Andres Bonifacio

MONUMENTO

Noong Nobyembre 30, 2013, samantalang ipinagdiriwang ang ika-150 taon ni Bonifacio, inaalala rin natin ang ika-80 taon ng pagbubukás ng isa sa pinakanananatiling muhón ng bayan, ang isa sa pinakakamangha-manghang likhang-sining sa bansa––isang alay na angkop sa lalaking kinilala bilang ama ng Himagsikang Filipino.

Sa Lungsod Caloocan, nakapaíkot ang apat na pangunahing daan sa matáyog na bantáyog na gawa sa graníto at tansô––isang panggunita kay Andres Bonifacio, ang amang mapanagisag ng Himagsikang Filipino, at minsang naging Pangulo ng Kataas-taasang Kapulungan ng Katipunan.

Walumpung taon nang nakatayô ang bantáyog––noong una ay nag-iisang nakatindig sa láwak ng Caloocan, at sa paglipas ng mga taon ay naging panandang-batayán ng paghubog sa lungsod. Ito ang nagbigay-ngalan sa lunán na pinamamahayan ngayon ng mga establisyiméntong dati-rati’y hindi napapansin ang dahan-dahang paggapang palapít dito, subalit ngayon ay nagbabantâng kubabawan ang Winged Victory [Tagumpay na May Bagwís] na nakahápon sa táyog na apatnapu’t limang talampakan mula sa lupa. Kapag sinulyapan ang bantáyog na itong niyayakap na ng anino ng mga bago’t itinatayo pa ring gusali, bahagya na itong tingalain ng mga umiikot ditong tumatawid o naglalakbay, at maging iyong mga nasa loob ng sasakyan ay higit itong itinuturing bilang sagábal kaysa panandang-sagisag. Matíkas bagaman nananatiling mabini ang Bantáyog Bonifacio, kaya’t patuloy nitong nagagampanan ang pagiging luwásan at muhon sa libo-libong nagdaraan dito, bagaman unti-unti na itong naglalaho sa paningin ng mga madalas nang nakakikita rito sa loob nang mahabang panahon.

Sa may mga marubdob na paggigiit na nagdurusa umano si Andres Bonifacio sa dobleng talím ng pagiging martir-ng-kasaysayan, pinagtitibay rin ng Bantáyog Bonifacio ang mga suliraning kinakatawan ng isang bantog na panggunita. Umaalingawngaw ang sagisag: Ang bayaning kumakatawan sa mga mamamayan: ang idealistang manggagawa, ang manghihimagsik mulang Tondo, nakatindig sa gitna ng mga pagkukumahóg ng lungsod––ang titig niya’y habambuhay na nakatuon sa kahabaan ng Avenida Rizal [Lansangang Rizal], ang matandang daan na pabalik sa Maynila––hindi halos mapagsino sa paligid, ngunit mahirap maipagkamali bagaman nakakubli sa pagitan ng anino ng mga gusaling nagsilitaw sa palibot nito sa Caloocan.

Napakalayò ng mga tagpo ngayon sa espektakulo na nagsuplíng sa Bantáyog Bonifacio. Walumpung taon na ang nakalilipas, sa pagpapasinayà ng magiging pinakadakilang pagkilala kay Andres Bonifacio, angkop ang ringal at pagkakataon ng araw na iyon para sa manghihimagsik na nagmula sa Tondong mabini’t pangmanggagawa.

Pinangunahan ng National Executive Committee for the Inauguration of the Andres Bonifacio Monument [Pambansang Komiteng Tagapagpaganap para sa Pagpapasinayà sa Bantáyog Andres Bonifacio]––na binuo noong Oktubre 23, 1933 sa bisà ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 452 ni Gobernador-Heneral Frank Murphy––ang pagdiriwang na lubog sa mga sagisag na Filipino na nagpalamuti sa bawat bahagi ng mga gawain nang araw na iyon: mula sa parada, hanggang sa pag-aalis ng tábing at pagpapasinayà sa bantáyog. Tatlong babae ang pinilì mula sa mga paaralan upang manguna sa mga pagdiriwang bilang mga kinatawan ng Luzon (mula sa Women’s College [Kolehiyong Pangkababaihan]), Visayas (mula sa Institute of Women [Linangang Pangkababaihan]), at Mindanao (mula sa Centro Escolar de Señoritas / Center for Women [Sentrong Pangkababaihan]). May walo pang babaeng tagasilbi ang tatlo, at bawat isa’y nagmula’t kumakatawan sa walong lalawigang nanguna sa himagsikan noong 1896––ang Maynila, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Nueva Ecija, at Laguna.

Pagkarating na pagkarating ni Quintin Paredes––na Tagapagsalita ng Mababang Kapulungan––sa pagpapasinayà ng bantáyog, agad na nagpauna ang tatlong babaeng kumakatawan sa tatlong pangunahing pulô ng arkipelago, kasama ang mga kasapi ng Katipunan. Noong 1933, nangangahulugan ito na tatlong dakilang lalaki ang nakabihis-Katipunero––sina Tenyente-Koronel Venancio de Jesus, Kapitan Inocencio Peralta, at Tenyente Dionisio Buensuceso. Tumayo ang anim sa palíbot ng bantáyog upang magbuo ng tatsulok. Humakbang pauna ang mga babae, na inaalalayan ng mga itinalagang kasapi ng Kongreso, upang tanggalan ng tábing ang bantáyog at ipakita sa madlang nagtípon-típon upang saksihan ang pagpaparangal na ito kay Andres Bonifacio.

