararating niya ang bayan ng Carcar bago iyon marating ng mga Hapones. Kasama si Pepito, Koronel Valeriano, at dalawa pang sundalo, lumulan si Abad Santos sa isang kotse ng Konstabularyo at naglakbay patimog patungong haywey ng Carcar-Barili. Napatunayan nang isa itong pagkakamaling trahiko.

Tumigil ang pangkat para sa ilang impormasyon sa baryo Mantalongon sa Barili, kung saan may tahanang panlalawigan si Kinatawan Maximo Noel. Sinabihan sila ni Noel tungkol sa ulat na dumaong na ang mga Hapones sa Barili at patungo nang Carcar. Ipinayo nito nang matindi na huwag na silang lumayo dahil maaari nilang makasalubong ang mga kaaway sa daan.

Nagpasyang magpatuloy ang pangkat, alinman dahil sa hindi pinaniwalaan ni Valeriano ang ulat ni Noel o dahil sa hindi na maaari pa silang bumalik. Tulad ng ikinatakot ni Noel, nakatagpo at nahuli ng mga Hapones si Abad Santos at ang pangkat nito samantalang patungo sa daan sa baryo Tubod sa Barili, bandang alas-otso ng umaga noong Abril 11, 1942.

Sang-ayon kay Manuel A. Roxas, nang malaman niya ang pagdaong sa Cebu, iniradyo niya iyon kay Heneral Wainwright sa Corregidor at hiniling na magpadala ng eroplano sa Cebu upang ilikas si Abad Santos. Ipinangako ni Wainwright na gagawin ang lahat upang mailikas si Abad Santos. Nagpahayag din ng pagkabahala si Quezon sa kapalaran ng punong hukom.

Kinuha ang kotseng sinasakyan ni Abad Santos at ng kaniyang mga kasama at inilagay sila sa isang trak kasama ang mga sundalo. Bahagyang naantala ang pag-usad ng mga kaaway dahil sa paminsan-minsang pakikihamok sa mga puwersang Filipino sa daan. Nakarating sila sa Lungsod Cebu pagsapit ng alas-siyete ng gabi.

Sa paglalakbay nila patungong lungsod, nakatikim si Pepito ng unang pait ng karahasan ng mga Hapones sa mga bihag. Namahinga sa gilid ng daan ang mga sundalong pagod at ang laspag nilang mga bihag. Sinamantala ni Pepito ang pansamantalang pamamahinga na ito at pumitas siya ng isang niyog upang inumin ng ama. Nang makita siya ng isang sundalong Hapones, sinigawan siya at sinampal sa mukha.

Subalit hindi barbaro ang lahat ng mga sundalong Hapones na nakasalamuha nila sa pagkakabihag sa kanila. Sa Lungsod Cebu, kinaibigan sina Abad Santos at Pepiyo ng isang batang opisyal na Hapones na nagngangalang Kapitan Watanabe. Noong una’y hindi nagtiwala ang mag-ama kay Watanabe, sapagkat maaaring ang pagiging palakaibigan nito ay pakana upang makuha ang kanilang tiwala. Ipinakita ni Watanabe sa kanila ang isang rosaryo upang patunayan na isa siyang Kristiyano.

Mula sa simula, pinakitunguhan ni Watanabe si Abad Santos nang may kabutihan at paggalang. Hiniling niya kapwa kay Abad Santos at sa anak nito na magpakuha ng litrato nang kasama siya sa harap ng isang tahanan sa Lungsod Cebu. Nang binisita niyang muli ang dalawa makalipas ang ilang araw, ipinakita niya kay Abad Sangos ang kopya ng larawan. Sinabi niyang malapit na siyang umalis patungong Maynila at balak niyang ibigay ang larawan kay Gng. Abad Santos bilang isang alaala. Nagsabi rin siyang handa siyang maghatid ng liham mula kay Abad Santos para sa pamilya nito sa lungsod. Upang patunayan ang kaniyang katapatan at kabutihan, hinayaan niyang isulat ni Abad Santos ang liham nito sa Pampango. Kapag isinalin ang liham—ang huling tala ni Abad Santos sa kaniyang asawa—ganito ang mababasa:

Cebu, Abril 16, 1942

Mahal kong Mandang:

Si Kapitan Watanabe na nakilala namin dito sa Cebu ang naghatid ng liham na ito. Naging mabuti ang pakikitungo niya sa amin. Mabuti naman ang lagay namin dito, at huwag mo kaming alalahanin. Sana’y malapit na tayong magkita-kitang muli riyan. Ito na lamang, at sana’y datnan ka ng liham na ito sa mabuting kalagayan.

Siyang nagmamahal sa iyo nang lubos,

Jose A.

Nang iwan sila ng opisyal na Hapones, naisip ni Abad Santos at ng kaniyang anak kung talaga ngang maihahatid ang liham at larawan kay Gng. Abad Santos. Nagawa nito. Nang makabalik si Pepito sa kaniyang pamilya makalipas ang ilang buwan, tinanong niya ang ina tungkol dito. Ipinakita sa kaniya nito ang huling larawan ng kaniyang ama. Sa panahon ng digmaan, itinago ng ina niya ito malapit sa kaniyang dibdib. Kumapit siya rito sa harap ng lahat ng balakid. Dinala niya ito nang yapak siyang tumakas kasama ang kaniyang pamilya palayo mula sa mga kaaway mula sa Baguio hanggang sa Agoo, La Union.

Ang Pinili ni Abad Santos

Dinala sina Abad Santos at Pepito sa Mababang Paaralan ng Basak sa bayan ng San Nicolas. Nagsilbing kampong bilangguan ng mga sibilyang Hapones ang paaralan subalit isa nang kampong piitan noon para sa mga Filipinong bilanggo ng digmaan.

Walang kama para sa mga bilanggo sa kampo. Samantalang pahiga na si Abad Santos sa sahig, ibinigay ni Sarhento Guarino Espina sa kaniya ang katangi-tanging banig sa silid na hinihigaan nito. Magalang na tinanggihan ni Abad Santos ang alok. Iginiit niyang mahiga sa sahig.

