Ang Sangguniang Panghukuman at Pang-abogasya
Judicial and Bar Council
Ang pangunahing gawain ng Sangguniang Panghukuman at Pang-abogasya o Judicial and Bar Council (JBC) ay ang magrekomenda sa Pangulo ng mga hihirangin para sa Hudikatura at sa Tanggapan ng Tanodbayan (Office of the Ombudsman). Layunin ng konsehong ito na pagbutihin ang kalidad ng proseso ng paghahanap, pagsasala, at pamimili, gayundin ang pagpoprotekta sa proseso ng paghirang mula sa anumang uri ng impluwensiya.
Ang paglikha ng listahan ng mga nominado sa posisyong Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman (Chief Justice of the Supreme Court) ang mahalagang gawain ng JBC. Narito sa ibaba ang maikling paglalarawan ng prosesong kanilang sinusunod (para sa mas maraming detalye, tumungo sa Sek. IV):
Horizontal text: Ang proseso ng pagtatalaga ng Punong Mahistrado at Kasamang Mahistrado
- Pagbubukas ng bakanteng posisyon
- Pagtitipon ng JBC
- Pagtatakda ng mga alituntunin at gabay
- Pagpapadala ng panawagan para sa mga aplikante at rekomendasyon
- Pagpapasa ng mga aplikasyon/rekomendasyon
- Panayam sa harap ng publiko
- Paglalathala ng listahan ng mga kandidato (Maaaring magsumite ng pagtutol ang publiko.)
- Pagsasala ng JBC sa mga aplikante
- Pagboboto ng JBC
- Paglikha ng listahan
- Pagpapasa ng listahan sa Pangulo
- Pagpili ng Pangulo mula sa listahan
- Pagtatalaga ng bagong Punong Mahistrado/Katuwang na Mahistrado
I. Kasaysayan ng Paghirang ng Punong Mahistrado at mga Kasapi ng Hudikatura
Ang 1899 Konstitusyon, na nagtatag ng Unang Republika ng Pilipinas, ang nagbigay ng unang pagkakataon sa Pilipinas na maitakda sa batas ang paglikha ng Kataas-taasang Hukuman ng Katarungan (Supreme Court) at paghirang ng Pangulo ng Kataas-taasang Hukuman (Chief Justice). Mandato ng Titulo X, Artikulo 80 sa Kapulungang Pambansa o National Assembly, isang lehislatibong katawan, na maging punong awtoridad sa paghirang ng Pangulo ng Kataas-taasang Hukuman. Gayumpaman, mangangailangan ang paghirang na ito ng pagsang-ayon ng Pangulo ng Republika at kaniyang mga kalihim. Ito ang kaisa-isang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na hindi hawak ng Pangulo ang kapangyarihan sa paghirang ng Pangulo ng Kataas-taasang Hukuman.
Mula 1902 hanggang 1935, karapatan ng Pangulo ng Estados Unidos ang paghirang ng Punong Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas.
Sa kapangyarihan ng 1935 Konstitusyon, nailipat ang kapangyarihan sa paghirang ng mga Mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman sa Pangulo ng Pilipinas. Ibinatay ang malaking bahagi ng 1935 Konstitusyon sa Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika. Isang malaking pagkakatulad sa dalawang konstitusyon na ito ang pilosopiya at proseso ng paghirang sa mataas na hukuman. Ang Pangulo mismo ang gumagawa ng paghirang, ngunit nagagawa lamang ito nang may pahintulot ng Komisyon sa Paghirang ng Lehislatura (sa bisa ng Artikulo VIII, Sek. 5).
Sa pagpapatibay ng Konstitusyon ng 1973, pinalitan ang proseso ng paghirang sa Punong Mahistrado, Katuwang na Mahistrado, at mga hukom. Ginawa ito upang ilipat ang bukod tanging kapangyarihan ng paghirang sa Pangulo (si Pangulong Ferdinand Marcos ng panahong iyon) nang walang kinakailangang pagsang-ayon ng Lehislatura. Isinasaad ng Artikulo X, Sek. 4 ng Konstitusyon ng 1973:
“Hihirangin ng Pangulo ang mga kasapi ng Kataas-taasang Hukuman at mga hukom ng mabababang hukuman.”
