Read in English

Banner-National-Artist-Tagalog-01

Ano ang Pambansang Alagad ng Sining?

Ang Pambansang Alagad ng Sining ay mamamayang Pilipino na napagkalooban ng ranggo at naturang titulo bilang pagkilala sa mahahalaga niyang ambag sa pagpapaunlad ng sining at panitikang Pilipino.

Iginagawad ang ranggo at titulong Pambansang Alagad ng Sining gamit ang isang Pampanguluhang Proklamasyon (Presidential Proclamation). Kinikilala nito ang kahusayan ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan tulad ng Musika, Sayaw, Teatro, Sining-Biswal, Panitikan, Pelikula, Sining-Pamamalita, at Arkitektura.

Ano ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining?

danceAng mga naproklama bilang Pambansang Alagad ng Sining ay binibigyan ng Grand Collar na magsisilbing simbolo ng pagkakaroon ng katayuang ito. Ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay binubuo ng mga nakatanggap ng Grand Collar. Kung gayon, ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay isang ranggo, titulo, at  gantimpalang naisusuot; sinasagisag ang pinakadakilang pambansang pagkilala na iginagawad sa mga Pilipinong nagbigay ng di-matatawarang ambag sa larangan ng sining at panitikan. Magkasama itong pinangangasiwaan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Cultural Center of the Philippines (CCP), at iginagawad naman ng Pangulo ng Pilipinas, sa rekomendasyon ng dalawang institusyon.

Bilang isa sa Mga Parangal ng Pilipinas, kinakatawan nito ang pinakatugatog ng mithiin ng bansa para sa humanismo at estetikong pagpapahayag sa mga bukod-tanging gawa ng mga indibidwal na mamamayan ng bansa. Nahahawig ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining sa mga orden at medalya ng ibang mga bansa na kumikilala sa iba’t ibang ambag sa kanilang kultura gaya ng U.S. National Medal for Arts, at ng Order of Culture of Japan.

Sang-ayon sa patakaran ng National Commission for Culture and the Arts, ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay iginagawad tuwing tatlong taon.

Ang sagisag ng Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining

National Artist Tech SpecsAng sagisag ng Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay binubuo ng isang Grand Collar na nagtatampok ng mga bilugang kawil na sumisimbolo sa sining, at isang araw na may walong sinag. Nakakabit ito sa luntian at puting korona ng sampaguita. Ang pangunahing simbolo ay isang medalyong hinati sa tatlong pantay-pantay na bahagi, pula, puti, at bughaw, bilang pag-alala sa watawat ng Pilipinas; may tatlo ring K na naiiba ang pagkakaguhit – nangangahulugan ang “KKK” ng alituntunin ng CCP: “katotohanan, kabutihan, at kagandahan”, binuo ng dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, ang tagapagtatag ng CCP. Yari sa tansong tinubog sa pilak ang kuwintas.

Kailan naitatag ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining?

Naitatag ito sang-ayon sa Presidential Proclamation No. 1001, s. 1972, na lumikha ng Award and Decoration of National Artist upang “magbigay ng karampatang pagkilala at pagpupugay sa mga Pilipinong namumukod-tangi at nagbigay ng di-matatawarang ambag sa sining at panitikan ng Pilipinas.” Kasabay nito, iginawad ang gantimpala nang posthumous sa pintor na si Fernando Amorsolo, na namatay bago ang taong iyon.

Legal na batayan para sa Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining

Inatasan ng Proclamation No. 1144, s. 1973 ang CCP Board of Trustees na magsilbing National Artist Awards Committee (o Secretariat). Binigyang-diin ng Presidential Decree No. 208, s. 1973 ang mandato sa CCP na pangasiwaan ang National Artist Awards kabilang na ang mga pribilehiyo at parangal sa mga Pambansang Alagad ng Sining.

Iginawad naman ng Executive Order No. 236, s. 2003, kilala bilang Honors Code of the Philippines, ang dagdag na pagkilala sa mga Pambansang Alagad ng Sining sa pag-aangat nito sa antas ng isang Cultural Order, pang-apat sa pagkakasunod-sunod ng mga orden at medalya na bumubuo sa Mga Parangal ng Pilipinas, at kapantay ng Orden ng mga Pambansang Alagad ng Agham at ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan. Ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining ay muling pinangalanan bilang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining. Sinasalamin nito ang pagkakasundo ng mga ahensyang pangkultura ng gobyerno at ng komunidad ng mga alagad ng sining na ang pinakamataas na posibleng pandaigdigang pagkilala ay maibigay sa mga Pambansang Alagad ng Sining. Nakasaad sa Seksyon 5 ng EO 236 na maaaring maggawad ang Pangulo ng Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining “sa rekomendasyon ng Cultural Center of the Philippines (CCP) at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).”

