Read in English

Briefer-on-State-of-Calamity - IN PAGE

I. Pakahulugan at Kasaysayan

Ang Pilipinas ay mayroong Republic Act 10121 na pinamagatang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010”. Sa ikatlong seksiyon ng nasabing batas, inilarawan ang State of Calamity bilang isang kalunos-lunos na kondisyon ng bansa dulot ng isang pangyayaring gawa ng kalikasan (mga bagyo, lindol, atbp.) o ‘di kaya’y gawa ng tao tulad ng pakikidigma. Idinedeklara ang State of Calamity batay rin sa dami ng mga taong namatay o napinsala ng sakuna, tindi ng pagkawasak ng mga ari-arian at imprastruktura, pagkakatigil ng mga negosyo at kabuhayan, at sa kawalan ng kakahayan ng mamamayang mamuhay nang normal.

Bago ang taong 2013, idineklara ang State of National Calamity noong ika-7 ng Disyembre, 2012 sa bisa ng Proclamation No. 522 na nilagdaan ni Pangulong Benigno S. Aquino III. Ang deklarasyong ito ay nag-ugat sa mga pinsalang idinulot ng bagyong Pablo sa Compostela Valley, Davao Oriental, at Davao del Norte sa Rehiyon XI; Surigao del Sur sa Rehiyon ng Caraga; Lanao del Norte, Misamis Oriental, at lungsod ng Cagayan de Oro sa Rehiyon X; Siquijor sa Rehiyon VII; at Palawan sa Rehiyon IV-B.

Sa paghagupit ng bagyong Sendong noong 2011, idineklara ang State of National Calamity noong ika-20 ng Disyembre sa bisa ng Proclamation No. 303 na nilagdaan ni Pangulong Aquino III. Ang mga labis na naapektuhan ng bagyo ay ang mga sumusunod na rehiyon: rehiyon VII, IX, X, XI, at ang Caraga.

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Arroyo, inilagay ang Pilipinas sa ilalim ng State of National Calamity sa pamamagitan ng Proclamation 1898[i] noong ika-2 ng Oktubre 2009. Ayon sa tagapagsalita ni Pangulong Arroyo, kinailangan ang deklarasyong ito upang maging madali para sa mga lokal na pamahalaan ang paggamit sa kani-kanilang calamity fund at upang magkaroon sila ng kontrol sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Hindi lamang sa pambansang pamahalaan nakasalalay ang kakayahang magdeklara ng State of Calamity. Maging ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring maghayag na ang kanilang sinasakupan ay napasasailalim ng State of Calamity. Halimbawa na lamang, noong ika-18 ng Disyembre 2011 ay nagdeklara ng lokal na pamahalaan ng Negros Oriental na ang Lungsod ng Dumaguete at Valencia ay nasa State of Calamity dahil sa bagyong Sendong. Taong 2012, buwan ng Agosto, marami ring mga lugar sa National Capital Region at Rehiyon IV ang inilagay sa ilalim ng State of Calamity dulot ng mga pagbaha dala ng habagat.

II. Deklarasyon

Isinasaad sa RA 10121 Seksiyon 16: “Declaration of State of Calamity”, na mayroong National Council o pambansang konseho na siyang magbibigay ng rekomendasyon sa Pangulo ng Pilipinas ukol sa deklarasyon ng State of Calamity. Ayon sa pagpapayo ng konseho, ang mga sumusunod ay maaaring mapasailalim ng State of Calamity: isang grupo ng mga barangay, mga munisipalidad, lungsod, probinsiya, at mga rehiyon. Naaayon din sa konseho ang mga batayan sa pagpapawalang-bisa nito. Kung kinakailangan, nagiging patunay ang deklarasyon ng State of Calamity na ang mga lugar sa ilalim nito ay nangangailangan ng tulong at kawanggawa mula sa ibang bansa.