Pagkatapos wakasan ng EDSA People Power Revolution noong 1986 ang rehimeng Marcos at sa pagpapatibay ng 1987 Konstitusyon, isang bagong check-and-balance na hakbangin (o pagbabalanse sa kapangyarihan ng mga sangay ng pamahalaan) ang ginawa upang lagyan ng hangganan ang kapangyarihang hawak ng Pangulo sa paghirang sa Kataas-taasang Hukuman at upang siguruhin ang partisipasyon ng Kongreso, Hudikatura, at ng pribadong sektor sa proseso ng paghirang. Nilikha ng bagong konstitusyon ang JBC sa bisa ng Artikulo VIII, Sek. 8 (5):
“Ang Sanggunian ay magkakaroon ng pangunahing layunin ng pagrerekomenda ng mga hihirangin para sa Hudikatura. Ito ay maaaring gumanap ng iba pang mga layunin at tungkulin ayon sa itatakda ng Kataas-taasang Hukuman.”
II. Bakit binuo ang JBC?
Nagmula ang ideya ng pagbuo ng JBC sa dating Punong Mahistrado Roberto Concepcion, sa kasagsagan ng mga debate ng Komisyon sa Saligang Batas ng 1986 upang tanggalin ang bakas ng pulitika sa proseso ng mga paghirang. Noong Hulyo 14, 1986, sinabi ni Punong Mahistrado Concepcion na ang JBC ay isang inobasyon na ginawa bilang tugon sa matinding hiling ng publiko na alisin ang pulitika sa paghirang ng mga hukom. Nanindigan din siya na hindi maiiwasan ang paglikha sa naturang lupon dahil alinman sa Pangulo o sa Komisyon ng Paghirang ay hindi magkakaroon ng oras at kakayahang kinakailangan upang pag-aralan ang karanasan ng bawat kandidato para hirangin sa iba’t ibang hukuman ng Pilipinas. Kaniya ring binigyang-diin na labis na mahirap ang paghahanap sa mga akmang kandidato dahil sa amyenda sa konstitusyon na nagsasabing walang kuwalipikado para sa mga posisyong hudisyal liban na lang kung napatunayan siyang may mataas na pagpapahalaga sa moralidad at katapatan–isang amyendang ipinagtibay noong umaga ring iyon ng Hulyo 14. Huli, sinabi niyang ang mga ahensiyang tagapagsiyasat na nasa ilalim ng pangulo, tulad ng Pambansang Kawanihan ng Pagsisiyasat (National Bureau of Investigation, NBI), ay kulang sa mga kuwalipikasyong kinakailangan upang makapagsuri ng moralidad, integridad, at kakayahan ng mga abogado.
Sa araw ring iyon, ipinagtanggol ng mga Komisyoner na sina Jose C. Colayco at Ricardo J. Romulo ang paglikha ng JBC. Kanilang isinaad na nilalayon nitong palakasin ang pagsasarili ng hudikaturyang sangay ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpigil sa Pangulo na pumili ng mga kasapi ng hukuman nang batay lamang sa kaniyang kapritso at kagustuhan. Ayon kay G. Colayco, titiyakin ng Konsehong ito na ang mga mahihirang na hukom ay mapipili dahil sa kanilang kumpiyansa at kuwalipikasyong moral at hindi dahil pinapaboran lamang sila ng inihalal na Pangulo.
Samantala, wika ni G. Romulo: Puwede tayong magkaroon ng anumang uri ng pamahalaang gusto natin na nagpapanatili rin ng ating kaligtasan, basta sinisiguro nitong mayroon tayong malaya at may kakayahang Hudikatura… at kung sinusubok nating paigtingin ang pagsasarili ng Kataas-taasang Hukuman, ito ay dahil sa kahuli-hulihan ang Hudikatura ang magtatanggol sa ating lahat. Hindi natin sinusubok na lumikha ng nagsasariling republika mula sa Hudikatura, sa halip ay isang may pagsasariling panig lamang ng pamahalaan.
Samakatuwid, itinakda ng 1987 Konstitusyon ang paglikha ng JBC, sa pagpapabisa ng Sek. 8 (1).
III. Sino-sino ang mga kasapi ng JBC?
Batay sa Konstitusyon, kabilang ang mga sumusunod sa pagbuo ng JBC:
- Mga kinatawan ng tatlong sangay ng pamahalaan bilang mga kasaping ex-officio (i.e., ang Punong Mahistrado, ang Kalihim ng Katarungan, at isang miyembro mula sa Lehislatura)[1]
- Isang kinatawan ng Integrated Bar of the Philippines;
- Isang propesor ng abogasya;
- Isang retiradong kasapi ng Korte Suprema; at
- Isang kinatawan mula sa pribadong sektor.