Ang Bantáyog Bonifacio ay kapwa pamamaalam sa Himagsikang 1896 at panunumpa sa mga darating na salinlahi na isang araw ay maibabalik ang kalayaan. Ang mismong pagpapasinaya sa bantáyog ang rúrok ng kilusang tumagal nang kung ilang dekada, hindi lang upang alalahanin ang ama ng himagsikan, kundi upang igiit ang patuloy na paghahangad para sa isang bansang malaya ng mga Filipino.

Mahalaga sa pag-unawa sa pagkakakilanlan ng bantáyog—bilang kapwa pag-angkin sa sarili at panunumpa—ang kontekstong politikal ng panawagan para sa pagtatayô nito. Noong 1901, ipinatupad ng mga Amerikano ang Batas Sedisyón (Batas Blg. 292) na nagbabawal sa mga Filipino na magsúlong ng alinman sa kalayaan o paghiwalay sa Estados Unidos. Bago pa man pinahintulutan ang halalan para sa Mababang Kapulungang binubuo lang ng mga Filipino––ang Philippine Assembly [Kapulungang Filipino] na nakatakdang magsimula noong Oktubre 16, 1907––napuna ng mga Amerikano na lantarang inilaladlad ang watawat ng Pilipinas sa kampanya para sa mga kinatawan; isa sa mga pagtitipon-tipong iyon ang ginanap sa Caloocan, na hitik pa sa mga alaala ng 1896.

Naglabas ang mga samahang Amerikano na nabahalà rito ng kapasiyahang nagbabawal sa watawat ng Pilipinas noong Agosto 23, 1907—sa buwang matingkad sa alaala ng mga Filipino. Kaya’t isa sa mga hulíng batas ng Philippine Commission [Komisyóng Filipino] na pinangingibabawan ng mga Amerikano ang pagbabawal noong Setyembre 6, 1907 sa watawat ng Pilipinas, gayundin sa awit, at sa mga sagisag ng Katipunan at ng Unang Republika.

Bagaman nahahadlangan ng sangkaterbang batas, ipinagpatuloy ng mga Filipino ang pagsusúlong sa kalayaan. Isa ito sa mga unang pagtatangka na nakatuon sa mga pagkilos na mapanagisag upang igiit na hindi lumamlam ang mga hinahangad para sa pagkabansa. Nagsulong ng mga batas ang mga kinatawan, sa loob at labas ng bansa, upang matiyak ang pangako ng kalayaan, samantalang binabawì ang mga sagisag ng pagkabansa. Kaya’t sunod-sunod ang mga batas na ipinása ng mga kasapi ng mababang kapulungan upang gawing legal ang watawat ng Pilipinas; ang iba’y pinamunuan ng kilalang beterano ng Katipunan, si Guillermo Masangkay, na sinadyang maglunsad ng fórum ng mga kinatawan na láyong maghain ng panukalàng magtatayo ng bantáyog sa alaala ni Bonifacio.

Noong 1911, isang bantáyog ang itinayo sa Caloocan (bagaman inilipat na ito sa harapan ng Bulwagang Vinzons sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman) sa pangunguna ng ilang pribadong indibidwal, at hindi bilang panggunita na sinang-ayunan at binigyang-pondo ng pamahalaan. (Tinawag itong “El Grito del Revolucion,” na nagtatampok ng isang karaniwang Katipunero na ang larawan ay naitatak na sa ating kulturang popular bilang ang mismong Supremo.) Makalipas ang isang taon, noong 1912, saka pa lang pinasinayaan ang Bantáyog Rizal. Noon nabáling ang tanong sa kung sino ang kasunod na pararangalan ng ikalawang bantáyog na pambansa na iaalay sa isang Filipino.

Naging si Bonifacio iyon, at isinulong nang mapamaraan ang mga pagsusumikap para rito. Noong Pebrero 5, 1915, pinagtibay ng Philippine Assembly [Kapulungang Filipino] ang Batas Blg. 2494 na naglalaan ng pondo para sa mga gawaing-pambayan at mga bantáyog. Noong Agosto 29, 1916, pinagtibay ng Kongreso ng Estados Unidos ang Batas Jones––na tumiyak na usapin na lamang ng kung kailan ang paglaya ng Pilipinas, at pinalitan din nito ang Philippine Commission [Komisyóng Filipino] ng senadong binubuo ng mga Filipino, na pinasinayaan nang Oktubre noong taóng iyon. Payapa na ang baybay-dagat. Noong Pebrero 23, 1918, pinagtibay ang Batas Blg. 2760, na nagpapahintulot sa pagtatayo ng panggunita kay Bonifacio, gayundin ang pagbubuo ng pambansang lupon upang pangasiwaan ito. Makalipas ang isa’t kalahating taon, naging legal na sa wakas ang watawat at awit ng Pilipinas.

