Ang panukalang Freedom of Information Act (FOI) ay naglalayong isabatas ang pagbubukas sa mga mamamayan ng mga pampublikong dokumento. Ibinabalangkas din ng panukalang batas na ito ang mga eksepsiyon sa pagbubukas ng mga nasabing dokumento at mga hakbang para maakses ang mga pampublikong dokumento.
Mga Update
Senado
Noong Marso 10, 2014, ipinasa ng Senado ang FOI Bill sa ikatlo at panghuli nitong pagbasa. Nagkaroon ito ng 22 boto ng pagsang-ayon, walang abstain, at walang boto ng pagtutol.
Kongreso
Noong Marso 4, 2015, pumasa na ang bill sa Committee on Appropriations; sa kasalukuyan, hinihintay na ang ikalawang pagbasa ng bill.
Bumuo ang Committee of Public Information ng Kongreso ng isang Technical Working Group (TWG) na magpapabilis sa pagpasa ng bersiyon ng Kongreso ng FOI. Nakapagsagawa na ang TWG ng mga regular na pulong upang talakayin ang mga probisyon nang nakaraang Pebrero hanggang Hunyo. Nakibahagi sa pulong ang mga dalubhasa mula sa iba’t ibang tanggapan ng Ehekutibo. Kinatawan ni Undersecretary Manuel L. Quezon III ang Tanggapan ng Pangulo.
Noong Oktubre 23, 2013, inihain nina Camarines Sur Third District Representative Maria Leonor G. Robredo at Batanes Representative Henedina R. Abad ang House Bill No. 3237, na kilala bilang “An Act to Strengthen the Right of Citizens to Information held by the Government.” [Isang Batas na Pinatitibay ang Karapatan ng mga Mamamayan sa mga Impormasyong Hawak ng Gobyerno]
Administrasyon
Ang parehong panukalang batas na nakasaad sa itaas ay alinsunod sa panukalang FOI bill na aprobado ni Pangulong Benigno S. Aquino III, na ibinigay sa nakaraang Kongreso ni Secretary of Budget and Management Florencio Abad. Muli ring isinumite ni Secretary Abad ang bill sa kasalukuyang Kongreso.
Ang nasabing FOI bill ay isang napakahalagang elemento sa Aquino Good Governance and Anti-Corruption Plan ng 2012-2016. Inilalatag ng planong ito ang mga reporma at inisyatibang magsusulong ng higit na transparency [pagiging tapat at walang itinatago], accountability [pagkakaroon ng pananagutan] sa mga opisyal ng gobyerno, at partisipasyon ng mga mamamayan sa pamamahala ng bayan.
Resulta ang panukalang batas na ito ng konsultasyong isinagawa ng study group ng administrasyon matapos masinsinang pag-aralan ang mga kahawig na batas. Layon nitong mabalanse ang lehitimong pangangailangan ng gobyernong magtago ng impormasyon at karapatan ng mga mamamayang makaalam.
Binubuo ang study group nina Communications Undersecretary Manuel L. Quezon III (pinuno), Secretary Ramon A. Carandang, Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, Secretary Florencio Abad, at Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, sa pakikipagtulungan ng mga stakeholders.
Ang mga Panukalang Batas
House Bill No. 3237
I-click ito para i-download ang bill
Senate Bill No. 1733
I-click ito para i-download ang bill
Panukalang 2013 Freedom of Information Bill
I-click ito para i-download ang bill
TANONG AT SAGOT
Sino ang maaaring makahingi ng impormasyon?
Lahat ng mamamayang Pilipino.
Kanino kami maaaring makahingi ng impormasyon?
Sa lahat ng ahensiya ng gobyerno. (Ispesipikong binigyan ng depenisyon ang “ahensiya ng gobyerno” sa Seksiyon 3 ng panukalang batas.)
Anong impormasyon ang magiging bukas sa mga mamamayan?
Lahat ng mga impomasyong patungkol sa opisyal na gawain, transaksiyon, desisyon, pati na mga datos na ginamit ng gobyerno bilang basehan ng pagpapaunlad ng polisiya, ano man ang pisikal na anyo o format nito.