Noong Abril 12, inalis ng mga Hapones si Abad Santos mula sa Mababang Paaralan ng Basak. Nang paalis na siya sa paaralan, sinabi niya sa Tagalog sa mga Filipinong bihag ng digmaan doon: “Tandaan ninyo, huwag kayong sasapi sa kaaway. Kakampi natin ang Amerika at ang Diyos. Narito lamang ang mga Hapones sa hiram na sandali. Muli tayong babangon.” Matapos niyang sabihin ang mga salitang ito ng pamamaalam, itinulak na siya palabas ng gusali ng kaniyang mga tanod.

Kasama ang kaniyang anak at si Koronel Valeriano, dinala si Abad Santos sa munisipyo ng Lungsod Cebu. Doon ay iniwan silang mag-isa nang pansamantala sa isang maliit na silid. Ipinasa ni Abad Santos kay Pepito ang ilang mahalagang opisyal na papeles na hindi pa nadidiskubre ng mga Hapones hanggang nang sandaling iyon. Pinunit ni Pepito nang pinong-pino ang pinakamahahalagang dokumento at saka nilulon ang mga iyon. “Walang ibang paraan upang sirain agad ang mga iyon maliban sa paglulon sa kanila,” sabi ni Pepito, “Pinunit ko ang mga iyon nang maliliit at saka isinubo. Mukhang hindi iyon magagawa, kapag inisip mo iyon ngayon, pero noong mga araw na iyon ng pagkukumahog at panganib, magagawa ng isang tao ang kahit imposibleng bahay.” Itinago niya ang mga hindi gaano kaimportanteng papeles sa ilalim ng ilang patong at tumpok ng lumang rekord ng pamahalaan na nakakalat lamang noon sa isang sulok ng silid.

Mula sa munisipyo, dinala si Abad at ang kaniyang mga kasama sa isang malapit na bahay na nagsilbi nilang himpilan. Araw-araw matapos iyon, sumailalim sa matinding interogasyon sina Abad Santos at Valeriano nang mayroong apatnapung minutong pagitan.

Sinasampal at sinisipa si Valeriano sa mga sesyong ito. Matapos ang dalawang araw, inutusan si Valeriano na kunin ang mga gamit niya at saka isinama paalis.

Naitala ang kapalaran ni Koronel Valeriano sa kaniyang rekord na pansandatahang sinipi ni Kapitan Ricardo Macairog, ang katuwang na pang-administratibong heneral.

Marso 25, 1963

Ibig naming ipaalam sa inyo na sang-ayon sa mga tala ng yumaong Koronel Benito D. Valeriano, nabihag siya ng mga puwersang Hapones noong 10 Abril [11 Abril] 1942, at ikinulong bilang bihag sa Lungsod Cebu. Noong bandang 18 Mayo 1942, ipinadala siya at ang iba pa ng mga Hapones bilang mga emisaryo sa Negros upang makipag-ugnayan sa pagsuko ng mga kasapi ng USAFFE na nasa bahaging iyon na tumangging sundin ang utos na pagsukong inilabas ni Heneral Wainwright. Noong 22 Mayo 1942, pinaslang sa Negros ang naturang opisyal maging ang kaniyang mga kasama. Sa daloy ng interogasyon, kinilala ni Abad Santos ang sarili bilang punong hukom ng Korte Suprema. Ilang araw ang lumipas bago natuklasan ng mga Hapones na siya talaga ang pinuno ng Pamahalaang Komonwelt ng Filipinos–o, tulad ng pagkakasabi nina Hukom Manuel Briones at Alfonso feliz, siya ang kinatawan ni Pangulong Quezon sa mga teritoryong hindi pa nasasakop ng mga Hapones.

Nagsalitan sa interogasyon kay Abad Santos sina Medyor Heneral Kiyotake Kawaguchi, kumander ng mga puwersang Hapones na sumakop sa Cebu, at si Koronel Kawakami, hepe ng administrasyong pangmilitar sa lalawigang iyon. Nang matiyak nila kung sino si Abad Santos, ibig nilang tawagan nito si Roxas sa Mindanao at hikayatin si Roxas na sumuko. Sinabihan din siyang manumpa ng katapatan sa Hapon, o talikuran ang kaniyang katapatan sa Estados Unidos at sa Pamahalaang Komonwelt. Inalok siya ng posisyon sa pamahalaang papet, at tinanggihan niya. Maaaring itinanong din nila sa kaniya ang mga tagubilin mula kay Pangulong Quezon, at ipinasuko ang mga opisyal na papeles na nasa kaniyang pangangalaga at winasak na ng kaniyang anak. Matatag siyang tumanggi sa mga gustong mangyari na ito ng mga Hapones. Naiulat na sinabi niyang: “Hindi ko maaaring gawin iyan sapagkat kapag ginawa ko, lalabagin ko ang aking sumpa ng katapatan sa Estados Unidos.” Sang-ayon sa isa pang bersiyon, ang sagot niya ay: “Hindi ko maibibigay ang mga bagay na hinihingi ninyo. Katumbas ng pagiging taksil sa Estados Unidos at sa aking bansa ang pagsunod sa inyong mga utos. Iibigin ko pang mamatay kaysa mabuhay sa kahihiyan.”

Utos ng Pagbitay

Ipinaalam sa administrasyong pangmilitar ng mga Hapones sa Maynila, sa ilalim ni Medyor Heneral Yoshihide Hayashi, ang pagtangging makipagtulungan ni Abad Santos sa mga Hapones. Sadyang minalas na ang pagkabihag kay Abad Santos ay nakasabay ng pagdalaw ni Field Marshal Sugiyama sa punong-himpilan ng Sandatahang Hapones sa Orani, Bataan. Bilang hepe ng Imperial General Staff, si Sugiyama ang pinakamataas na opisyal ng Sandatahang Hapones. Nang ipaalam ang pagmamatigas ni Abad Santos, ipinag-utos umano ni Sugiyama kay Hayashi na “lipulin ang lahat ng mga pinunong laban sa pamahalaang militar ng Hapon.”