Lilipas ang isang dekada ng tunggaliang mabalásik sa pagitan ng mga politikong Filipino at ng Amerikanong Gobernador-Heneral, hanggang sa iluklok ni Gng. Aurora Quezon—ang 5 maybahay ng Filipinong may pinakamataas na katungkulan sa pamahalaan nang panahong iyon, ang Tagapangulo ng Senado na si Manuel L. Quezon––ang panulukang-bato ng bantáyog, sa pagdiriwang ng ika-66 na taón ng pagsilang ni Bonifacio noong 1929, sa ganap na ika-5:45 n.h.

Naglunsad naman ng patimpalak sa pagdidisenyo at pagtatayo ng bantáyog ang pambansang lupon para sa pagtatayo ng bantáyog. Labintatlong alagad ng sining ang lumahok at nagpása ng kani-kanilang lahók gamit ang mga sagisag, at tatlo sa pinakakilalang alagad ng sining nang panahong iyon ang tinipon upang magsilbing hurado: ang arkitektong si Andres Luna de San Pedro (anak ni Juan Luna, at arkitektong panlungsod ng Maynila) bilang Tagapangulo, kasama ang kapwa-arkitektong si Tomas Mapua (tagapagtatag ng Mapua Institute of Technology [Linangang Mapua sa Teknolohiya]) at ang eskultor na si Vicente Francisco. Noong Hulyo 15, 1930, nakatanggap na ng labintatlong lahok, at agad na pinili ang pitóng pinakamahuhusay noong Hulyo 27. Makalipas ang dalawang araw, pagkatapos ng ibayong pagpapasya ng lupon, nakapili na sila ng mga nagwagi.

Nagkamit ng pangalawang gantimpala ang “Pugad Lawin,” na napag-alamang lahok na pinagtuwangan ng arkitektong si Juan Nakpil (anak ng ikalawang maybahay ni Bonifacio, si Gregoria de Jesus, sa ikalawang asawa nitong si Julio Nakpil) at ng eskultor na si Ambrosio Garcia. Nagkamit ng premyong P2,000 sina Nakpil at Garcia; kinilala ng lupon ang disenyo nila bilang pinakaorihinal sa paglalangkap ng mga prinsipyo ng sining na moderno. Sang-ayon sa mga talâ ng arkitekto’t mananaysay na si Paolo Alcazaren, “Isang maringal na trilón (tatlong matatáyog na haliging may masinop na ukit sa ibabaw) sang-ayon sa estilong Art Deco ang lahok na ipinása sa ilalim ng pangalang Pugad Lawin. Klasiko ang mga larawang-hugis sa pinakapundasyon nito.” [amin ang salin]

Ang “Batang Elias,” na sagisag ni Guillermo Tolentino, ang nagwaging lahok na nakatanggap ng premyong P3,000. Sang-ayon pa rin sa mga talâ ni Alcarazen, si Tolentino noon ay “kilala nang eskultor, na ilang taon pa lang nakababalik mula sa nag-ibayong pag-aaral ng eskultura sa Washington, D.C., at sa Roma. Kinilala ng lupon na nagtataglay ang disenyo ni Tolentino ng lahat ng kahingiang pansining at pang-eskultura––isang pagkilalang katumbas ng kadakilaan ng lalaking pinag-aalayan ng karangalan ng bantayog.

Sapagkat mayroon nang disenyo, naglaan ng halagang P97,000 (katumbas ng halos P29,906,056.27 sa kasalukuyan) para sa pagtatayo ng bantáyog, sa bisà ng Batas Blg. 3602 na pinagtibay noong Disyembre 2, 1929. Noong Agosto 30, 1930, ipinabatid na ng lupon ang resulta ng patimpalak na pampubliko, sang-ayon sa itinakda ng Batas Blg. 3602. Nagmula sa mga kusang-loob na ambag (halimbawa’y nagkaloob ng P10,000 si Guillermo Masangkay) ang karagdagang P26,041.76 (halos P8,028,931.51 sa kasalukuyan). Kaya’t may kabuuang P125,000 (katumbas ng halos P38,538,732.39 sa kasalukuyan) si Guillermo Tolentino upang itayo ang bantáyog, at upang isakatupáran ang kaniyang pangitain para sa isang mapangahas, bago, at panghabambuhay na pagdakila kay Andres Bonifacio.

Monument Expanded View
click image to enlarge view
Acknowlegement thanking Caloocan City Government

“Ang Bantáyog Bonifacio,” sang-ayon kay Alcarazen, “ay nilayong itayo sa lunán nito upang alalahanin ang ningas na makasaysayang nag-apoy roon at naghatid sa mga pangyayaring rurok ng 1898.” Isa pa’y pinakamainam na pantapat ang lunán sa bantáyog ni Rizal sa Luneta: ang dalawang pangunahing nilalang ng paglayà ng Pilipinas mula sa España ang siyang sasaklaw sa Maynila—ang pambansâng manunulat ang nasa Timog sa baybay-dagat, at ang ama ng Himagsíkang Filipino ang nasa Hilaga––na hindi naiiba sa mga tánod.