Ang mga miyembrong mula sa pamahalaan ay awtomatikong kasapi ng JBC dahil sa kanilang katungkulan. Ang natirang apat na kasapi, gayunman, ay hihirangin ng Pangulo at daraan pa sa proseso ng pag-aaproba ng Komisyon sa Paghirang.
IV. Paano nabibigyan ng nominasyon ang mga kandidato?
ANG MGA KUWALIPIKASYON PARA SA MGA NOMINADO NG JBC
Isinasaad sa 1987 Konstitusyon na ang kasapi ng Hudikatura ay kinakailangang mamamayan ng Pilipinas, kasapi ng Philippine Bar, at isang taong napatunayang may kakayahan, integridad, katapatan, at malaya sa impluwensiya ng iba.
Gayumpaman, nagkakaiba-iba ayon sa katungkulan ang mga kuwalipikasyong itinakda ng JBC para sa mga nominado. Ang sumusunod ang mga ispesipikong kuwalipikasyon para sa mga posisyon sa Hudikatura at sa Tanggapan ng Tanodbayan.
Mga Kasapi ng Kataas-taasang Hukuman
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 2
- Hindi bababa sa edad na 40;
- Hindi bababa sa 15 taon ng panunungkulan bilang hukom sa mababang hukuman ; o
- Hindi bababa sa 15 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas.
Mga Kasapi ng Hukuman ng Pag-aapela*
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 3
- Hindi bababa sa edad na 40;
- Hindi bababa sa 15 taon ng panunungkulan bilang hukom sa mababang hukuman; o
- Hindi bababa sa 15 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas.
Mga Kasapi ng Sandiganbayan*
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 4
- Hindi bababa sa edad na 40;
- Hindi bababa sa 10 taon ng panunungkulan bilang hukom sa mababang hukuman; o
- Hindi bababa sa 10 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas; o
- Hindi bababa sa 10 taon sa katungkulan na pangunahing rekisito ang pagpasa at pagpasok sa bar.
Mga Hukom ng Hukuman ng Pag-aapela sa Buwis
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 6
- Hindi bababa sa edad na 40;
- Hindi bababa sa 15 taon ng panunungkulan bilang hukom sa mababang hukuman; o
- Hindi bababa sa 15 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas.
Mga Hukom ng Mga Panrehiyong Hukuman sa Paglilitis
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 7
- Hindi bababa sa edad na 35;
- Hindi bababa sa 10 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas; o
- Hindi bababa sa 10 taon sa katungkulan na pangunahing rekisito ang pagpasa at pagpasok sa bar.
Mga Hukom ng Mga Hukuman sa Unang Antas
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 8
- Hindi bababa sa edad na 30;
- Hindi bababa sa 5 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas; o
- Hindi bababa sa 5 taon sa katungkulan na pangunahing rekisito ang pagpasa at pagpasok sa bar.
Mga Hukom ng Mga Pandistritong Hukuman ng Shari’a
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 9
- Hindi bababa sa edad na 35;
- Hindi bababa sa 10 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas; o
- Hindi bababa sa 10 taon sa katungkulan na pangunahing rekisito ang pagpasa at pagpasok sa bar;
- Kinakailangan ding dalubhasa sa Islamic Law and Jurisprudence.
Mga Hukom ng Mga Sirkitong Hukuman ng Shari’a
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 10
- Hindi bababa ang edad sa 25;
- Nakapasa sa pagsusulit na isinagawa ng Korte Suprema ukol sa Shari’a at Islamic jurisprudence.
Ang Tanodbayan at mga Kinatawan ng Tanodbayan
Mga tuntunin ng JBC: Tuntunin 2, Sek. 5
- Hindi bababa sa edad na 40;
- Kasapi ng Philippine Bar;
- Hindi bababa sa 10 taon ng katungkulan bilang hukom ng mababang hukuman; o
- Hindi bababa sa 10 taon ng kasanayang abogasya sa Pilipinas;
- Hindi dapat naging kandidato sa anumang posisyon ng nakaraang eleksiyon;
- Dapat na kinikilalang matapat at malaya sa anumang impluwensiya.
*Itinatakda ng Tuntunin 9 ng Mga Tuntunin ng JBC ang karagdagang batayan para sa mga hurado ng Hukuman ng Pag-aapela at ng Sandiganbayan: “Bilang pangkalahatang alituntunin, dapat na siya ay mayroong kasanayan bilang Hukom sa Panrehiyong Hukuman sa Paglilitis na hindi bababa sa 5 taon, maliban na lamang kung mayroon siyang mga lubos na katangi-tanging kredensiyal.”