Inamin ni Medyor Heneral Takeji (Tokuji) Wachi, na siyang humalili kay Hayashi bilang direktor ng administrasyong pangmilitar ng Hapon sa Pilipinas, sa mga paglilitis sa mga krimen ng digmaan, na kasama sa utos ni Sugiyama sina Santos at Roxas. Ipinahayag ni Wachi na dumating ang utos ng pagbitay sa kaniya sa kaniyang punong-himpilan sa Bataan. Siya noon ang chief of staff ng Ikalabing-apat na Sandatahan ni Heneral Masaharu Homma. Pinahintulutan niya ang utos, sa paniniwalang dadalhin ng mga opisyal ng administrasyong pangmilitar ang kaso kay Heneral Homma, at alam niyang binigyan ni Homma ng utos si Hayashi na “pangalagaan” si Abad Santos. Naglaman ang utos ng opsiyon para sa yunit ni Heneral Kawaguchi na dalhin si Abad Santos sa Maynila sakaling maging imposibleng bitayin ito dahil sa mahahalagang dahilan. Sa punong-himpilan ng administrasyong pangmilitar ni Hayashi, nabago o nabura diumano ang bahaging ito ng utos, at ang utos ng pagbitay na inilabas ni Hayashi ay “mas personal na tala kay Kawaguchi” na nag-aatas na dalhin si Abad Santos sa Davao sa halip na sa Maynila.

Bilang pagtatanggol sa sarili sa paglilitis sa mga krimen ng digmaan kaugnay ng pagpaslang kay Abad Santos, itinanggi ni Homma na siya ang may pananagutan sa pagbitay sa bayani. Nagbigay siya ng testimonya na nang ipaalam sa kaniya ang pagkabihag kay Abad Santos sa Cebu, binigyang-babala niya si Heneral Hayashi, ang kaniyang deputy chief of staff at ang direktor heneral ng administrasyong pangmilitar sa Pilipinas, na walang dapat mangyari kay Abad Santos sapagkat umasa siyang “makikibahagi ito sa pamamahala sa Pilipinas.” Sinabi niyang nagulat siya’t nagalit nang malaman niyang binitay si Abad Santos. Iginiit niyang pinaslang si Abad Santos ng mga iresponsableng tagasunod.

Subalit sa harap man ng mga pahayag na ito, nananatili ang katotohanan na ang utos para sa pagbitay kay Abad Santos na inilibas ni Hayashi ay mayroong selyo ng pagsang-ayon ni Wachi, ng chief of staff, at ni Homma, ang kumander heneral ng Sandatahang Hapones sa Pilipinas. Naipahatid ito kay Heneral Kawaguchi, kumander ng mga puwersang Hapones sa Cebu, na nang mga panahong iyon ay naghahanda ng kaniyang mga puwersa upang dumaong sa Mindanao.

Noong Abril 15, 1942, ipinadala si Tenyente Koronel Keisuke Inosuka, isang staff officer sa ilalim ni Heneral Wachi, sa Cebu nang may utos mula kay Heneral Hayashi upang ipaalala kay Kawaguchi ang pagbitay kay Abad Santos. Sang-ayon kay Inosuka, ito ang mismong sinabi ni Hayashi: “Pakidala kay Kawaguchi [ang utos] na patayin si Abad Santos.” Sang-ayon kay Inosuka, mukhang “hindi naibigan” ni Kawaguchi na marinig ang mga utos na ito.

Sa paglilitis sa kaniya para sa mga krimen ng digmaan, iginiit ni Heneral Kiyotake Kawaguchi na ang utos para sa pagbitay kay Abad Santos ay lampas na sa kaniyang kapangyarihang manatili. Itinuro niya si Heneral Hayashi bilang siyang nag-utos ng pagpaslang kay Abad Santos. Ipinasa naman ni Hayashi ang sisi kay Marshal Sugiyama, ang pangkalahatang kumander ng mga puwersang Hapones sa Timog-Silangang Asya.

Samantala, sa Maynila, narinig sa radyo ni Hukom Salvador Abad Santos, nakababatang kapatid ng hukom, ang tungkol sa pagkakaaresto sa kaniyang kapatid sa Cebu. Agad niyang hinanap si Laurel, na komisyoner noon ng katarungan, at nagmakaawang mamagitan ito para kay Abad Santos. Nangako si Laurel na gagawin iyon.

Makalipas ang mga dalawang linggo, inanyayahan si Laurel sa isang kasiyahang inihanda ni Heneral Homma sa Manila Hotel. Sinamantala ni Laurel ang pagkakataon upang makausap si Homma sa ngalan nina Abad Santos at Roxas, na bilanggo rin noon ng digmaan sa Mindanao. Masyado nang huli ang pamamagitan ni Laurel upang iligtas si Jose Abad Santos. Sinabi ni Homma sa kaniya: “Galit kaming mga Hapones kay Abad Santos.” Sinabi ni Laurel kay Salvador Abad Santos na ang utos para patayin ang kapatid niya’y nilagdaan ni Homma.

Bakit nagpasya si Homma na bitayin si Abad Santos? Ito ang sinabi ni Pangulong Roxas pagkaraan:

Hindi na maaaring malaman pa natin ang mga hiningi sa kaniya [Abad Santos] ng mga alipores ng Sandatahang Pang-imperyo ng Hapon, o ang mga sagot na ibinigay niya sa mga iyon. Hindi na maaaring malaman pa natin ang pinakadahilan upang isagawa ng kaaway ang pagbitay sa kaniya taliwas sa mga batas ng digmaan at sa atas ng pagiging tao.

Ibinubunyag ng transcript ng imbestigasyon ni Kawaguchi kay Abad Santos sa Cebu na nahatulan siya sa pagiging kasapi ng gabineteng pandigmaan ni Quezon, na siya ang nag-utos ng pagsunog sa Lungsod Cebu, at na siya ang may pananagutan ng paglalathala ng mga perang papel sa mga islang katimugan. Ito rin ang mga dahilang sinabi ni Abad Santos sa kaniyang anak bago siya mamatay nang tinanong siya nito kung bakit iniutos ni Kawaguchi ang pagbitay sa kaniya.

Sa tingin ni Pangulong Quezon, pinaslang si Abad Santos sapagkat tumanggi itong sumailalim sa propagandang maka-Hapones. Naging paniniwala ng marami na pinaslang ang bayani dahil sa pagtanggi nitong manumpa ng katapatan sa Hapon, makipagtulungan sa kaaway, at magbunyag ng mga tagubilin ni Pangulong Quezon sa kaniya.