Dáting bahagi ng Tondo ang Caloocan, hanggang sa naging munisipyo ito noong 1815. Bumilis ang pag-unlad nito nang matapos ang tren na nagbibiyaheng Maynila hanggang Dagupan noong 1892. Doon pinangunahan ni Andres Bonifacio noong Agosto 23, 1896 ang bantóg na sigaw na naghatid ng mensaheng malinaw na paglaban sa pamumunong Español. Matapos ang ilang taón, nasa gitna ng lában ang Caloocan; una’y lában sa mga Español, at pagkatapos ay laban sa mga Amerikano. Sa pagpapalit ng siglo, kinatha ng lagím ng digmaan ang pagtanggap na bantulot, at napasailalim ang Caloocan sa impluwensiya ng mga bagong mananakop. […] Unti-unti nang nalalamnan ang Maynila, at dahan-dahan ding nagkakahugis ang ilang bahagi ng plano ni Daniel Burnham para sa lungsod. Isa sa mga pangunahing lansangan na palabas ng lungsod ang Abenida Rizal. Ang ekstensiyon ng abenida ay nakaugnay sa háywey patungong hilaga (na kilala ngayon bilang MacArthur Highway). Nabuo ang sabáng dahil sa dalawang daan na ito, gayundin ang kalsadang sumasalikop na nakilala bilang Route 54 [Daang 54] o ngayo’y EDSA. Nagkaroon ng rotonda dahil sabáng na ito, at siyang pinakaangkop na lunan para sa bantáyog––isang pagbati sa pagpasok sa lungsod, at pagkakataon din upang alalahanin ang mga bayani at mga pangyayaring naganap sa Caloocan. [amin ang salin]

Isa lang ang katwiran sa pagpili ng lunan para sa bantáyog sa maraming detalyeng lilinangin upang sapulin ang salaysay ng Himagsíkang Filipino––at ang mismong kuwento ng pakikibaka ng Pilipinas para sa kalayaan. Mula sa pagpaplano hanggang sa pagpapasinayà, aangkinin ng Bantáyog Bonifacio—isang obelískong nagtataglay ng 23 pigurang hinulma sa tansô, sa ibabaw ng pundasyong may walong gilid at may araw na may walong sínag; may 45 talampakang pilón na nagtataglay ng pigúrang may bagwis ng Tagumpay; sumasaklaw sa lawak na 200 metro kuwadrado sa panahon ng pagpapasinayà rito––ang sagisag na tiyak, at bawat elemento ay sang-ayon sa napangarap ni Tolentino na naghahatid ng kahulugan. Inilarawan ng mga talâ ng eskultor ang disenyo sa ganitong paraan: “Ang 45 talampakang pilón na tinutungtungan ng pigúrang may bagwis ng Tagumpay ang pangunahing bahagi ng bantáyog. Sa pundasyon nito, sa estrukturang tila entablado, naroon ang mga pigurang kumakatawan sa iba’t ibang ipinaglaban ng Himagsíkan. Ang pilón o obelísko ay binubuô ng limang bahaging tumutumbas sa limang aspekto ng samahang Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan. May walong gílid ang pundasyon, at ang walo’y kumakatawan sa unang walong lalawigan na nag-alsa laban sa España, na kinakatawan din bilang walong sinag sa watawat ng Katipunan. May tatlong baitang bago ang pundasyon––at ang bawat baitang ay kumakatawan naman sa bawat siglo ng pamumunong Español.” [amin ang sálin]

Mahalagang pagmunian na salungat sa kulong na ideolohiya ng nagdaang kalahating siglo, nakikitang may málay kay Rizal ang bantáyog at ang mga sagisag nito, sang-ayon sa mismong mga nagtayô ng bantáyog ng pinilì ng salinlahi ng mga Filipino na sadyang nabuhay sa nakabibinging panahon ng Kilusang Propaganda, ng Himagsíkang 1896, ng Unang Republika, ng Digmaang Filipino-Amerikano, at ang panawagang mapayapa upang bawiin ang ating kalayaan.

Isang pagkilala sa paghahambing ni Rizal ng ugaling Filipino sa tubig ang mismong sanaw na nakapalibot sa panggitnang obelísko; ang tubig bílang sanhi ng búhay, nagbabagong-anyo, nagpupuyos kapag hinamak, isang “batayáng lakás,” na isa sa mga motif na ginamit niya sa kaniyang El Filibusterismo: “Napakabanáyad ng tubíg na iyan at maiinom, subálit nilulúnod ang alak at serbesa at pinapatay ang apoy, at kapag nainitan ay nagiging singaw, at kapag umálon ay dagat, na minsang nilípol ang sangkatauhan at niyanig ang daigdig mula sa pinakagulugod nito!” [amin ang sálin]

Kaya’t nagpapaalala ang mga pulo-pulong tubig ng batayáng-kalikasan ng mga Filipino; isang palagiang pagkilala sa unang walong lalawigan na nag-alsa laban sa España ang araw na may walong sinag; nakaukit sa kuwadro ang mga pigúrang tanso na kumakatawan sa lahat ng ningas na nagpaliyab sa matagal nang kinimkim na pagnanasa para sa kalayaan. Tumutukoy sa mga siglo ng pananakop ng Español ang mismong mga baitang paakyat sa bantáyog; isang pag-aalsa laban sa pananakop na banyaga ang bawat hakbang na gawin ng isang tao, kung gayon, palapít kay Bonifacio at sa lahat ng kaniyang pinanindigan.