Sa nibel ng lokal na pamahalaan, nakasandig ang deklarasyon at ang pagpapawalang-bisa ng State of Calamity sa lokal na sanggunian. Kung ang nasyonal na pamahalaan ay may National Council, ang mga LGU ay mayroong LDRRMC (Local Disaster Risk Reduction Management Council). Ang konsehong ito ang magsisiyasat sa tindi ng mga epekto ng sakuna, gayundin ang pagsusuri sa mga pangangailangan ng nasasakupan kaugnay nito.

Labis na nakatutulong ang pagdeklara ng State of Calamity sa oras ng kalamidad sapagkat nagiging daan ito upang 1) magkaroon ng pagbabahagi ng calamity fund, 2) maipagbawal ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan[ii] , at 3) pagpapahintulot sa mga pautang na walang kakabit na interes.

Sa oras ng State of National Calamity, mananatiling epektibo ang deklarasyon hangga’t hindi ito ipinapawalang-bisa ng Pangulo.

III. Mga Epekto

Pagkontrol sa presyo ng mga pangunahing pangangailangan[iii] at bilihin[iv].

  • RA 7581, Secton 6(1): Nagiging epektibo ang price freeze para sa mga pangunahing pangangailangan sa loob ng 60 araw, maliban na lang kung ito’y iaangat bago pa man matapos ang animnapung araw. Pinahihintulutan din nito ang pagpigil sa pagtaas ng presyo o ang pangkalahatang kontrol sa mga pangunahing bilihin.
  • RA 10121 Section 17(a): Binibigyan nito ng permiso ang Pangulo na magpataw ng price ceiling, hangganan ng pagtataas ng presyo, sa mga pangunahing pangangailangan at bilihin ayon sa rekomendasyon ng mga ahensya. Ang mga batayan para sa imposisyong ito ay ang RA No. 7581, ang Price Act, o ang National Price Coordinating Council.
  • RA 10121 Section 17(b): Sa bahaging ito, isinasaad na ang Local Price Coordination Council ay may awtoridad na bantayan, pigilan, at kontrolin ang hindi makatarungang pagtaas ng mga presyo. Sakop din ng kanilang awtoridad ang pagpigil sa mga mamimiling labis ang pagbili/paghakot ng mga pangunahing pangangailangan, gamot, at mga produktong langis.

Pag-apruba sa mga Pautang na Walang Interes

  • RA 10121 Section 17 (d): Iginagawad ang mga pautang na walang interes para sa mga pinakanaapektuhang biktima ng sakuna sa pamamagitan ng mga kooperatiba o people’s organization. Ang pondo para rito ay maaaring manggaling sa pamahalaan o sa iba pang mga institusyong nagpapahiram ng salapi.

I-click ang link na ito upang malaman kung paano mag-aplay para sa Calamity Loan.

Pamamahagi ng mga Calamity Fund

  • RA 10121 Section 17(c): Pinapayagan nito ang pagsasaayos/muling pagsasaayos ng mga pondo para sa pagkukumpuni ng mga pampublikong imprastruktura at pasilidad.
  • RA 7160: Sa mga lugar na idineklarang nasa State of Calamity, nagkakaroon ng awtomatikong pamamahagi ng pondo para sa mga hindi inaasahang paggastos na dulot ng sakuna.
  •  RA 7160: Maaaring magpatupad ng supplemental budget ang mga lokal na pamahalaan para sa mga kagamitan o serbisyong makatutulong sa pag-iwas sa peligro, pagkamatay ng mga kasapi ng komunidad, o pagkawasak ng mga ari-arian.
    • Section 321: Maaari ding maaprubahan ang supplemental budget sa oras ng kalamidad sa pamamagitan ng budgetary realignment upang makapaglaan ng pondo para sa pagbili ng mga kagamitan o serbisyong agad na kakailanganin sa pag-iwas sa peligro, pagkamatay ng mga kasapi ng komunidad, o pagkawasak ng mga ari-arian. Epektibo ito sa hurisdiksiyon ng LGU o sa mga lugar na saklaw ng State of Calamity ayon sa deklarasyon ng Pangulo.
    • Section 324(d): 5% ng tinatayang kita ng pamahalaan mula sa mga regular nitong mga gawain ang ilalaan sa taunang pagbayad (lump sum) para sa mga hindi inaasahang gastusin dulot ng kalamidad—sa kondisyong ang pondong ilalaan ay gagamitin lamang sa lugar o bahagi nitong saklaw ng deklarasyon ng State of Calamity.