Sang-ayon kay Pepito, inalok ang ama niya ng tungkulin sa pamahalaang kontrolado ng mga Hapoes, subalit tumanggi ito sapagkat ang pagtanggap niyon ay magiging paglabag ng kaniyang panunumpa ng katapatan sa Estados Unidos.

Maaaring ibig ng mga Hapones na makipagtulungan siya sa mga ito, o na pumanig siya sa mga ito, subalit tumanggi siyang gawin iyon sapagkat hindi iyon marangal at taksil sa bansa. Alam niyang walang karapatang legal o moral ang mga Hapones upang pilitin siyang maging taksil sa sariling bansa. Sa pagbitay sa kaniya, ibig marahil ng mga Hapones na gawin siyang halimbawa at nang sa gayon ay manganino ang ibang mga pinunong Filipino upang sumuko sa kanilang mga hiling.

Napatunayan ng Ministry Commission na nagkasala si Hayashi sa pag-uutos ng pagbitay kay Abad Santos. Napagaan ang pananagutan ni Kawaguchi sa pagsasagawa ng pagbitay dahil sa kaniyang pag-amin sa kasalanan at sa kaniyang mga pagtatangkang iligtas si Pepito.

Paglalakbay na Pangwakas

Noong bandang Abril 26, 1942, ipinag-utos kina Abad Santos at Pepito na maghanda para sa isang paglalakbay. Alas-diyes ng gabi nang pinalulan sila sa isang sasakyang Hapones. Natuwa sila sa pangyayaring ito sapagkat naisip nilang ipadadala sila sa Maynila. Nalungkot sila nang matuklasan pagkaraan na Mindanao ang destinasyon nila; Mindanao ang kasunod na puntirya ng Yunit ni Kawaguchi. Sa barko, muling tinangka ni Kawagachi na kausapin si Abad Santos upang makipagtulungan sa kanila at hikayatin si Roxas na sumuko. Nanatiling matatag si Abad Santos.

Makalipas ang isang araw at dalawang gabi sa dagat, dumaong nang madaling-araw si Abad Santos at ang kaniyang anak kasama ang mga pulutong ng Hapones sa Parang, Hilagang Kanlurang Cotabato. May bahagyang paglaban mula sa mga puwersang USAFFE sa pampang ng Parang. Sa loob ng padaong ng barko, isang opisyal na Hapones ang sumigaw kay Abad Santos upang yumuko para iwasan ang mga paglipad ng bala sa itaas, subalit tumangging yumuko si Abad Santos. Isang sundalong Hapones ang nagtulak sa kaniyang ulo pababa.

Isang araw lang nanatili ang Yunit Kawaguchi sa Parang. Nang sumunod na araw, umusad ang mga pulutong sa Malabang, Lanao, kasama ang kanilang mga bihag. Isang maliit na paglaban ng USAFFE ang pumigil sa kanilang marating ang Malabang. Subalit nang sumunod na raw, nakapasok na ang mga pulutong sa mismong bayan.

Nanatili sina Abad Santos at Pepito sa isang paaralan kasama ng mga sundalo. Isa pang malapit na gusali ang nagsilbing himpilan at mga tanggapan para kay Heneral Kawaguchi at sa kaniyang staff. Nanatili sina Abad Santos at Pepito sa kampong iyon sa loob ng dalawang araw.

Noong Mayo 1, matapos ang umagahan ng tuyo at pandesal, dumating si Keiji Fukui, isang tagasaling Hapones mula sa staff ni Kawaguchi, at sinundo si Abad Santos at ang anak nito. Ibig ng heneral na ilipat ang dalawa sa dalawang palapag na bahay na yari sa kahoy, malapit sa hilagang dulo ng bayan. Pagmamay-ari ang bahay ng hepe ng pulisya sa Malabang, subalit naiutos na ng mga Hapones ang paggamit dito ng mga opisyal ng staff sa punong-himpilan. Samantalang naglalakad sila sa bayan sa kainitan ng araw, nasaksihan nilang sarado ang lahat ng mga bahay maliban sa ilang pinamamahayan ng mga kaaway. Ilang sundalong Hapones ang palibot-libot sa bayan. Patuloy ang daloy ng mga trak at pulutong ng militar sa pangunahing daan.

Malapit sa ilog ang bahay na pinagdalhan ni Fukui kay Abad Santos at sa anak nito. Natuwa si Pepito nang makita ang ilog. “Maaari tayong maligo ngayon, Tatang,” sabi niya. Gayumpaman, nagbabala ang sundalong Hapones na hindi sila maaaring lumabas ng bahay, sang-ayon sa utos ng heneral.

Tinanggap sila ni Tamaki Aida, isa pang tagapagsalin, sa bago nilang tinuluyan. Sinabihan silang ilagay ang kanilang mga gamit sa isang sulok at saka sila iniwang mag-isa. Pinalipas ni Abad Santos ang panahon sa pagbubuklat ng mga magasing Hapones at sa mga babasahing pang-eskuwelahan na naiwan sa silid. Mabagal na lumipas ang umaga at inantok siya sa pag-init ng araw. Tanghali nang magbalik ang mga opisyal para sa tanghalian. Ilan sa kanila ang tumitig nang mabuti sa kanilang mga bilanggo subalit hindi nakipag-usap sa mga ito. Dumating din si Aida at inanyayahan ang mga nakatalaga sa kaniya para sa tanghalian. Ipinasok ng mga tauhan mula sa kusina ng kampo ang mga bandeha at agad na inihain ang tanghalian.

Nagagalak na inalala ni Pepito na ang inihain ng mga opisyal noon ay mas mainam kaysa sa kung ano pa mang naihain na sa kanila bago iyon.

Tahimik na kumain si Abad Santos at ang kaniyang anak bago sila muling nagbalik sa kanilang sulok.

“Hindi ba kayo nagtataka,” tanong ni Pepito sa kaniyang ama, “na inililipat-lipat nila tayo ng bahay na tutuluyan?”

“Kataka-taka ang kanilang mga pamamaraan, at mahirap silang maunawaan,” tugon ng ama niya.