Ano-anong mga impormasyon ang hindi maaaring buksan sa mga mamamayan?
(Tingnan ang Seksiyon 7 para sa mga ispesipikong detalye.)
- Mga impormasyong ispesipikong may awtoridad na isikreto sa ilalim ng mga panuntunang mula sa isang executive order, at itinuturing na klasipikado.
- Mga rekord ng minutes, payo, at opinyong ipinahayag habang gumagawa ng pasya o polisiya, sa hiling ng Chief Executive dahil sa pagkasensitibo ng mga impormasyon.
- Mga impormasyong patungkol sa panloob o panlabas na depensa ng bansa, pagpapatupad ng batas, at kontrol ng mga border.
- Burador o draft ng mga kautusan, resolusyon, desisyon, memoranda, o audit report ng anumang tanggapang ehekutibo, administratibo, regulatoryo, konstitusyonal, hudisyal, o quasi-hudisyal.
- Impormasyong nakuha ng kahit anong komite ng Senado at Kongreso sa mga sesyong pang-ehekutibo.
- Personal na impormasyon ng isang tao (natural person) kung hindi ito mismo ang partidong humihiling. (Tingnan ang Seksiyon 6f para sa mga detalye.)
- Impormasyon patungkol sa mga sikretong pangkalakalan, komersiyal, o pinansiyal na makasisira sa mga kompetisyong industriyal, pinansiyal, o komersiyal. (Tingnan ang Seksiyon 6g para sa mga detalye.)
- Impormasyong inuuri bilang “privileged communications” sa mga legal na gawain ng batas o ng Rules of Court.
- Impormasyong pinagbabawalang isiwalat ng batas o ng Konstitusyon.
Ano-ano ang mga bentahe (advantage) ng bill na ito kumpara sa mga naunang ipinasang bill sa Kongreso?
- Pinalawak ng panukalang batas na ito ang akses sa mga impormasyong pinansiyal, tulad ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno. Pinalawak din nito ang akses sa iba pang uri ng impormasyon tulad ng mga transaksiyon. Nagawa ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng probisyon na ginagawang mandatoryo ang pagsasapubliko ng mga transaksiyong ito. (Tingnan ang talaan sa Seksiyon 7 at 8.)
- Inalis na ang hirap sa paghahanap ng mga kinakailangan nilang impormasyon mula sa iba’t ibang tanggapan. Pinag-isa na ang lahat ng impormasyon sa iisang portal, ang website ng Official Gazette (www.officialgazette.gov.ph). Ito ang opisyal na publikasyon sa sumusunod na mga impormasyon:
- Mahahalagang pampublikong batas at resolusyon mula sa Lehislatura;
- Mga proklamasyon, kautusang ehekutibo at administratibo;
- Mga desisyon o abstrak ng desisyon ng Korte Suprema at Court of Appeals o ibang pang korteng may kapantay na ranggo, na kinikilalang sapat ang kahalagahan para ilathala;
- Mga dokumentong itinuturing ng Pangulo na naaayon para sa publiko.
- Sa bisa ng bill, isasalin ng mga ahensiya ng gobyerno ang mahahalagang impormasyon sa mga pangunahing wikang Filipino at ipabatid ito sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga popular na paraan.
- Kinakailangang maghanda ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ng Freedom of Information Manual na maglalaman ng mga detalye at pamamaraang magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng batas.
- Pinagsasama-sama ng bill ang mga probisyon para sa open data (pagbubukas ng mga datos sa mga tao), na nagmamandatong regular at masipag na ilabas ang mga datos ng gobyerno sa mga format na madaling maakses ng lahat.
Pamamaraan para sa pag-akses
(Tingnan ang Seksiyon 18 para mga detalye.)
- Pagre-request
Magsumite sa kinauukulang ahensiya ng request o kahilingan para sa nais makitang dokumento. Maaari itong gawin nang personal, o sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat, o elektronikong paraan.
- Pagtanggap
Tatatakan ng ahensiya ang request, ilalagay ang petsa, oras, at iba pang detalye ng pagtanggap (tingnan ang Section 16b). Sakaling ipinadala ang request gamit ang elektronikong paraan, maglalaan ang ahensiya ng katumbas na paraan para makuha pa rin ang mga requirement.