Pag-aangkat at donasyon mula sa ibang bansa

  • RA 10121 Section 18 (a): Pinahihintulutan ang pag-aangkat at pagtanggap ng donasyong pagkain, damit, gamot, at kagamitang mahalaga para sa pagtugon sa sakuna ayon sa Section 105 ng Tariff and Customs Code of the Philippines. Ito rin ay ayon sa mga umiiral na probisyon ng General Appropriations Act na saklaw ang rentas internas ng bansa mula sa mga buwis at import duties (buwis mula sa pag-aangkat) ng mga nasyonal at lokal na ahensiya ng pamahalaan.
  • RA 10121 Section 18 (b): Sa konteksto ng kalamidad, ang bawat pag-aangkat ay ituturing na transaksiyon ng NDRRMC (National Disaster Risk Reduction Management). Ang mga donasyon din ay sa NDRRMC muna mapupunta, na siya namang aaprubahan ng Tanggapan ng Pangulo.

At Iba Pa

  • Pinahihintulutan ang pag-aangkat ng bigas sa ilalim ng Section 6 ng Ra 8178 (Agricultural Tariffication Act).
  • Ang bawat Public Health Worker ay makatatanggap ng hazard allowance ayon sa Section 21 ng RA 7305 (Magna Carta for Public Health Workers).
  • Gayundin, ang mga tauhan ng gobyerno sa sangay ng agham at teknolohiya ay makatatanggap ng hazard allowance batay sa Section 7-c ng RA 8439 (An Act Providing a Magna Carta for Scientists, Engineers, Researchers, and other Science and Technology Personnel in Government).

_______________________

[i] Bago pa man ito, mayroon pang dalawang pagkakataon kung kailan idineklara State of National Calamity sa bansa, ayon sa mga Proklamasyong 1898, s. 2009 at 1185, s. 2006.

[ii] Idineklara ang State of National Calamity noong Disyembre 2011 dahil sa bagyong Sendong. Ang implementasyon ay naging epektibo lamang sa mga lugar na labis na naapektuhan (mga Rehiyong VII, IX, X, XI, at Caraga) ayon sa Proc. No. 303, s. 2011

[iii] Listahan ng mga pangunahing pangangailangan batay sa RA 7581 Sec. 3(1) (Price freeze): bigas; mais; tinapay; sariwa, tinuyo, at de-latang isda at iba pang produktong yamang-dagat, sariwang baboy, baka, at manok; sariwang itlog; sariwa at pinrosesong gatas; sariwang gulay; bungang-ugat (rootcrop); kape; asukal; mantika; asin; sabong panlaba; sabong panlinis; panggatong; uling; kandila; at mga esensiyal na gamot ayon sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH).

[iv] Listahan ng mga pangunahing bilihin batay sa RA7581 Sec. 3(8) (Price watch/ceiling control): mga sariwang prutas; arina; tinuyo, pinroseso, at de-latang baboy; karne ng baka at manok; produktong dairy na hindi nabibilang sa mga pangunahing pangangailangan; noodles; sibuyas; bawang; suka; patis; toyo; sabong panligo; pataba sa lupa; pesticide; herbicide; mga pakain sa manok, baboy, at baka; papel; mga kagamitang pang-eskwela; bubong na gawa sa nipa; sawali; semento; clinker; yero; hollow block; plywood; plyboard; pako; baterya; mga kagamitang elektrikal; bombilya; alambre; at lahat ng gamot na hindi nabibilang sa mga esensiyal na gamot ayon sa Kagawaran ng Kalusugan (DOH).

 

Read in English