Mayo 2 nang sumunod na araw, at makapananghalian ay nakita ni Pepito na parating si Fukui. Tumigil ang Hapones sa unahan ng bahay. “Santos,” tawag nito.

Siniko ni Pepito ang ama. Dumungaw si Abad Santos sa bintana.
“Mangyaring bumaba ka, Santos,” sabi ni Fukui.
Hiniling ni Pepito na isama siya, subalit pinigilan siya ng ama, sapagkat hindi umano siya pahihintulutang pumasok sa tanggapan ng heneral. Tiniyak niya kay Pepito na magiging maayos ang lahat. “Isa lang ito sa kanilang mga interogasyon, at babalik din ako agad,” sabi niya. Malamang na sinabi ito ni Abad Santos upang hindi na mag-alala pa ang kaniyang anak. Subalit malamang na naramdaman ni Abad Santos na ito na ang kaniyang katapusan. Inasahan niya ito. Handa siya sa pinakamasamang maaaring mangyari.

Kasama si Fukui, naglakad si Abad Santos patungong kampo ng bahay-eskuwelahan.

Samantalang tumetestigo sa paglilitis sa mga krimen ng digmaan nina Kawaguchi at Hayashi pagkaraan, sinabi ni Fukui na inutusan siya ni Kawaguchi na sabihan si Abad Santos tungkol sa utos na pagbitay rito. Dinala ni Fukui si Abad Santos sa heneral, na nagsabi noon sa kaniya na: “Mula sa commander-in-chief sa Maynila, nakatanggap ako ng ikatlong utos upang bitayin ka. Sinisikap kong iligtas ka, subalit mapipilitan na ako ngayong isagawa ang utos mula sa nakatataas sa akin.”

Sang-ayon kay Fukui, “kamangha-mangha ang kapayaan [ni Abad Santos] nang marinig niya ang pagpapataw ng kaniyang kamatayan.”

“Ang tanging kailangan ko,” sabi niya, “ay sampung minuto upang makausap ang aking anak.

Makalipas ang kalahating oras, nakita ni Pepito ang kaniyang ama na naglalakad pabalik sa bahay kasama si Fukui at isang squad ng mga sundalong Hapones. Tumigil ang pangkat sa unahan ng bahay. Tinawag siya ng ama na bumaba sapagkat may sasabihin ito sa kaniya. Naaalala ni Pepito ang masakit at kalunos-lunos na tagpong iyon sa mga salitang ito:

Nang bumaba ako, nakita ko ang ama kong nakangiti. Akala ko’y may magandang balita siyang sasabihin sa akin. Pagkatapos, bigla niyang basta sinabi: “Bibitayin na ako.” Nang marinig ko ito, napaiyak ako at nanangis nang gayon na lamang.

Pagkatapos ay malumanay na sinabi ni Abad Santos sa kaniyang anak: “Huwag kang umiyak, Pepito. Ipakita mo sa mga taong ito na matapang ka. Bibihirang pagkakataon na mamatay ako para sa bansa. Hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon.”

“Subalit bakit, Tatang, bakit?” tanong ni Pepito.

Sinabi sa kaniya ni Abad Santos na naniniwala ang mga Hapones na si Abad Santos ang nag-utos na sunugin ang Lungsod Cebu, na pinahintulutan niya ang paglalabas niya ng mga salaping pangkagipitan, at na hindi siya nakikipagtulungan dahil sa pagtanggi niyang makipag-ugnayan kay Heneral Roxas.

Pinayuhan ni Fukui ang mag-ama na pumunta sa isang sirang kubo sa kabila ng kalsada upang mapag-isa sila sa loob ng ilang minuto. Nakiusap si Pepito kay Fukui, ang tagapagsaling sibilyan, na pahintulutan siyang makipagkita kay Heneral Kawaguchi upang idulog ang buhay ng kaniyang ama. Subalit hindi na sinuportahan ni Abad Santos ang hakbang na iyon. “Wala nang saysay iyon,” sabi niya. “Matagal nang naibigay ang utos ng pagbitay.”

Noon pumasok ang mag-ama sa kubong walang laman. Sa maliit na veranda ng wasak na tahanan, lumuhod sila at mahinang binigkas nang sabay ang panalangin ng pagsisisi, isang ritwal na Katoliko.

Matapos ay sinabi ni Abad Santos kay Pepito: “Sabihin mo sa iyong ina at mga kapatid na huwag magluksa sa aking pagpanaw. Sabihin mo sa kanila na magkakasama kaming muli sa kabilang buhay. Hayaan mong hugutin nila sa iyong lakas ang kanilang lakas. Turuan mo silang maging matapang.”

Nilapitan sila ni Fukui at sinabihan si Abad Santos na oras na upang umalis. Naglakad ang mag-ama patungo sa mga sundalong naghihintay. Niyakap ni Abad Santos ang anak at hinalikan ito sa noo. “Alagaan mo ang iyong ina at ang iyong mga kapatid,” ulit nito. “Sabihan mo silang mabuhay nang hindi pinababayaan ang ating pangalan. Pagpalain ka ng Diyos, anak ko.”

Saka tumango si Abad Santos kay Fukui. Tumabi ang tagapagsaling Hapones kay Abad Santos. Luminya ang mga sundalo sa mga gilid ng dalawa. Tumabi ang isang sundalong nagngangalang Aida kay Pepito samantalang nagmamartsa ang pangkat patungo sa daang palabas ng Malabang.

Naputikan ang puting Amerikanang suot ni Abad Santos. Hindi siya lumingon. Sang-ayon kay Fukuo, “Naglakad siya patungo sa pagbibitayan nang may ganap na kapanatagan.” Naglaho si Abad Santos kasama ang mga bibitay sa kaniya sa likod ng isang niyugan sa dulo ng daan. Binaril siya sa ilalim ng matayog na punong niyog malapit sa pampang ng ilog.

Inilabas ni Pepito mula sa kaniyang bulsa ang isang lumang aklat ng mga panalangin. Nanginginig ang mga kamay niyang binuklat ang mga naninilaw na pahina sa mga panalangin para sa yumao. Samantalang nagbabasa siya’y narinig niya ang mga putok mula sa malayo. Napaiyak siya nang marinig ang mga putok. Nagpatuloy siya sa pagdadasal para sa kaniyang ama hanggang sa natuyo na ang mga luha niya.