Sinusugan ng Executive Order No. 435, s. 2005, ang Seksyon 5 (IV) ng EO 236, na nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang magpangalan ng mga Pambansang Alagad ng Sining nang walang rekomendasyon, ibinababa ang NCCA at CCP sa pagiging mga tagapayo lamang na maaaring pakinggan o hindi. Pinalawak nito ang kakayanan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na magproklama ng mga Pambansang Alagad ng Sining ayon sa kaniyang kagustuhan. Nagdulot ito ng kontrobersya noong 2009 kung saan nakialam ang Korte Suprema sa pamamagitan ng paglalabas ng status quo ante order o kautusang pinipigilan ang pagpoproklama ng mga pararangalan sa taong iyon.

Noong Mayo 2009, apat na rekomendasyon ang ipinadala ng Secretariat kay Pangulong Arroyo. Nagpalabas ng proklamasyon si Pangulong Arroyo noong Hulyo 2009 para sa tatlo, ngunit hindi kasama ang pangalan ng isang nominado, si Ramon P. Santos.

Bukod pa rito, naglabas din si Pangulong Arroyo ng apat na proklamasyon para sa apat na taong walang rekomendasyon, sina Cecile Guidote-Alvarez, Francisco T. Mañosa, Magno Jose J. Caparas, at Jose “Pitoy” Moreno. Hindi dumaan sa proseso ng masusing pagsusuri ng Secretariat ang apat na ngalang ito.

Dahil dito, karamihan sa mga nabubuhay pang pambansang alagad ng sining (Almario, Lumbera, atbp.) ay nagsulong ng petisyong kinukuwestiyon ang pang-aabuso ng Pangulong Arroyo ng kaniyang kapangyarihang igawad ang parangal sa pagpoproklama  ng mga indibidwal (Guidote-Alvarez, Caparas, Mañosa, and Moreno) bilang mga pambansang alagad ng sining na hindi naman dumaan sa masusing proseso ng pagsasala at pagpili ng NCCA at CCP.

Noong Hulyo 2013, pinawalang-bisa ng Korte Suprema, sa kasong Almario laban sa Executive Secretary (GR No. 189028, Hulyo 16, 2013), ang proklamasyon ni Pangulong Arroyo ng apat na pambansang alagad ng sining. Napagdesisyunan nitong ang Pangulo, bilang tagapaggawad ng lahat ng parangal, ay may pagpapasyang tumanggi o mag-apruba ng mga nominado. Gayunpaman, hindi saklaw ng pagpapasya ng Pangulo na baguhin ang listahan sa pagdaragdag ng mga pangalang hindi dumaan sa proseso ng NCCA-CCP. Ang pagpapasya niya ay nakapaloob lamang sa mga pangalang ibinigay ng NCCA at CCP.

Mula 2009 hanggang 2011, sa kawalan ng kahit anong resolusyon mula sa Korte Suprema, inakala ng Secretariat na hindi muna sila maaaring magproseso ng kahit anong kasunod na nominasyon. Nakatakda dapat na iproklama ang Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining tuwing tatlong taon.

Binigyang-paliwanag ang kalituhang ito noong kinonsulta ng Secretariat ang Office of the Solicitor General. Patungkol lamang ang status quo ante order ng Korte Suprema sa lupon ng mga nominado noong 2009. Kung kaya, napagpasyahan ng Secretariat na muling magpatuloy sa proseso sa payo ng Solicitor General.