Sang-ayon sa kasanayan ni Tolentino bílang eskultor na klasiko ang tálas ng kaniyang pananagisag, ang pagtiyák niyang sidlan ng mabigat na kahulugan at saysay ang bawat bahagi ng bantáyog. Nang panahon na iyon ay kilala na sa larangan ng mga sining si Guillermo Tolentino––na paglaon ay magiging Pambansang Alagad ng Sining sa Eskultura. Itinalaga siya bílang propesor sa School of Fine Arts [Paaralan ng mga Síning na Píno] ng Unibersidad ng Pilipinas matapos niyang magbalík mula sa Royal Academy of Fine Arts [Akademyang Panreyno ng mga Síning na Píno] sa Roma. Realismong klasiko ang estilo niyang nilinang sa Europa, at mananatilì siyang matapát na tagapagsalita ng kilusan. (Noong bandang dulo ng dekada 30, nang magkabanggaan ang estílong klasiko at modernismo, pinagkibitang-balíkat ni Tolentino ang likhang modernista bilang “pangit”––at iginiit na “kasalanang mortal ang anumang pagsira sa pintura.” Kapuna-punang pansin ito, sapagkat nangingibabaw ang estilong modernista sa nagkamít ng ikalawang gantimpala para sa disenyo ng Bantáyog Bonifacio na ipinása nina Nakpil at Garcia.

Makaiimpluwensiya sa maraming eskultor na Filipino ang estetika ni Tolentino––marami sa mga iyon ay naging mag-aaral niya sa UP School of Fine Arts [Paaralan ng mga Síning na Píno ng UP]. Isa sa mga mag-aaral na ito si Anastacio Caedo––ang pangunahin niyang tinuruan, katulong, at protogé. Magiging kanang kamay ni Tolentino si Caedo sa paglikha ng Bantáyog Bonifacio––at pamumunuan nila ang pangkat ng mga eskultor na magpapakahírap sa harding estudyo sa Malate. Tulad ng inaasahan, bunga ng pagtutulungang patungo sa pagtupad sa nag-iisang bisyón ni Tolentino ang Bantáyog Bonifacio. Ginawa ni Andres Luna de San Pedro (anak ng bayaning ilustrado na si Juan Luna, at tagapangulo ng mga hurado na pumili sa disenyo ni Tolentino) ang pangunahing kólum, gayundin ang pundasyon; gawa sa granítong nagmula pa sa Alemanya ang pedestál at haligi. Ibinahagi rin ng eskultor na Italyano, si Francesco Riccardo Monti, ang kahusayan niya sa pagbubuo ng 23 pigúrang tanso (na hinulma sa Italya) at nagsisilbing tampok na bahagi ng bantáyog. (Mananatilì ang ugnayan kay Monti hanggang matapos ang digmaan sa usapin ng mga bantáyog: si Monti ang nagdisenyo ng mga anghel na nagluluksa sa ibabaw ng Bantáyog Quezon, na idinisenyo naman ni Federico Ilustre na nagsimula ng kaniyang karera bilang dibuhista ni Juan Nakpil.)

Kung estatiko at matipid ang tableau ng Bantáyog Rizal, tigíb naman ng sigla at damdamin ang naroon sa Bantáyog Bonifacio. Hinulma ang komposisyon ng bawat pigúra sang-ayon sa ganap na klasisismo, bagaman tigib ng mga damdaming maigting ng isang romantisista—at ang lahat ng iyon ay binigyang-hugis ng maingat at masinop na pagbabantay sa detalye ng isang realista. Eládong humihiyaw ng pakikidigma ang mukha ni Emilio Jacinto sa likod ni Bonifacio; nasa kabilang panig naman ng obelísko ang mga paring sina Mariano Gómez, José Apolonio Burgos, at Jacinto Zamora. Si Caedo mismo ang magiging huwaran ng isa sa mga Katipunero––iyong may kinakanlóng na patay na sanggol, at ang di-matigatig na mukha’y may pliyégong inihagis. (Si Caedo rin ang isa sa mga pinagpilian upang maging huwaran para sa UP Oblation [Pag-aalay UP], bilang katulong ni Tolentino noong ginagawa iyon.) Ibinatay naman ni Tolentino kay Gng. Angela Sison (ang maybahay ng senador, at paglaon ay Kalihim ng Tanggulan, na si Teofilo Sison) ang binibining nakadapa sa unahan ng matandang lalaking nagpupuyós. Habambuhay na aalalahanin bilang Katipunurong nagpúnit ng sedula ang papel ni Guillermo Masangkay sa himagsíkan, at sa pagkilala ng bantáyog na ito sa pinagpangalanan nito.

Hindi halos makita, maliban kung nasa isang tiyak na layo, ang pigúrang may bagwís ng Tagumpay na nasa tayog na 45 talampakan at nakaluklok sa toreng graníto bilang kaniyang pedestál. Isinunod ito sa Winged Victory of Samothrace [Tagumpay na may Bagwís ng Samothrace], at ang pagwawaging kinikilala nito’y nagbibigay-diin sa halaga ng mga hamon at pakikibáka at paghihimagsik na nagluluklok sa kaniya. Na nakatanaw ang bathalúman ng Tagumpay sa mga siglo ng pagkasakop––sa bawat inang nagkanlong ng napaslang na anak, sa bawat manggagawang buong tapang na nagpílas ng patunay ng pag-aangkin sa kaniya ng España, at sa bawat batang lalaki mula sa Tondo na nangahas na magbuo ng bansa. Nagtagumpay tayo.