Sa loob ng dalawampu’t isang araw, nagdusa ang mag-ama sa matinding pag-aalala at pagdurusa ng isipan. Nakalulunos ang mga pagsubok na nilampasan nila samantalang naghihintay ng kapalaran nila. Hindi mailalarawan ng mga salita ang hapis ng ama na mapapahiwalay sa kaniyang anak sapagkat papaslangin na siya sa isang malungkot na lunan, at ang hapis ng anak dahil sa pagkawala ng minamahal na ama.

Kinahapunan, dinala si Pepito ng dalawang tagapagsalin na Hapones sa puntod ng ama nito. Nagdala sila ng mga gumamela at inilagay ang mga iyon sa puntod. “Namatay nang maluwalhati ang iyong ama,” sabi ng isa. “Diyan nakahimlay ang iyong ama,” sabi ng isa pa. “Namatay siyang isang bayani.” Ipinakita nila kay Pepito ang puntod ng ama nito. Isang maliit na tumpok iyon ng lupa—masyadong maliit, naisip ni Pepito, upang paghimlayan ng labi ng kaniyang ama kung inilibing iyon nang wasto. May batong kasinlaki ng niyog sa ibabaw ng puntod. Itinanong ni Pepito kung maaari niyang lagyan ng panandang krus ang puntod, subalit hindi pinagbigyan ang kaniyang hiling.

Sa paniniwala ni Pepito, tinadtad ng mga Hapones ang katawan ng kaniyang ama upang mapagkasya sa maliit na puntod na hinukay nila para rito. Sa tingin din niya, hindi ganoon kalalim ang puntod at nangangamba siyang maaari iyong guluhin ng mga hayop pagkaraan. Hindi na nakita pa ang labi ni Abad Santos matapos ang digmaan sa kabila ng matinding paghahanap sa lugar kung saan binitay ang bayani. Hindi nakita ni Pepito ang kubo at ang mga puno na siya sanang magsisilbing pananda sa paghahanap sa puntod. Naararo na ang lugar kung saan naganap ang pagbitay, at nataniman na ng mga halamang-ugat.

Sa mga punong-himpilan, kung saan dinala ni Fukui si Pepito matapos ang pagbitay, sinabi ni Heneral Kawaguchi: “Hindi ba’t talagang dakila si Santos?” Sang-ayon kay Fukui, tumangging magpapiring si Abad Santos. Hindi niya tinanggap ang sigarilyong inialok sa kaniya ng isa sa mga kasapi ng firing squad. Hiniling ni Kawaguchi kay Pepito na huwag sumama ang loob sa kaniya sapagkat ginawa lamang umano niya ang utos ng mga nakatataas sa kaniya.

Inakala noong una na pinaslang si Abad Santos noong Mayo 7, 1942. Ibinigay ni Pepito mismo ang petsang ito sa kaniyang testimonya sa paglilitis kina Heneral Hayashi at Kawaguchi. Subalit sang-ayon sa testimonya ni Fukui na pinapatunayan ng kaniyang mga tala sa kaniyang talaarawan, natiyak ang pagbitay kay Abad Santos noong alas-dos ng hapon nang Mayo 2, 1942.

Inapakan ng mga mananakop na Hapones ang ating mga dalampasigan. Kinubabawan ng lakas ng mapanupil itong “bayang magiliw, perlas ng silanganan.” Hindi maiiwasan na ang mga pagkakataong kritikal ng digmaan ay magsupling ng pagkakataon para sa kabayanihan at pagkakanulo. Lumikha ang digmaan ng mga kahiya-hiya at duwag na traydor. Subalit lumikha rin ito ng mga walang takot na bayani. May dahilan kung bakit tinawag na “duyan ng magiting” ang ating magandang bayan.

Hindi nabagbag si Jose Abad Santos nang hinarap niya ang firing squad. Kalmado siya at walang takot, inialay ang sarili upang tayong mga nabubuhay ay maranasang “may dilag ang tula at awit sa paglayang minamahal.” Tinupad niya ang mga Salita sa ating pambansang awit:

Lupa ng araw ng luwalhati’t pagsinta,

Buhay ay langit sa piling mo.

Aming ligaya na ‘pag may mang-aapi,

Ang mamatay nang dahil sa iyo.

Tulad ni Rizal, ginawa ni Jose Abad Santos ang pinakamatinding pag-aalay. Hindi nakapagtatakang isasagawa rin niya ang kabayanihan ni Rizal. Naunawaan niya nang lubos ang halaga ng buhay at kamatayan ni Jose Rizal, tulad ng makikita mula sa kaniyang talumpati para sa ika-69 na kaarawan ni Rizal, na naglalaman ng sumusunod na bahagi:

Narito ang buhay ni Rizal na kinikilala bilang dakilang halimbawa ng moralidad ng mamamayan at totoong pag-ibig sa bayan. Lagi niyang itinuring na banal ang kapakanan ng kaniyang bayan at hindi niya hinayaang pigilan ng pagkamakasarili at pagkakahati ang mga pagsisikap niya sa ngalan ng bayan. Iniluklok niya ang diwa ng bansa nang higit kaysa sa diwa ng sarili. At nang dumating ang pinakamahalagang sandali, maligaya niyang inialay ang kaniyang buhay upang magpatuloy ang buhay ng kaniyang bayan. “Maligaya ako,” sabi niya, “na ipagkaloob sa kaniya ang pinakamabuti mula rito sa naglalaho kong buhay; at sakali mang mas makinang ito, mas sariwa, mas pinagpala, ipagkalaloob ko pa rin ito at hindi hihingi ng kapalit.

Hindi isinilang si Rizal upang mamatay. Hindi maglalaho ang mga ideal at mga prinsipyong ipinaglaban niya at marubdob na pinag-alayan ng kaniyang buhay. Habampanahong mananatili ang diwa niyang matimyas sa mga puso ng sambayanang nagpapasalamat.

Ginawang halimbawa ni Abad Santos ang sarili niyang buhay nang tila may malay sa hinaharap nang sabihin niya ang mga komentaryong ito tungkol sa buhay ni Rizal. Tulad ni Rizal, nakatagpo niya ang kamatayang malupit, at tulad ng martir ng Bagumbayan, muli siyang nabuhay sa mga puso ng kaniyang mga kababayan.