- Panahon ng Paghihintay
Kailangang tugunan ng ahensiya ng gobyerno ang kahilingan sa loob ng 15 araw matapos matanggap ang request. Maaaring dagdagan ang palugit para sa mga ispesipikong kaso. (Tingnan ang Section 16e.)
- Notipikasyon
Sa pamamagitan ng elektronikong paraan o kaya’y pagpapadala ng sulat, kailangang ipaalam ng ahensiya ng gobyerno sa taong nag-request kung magkakaroon ng ekstensiyon, dahilan ng ekstensiyon, at petsa kung kailan maibibigay ang impormasyon. Hindi ito dapat lalampas sa 20 working days.
- Pag-apruba sa request at pagbabayad
Sa oras na mapagpasyahang pagbigyan ang request, kailangan itong ipaalam sa taong nag-request upang mabayaran na niya ang kaukulang access at processing fees.
Ano’ng mangyayari kung hindi mapagbigyan ang request ko?
- Obligasyon ng ahensiya ng gobyernong ipaalam sa nag-request na hindi napagbigyan ang kanyang hiling, sa pamamagitan ng pagpapadala ng sulat o sa elektronikong paraan, sa loob ng 15 working days mula nang matanggap ang request.
- Kailangang malinaw na ipabatid sa nag-request ang dahilan at sirkumstansiya kaya hindi napagbigyan ang kanyang hinihingi. Ang hindi pagpapabatid ng mga dahilan ay ituturing na pagtanggi ng ahensiya sa request na magkaroon ng akses sa impormasyon.
- Kung susundin ang tamang mga hakbang, maaaring iapela sa puno ng tanggapan ang pagtanggi ng ahensiya sa request na makaakses ng impormasyon; sunod sa Ombudsman; at sunod, maaaring maghain sa kaukulang korte ng isang beripikadong petisyon para sa mandamus.
- Gayumpaman, pamamahalaan ang Hudikatura ng mga remedyong pinapatupad ng Korte Suprema.
Ang bill ba mula sa Administrasyon ay pinahinang bersiyon ng mga naunang bill na inihain sa Kongreso?
- Hindi. Sa katunayan, ang Admin Bill ang siyang nagpalawak ng listahan ng mga impormasyong mandatoryong bubuksan sa mga tao, nagbigay ng ispesipikong mga hakbang para maakses ang impormasyon, tumukoy sa mga eksepsiyon sa napakalinaw, tapat, bukas (transparent) na paraan, at ipinag-utos na kailangang maging sobrang istrikto sa pagtukoy ng mga eksepsiyon.
Ano na ang lagay ng FOI?
- Ngayong aprobado na sa committee level ng parehong Senado at Kongreso ang FOI, isasalang na ito sa isang plenaryo.
Ano ang kinalaman ng FOI sa iba pang reporma ng gobyerno sa ilalim ng Aquino Good Governance and Anti-Corruption Plan 2012-2016?
- Sa kalahatan, bibigyang-kapangyarihan ng mas malawak na akses sa impormasyon ang mga mamamayan na panagutin ang kanilang mga pinuno sa pamahalaan, at makilahok sa mga proseso ng gobyernong ibinukas para sa kanila. Halimbawa, ang mas malawak na akses sa impormasyon ukol sa mga proyekto ng gobyerno gamit ang inisyatibong tulad ng Open Data Philippines ay bibigyang-daan ang civil society organizations na gumawa ng mas makabuluhan at mas akmang input sa mga proseso ng Participatory Budget and Participatory Audit na pinasimulan ng administrasyon. Ang mandatoryong pagpapakita ng SALN ay magbibigay din ng dagdag na lakas sa mga imbestigador ng gobyerno at kanilang citizen-partner na habulin ang mga tiwaling opisyal.
Mga sanggunian
(1) Senate Bill No. 1733
(2) House Bill No. 3237
(3) 1987 Constitution
(4) Proposed bill – FOI Act of 2013