Walang ibang mas mainam na nagpapahayag nitong pag-angkin ng Bantáyog at ng Bayani para sa isang bansa na minsan pang nasa bungad ng paglaya maliban sa panandang nasa paanan ng rebulto ni Bonifacio: hinulma ng kaparehong tanso na walang-máliw, bagaman gamit ang iba’t ibang kodigo ng Katipunan, at may mga panawagang wala sa Ingles o Español, kundi nasa Tagalog na iniumang ni Bonifacio nang may kapangyarihan ng isang sandatang tulad ng bólo, riple’t baril ng mga Katipunero.Sadyang isa itong matandang kasulatan––isang pagpapahayag na hindi magmamáliw, at hindi mauunawaan malíban ng mga talagang kinakausap ng mga salita: ang mga Filipino. Kapag inunawa’y makikitang ito ang pahayag ni Bonifacio noong Agosto 28, dalawang araw bago niya pinamunuan ang paglusob sa San Juan del Monte na siya ring unang totoong labanan ng Himagsikang Filipino:

Mga maginoong namiminuno, kasapi at mga kapatid: Sa inyong lahat ipinatutungkol ang pahayag na ito. Totoong kinakailangan na sa lalong madaling panahon ay putulin natin ang walang pangalang pang-lulupig na ginagawa sa mga anak ng bayan, na ngayo’y nagtitiis ng mabibigat na parusa at pahirap sa mga bilangguan. Na sa dahilang ito’y mangyaring ipa-tanto ninyo sa lahat ng mga kapatid na sa araw ng sabado, ika-29 ng kasalukuyan, ay puputok ang panghihimagsik na pinagkasunduan natin, kaya’t kinakailangang sabaysabay na kumilos ang mga bayanbayan at sabaysabay na salakayin ang maynila. Ang sino pa mang humadlang sa banal na adhikang ito ng bayan ay ipalalagay na taksil at kalaban maliban na nga lamang kung may sakit na dinaramdam o ang katawa’y may sama at sila’y paguusigin alinsunod sa palatuntunang ating pinaiiral. — Bundok ng Kalaayan, ika-28 ng Agosto ng 1896, May Pagasa. :

[English translation by Teodoro A. Agoncillo and S.V. Epistola:]

Bonifacio's Proclamation of August 28, 1896: This manifesto is for all of you: It is absolutely necessary for us to stop at the earliest possible time the nameless oppressions being perpetrated on the sons of the country who are now suffering the brutal punishment and tortures in jails, and because of this please let all the brethren know that on Saturday, the 29th of the current month, the revolution shall commence according to our agreement. For this purpose it is necessary for all towns to rise simultaneously and attack Manila at the same time. Anybody who obstructs this sacred ideal of the people will be considered a traitor and an enemy, except if he is ill or is not physically fit, in which case he shall be tried according to the regulations we have put in force. — Mount of Liberty, 28th August 1896, Andres Bonifacio.

Sa salita man o sa gawa, ang lahat ng ito’y nakakápit kay Andres Bonifacio––sa gitna ng ligálig ng mga tableau na itong naglalahad ng pakikipaglabang kalunos-lunos para sa kalayaan ng Pilipinas, nakatindig nang tuwid at payapa si Bonifacio, at nakatuon ang tingin sa Matandang Maynila. Nagtataglay ng mga kahulugang klasiko ang Bonifacio ni Tolentino, na halos hubad sa damdamin––panatag, mapanukat, at matatag na pinuno sa gitna ng labanan. Hindi siya bingi sa mga lagim at pagpupuyos sa paligid niya, at sa halip ay humuhugot ng lakas mula sa mga ito, at sinasapo sa isang ubod ng kaloobang matiwasay. Naghain ng iba pang pagpapakahulugan si Napoleon Abueva, na mag-aaral ni Tolentino: ang dangal na payapa’t tiwala ng loob ni Bonifacio ay nagpapahayag ng diwang matatag ng mga Filipino.

Kaya’t narito sa dáting bungad ng Maynila bago ang panahon ng mga expressway, nakatayo ang mahinahong Bonifacio, nakabordadong Bárong Tagalog at panyong nakabuhol, may bolo sa isang kamay, at baril sa kabila, napagigitnaan ni Jacinto at ng dalawa pang Katipunero, at sumasagisag sa Sigaw ng Pugad Lawin. Rurok ng ibáyong pananaliksik at pagsangguni ang pagbubuo ni Tolentino kay Bonifacio––hindi lang sa mga nabubuhay pa noong kapanahon ni Bonifacio, kundi maging sa okultismo, sa pamamagitan ng mga espiritista; iniayon ni Tolentino ang estruktura ng buto ng pigúra sa nabubuhay pa noong nakababatang kapatid ni Bonifacio na si Espiridiona. Ang banal na estetikong klasiko-realista ni Tolentino ang nagbigay sa atin ng Bonifacio na kaiba sa mapusok na maginoo-ng-pagkilos na nananahan sa ating pinagsasalúhang kamalayan—at magkagayon man ay nananatili itong mainam na pagtantiya sa lalaking kakaunti ang makapagbibigay-saysay nang ganap.