Inulila ni Punong Hukom Abad Santos ang nabalo niyang si Amanda Teopaco at ang kanilang limang anak—sina Luz, Amanda, Victoria, Osmundo, at Pepito. Namuhay nang tahimik at payak ang balo niya sa 25 Kalye Mariposa, Lungsod Quezon (dating San Juan sa Rizal), sa tatlong ektaryang lupang binili ng mag-asawa bago pa ang digmaan. Kasama niya sa bahay si Pepito at ang asawa nito’t mga anak. Nasa kabilang kalsada ang tahanan nina Dekano at Gng. Conrado Benitez, mga kaibigang matalik ni Jose Abad Santos at ng kaniyang pamilya.

Ang Paglalakbay ni Pepito

Upang maging ganap ang ating talâ, mahalagang balikan ang mga nangyari matapos ang mapapait na karanasan ni Jose Abad Santos Jr. Kinaawaan siyang bitayin ng mga kaaway. Matapos ang pagbitay sa kaniyang ama, sinabihan si Pepito na malaya na siya at maaari nang pumunta saanman niya ibigin. Tinanong siya kung saan niya balak magtungo.

Nang sinabi niya kina Aida at Fukui na balak niyang magtungo sa Lungsod Davao at mula roon ay sumakay ng barko patungong Maynila, binigyan siya ng babala na hindi pa siya makatutungo sa Maynila.

Nang ipaalam sa kaniya ang balak ni Pepito, nagpasya si Kawaguchi na huwag pa muna itong paalisin. Nang lumipat ang Yunit Kawaguchi sa Cagayan de Oro, isinama nila si Pepito.

Sa Cagayan de Oro, sinabihan si Pepito na ipadadala siya sa Tokyo upang mag-aral. Hindi niya iyon nagustuhan. Matapos ang dalawang gabi sa Cagayan de Oro, inilulan siya sa isang barkong Hapones patungong Maynila. Nakasakay rin doon si Kawaguchi. Mag-uulat siya kay Hayashi na naisakatuparan na ang mga utos nito para sa pagbitay kay Abad.

Pagdating sa Maynila, inilagak si Pepito sa Manila Hotel at hindi siya maaaring makausap ninuman. Hindi rin siya pinahintulutang dalawin ang pamilya niya o ipaalam sa kanila na nasa lungsod na siya. Hindi siya iniwang nag-iisa. Palaging kasama at nakatanod sa kaniya sina Aida at Fukui.

Sa takot na ipadadala na siya sa Tokyo, nag-hunger strike si Pepito. Layunin niyang puwersahin ang mga Hapones na pauwiin siya sa kaniyang ina. Subalit hindi iyon gumana. Ipinatawag siya ni Kawaguchi sa silid nito at sinabing hindi siya dapat sumamâ ang loob dito dahil wala itong pananagutan sa pagbitay sa ama niya. Ipinaliwanag ni Kawaguchi na sinunod lang niya ang mga utos mula sa Tokyo. Sinabihan din nito si Pepito na kabaliwan ang ipagpatuloy nito ang hindi pagkain sapagkat maaaring matulad ang kapalaran niya sa kaniyang ama kapag nagmatigas siya.

Isang eroplanong Hapones ang naghatid kay Pepito mula sa Paliparang Nielson sa Makati, Rizal, patungong Taiwan. Matapos ang isang linggo sa Taiwan, lumipad na siya patungong Tokyo. Sinamahan siya ni Fukui sa biyaheng ito.

Tumuloy si Pepito sa Kojusai Gakkuyu Kai Kan (Tahanan ng Pagkakaibigang Pandaigdigan). Doon niya nakatapo ang ilang Burmese, Annamese, Thai, Indonesian, Malayan, Aleman, Pranses, at pagkaraan, ilang Filipino. Pumasok siya sa Kokusai Gakkuyu Kai, isang paaralang pangwika (dating Paaralang Amerikano), sa Tokyo. Subalit hindi siya isang pensiyonado tulad ng maling naging pagpapalagay. Hindi binayaran ng pamahalaang Hapones ang kaniyang mga gastos. Sariling pera ng kaniyang ama ang sumuporta sa kaniyang pananatili sa Tokyo.

Nang mabihag ang ama ni Pepito, mayroon itong hawak na P30,000, na mula sa paunang suweldo na pinahintulutan ni Pangulong Quezon na ibayad sa lahat ng kawani at opisyal ng pamahalaan sa pagsisimula ng digmaan. Kalahati ng halagang iyon ang ibinigay kay Gng. Abad Santos at kalahati ang itinago ng mga Hapones para sa mga gastusin ni Pepito sa Hapon. Mula sa pondong ito, nakatanggap si Pepito ng sandaang yen na buwanang panggastos.

Bilang “nakatatandang” estudyanteng Filipino sa Hapon, karaniwang naitatalaga si Pepito sa hindi niya piniling tungkulin na maging tagapagsalita sa ngalan ng kaniyang mga kababayan. Hindi siya nasiyahan sa gawaing ito. Dumating ang kahalili noong 1943 sa katauhan ni Kalihim Jorge B. Vargas na dumating sa Tokyo bilang embahador sa Hapon. Sapagkat naghahanap siya ng dahilan upang iwan ang Paaralang Kokusai Gakkuyu Kai, hiniling ni Pepito kay Vargas na bigyan siya ng tungkulin sa embahadang Filipino. Kinuha siya ni Vargas bilang personal na kalihim at tagapagsalin, sapagkat natuto na si Pepito ng Hapones.

Noong 1944, lumipad si Vargas patungong Maynila sakay ng eroplanong Kalayaan na ibinigay ng mga Hapones bilang regalo sa pamahalaang Filipino. Isinama niya si Pepito. Matapos ang matagal na pagkawalay, nakasamang muli ni Pepito ang kaniyang pamilya. Nakasama niya sa loob ng isang buwan ang kaniyang ina at mga kapatid. Nang mga panahong iyon, regular siyang nag-ulat sa embahadang Hapones sa Maynila sapagkat nananatili pa rin siyang bihag ng digmaan.