PAGBUBUKAS NG BAKANTENG POSISYON
Itinatakda ng Konstitusyon na dapat mapuno ang mga bakantenng posisyon para sa Punong Mahistrado, Kasamang Mahistrado, Tanodbayan, Kinatawan ng Tanodbayan, at mga hukom ng iba pang mga korte sa loob ng 90 araw (sa bisa ng Artikulo VIII, Sek. 4 ng Konstitusyon at Tuntunin 1, Sek. 1 ng mga Tuntunin ng JBC). Sa oras na magbukas ang mga bakanteng posisyon sa Korte Suprema at sa Tanggapan ng Tanodbayan, ang posisyon ay “ipso facto” na bukas sa lahat ng aplikante.
PAGTITIPON NG JBC
Magtitipon ang JBC at mag-aatas sila ng mga ispesipikong petsa para sa huling araw ng pagpapasa ng mga nominasyon—pati na rin ng paraan kung paano ipapasa ang mga aplikasyon. Pagkatapos nito ay magpapadala sila ng panawagan para sa mga aplikante o di kaya’y mga rekomendasyon.
Dapat alalahanin na mula noong pagpapatibay ng 1987 Konstitusyon, iniwan ng lahat ng Punong Mahistrado ang kanilang katungkulan sa bisa ng kanilang pagreretiro sa edad na 70. Mayroong mga pagkakataong inaasahan na ang pagreretiro ng isang Punong Mahistrado. Sa ganitong sitwasyon, maagang naghahanda ang JBC. Nagtitipon sila ilang buwan bago magretiro ang Punong Mahistrado nang sa gayon ay makapagpasa sila ng listahan ng mga nominado bago ang petsa ng pagreretiro.
PAGPAPASA NG MGA APLIKASYON/REKOMENDASYON
Maaaring ipasa ng mga aplikante ang kanilang aplikasyon o posible rin silang irekomenda ng ibang tao. Kinakailangang personal na ipasa ang aplikasyon o sa pamamagitan ng pagpapadala nito bilang rehistradong sulat sa Kalihiman ng Sanggunian (Secretariat of the Council). Upang maging opisyal ang isang rekomendasyon, kinakailangang ipahayag ng inirekomendang aplikante ang pagtanggap dito—maaari niya itong gawin sa mismong sulat ng rekomendasyon o sa isang hiwalay na dokumento. Kailangang maipasa ang pagtanggap sa rekomendasyon bago ang itinakdang taning ng pagpapasa ng Sanggunian.
PAGLALATHALA NG LISTAHAN NG MGA KANDIDATO
Ilalathala ang mahabang listahan ng mga kandidato. Makikita ito sa isang pahayagan na pangkalahatan ang sirkulasyon at sa isang pahayagang may lokal na sirkulasyon sa probinsiya o lungsod kung nasaan ang bakanteng posisyon. Ipapaskil din ang mga kopya ng listahang ito sa tatlong lantad na lugar sa nasabing pook.
Ibabahagi rin ang mga kopya nito sa mga pangunahing NGO ng lungsod o munisipalidad kung nasaan ang bakanteng posisyon, pati na rin sa Integrated Bar of the Philippines at sa kaukulan nitong lokal na sangay.
Kasama sa listahang ito ang imbitasyon para sa publiko na ipagbigay-alam sa Sanggunian, sa loob ng 10 araw, ukol sa anumang reklamo o mapanirang impormasyon laban sa mga aplikante. Maaaring piliin ng Sangguniang magsagawa ng tahimik na imbestigasyon sa buhay ng aplikante o hingiin ang panig ng nominado sa anyo ng pormal na sulat o sa isang panayam.[2]
PAGSASALA NG JBC SA MGA APLIKANTE
Sasalain ang mga aplikante at inirekomendang personalidad base sa mga kuwalipikasyon mula sa 1987 Konstitusyon (ang isang kasapi ng Hudikatura ay kinakailangang mamamayan ng Pilipinas, miyembro ng Philippine Bar, at isang taong napatunayan ang kakayahan, integridad, katapatan, at malaya mula sa anumang impluwensiya) pati na rin sa mga ispesipikong kahingian ng bawat opisina ayon sa mga tuntunin ng JBC.