Malaki ang sinasabi ukol sa KKK bilang Samahang Lihim ng mga pagsusumíkap ni Tolentino na ilarawan si Bonifacio sa paraang katanggap-tanggap sa mga kapanahon nitong unti-unti nang namamaalam, samantalang mag-uukit din ng larawan ng Suprema sa hinaharap, sa habampanahon. Kaiba ang KKK sa sumunod ditong Unang Republika na nagawang gawing imortal sa lahat ng panahon ang katangian ng mga tagapagpauna nito, sa bisa ng mga larawang may tikas at tindig––tulad ng sa mga Propagandista. Malaki ang ibinubunyag, noon hanggang ngayon, ukol sa pangangahas at tagumpay ng Supremo sa pagtatatag ng samahan, nito mismong kawalan ng sapat na mga datos ukol sa kaniya––sa kabila ng kahandaan ni Tolentino na tukuyin ang mga tiyak na dokumento at testimonyang tinipon niya mismo. Gayundin ang kung gaano kalawak ang saklaw––lalo pa’t kay bilis na naganap ng lahat ng ligálig na bunsód ng himagsikan––nitong kadahupán sa mga dokumento, nakasulat man o basta’t makikita, ukol man sa mga pinuno o tagasunod na kapwa lumaban at nalúpig.

Binábakás ng mga talambuhay ang 33 taon ng lalaking nagtatag ng Katipunan sa ganito katapat, kaikli’t kasiksik na paraan: Isang lalaking nagmula sa karaniwang uri na naghangad ng higit pa sa buhay, bagaman siya’y nasa isang lipunan na mahigpit at nagtatawa sa mga ganoon kapangahas na pangarap. (Paano natin malilimot ang pag-ayaw sa kaniya ng pamilya ng ikalawa niyang asawa, o ang matinding di-pagsang-ayon ng bayaw niya sa himagsikan?) Susuysuyín ang kuwento niya ng mga detalyeng telegrápikó: si Bonifacio bilang ang manggagawang masikap na naghangad na mapataas ang antas ng pamumuhay; nagsumikap siyang matuto, nang ninanasang maging palaisip na dakila, at magkaroon ng diwang ilustrado––kaya’t nalaman pa nating kusa niyang binasa ang mga dakilang nobelang Pranses; naging tagahanga ni Rizal; at siya mismo’y aakda ng mga manipestong mapangganyak at mga tulang makabayan na nanggigising. Ang mahalaga, sabi nila, hindi nagtapas sa sarili niya ang kaniyang mga pangarap. Itinatag niya’t pinamunuan ang Katipunan––ang samahang lihim na ang tanging layunin ay pabagsakin ang tatlong siglo ng pananakop ng España––bunga ng pagkadismaya sa umiiral na katayuan––ang tila kawalang-patutunguhan ng basta maghangad ng higit pa sa ilalim ng pamumunong Español, kasabay ng paggigiit nito sa paghahati ng mga uring panlipunan at pangingibabaw ng lahing banyaga.

Sang-ayon kay Bonifacio, ang Katipunan ang kinakailangan nang matindí ng ating bayan; sapagkat ang Katipunan ay pagkilos. Higit pa ito sa mga paggising sa kawalang-kasiyahan, higit pa sa basta pag-ungot; higit pa ito sa basta pagtugon sa panawagan, higit pa sa pag-aalay ng buhay at kasu-kasuan para sa mga ipinaglalaban. Ang Katipunan ay ang pananagot na ganap ng buong sarili sa ipinaglalaban. Para kay Bonifacio, ang Katipunan ang kikilos para sa pagpapalaya sa mga tao, may pagmamalaking babawi sa talagang sa atin, at––malay man siya o hindi bilang tagapagtatag nito––ang humahakbang patungo sa pagbubuo ng bansa na nakapagsasarili sa isip, sa salita, at sa gawa.

Iniisa-isa ng ating mga aklat pangkasaysayan ang mga ginawa’t pagkílos ni Bonifacio–– tulad din ng hindi mabilang na mga panandang historiko, ng mga bantayog na nakakanlong sa pinakapuso ng mga bayán-bayán, at ng mga postkard na kinakailangang ilagay ng bawat mag-aaral sa mababang paaralan sa kanilang iskrapbuk ng kasaysayan ng Pilipinas. Pinamunuan niya ang pagpílas sa sedulang sagrado––ang piraso ng papel na nagpapatunay ng pagkasakop ng isang tao sa España––siya bilang Pangulo ng Kataas-taasang Sanggunian na nanguna sa nag-aalsang madla sa noo’y masúkal pang Caloocan (na ang larawan ay habambuhay nating masisilip sa testimonya ni Guillermo Masangkay). At mayroon din tayong Bonifacio na hawak at nakataas ang bólo at namumuno sa pagsalakay. Ano pa nga bang mas darakilà sa himagsikang ang tanging armas ay mga sandatang mapupurol? Narito rin si Bonifacio na naipinta nang matingkad sa gunitang pambansa: ang pantalong pula ng Katipunan na kumikinang sa mga pakikipaglaban kung gabi, at ang mukhang indio na hinahamak ng mga mananakop na habambuhay nang mananatiling sumisigaw para sa kalayaan. Matagumpay na ginawang imortal ng ating alaalang kolektibo ang batang ito na nagmula sa Tondo: ang dakilang Bonifacio, ang nagpupuyos na Bonifacio, ang lumalabang Bonifacio. Si Bonifacio, ang laging nagdarangal bilang “Pangulo ng Haring-Bayang Katagalugan,” maging sa kaniyang mga huling sandali, sa pagpapatalsik sa kaniya sa kapangyarihan, at pandurustâ ng sarili niya mismong kababayan.