Proseso ng nominasyon at paggawad ng Orden

Tagalog-National-Artist-1

edited-Tagalog-National-Artist-2

Mga Pamantayan para sa Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining

1. Mga nabubuhay na alagad ng sining na mamamayan ng Pilipinas sa oras ng kanilang nominasyon. Kabilang na rin ang mga namatay pagkatapos itatag ang parangal noong 1972 ngunit mamamayan ng Pilipinas sa oras ng kanilang pagkamatay;

2. Mga alagad ng sining na nag-ambag sa pagtataguyod ng diwa ng pagkabansa sa mga Pilipino sa pamamagitan ng nilalaman at anyo ng kanilang mga likha;

3. Mga alagad ng sining na naging tagabunsod sa isang pamamaraan ng malikhaing pagpapahayag o estilo, kung kaya umani ng pagkilala at nagdulot ng malaking impluwensya sa mga sumunod na henerasyon ng alagad ng sining;music

4. Mga alagad ng sining na nakalikha ng makahulugan at mahalagang gawa at/o walang-patid na nakapagpamalas ng kahusayan sa pagsasagawa ng kanilang larangan, kung kaya, lalong napagyayaman ang masining na pagpapahayag o estilo; at

5. Mga alagad ng sining na tumatamasa ng samu’t saring pagkilala:

  • bantog na mga pambansa at/o pandaigdigang pagkilala, tulad ng Gawad CCP Para sa Sining, CCP Thirteen Artists Award, at NCCA Alab ng Haraya;
  • matitinding mga papuri at/o mapanuring mga pag-aaral sa kanilang mga gawa;
  • pagpipitagan at mataas na pagtingin ng mga kasabayang alagad ng sining.

Ang mga magpapasa ng nominasyon para sa Pambansang Alagad ng Sining ay kailangang magbigay ng mga sumusunod:

  • Isang pabalat-liham mula sa nagnonominang organisasyon. Kailangang lakipan ang liham ng isang Board Resolution na inaaprubahan ang nominasyon hinggil sa nasabing resolusyon. Kailangang pinirmahan ito ng pangulo ng organisasyon at pinatotohanan ng Board Secretary;
  • Maingat na sinagutang nomination form;theater
  • Detalyadong curriculum vitae ng nominado;
  • Talaan ng mga mahahalagang gawa ng nominado, nakapangkat ayon sa pamantayang ibinigay;
  • Pinakabagong litrato (color o black and white) ng nominado, maaaring 5” x 7” o 8” x 11”;
  • Mga materyales na magbibigay ng masusing impormasyon hinggil sa mahahalagang gawa ng nominado (nasa mga CD, VCD, at DVD);
  • Kopya ng mga inilathalang pag-aaral tungkol sa gawa ng nominado; at
  • Iba pang dokumentong maaaring kailanganin.

Ipadala lamang ang mga ito sa sumusunod:

NATIONAL ARTIST AWARD SECRETARIAT Office of the Artistic Director Cultural Center of the Philippines Roxas Boulevard, 1300 Pasay City

NATIONAL ARTIST AWARD SECRETARIAT Office of the Deputy Executive Director National Commission for Culture and the Arts 633 General Luna Street, Intramuros, Manila

Ang kasapi ng Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining ay ginagawaran ng mga sumusunod na parangal at pribilehiyo:

1. Ranggo at titulong Pambansang Alagad ng Sining, sang-ayon sa proklamasyon ng Pangulo ng Pilipinas;

2. Sagisag na medalya ng Pambansang Alagad ng Sining at papuri sa harap ng madla;

3. Panghabambuhay na suportang-pinansyal, at materyal at pisikal na benepisyo, kapantay sa halaga ng mga natatanggap ng pinakamatataas na opisyal ng bansa tulad ng:

a. gantimpalang Sandaang Libong Piso (P100,000.00) neto ng buwis, para sa mga gagawarang nabubuhay pa;

b. gantimpalang Pitumpu’t Limang Libong Piso (P75,000.00) neto ng buwis, para sa mga gagawarang yumao na, tatanggapin ng kanilang mga legal na tagapagmana;

c. buwanang pensyon, benepisyong pangmedikal at pang-ospital;

d. life insurance para sa mga gagawaran na kuwalipikado pang bigyan ng insurance;

e. state funeral at paghihimlay sa Libingan ng mga Bayani;

f. puwestong pandangal, kahanay ng naunang mga protocol, sa mga pambansang pagtitipon, at pagkilala sa mga kultural na pagdiriwang.