Sila rin ay daraan sa pagtatasa ayon sa:
- Kakayahan, susukatin gamit ang:
- Paghahandang Edukasyonal
- Karanasan
- Pagganap ng tungkulin
- Iba pang nakamit sa dating mga tungkulin
- Integridad, sa pamamagitan ng:
- Katunayan ng integridad
- Pagsisiyasat sa buhay
- Pahayag ng iba’t ibang mga partido
- Pahayag ng mga hindi tutukuying personalidad (anonymous)
- Katapatan at kasarinlan
- Kalusugang pisikal, mental, at emosyonal, sa pamamagitan ng:
- Mga dokumentong medikal
- Mga pagsusuri para sa kondisyon ng pag-iisip (psychological/psychiatric)
Dagdag pa rito, diskuwalipikado sa nominasyon ang mga sumusunod (tingnan ang JBC Tuntunin 4, Sek. 5 at Sek. 6):
- Iyong may nakabitin na kriminal o regular na kasong administratibo;
- Iyong may nakabitin na kasong kriminal sa mga banyagang korte o hukuman; at
- Iyong hinatulan ng anumang kasong kriminal; o kasong administratibo, kung ang ipinataw na parusa ay hindi bababa sa multang P10,000—liban na lamang kung siya ay binigyan ng hudisyal na pagpapatawad.
- Mga kasapi ng Hudikatura na humaharap sa mga reklamong administratibo na nasa ilalim ng impormal na pagsisiyasat ng Administrador ng Korte.
PAGSASAGAWA NG PANAYAM SA HARAP NG PUBLIKO
Maghahanda ang JBC ng mas maikling listahan ng mga kandidatong nais nilang kapanayamin. Ang Sanggunian, en banc o ang alinmang awtorisadong lupon ng kasapi ng Sanggunian, ay kapapanayamin ang mga kandidato upang “obserbahan ang kanilang pagkatao, pagkilos, pag-uugali, at pisikal na kalagayan; sukatin ang kanilang abilidad na ipahayag ang kanilang sarili, lalo na sa uri ng wikang ginagamit sa abogasya at sa loob ng korte tuwing paglilitis at sa kanilang pagpapasya at pagbibigay-hatol; subukan ang kanilang pagkadalubhasa sa batas at mga prinsipyong legal; suriin ang kanilang mga pilosopiya, pagpapahalaga, atbp.; tukuyin ang kanilang kahandaan at dedikasyon sa kanilang panunungkulan at pagtupad sa mga tungkulin at responsibilidad ng paghuhukom.” Ang mga kasapi lamang ng JBC ang maaaring magtanong sa panayam.
Gayong ang limitasyon ng media sa gagawing panayam ay kontrolado ng Sanggunian gamit ang mga tuntuning kanilang ihahayag, bukas sa publiko ang mga panayam. Para sa layuning ito, ang iskedyul ng mga panayam ay ilalathala sa mga lokal at nasyonal na publikasyon. Ang mga ulat sa mga personal na panayam, gayumpaman, ay mananatiling mga dokumentong kompidensiyal sa oras na maipasa ito sa Kalihim ng Sanggunian at magiging bukas lamang para sa mga kasapi ng JBC.
PAGBOTO NG JBC MULA SA LISTAHAN NG MGA NOMINADO
Ang listahan na naglalaman ng mga kandidatong pumasa sa pagsasala ay ipapasa sa mga kasapi ng JBC para sa kanilang huling pagboto at pag-aaproba. Magkikita muli ang JBC sa isang ehekutibong sesyon para sa huling deliberasyon. Kailangang sang-ayunan ng mayorya ng mga miyembro ang isang kandidato upang maisama ang pangalan nito sa huling listahan ng mga nominado—ang huling listahang ito ang ipapasa sa Pangulo. Sa bahaging ito, karaniwang umaabot sa lima hanggang anim ang naisasama sa huling listahan.
PAGHIRANG NG PANGULO MULA SA HULING LISTAHAN
Maaaring maghirang ang pangulo ng sinumang kasama sa huling listahan ng JBC nang walang kompirmasyon ng Kongreso.
____________________________________
[1] Ayon kay Padre Joaquin Bernas, sa Komisyon ng Saligang Batas noong 1986, ang artikulo mula sa Hudikatura ay tinanggap sa harapan ng lehislatura. Kung gayon, iisang posisyon lamang ang ibinigay sa lehislatura, na siyang unicameral sa naunang deliberasyon ng Komisyon ng Saligang Batas. Gayunman, mula noong pagpapatibay ng Konstitusyon ng 1987, isang miyembro mula sa Kapulungan ng Kinatawan at ng Senado ang parehong hahawak sa nasabing posisyon—magkahati sila sa iisang boto. Noong Hulyo 17, 2012, itinakda ng Korte Suprema na iisang kasapi lamang ng lehislatura ang maaaring maging miyembro ng JBC.
[2] Tingnan ang Tuntunin Blg. JBC-10.