Niláyong yakapin ng Bantáyog Bonifacio ang lahat ng iyon––at mahalagang sabihin na itinayo ito bilang isang pagkilala ng kawalang-sala, isang pagbabalik-dangal, samantalang layon nitong maging lunán na simbolikong himlayan ng Supremo––na ang talagang mga labî ay nawaglit na sa kasaysayan. Kaya’t tinutupad din nito ang gampánin ng isang tiyak na panggunita, ang simbolikong huling hantúngan ng isang tao na ang mga buto’y hindi na naisalba para sa hinaharap.

Nilaláyon ng mga bantáyog na sapulin ang isang kadakilaan sapagkat hinubog nga ang mga ito upang manatiling nakatayo kahit sa paglipas ng panahon, maging sa pagbabago ng pangalan sang-ayon sa mga nauuso sa pagsasakasaysayan, at sa layaw ng mga sikat at napapanahon. Mula noong dulo ng dekada 90, pinipinturahan ng pamahalaan ng Lungsod Caloocan ang araw na may walong sinag ng dilaw na malamlam, at kayumangging pula naman para sa pundasyong may walong gilid na nakapalibot dito upang magmukhang ladrílyo. Pinagmumukha lalong pambansa ng mga kulay na ito ang graníto’t tansong nakahimlay sa puso nito. May ilan nang pagtatangkang baguhin ang sukat o galawin at ilipat ang bantáyog––sa Fort Bonifacio [Kútang Bonifacio], sa Luneta, malapit sa sariling panggunita kay Rizal (kung saan hinangad ni Aguinaldo na itayo ang sarili niyang bantayog sa mga huling taon ng kaniyang buhay), sa hilagang distrito ng Caloocan. Hindi pinagbigyan ang mga mungkahing ito––upang mapanatili ang halagang pangkasaysayan nito, ng sining na pambansa, ng kabuuan ng estetiko’t bisyong pambansa ni Tolentino––itong tinatawag ng mananaysay na si Simon Schama bilang “tanáwin at alaala.”

Panggunita ito ni Guillermo Tolentino––mayaman sa pananagísag na nagtataglay mahalagang lakas, mga damdamin, at mga pagkawala––at hindi ng maling bigat––na siyang mga pananda ng mahabang daan patungo sa kalayaan ng Pilipinas. Matatag at masikhay rin nitong kinakatawan ang mga mamamayang Filipino at ang kanilang mga pag-asa at mga pangarap at mga pagdurusa at ang mga bumubuo sa kanila––na maaaring siyang naglingkod ng pinakamainam sa mga pamana ni Bonifacio. Nakatayo ito sa pinakapuso ng Caloocan ngayon, walumpung taon mula nang pasinayaan ito, at naliligid ng mga establisyementong hubad sa sining na nagpapahayag ng komersiyalismong pansamantala, ng mga nagdaraang tinitingnan bilang basta tanáwin lamang ang tanso’t granítong oda’t katibayan ng diwang Filipino. Subalit mananatilì ito, ang pigúrang may bagwís ng Tagumpay ay palagiang tititig mula sa kaniyang pedestal nang tinitiyak ang ipinaglaban nating kalayaan samantalang nakakubabaw siya sa walong lalawigan na unang kinilala sa watawat ng Katipunan at inalala sa ating pambansang watawat na isinilang sa himagsikang ipinagpatuloy noong 1898. At titindig si Bonifacio nang nagdarangal at lumalaban sa mundong ayaw manatili, bilang paalala na ang rubdob ay kinakailangang isupling ng katwiran, at ang pagkilos ay kinakailangang may layuning morál sa pinakapuso nito. Ito ang pinakabukal ng kakayahang makamit ang masaya, mapagbuo, at nakapagsasariling buhay ng isang tao, at ng lahat ng mga mamamayan.

×
×

BENIGNO S. AQUINO III
President of the Philippines

RAMON A. CARANDANG
Secretary of Presidential Communications Development and Strategic Planning

MANUEL L. QUEZON III
Undersecretary of Presidential Communications Development and Strategic Planning

PUBLICATIONS DIVISION
Andres Bonifacio Sesquicentennial

MANUEL L. QUEZON III
Editor in Chief

JEAN LAURENE ARBOLEDA
DERRICK MACUTAY Project Managers

MICHAEL MENDOZA
Creative Director

JONATHAN CUEVAS
Technical Director

SASHA MARTINEZ
Writer

SANDI GHANNAM
Photographer

RANDY PALLONES
JOHN MARK PEROCHO
Layout and Design

MARK BLANCO
ROMMIN DIAZ
YSA LLUISMA
Researchers

JOI MARIE INDIAS
MARK PHILIPPE LEGASPI
RACHEL MOISES
CAMILLE DEL ROSARIO
CHERIE LYNN TAN
Graphic Designers

×