Makalipas ang isang buwan, bumalik si Vargas sa Tokyo. Ayaw nang magbalik ni Pepito. Hindi siya hinayaan ng mga awtoridad na Hapones na manatili sa Maynila maliban kung magtatrabaho siya sa embahada roon. Sa halip na tanggapin ang tungkuling iyon, pinili niyang bumalik sa Tokyo kasama si Vargas. Nasa Tokyo siya nang sumuko ang mga Hapones sa Allies noong Agosto 1945, at sinakop ng mga puwersa ni Heneral Douglas MacArthur ang bansa. Hindi nag-aksaya ng panahon si Pepito na ipaalam ang lagay na ito sa punong-himpilan ni MacArthur. Hiniling ni Pangulong Sergio Osmeña kay Heneral MacArhur, bilang punong-kumander ng Allied Powers (SCAP), na pangalagaan si Pepito. Narito ang liham ni MacArthur kay Gng. Abad Santos tungkol sa bagay na ito:

Oktubre 8, 1945

Mahal na Gng. Santos:

Nakarating sa akin ang isang pagsisiyasat sa pamamagitan ni Pangulong Osmeña kaugnay ng inyong anak, si Jose Jr., na inilipad ng mga Hapones mula sa Mindanao patungong Tokyo. Malugod kong ipinaaalam sa inyo na natagpuan na ang inyong anak sa Hapon at naipadala na ng eroplano sa Maynila. Nasa mabuti siyang kalusugan.

Nais kong ipaabot sa inyo ang aking taimtim na pakikidalamhati sa pagkawala ng inyong magiting na asawa, si Punong Hukom Abad Santos.

Lubos na sumasainyo,

Douglas Macarthur

Gng. Jose abad Santos

Kalye Mariposa, San Juan, Rizal

Binigyan ng kalayaan si Pepito kasama ang iba pang Allied na bilanggo ng digmaan, tulad ng mga Olandes, Danish, Amerikano, atbp., at ipinadala siya sa Pilipinas. Kaya nakasama niyang muli sa wakas ang kaniyang pamilya.

Kung Paanong Naakusahan si Homma ng Pagbitay kay Abad Santos

Bilang talababa sa mga nailahad na, mahalagang balikan ang naging papel ni dating Hukom at Solicitor General Manuel Lim sa pagsasakdal kay Heneral Masaharu Homma para sa kamatayan ni Abad Santos. Muling ipinatawag si Koronel Lim para sa aktibong tungkulin sa Sandatahang Filipino matapos ang paglaya ng Pilipinas mula sa mga Hapones. Itinalaga siya bilang hepe ng Komisyong Filipino para sa mga Krimeng Pandigmaan na may layuning litisin ang mga Hapones na opisyal ng militar na nagsagawa ng mga pang-aabuso noong panahon ng pananakop. Nakatalaga bilang espesyal na tagausig ni Heneral Homma si Lim bilang nakatalaga sa seksiyon ng prosekusyon ng Sangay ng mga Krimeng Pandigmaan ng SCAP (Supreme Commander of Allied Forces in the Pacific o Pinakamataas na Kumander ng mga Puwersang Alyado sa Pasipiko).

Sinuri ni Lim ang mga paratang laban kay Homma na may petsang Nobyembre 4, 1945 at naglalaman ng 42 detalye. Nagulat siya nang wala siyang makitang pagbanggit ukol sa kaso ni Jose Abad Santos samantalang ang pagbitay marahil dito ang pinakamatinding krimen na naisagawa ng mga kaaway sa Pilipinas.

Walang naibunyag ukol sa kaso ni Jose Abad Santos ang mga paggamit ni Lim sa tomo-tomong rekord ng digmaan na naglalaman ng mga testimonya ng iba’t ibang taong nagmula sa lahat ng sektor ng populasyong Filipino. Mukhang walang nakarinig man lang ukol kay Jose Abad Santos sa mga kawaning Amerikano ng Seksiyon ng Prosekusyon para sa mga Krimeng Pandigmaan.

Ipinarating ni Lim ang bagay na ito sa pansin ni Heneral MacArthur, na nagbigay sa kaniya ng ganap na karapatan upang magsagawa ng pagsisiyasat at magtipon ng mahahalagang datos kaugnay ng kaso. Sa layuning ito binuo ang limang magkakahalong pangkat mula sa Seksiyon ng Imbestigasyon para sa mga Krimeng Pandigmaan ng SCAP. Pinakilos ang tatlong eroplanong pangmilitar ng Estados Unidos, dalawang barkong pangmilitar, at isang eskuwadron ng mga dyip at iba pang sasakyang pangmilitar para sa layuning ito.

Nagsangkot ng halos 100 kawaning militar ang pagsusumikap na ito, kasama na ang mga espesyal na pagbibiyahe patungong Bilangguang Sugamo sa Japan, para sa pakikipanayam sa mga taong makapaglilinaw sa kaso.

Noong Disyembre 4, 1945, apat na araw bago ang pormal na paghaharap kay Homma sa Komisyong Pangmilitar sa Maynila, pinahintulutan ni Heneral MacArthur ang pagsasama ng Pagtitiyak Blg. 45 sa mga paratang laban kay Homma. Nakasaad dito:

45. Noong mga bandang Mayo 7, 1942, binitay ni Heneral Masaharu Homma sa Malabang, Lanao, Mindanao, Pilipinas, si Jose Abad Santos, isang sibilyan mulang Pampanga, na Punong Hukom noon ng Korte Suprema, Pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas.

Noong Enero 17, 1946, nagsimula ang paglilitis kay Homma sa Embassy Hall ng United States Embassy Building sa Abenidang Dewey. Makalipas ang wala pang isang buwan, noong Pebrero 11, 1946, napatunayan siyang nagkasala at naparusahan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril. Binitay siya noong Abril 3, 1946.

Sanggunian:

Aquino, Ramon C. “Last Days [Mga Huling Araw].” Chief Justice Jose Abad Santos, 1886– 1942: A Biography [Punong Hukom Jose Abad Santos, 1886–1942: Isang Talambuhay]. Lungsod Quezon: Phoenix Publishing House, 1985. 191–240.

 

Read in English