____________________

Sanggunian:  National Artists of the Philippines Guidelines ng NCCA. Para sa karagdagang impormasyon sa sining at kulturang Pilipino, bisitahin lamang ang www.ncca.gov.ph

SIGIL-150x150

Lakip: Talaan ng mga Pambansang Alagad ng Sining

Ginawaran

 

Petsa ng Paggawad

 

 

Kategorya

1. Fernando Amorsolo (++) 1972 Pagpipinta
2. Francisca R. Aquino (+) 1973 Sayaw
3. Carlos V. Francisco (++) 1973 Pagpipinta
4. Amado V. Hernandez (++) 1973 Panitikan
5. Antonio J. Molina (+) 1973 Musika
6. Juan F.  Nakpil (+) 1973 Arkitektura
7. Guillermo E. Tolentino (+) 1973 Paglilok
8. Jose Garcia Villa (+) 1973 Panitikan
9. Napoleon V. Abueva 1976 Paglilok
10. Lamberto V. Avellana (+) 1976 Teatro at Pelikula
11. Leonor O. Goquingco (+) 1976 Sayaw
12. Nick Joaquin (+) 1976 Panitikan
13. Jovita Fuentes (+) 1976 Musika
14. Victorio C. Edades (+) 1976 Pagpipinta
15. Pablo S. Antonio (++) 1976 Arkitektura
16. Vicente S. Manansala (++) 1981 Pagpipinta
17. Carlos P. Romulo (+) 1982 Panitikan
18. Gerardo de Leon (++) 1982 Pelikula
19. Honorata “Atang” dela Rama (++) 1987 Teatro at Musika
20. Antonio R. Buenaventura (+) 1988 Musika
21. Lucrecia R. Urtula (+) 1988 Sayaw
22. Lucrecia R. Kasilag (+) 1989 Musika
23. Francisco Arcellana (+) 1990 Panitikan
24. Cesar Legaspi (+) 1990 Sining-Biswal
25. Leandro V. Locsin (+) 1990 Arkitektura
26. Hernando R. Ocampo (++) 1991 Sining-Biswal
27. Lucio D. San Pedro (+) 1991 Musika
28. Lino Brocka (++) 1997 Pelikula
29. Felipe D. De Leon (++) 1997 Musika
30. Wilfrido Ma. Guerrero (++) 1997 Teatro
31. Rolando S. Tinio (++) 1997 Teatro at Panitikan
32. Levi Celerio (+) 1997 Musika at Panitikan
33. N.V.M. Gonzales (++) 1997 Panitikan
34. Arturo Luz 1997 Sining-Biswal
35. Jose Maceda (+) 1997 Musika
36. Carlos Quirino (+) 1997 Panitikang Pangkasaysayan
37. J. Elizalde Navarro (++) 1999 Pagpipinta
38. Prof. Andrea Veneracion (+) 1999 Musika
39. Edith L. Tiempo (+) 1999 Panitikan
40. Daisy Avellana (+) 1999 Teatro
41. Ernani Cuenco (++) 1999 Musika
42. F. Sionil Jose 2001 Panitikan
43. Ang Kiukok (+) 2001 Sining-Biswal
44. Ishmael Bernal (++) 2001 Pelikula
45. Severino Montano (++) 2001 Teatro
46. Jose T. Joya (++) 2003 Sining-Biswal (Pagpipinta)
47. Virgilio S. Almario 2003 Panitikan
48. Alejandro Roces (+) 2003 Panitikan
49. Eddie S. Romero (+) 2003 Pelikula at Sining-Pamamalita
50. Salvador F. Bernal (+) 2003 Teatro at Disensyo
51. Ben Cabrera 2006 Sining-Biswal
52. Abdulmari Asia Imao 2006 Sining-Biswal
53. Dr. Bienvenido Lumbera 2006 Panitikan
54. Ramon Obusan  (+) 2006 Sayaw
55. Fernando Poe Jr. (++) 2006 Pelikula
56. Archt. Ildefonso Santos, Jr. (+) 2006 Arkitektura
57. Ramon Valera (++) 2006 Disenyo ng Pananamit
58. Manuel Conde* (++) 2009 Pelikula
59. Lazaro A. Francisco* (++) 2009 Panitikan
60. Federico Aguilar Alcuaz* (++) 2009 Sining-Biswal
61. Alice Reyes 2014 Sayaw
62. Francisco V. Coching (++) 2014 Sining-Biswal
63. Cirilo F. Bautista 2014 Panitikan
64. Francisco F. Feliciano (++) 2014 Musika
65. Ramon P. Santos 2014 Musika
66. Jose Maria V. Zaragoza (++) 2014 Arkitektura

Tala: (+) pumanaw na; (++) ginawaran matapos ang pagpanaw; (*) idineklarang balido ng Supreme Court GR No. 189028

___________________________________________

Read in English